Ni Edgar Calabia Samar
MATATAGPUAN sa Bantilan sa Mindanao si Fatima, ang tagapagmanang anak ni Sultan Odon na isa sa mga bayaning nagbuwis ng buhay noong panahon ng mga Hapones. Dahil sa kapangyarihang mamanahin niya, hinangad ng marami ang kanyang buhay kaya ipinagkanulo siya sa mga kaaway. Nang dumating ang mga Amerikano, kabilang si Fatima sa mga ipinalagay na kaaway ng pamahalaan dahil ibinintang sa kanya ang lahat ng kasamaang ginawa ng kanyang mga kaaway.
Nang nagsasanay si Fatima sa pagtudla, ibinalita sa kanya ni Arasad ang pagdating ng isang jeep ng mga kawal ng pamahalaan. Sa utos ni Fatima, tinambangan nila ang mga ito. Nalaman sa kampo ng mga kawal ang pananambang at ikinagalit iyon ni Koronel Domingo. Inatasan ng koronel si Tenyente Mendez para dakpin si Fatima.
Samantala ipinagtataka ni Fatima ang patuloy na pagtugis sa kanila ng pamahalaan gayong wala silang ginagawang panloloob na gaya ng nilalaman ng mga polyetong ipinapakalat ng gobyerno. Nilinaw niya sa mga kasama na kaya lang sila nasa bundok ay dahil sa paghahangad ni Datu Manlit sa buhay niya at nang maangkin ang sultanadong naiwan ni Sultan Odon. Nagpasya si Fatima na isama ang ilan sa pagpanaog sa kapatagan para makapagmatyag at nang makapagdala na rin ng salapi para sa mga dukha. Halos nagboluntaryo ang lahat na samahan si Fatima sa pagbaba. Isa si Abdul sa mga napili ng babae na sumama sa kaniya, gayundin sina Arasad, Ali, Jakirum, at Pandat. Nagdala-dalawa sila sa paglakad at itinagubilin ni Fatima ang dapat gawin sa sandaling makakita sila ng tao. May salita silang gagamiting hudyat: kuwago, alamid, at matsing.
Sa paglalakad ni Fatima kasama si Arasad, narinig nilang sumigaw sina Ali at Abdul ng matsing. Nagkaroon ng putukan at nakita nina Fatima ang isang morong tumatalilis. Isa sa mga kabig ni Datu Manlit ang namataan nilang iyon na nakatakas nang subukin nilang tugisin. Nang makaharap si Datu Manlit ang moro, ibinalita nito na sasalakay sina Fatima sa kampo. Sinabi ni Datu Manlit na sasamantalahin nila ang pagsalakay na iyon para sila ang makakuha ng mga sandata pero sina Fatima ang masukol ng mga kawal.
Sinalubong si Fatima ng kaniyang mga nasasakupan at namudmod siya ng salapi sa mga ito. Walang ano-ano’y dumating ang isang lalaking nagbalita ng pagdating mga kawal ng pamahalaan. Nagtago sina Fatima at pinagtakpan sila sa mga sundalo ng matandang tinuluyan nila. Nang makaalis ang naghahanap na kawal ay nanaog sina Fatima at ibinalita naman sa kanilang may labanang nagaganap sa kanilang daraanan. Nagtaka si Fatima kung bakit mga kabig ni Datu Manlit ang lumalabas na kalaban ng mga kawal ng pamahalaan. Sa tulong ng largabista ay nakita ni Fatima ang mukha ni Tenyente Roberto Mendez na nagtataka naman noon kung bakit walang babae sa kanilang mga nakakasagupa gayong may reputasyon si Fatima na laging nangunguna sa labanan. Isa pa, parang nakilala niya ang isa sa mga nakasagupa nila na tauhan ni Datu Manlit.
Malalaman nating nagtapos si Fatima sa Unibersidad ng Pilipinas kaya itinuturing siyang “hindi isang karaniwang babae” ni Koronel Domingo. Mahalagang mapagmunian dito ang imahinasyon ng karaniwang babae at kung ano ang mga sukatan ng imahinasyon para maigpawan iyon.
