Ang Mga Makapangyarihan sa Unang Bahagi ng Sagrado (1955) ni Francisco V. Coching

Ni Edgar Calabia Samar

Manunulat: Francisco V. Coching

Ilustrador: Francisco V. Coching

Publikasyon: Liwayway

Bilang ng Labas: 46

Bilang ng Pahina Bawat Labas: 2

Unang Labas: 3 Enero 1955

Huling Labas: 14 Nobyembre 1955

BUOD

Unang Labas   

ISANG gabi noong taóng 1869, pagkatapos tumugtog ng orasyon sa nayon ng Santa Barbara ay biglang lumusob ang pangkat ng mga tulisang pinamumunuan ni Kilabot. Walang habag na pinagpapatay nila ang mga pinagnakawan, nilapastangan ang magagandang dalaga maging mga may-asawa, at kahit simbahan ay nilusob at iginapos ang mga pari para makuha ang mga nakatagong salapi ng simbahan. Hindi nagtagal, ipinaalam ng kanang kamay ni Kilabot na si Kikong Dilat na parating na ang mga guwardiya sibil. Nagpulasan ang mga tulisan matapos malimas ang laman ng simbahan.

Kinalag ng sarhento ang tali ng kurang si Padre Igmidio na agad namang pinulong ang alkalde mayor at ang alperes. Ipinagtataka ng alperes kung bakit sa kanilang puweblo nagkalakas ng loob mangulimbat ang pangkat ni Kilabot. Sinabi ng kura na madalas ipadala ng alkalde ang mga kawal upang magrikurida sa ibang pook samantalang ilang beses na silang napaglalalangan ng mga tulisan. Bago nagpaalam ay idinagdag pa ng kura na kung hindi kayang pangalagaan ng mga kausap na opisyal ang katahimikan at katiwasayan ng Sta. Barbara ay hihingi na siya ng tulong sa gobernador heneral.

Kinagabihan, sa isang liblib at magubat na pook ng Sta. Barbara ay kinaharap ng alkalde si Kilabot at ang mahiwagang si La Sombra. Ipinaalam niya sa dalawa ang balak ni Padre Igmidio na humingi ng tulong sa gobernador heneral. Natakot ang alkalde at si Kilabot nang sinabi ni La Sombra na hayaan lang nila ang kura sa balak nito. Nagmungkahi si Kilabot na ipaharang sa kaniya ni La Sombra ang pari. Tig-isang hagupit ang tinanggap ng alkalde at ni Kilabot mula kay La Sombra dahil ayaw nitong tinuturuan siya ng mga ito. Saka nito ipinaliwanag na ayaw niyang patayin ang kura dahil lilikha iyon ng malaking eskandalo na magiging dahilan ng lalong pag-usig ng alperes. Sa kasiyahan ng alkalde sa paliwanag ni La Sombra ay pakutya itong hinalakhakan ng huli dahil sa pagiging kasapakat nito sa panunulisan nila. Isinumbat ng alkalde na ginagawa lamang niya iyon dahil pinagbantaan siya ni La Sombra na papatayin kung hindi makikiisa sa kanila. Ipinaalala ni La Sombra na hindi ito agrabyado dahil kahati naman nila ito sa mga nakakamkam. Sinabi ng alkalde na dapat lang iyon dahil nagbibigay siya ng proteksiyon sa mga ito at inililigaw pa ang alperes at mga kawal nito para sumalakay sa ibang puweblo. Ipinaalala ni La Sombra na hindi naman siya makikipagsabwatan sa alkalde kung hindi ito makapagbibigay ng proteksiyon sa kanila at alam niyang mukha itong salapi. Waring napahiya ang alkalde kaya’t sinabi niyang kung mukha siyang salapi ay matakaw naman sa salapi ang kaharap. Pero bago pa niya natapos ang sinasabi ay nasampal na siya ni La Sombra. Muling pinagbataan ni La Sombra ang alkalde at si Kilabot na mag-iingat sa pagbibitiw ng pangungusap sa kanya.

