Ni Benigno R. Juan
Pananghal ba kayo
o tanod sa isang simbolo
ng di paaaliping utak?..
Kay kipot ng inyong daigdig…
iilang parisukat na hakbang
sa gitna ng liwasang karnabal!
Aliw kayo sa mata ng mga musmos at turista
nguni’t bikig sa interpretasyon
ng mga tiwalag;
Xerox copy lang kayo ng mga pananghal
sa Buckingham…at ang sipi’y
walang kredibilidad ng orihinal!
Tanod kayo…
At ang tinatanuran n’yo’y gunitang may selda
sa hinugasang graba, bakal, buhangin, semento;
nguni’t ang tanong ko:
Kaya bang ipiit at saka tanuran
ang isang gunita?
Sige…may dumarating na mga paslit at dayo,
magsipadyak kayo…
idikit ang puluhan ng hungkag ninyong armas
sa iilang parisukat na hakbang na daigdig,
pahulasin ang inyong mga katawang
binalutan ng pagka-awtoridad
Pananghal kayo sa liwasang karnabal!
Subali’t tandaan ninyo:
kayo’y mga tanod ng isang gunita…
talasan ninyo ang pandama-kamalayan,
maaaring tumakas ang gunita
at sumulat ng bagong Noli at Fili!
(Kabilang ang 9 pang tula, ang tulang ito ay nagkamit ng Pangatlong Gantimpala sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature noong 1981).