Nang magsiurong na ang mga kabig ni Datu Manlit ay bumalik na sina Tenyente Mendez sa kampo. Nakilala niya agad ang sasakyan ni Datu Manlit na nasa kampo. Bumilis ang mga hakbang ng tenyente upang malaman kung ano ang ibinabalita ni Datu Manlit kay Koronel Domingo. Narinig ni Tenyente Mendez ang pagbabalita ni Datu Manlit sa koronel tungkol sa pagkatambang sa kanila at parang ipinatatanaw na utang na loob sa kanya ang kusang pag-urong ng mga Moro. Napilitang magtanong si Tenyente Mendez kay Datu Manlit kung wala itong natatandaang tauhan nitong sumama kay Fatima. Nagkaroon ng pagkakataon ang datu na limiin ang tanong ng tenyente kaya matapos mahulo ang kahulugan ay basta na lang siya nagpaalam at nang maiwasang magkamali sa sagot.
Sinabi ni Koronel Domingo kay Tenyente Mendez na sanay mamaril si Fatima pero may nalalaman din tungkol sa taktika ng militar bilang nagtapos sa Unibersidad ng Pilipinas. Naisip naman ng tenyente na kailangan niyang subaybayan si Datu Manlit kaya sinabi niyang lalabas siya upang hanapin ang pangkat ni Fatima.
Naghahanda naman noon si Datu Manlit sa pagsalakay nila kina Fatima. Ipinagtapat ng datu sa kanyang mga tauhan ang tungkol sa hinala ni Tenyente Mendez sa kanila. Kaya upang mapagtakpan ang katotohanan ay kailangan nilang salakayin ang kuta ni Fatima.
Samantala, sa pag-uwi nina Fatima sa kanilang kuta ay nasabi niya sa kanyang mga kasama na dapat na nilang salakayin sina Datu Malit upang mabunyag na ang katotohanang ang mga ito ang tunay na kalaban ng pamahalaan. Habang palapit na sina Fatima sa burol ay nag-iibayo naman ang pananabik nina Datu Manlit na nakatambang na sa kanilang daraanan. Samantala, nakakubli na rin naman sa pook na iyon sina Tenyente Mendez ay matamang nagmamasid sa mga ikinikilos nina Datu Manlit. Walang ano-ano’y nakarinig na ng putukan sina Tenyente Mendez.
Agad nagsidapa sina Fatima at noon nila nakita ang pinagmumulan ng mga putok na alam niyang sina Datu Manlit. Pagkaraan ng ilang saglit ay nakarinig sila ng mga putok buhat sa kanilang kuta. Sa pamamaril ng kanyang mga kabig ay nagkaroon ng pagkakataong mamaril Fatima. Napatunayan ni Tenyente Mendez, na patuloy ang pagmamasid noon, ang kahusayan ni Fatima sa pamamaril. Isa sa mga tauhan ni Fatima, si Pandat, ang nagmamadaling tumayo upang tumawid sa batis at nang sana’y puntahan ang kanilang mga kabig. Pero bago pa siya napigilan ni Fatima, napaulanan na siya ng bala.
Iniutos ni Fatima na lumayo sila kina Datu Manlit upang maiwasan ang kamatayan sa punglo ng mga ito. Sa kanilang paggapang palayo ay nadama niya ang kabaitan ni Tenyente Mendez sapagkat hindi sila binaril ng mga ito. Samantala, ipinag-utos ni Datu Manlit sa isa sa kanyang mga kabig ang lihim na pagpatay kay Tenyente Mendez. Tumalima naman ang inutusang si Pinlak. Nakarating ito sa kinaroroonan ng tenyente nang hindi nito namamalayan. Iniligtas ni Fatima sa kamatayan si Tenyente Mendez nang barilin niya ang kamay ng morong sasaksak dapat sa lalaki. Hindi ipinabaril ng tenyente ang morong tumakas. Nang dumating si Pinlak kay Datu Manlit ay gayon na lamang ang pagtataka ng datu sa pagbaril ni Fatima. Nang malaman niyang hindi nila napatay si Tenyente Mendez, nagpasya siyang salakayin na ang mga sundalo ng pamahalaan.