Kinabukasan, maagang nagtungo sa Maynila ang kura upang makipagkita sa gobernador heneral. Samantala, sa isang magarang tahanan sa Kalookan, sinasangguni ni Ana Maria ang ama niyang si Kapitan Diego Espeleta tungkol sa isusuot niya sa prusisyon. Pinuri na naman ng kapitan ang kagandahan ng anak na ayon umano sa mga taga-Kalookan ay siyang pumupuno sa pista kapag nakikita nilang umiilaw ito sa prusisyon. Napansin ni Ana Maria na nililinis ng ama ang mga medalya nito. Ipinaliwanag ng kapitan na kinasasabikan iyong makita ng mga panauhin nila kapag pista, lalo pa ngayong dadalo sa handaan nila ang gobernador heneral.

Hapon na nang dumating si Padre Igmidio sa Maynila at agad na inilahad sa gobernador heneral ang kanyang pakay na mapadalhan pa sa sila ng kawal sa kanilang lalawigan. Nangako ang gobernador heneral na magpapadala siya ng isang tao para magtatag at mamuno ng isang pangkat ng “guias de la torre,” isang pangkat ng mga lalaking mamamayan na buo ang loob upang tumulong sa mga guwardiya sibil sa pakikipaglaban sa masasamang-loob. Pagkatapos nito ay niyaya niya ang kura upang sumama sa pakikipamista kina Kapitan Diego.

Kinagabihan, pinagkakaguluhan na ng mga panauhin ang mga medalyang ginto ng kapitan na pinamuhunanan daw ng buhay nito bunga ng kabayanihan at matapat nitong paglilingkod sa pamahalaan. Sa isa pang panig ng bulwagan ay pinagkakaguluhan naman si Ana Maria ng mga binata, samantalang nakatanaw lamang sa di-kalayuan si Gildo, ang ipinakilala sa simula ng nobela bilang “walang gulat na panday” at kinakapatid ng dalaga. Nang tumugtog ang kumparsa, maliksing lumapit si Gildo kay Ana Maria upang maisayaw ang dalaga. Siyang-siya ang mga binatang naunahan ni Gildo. Hindi nagtagal, nahinto ang pagsasayaw ng lahat nang dumating ang gobernador heneral kasama ang kura. Sa kahilingan ng gobernador heneral ay sinamahan sila ni Kapitan Diego sa kinaroroonan ng mga medalya. Sinamantala naman ni Ana Maria ang pagkakataon para maipakilala si Gildo bilang kaniyang kinakapatid sa maharlikang panauhin.

Muling bumalik sa pagsasayaw ang dalaga’t binata matapos magbigay-galang sa gobernador heneral at sa kura na humanga sa pagiging mapitagan ni Gildo.

Sinabi ni Kapitan Diego sa mga panauhin na parang anak na niya ang lalaki dahil musmos pa ito nang ampunin niya. Namatay umano ang ina ni Gildo nang ipanganak ito samantalang namatay naman ang ama nito, na matalik na kaibigan ng kapitan, sa isa nilang pakikipaglaban sa pangkat ng mga tulisan. Dahil nabanggit ni Kapitan Diego ang tungkol sa mga tulisan, kinausap siya ng gobernador heneral at ng kura sa kaniyang silid-aklatan upang alukin ng isang mapanganib na misyon. Sinabi ng kapitan na siya’y namamahinga na sa pakikipaglaban, subalit lalong nakiusap ang gobernador heneral dahil alam umano niyang walang ibang makakagawa ng misyong ito para sa bayan kundi si Kapitan Diego. Dahil dito, tinanggap ng kapitan ang pakiusap ng gobernador heneral at sinabihan siya ng kura na kinabukasan din ng madaling-araw ay aalis na sila kung mamarapatin nito. Tuwang-tuwa naman ang gobernador heneral sa pagsang-ayon ni Kapitan Diego. Hatinggabi na, nang matapos na ang kasiyahan at makaalis na ang lahat, nang ibinalita ng kapitan kina Ana Maria at Gildo ang kanyang misyon. Sa kabila ng pag-aalala ng dalawa lalo na dahil sa kaniyang edad, sinabi ng kapitan na walang matanda sa tawag ng tungkulin. Sinabihan din niya ang dalawa na isasama niya ang mga ito sa Sta. Barbara.