Agad namang napansin nina Fatima ang pagsalakay nina Datu Manlit kaya inihanda niya ang kanyang mga kasama para saklolohan sina Tenyente Mendez. Napigil nina Fatima ang pananalakay ng mga kabig ni Datu Manlit. Sinamantala naman ng datu ang pagkakagulo ng mga kasama niya para isagawa ang balak niyang pagpaslang kay Pinlak para hindi na matunton ni Tenyente Mendez ang morong nagtangkang pumatay sa kanya. Pagkatapos ay iniutos ng datu sa kanyang mga kabig na magsiurong na. Bagaman nagtataka sa pag-urong nina Datu Manlit, sina Fatima man ay umalis na sa lugar na kinaroroonan nila.
Ipinag-utos naman ni Tenyente Mendez kay Sarhento Bernal ang pamumuno sa isang pangkat samantalang siya naman ang mamumuno sa pangkat nila ni Sarhento Santos. Ang pakay niya’y makapasok sila sa kuta nina Fatima.
Nakarating sina Fatima sa kanilang kuta at samantalang nagpapahinga ay nagunita niya si Tenyente Mendez. Naidalangin niyang magkita sana silang muli. Nang mga sandaling iyon ay iyon din ang iniisip ng tenyente. Dahil sa pagkainip ni Tenyente Mendez ay naglakad-lakad siya. Nakarating siya sa isang pook at mula roon ay natanaw niya ang usok na nagmumula sa kuta nina Fatima.
Samantala, nagbabalak naman si Datu Manlit ng bagong paraan para mapatay ang tenyente at nang huwag na itong makabalik sa kampo. Ibig niyang magkunwaring makikianib ang mga kabig niya sa pangkat ni Fatima. Dalawa sa kanyang mga kabig ang nagsabing hindi sila babalik hanggang hindi nila napapatay si Tenyente Mendez.
Sa kabilang dako, namasyal naman si Fatima sa labas ng kuta para mag-aliw. Sa pamamasyal niya ay nagulat siya sa narinig na kaluskos buhat sa kagubatan, si Tenyente Mendez. Ipinasya ng tenyente na lapitan si Fatima anuman ang ibunga niyon. Dahan-dahan ngang lumapit ang tenyente kay Fatima ngunit nang iilang hakbang na lamang ang layo niya sa sultana ay siyang pagkarinig nila ng mga putok. Nagkatinginan ang dalawa bago sabay na sumugod sa dakong pinagbubuhatan ng mga putok. Alam nilang mga kabig ni Datu Manlit ang sumalakay. Nakita nilang nanlalabang mabuti ang tauhan ng tenyenteng si Kabo Santos. Hindi nila napansin na natanaw sila ng tatlong morong kabig ni Datu Manlit at sinimulang ibaling ng mga ito ang pagbaril sa kanila. Gumawa ng paraan ang isa para makalapit kaya nagkaroon ito ng pagkakataong mabaril si Tenyente Mendez na nadaplisan niya sa braso.
Napatay ni Fatima ang morong nakabaril kay Tenyente Mendez. Ang natira sa tatlong moro ay nakaisip na tumakas ngunit nakita siya ni Kabo Santos. Sinikap nitong mapatay rin ang tumatakas ngunit nang malapit na niya itong masukol ay narinig niya ang tinig ni Fatima na humihingi ng tulong sa kaniya. Pinuntahan niya ang kinaroroonan ni Fatima at nadatnan niyang kandong niya ang kanyang tenyente. Pagkatapos, pinagtulungan nilang madala si Tenyente Mendez sa kuta nina Fatima. Nadama ni Kabo Santos na talagang matapat si Fatima sa pagtulong sa kanila.
Samantala, ipinasya ng nakatakas na moro na ibalita sa kanyang datu na napatay na niya si Tenyente Mendez. Subalit una niyang nakita ang kanyang ibang kasamahang naghahanap din kay Tenyente Mendez. Buong pagmamalaki niyang ibinalita sa mga ito ang pagpaslang niya umano sa tenyente. Sama-sama na dapat silang pupunta sa kuta ni Datu Manlit nang makarinig ang naghabi ng kabulaanan ng dalawang sunod na putok. Nakita niyang hawak ng kanyang kasamahang si Kasmir ang rebolber na ginamit nito sa dalawa pa nitong kasamahan. Sinabi nitong magpasalamat siya dahil kung hindi raw nito pinatay ang kanilang mga kasamahan ay siya marahil ang napatay ng mga iyon. Gayon na lamang ang pasasalamat niya, hindi alam na binabalak ding wakasan ni Kasmir ang buhay niya at nang maangkin kay Datu Manlit ang karangalan ng pagpaslang kay Tenyente Mendez. Nagtagumpay nga si Kasmir sa binabalak at pagdating niya sa kuta ni Datu Manlit, inangkin niya ang huwad na karangalan ng kasinungaling pagpaslang. Ipinahayag naman ni Datu Manlit na magkakaroon sila ng tatlong araw na pagdiriwang. Hiniling din niya kay Kasmir na patayin din si Koronel Domingo.
Ang hindi alam ni Kasmir, buhay pa pala’t natagpuan ng mga kabig ni Fatima ang morong binaril niya. Humingi ito ng tulong sa mga kabig ni Fatima at sinabi pang ipagtatapat niya ang buong katotohanan. Dinala nila ito agad sa kuta nina Fatima at ibig nito agad makipag-usap sa babae at sa gumaling na noong si Tenyente Mendez. Nanabik ang tenyente na malaman ang isisiwalat ng kabig ni Datu Manlit ngunit sinabi ni Fatima na hindi sila dapat magmadali, na mahalagang lubusan munang gumaling ang lalaki.
Samantala, pinuntahan ni Datu Manlit si Koronel Domingo sa kampo upang anyayahang dumalo sa pagdiriwang nila. Sinabi ng koronel na hindi makakasama si Tenyente Mendez dahil wala pa ito. Tuwang-tuwang ibinalita ni Datu Manlit kay Kasmir ang pagkatiyak niyang si Tenyente Mendez nga ang napatay nito at na hindi pa alam ng koronel na patay na ang tenyente. Kunwari’y dinamdam pa ni Kasmir ang parang hindi paniniwala sa kanya ng datu. Ipinaliwanag ni Datu Manlit na kinailangan niyang tiyakin na si Tenyente Mendez nga ang napatay nito mula mismo sa kampo ng mga sundalo. Ipinag-utos ng datu ang pagsalakay sa mga pinuno ng hukbo sa oras ng pagdalo ng mga iyon sa kanilang tatlong araw na pagdiriwang.
Nagawa namang ipagtapat na sa wakas ng kabig ni Datu Manlit kina Fatima at Tenyente Mendez ang lihim ng pagkakabaril dito. Binalak ni Tenyente Mendez na pabalikin si Kabo Santos sa kampo upang ibalita kay Koronel Domingo lang na buhay siya. Inisip niyang magsusuot siya ng damit-moro para tumulong kina Fatima sa pagsalakay sa pangkat nina Datu Manlit. Gayon na lamang ang kaligayahan ni Fatima sa balak na ito ng tenyente. Nagsuot na ng damit-moro si Tenyente Roberto Mendez at hinangaan siya ni Fatima. Sa kanilang pag-uusap ay nagkaroon sila ng pagkakataong maipagtapat ang saloobin sa isa’t isa. Sinabi ni Tenyente Mendez na gusto niyang makaganti ng utang na loob kay Fatima at sinabi naman ni Fatima na ang pinakadakilang hangarin niya sa buhay ay ang maibalik ang kapayapaan sa Bantilan.
Maingat namang napuntahan ni Kabo Santos si Koronel Domingo. Nakausap niya ang pinuno at naipagtapat ang lahat ng dapat ibalita rito. Nalaman ni Koronel Domingo ang lihim hinggil sa ipinalalagay na pagkamatay ni Tenyente Mendez. Dahil doon kaya nakabuo siya ng isang mabuting pasiya ukol sa kanilang pagdalo sa pagdiriwang nina Datu Manlit.
Sa kampo nina Fatima, ibinalita ng isang moro ang pananalakay ng mga kabig ni Datu Manlit sa kabayanan. Ipinasya nina Fatima na magsagawa ng ganting-salakay sa mga tauhan ni Datu Manlit. Sa kanilang pag-uusap ay nadama ni Fatima ang umuusbong na pag-ibig niya sa tenyente at na may matapat ding pagtingin sa kaniya ang lalaki. Sa paglalakad nila ay nakasalubong nila si Kabo Santos na inatasan ni Tenyente Mendez ng kailangan nitong gawin. Nang dumating sina Fatima sa kabayanang nilooban nina Datu Manlit ay wala na ang datu at mga kabig nito. Sinabi ni Tenyente Mendez na kailangan nilang salakayin ang kuta ng datu at hindi dapat matakot ang mga kapanalig ni Fatima sa mga kawal ng pamahalaan.