Kinabukasan, lulan ng karwahe, magkakasama silang nagtungo sa nayon ng Sta. Barbara. Palubog na ang araw nang sumapit sila roon. Una silang nagtungo sa bahay ng alkalde kung saan nila inabutan ang alperes at ang anak na binata nitong si Carlo. Napansin ni Ana Maria na nakakaakit ang tinig ni Carlo nang mangusap ito matapos siyang titigan nang matagal. Agad namang ipinakilala ni Padre Igmidio ang mga kasama at ipinaalam na hindi nasayang ang lakad niya sa Maynila. Iniabot ng kura sa alkalde ang isang kalatas, ang bando ng gobernador heneral na nagbibigay ng karapatan kay Kapitan Diego upang bumuo at manuno sa isang pangkat ng guias de la torre.

Samantala, sinundan naman ni Carlo si Ana Maria sa paglanghap nito sa mga bulaklak sa bulwagan. Pinapurihan ng binata ang dalaga, sinabing sa kabila ng hindi mabilang na dalagang nakilala niya sa Pilipinas hanggang sa España, ngayon lang niya nakilala ang pinakamaganda sa lahat. Sinagot ni Ana Maria ang papuri ng kapilyahan, sa pagsasabing ngayon lang naman siya nakatagpo ng lalaking pinakasinungaling at may pinakamatamis na dila. Yamot naman silang minamatyagan ni Gildo mula sa malayo.

Matapos basahin ng alkalde ang kalatas, nangako siya ng tulong sa kapitan. Nagsabi naman ang alperes na magbibigay siya agad ng bando upang magtipon-tipon din agad kinabukasan sa liwasang-bayan ang mga lalaking mamamayan. Ipinagmalaki ng kura si Kapitan Diego bilang isang Pilipinong maipagkakapuri ng lahi na pinatutunayan umano ng mga medalyang taglay nito. Nang makita ng alkalde ang sisidlan ng mga medalya sa mapagpakumbabang pagpapaunlak ng kapitan sa kahilingan niya, sinakmal ito ng masidhing inggit. Hindi siya makapaniwalang isang indiyo lamang ay marami nang medalyang purong ginto. Agad niyang naisip na kailangang malaman iyon ni La Sombra. Samantala, lipos naman ng kasiyahan at paghanga sa kapitan ang alperes, lalo pa’t isang Pilipina umano ang kanyang yumaong asawa. Bilang isang maestra noong nabubuhay pa, itinuro raw nito sa alperes ang kaugalian ng mga Pilipino, gayundin ang wastong pagbigkas ng kanilang wika.

Noon binalikan nina Carlo ang ama sa pakikipag-usap nito sa mga panauhin. Iminungkahi nitong sa kanila na manuluyan sina Kapitan Diego na tinanggihan naman ng kapitan dahil nakatango na umano sila kay Padre Igmidio na sa kumbento manunuluyan. Sa pagnanais na huwag mawalay sa paningin niya si Ana Maria, hiniling na lamang ni Carlo na sa kanila na maghapunan ang mag-ama. Nabigla si Kapitan Diego sa mabilis na pagtanggap ni Ana Maria sa paanyaya samantalang lalo namang nagngitngit sa gilid si Gildo. Matapos nilang magpaalam sa alkalde, sa tahanan naman ng alperes sila nagtuloy kung saan naman ipinagparangalan ng huli ang kaniyang salon de armas.