Samantalang naghihintay sila ng hudyat ng pagsalakay sa kuta ni Datu Manlit ay naramdaman nina Fatima at Tenyente Mendez ang lagablab ng pag-ibig nila sa isa’t isa. Pagdating ng hudyat, sinalakay nila ang kuta ni Datu Manlit at napasuko nila ang mga kabig nito. Isa sa mga kabig ang nagtapat ng lihim na lagusan na dinaanan ng datu upang tumakas. Nakipagbarilan pa si Datu Manlit at sa halip na sumuko nang maubusan ng punglo ay tumakbo ito’t nahulog sa bangin. Naniniwala si Fatima na magsisimula ang panunumbalik ng katiwasayan sa buong Bantilan.
Tatlong Pansin
⦿ Sa ikatlong labas, nang nagpasya si Fatima na bumaba sa kapatagan kasama ang lima sa kanyang mga kapanig, nagdala-dalawa sila at nang hindi sila masukol nang isahan. Nagbilin si Fatima na sisigaw ng kuwago ang nauunang pangkat, sisigaw ng matsing ang nahuhuli, at silang nasa gitna ay sisigaw naman ng alamid. Mahalagang paggamit ito ng mga hayop at ilahas bilang paraan ng komunikasyon at dibersiyon din sa kaaway. Mahalagang rekognisyon ang mga ganitong detalye sa mga posthumanistang tendensiya ng pagsipat sa mga kasalukuyang teksto nang tinitingnan ang mga hindi-lang-tao o lampas-sa-taong estratehiya ng pamumuhay ng mga tao.
⦿ Nang bumaba si Fatima para mamudmod ng salapi sa kaniyang nasasakupan, pagpapatuloy ito ng piyudal na kinalakhang pamamahala ng kaniyang ama. Dahil dito, literal na lumuluhod kay Fatima ang mga taumbayan at ipinagdadasal siya ng mga ito kay Allah upang anila’y “maakay kami sa daan ng katwiran at kapayapaan.” Mahalagang sipatin ang sikolohiyang gumagana pa rin sa ganitong pag-asa sa mga namumuno na iahon sa anumang anyo ng pagkadiwara, na siya rin namang ginagamit ng namumunong tulad ni Fatima upang laging ipaalala na inaasahan niyang “igagalang ninyo ang kapangyarihang dapat kong manahin.” Na minamana ang kapangyarihan ay isang bagay na hindi pa rin natatakasan kahit sa loob ng dapat ay demokratikong paghahalal ng mga namumuno sa bayan sa kasalukuyan. Nakikita natin ito sa hene-henerasyon ng mga pamilyang siyang nagpapasahan ng kapangyarihan.
⦿ Malalaman nating nagtapos si Fatima sa Unibersidad ng Pilipinas kaya itinuturing siyang “hindi isang karaniwang babae” ni Koronel Domingo. Mahalagang mapagmunian dito ang imahinasyon ng karaniwang babae at kung ano ang mga sukatan ng imahinasyon para maigpawan iyon. Dito, malinaw ang papel ng edukasyon. Kaya naman, nang pinagpapayuhan ng koronel si Tenyente Mendez kung paano magagapi ang babae, sinabi nitong “dapat gamitin ang isip.” Subalit sa harap ng ganitong usapin, nabubura ang pananagutan sa pamahalaan at nagiging usapin ang buong kuwento ng pagpapatunay sa kung sino talaga ang tunay na kalaban ng pamahalaan. Nang magbihis-moro si Tenyente Mendez upang samahan sina Fatima sa pagsalakay kina Datu Manlit, tunay nang binubuwag ng kuwento ang partikularidad ng mga lipi at pananalig. Sabi ng babae sa tenyente: “Sinasabi ko na’t walang pagkakalayo ang isang Pilipinong binyagan sa isang moro… hindi ba totoo?”
Si Edgar Calabia Samar ay Associate Professor sa Ateneo de Manila University at may-akda ng mga premyadong nobela at tula.