Sa salon de armas ng mga Izquierdo, isang malaking larawan ng leon na nakaukit sa tanso ang unang tumambad sa mga panauhin. Kinilala agad ni Kapitan Diego na ang leong iyon ang eskudo ng angkan ng alperes. Sinabi ni Carlo kay Ana Maria na kung hindi lamang ito isang babae ay hinamon na sana niya itong magsanay ng eskrima. Sinabi ng kapitan na si Carlo na ang magpaumanhin sa kaniyang anak dahil wala itong nalalaman sa paghawak ng armas, kaya gayon na lamang ang gulat nila nang tinanggap ni Ana Maria ang hamon. Sinabi ng alperes na huwag mag-alala ang kapitan dahil mahusay na tagapagturo si Carlo.

Sa simula pa lamang ng labanan, nagtaka na si Carlo dahil marunong naman pala si Ana Maria. Nang sinunod-sunod na ng babae ang sundot at ulos, kinailangan nang maging maliksi at maingat ng binata. Namangha kahit ang alperes, ang kura, at si Kapitan Diego, maliban kay Gildo. Nasasalag ng dalaga ang mga ulos ni Carlo samantalang ikinatataranta naman ng lalaki ang walang puknat na pagdaluhong ng dalaga. Nang matapos ang pagsasanay, inamin ni Ana Maria na noon pa siya nagsanay sa pakikipaglaban at si Gildo ang naging maestro niya.

Matapos ang hapunan, samantalang nagpapalipas ng oras sa paglalaro ng ahedres sina Kapitan Diego at ang alperes habang nagmimiron ang kura, nag-uusap naman sa hardin sina Ana Maria at Carlo habang pasubok-subok muli sa kanila si Gildo mula sa gilid sa asotea. Namupol ng sampagita si Carlo at ibinigay ang mga iyon sa dalaga na itinanong kung nanunumpa na ba ang lalaki ng pag-ibig sa kaniya na hindi naman itinanggi ni Carlo. Mabilis silang pinuntahan ni Gildo na nagsabing lumalalim na ang gabi at nagyayaya nang umuwi ang tatang ng dalaga. Hindi pumayag si Gildo na hindi sasama sa kaniya si Ana Maria kahit sinabihan siya ng babae na mauna na’t susunod ito. Pagdating nila sa kumbento, pinagsabihan ni Ana Maria si Gildo na huwag na ulit siyang babastusin nito sa harap ni Carlo.

Nang hatinggabi na, muling nagkaharap-harap sa isang liblib na pook ang alkalde mayor, si Kilabot, at si La Sombra. Ipinagbigay-alam ng alkalde ang tungkol sa pagpapadala ng gobernador-heneral kay Kapitan Diego upang sugpuin ang kanilang panunulisan. Sinabi ng alkalde na gawin na nila ang gustong gawin sa kapitan pero ang mga medalyon nito ay para sa kanya dahil matanda na siya at wala nang pagkakataong magkamit ng mga karangalan o isa mang dekorasyon. Ipinaalala ni La Sombra na magkakasabwat sila kaya’t kailangan nilang maghati-hati sa lahat ng kanilang mananakaw. Isa pa, kailangan din umano ni La Sombra ng mga medalya para sa kanyang sarili dahil salat din siya sa karangalan. Ipinag-utos ni La Sombra kay Kilabot na magsama ng ilang tauhan sa kumbento at patayin saka pagnakawan si Kapitan Diego.

Samantala, balisa naman at ilang oras nang palakad-lakad sa kaniyang silid si Gildo. Iniisip niyang mahalagang malaman na ni Ana Maria na umiibig siya sa babae bago pa siya maunahan ni Carlo. Pinuntahan niya ang silid ng dalaga na napabalikwas naman noon nang marinig ang paanas na tawag sa kanya. Pinapasok ng dalaga si Gildo kahit nagtataka siya kung bakit kailangan siyang abalahin ng kinakapatid kahit dis-oras na ng gabi. Magtatapat na sana si Gildo sa babae ngunit natigilan siya nang makarinig ng yabag sa salas. Inakala ni Ana Maria na nagising ang tatang niya subalit biglang nawala ang pinagmumulan ng yabag nang sumilip si Gildo sa pinto.

(Itutuloy)

Si Edgar Calabia Samar ay Associate Professor sa Ateneo de Manila University at may-akda ng mga premyadong nobela at tula.