Ang Tradisyon ng Epiko sa Si Hagibis at ang Tatlong Balakid (1950) ni Francisco V. Coching

Ni Edgar Calabia Samar

MULING sumakay ng binta si Hagibis para hanapin ang bahagi ng dagat kung saan matatagpuan ang kabibing bughaw. Noon niya narinig ang pag-awit na nagmumula sa malalaking batong nakalitaw sa tubig. Natigilan siya nang matuklasang isang sirenang may pinilakang buhok ang pinagmumulan ng awit. Nang malingunan siya nito’y napapitlag ito’t napatili sa pagkagulantang saka ito lumundag sa tubig bago pa man napigilan ni Hagibis. Noon napansin ni Hagibis na lumulubog din ang kanyang binta na hinihila pala ng sirena papunta sa lalong malalim na pook ng dagat. Mabilis na bumulusok sa kailaliman si Hagibis para habulin ang kanyang sasakyan. Sa paghahanap niya, nagulat siya sa sunod-sunod na salapang na pumigil sa kanya. Noon nagsilabasan ang mga taong isda na pinagtulong-tulungan siyang talian. Subalit mabilis na nakaigtad si Hagibis, naagaw ang isang salapang, at iuulos na sana ito sa isang kaaway kung hindi agad na lumitaw ang sirena para pigilan siya.

Pinagbigyan ni Hagibis ang sirena pero noon siya nakaramdam ng paninikip ng dibdib dahil sa tagal ng di paghinga sa ilalim ng tubig. Nang mawalan siya ng malay ay binalak siyang sibatin ng isang kawal, si Tagani, pero pinigilan ito ng sirena. Sa halip, inutusan ng sirena ang mga kawal na dalhin si Hagibis sa palasyo pero ilihim sa kanyang ama. Nang magkamalay si Hagibis, nagulat siya kung nasaan siya, at agad ipinaliwanag ng sirena, na nagpakilala bilang si Nayda, na nasa Paraiso siya sa pusod ng dagat, sa palasyo ng ama nito. Ipinagtaka ni Hagibis kung bakit walang buntot ang babae at sa halip ay mga paa na sinabi lamang na iyon ang lihim na nakabalot sa kanilang katauhan. Nang itanong ng babae kung ano ang layunin ni Hagibis sa dagat, saka ipinagtapat ng lalaki ang kaniyang pakay. Lingid sa dalawa na nanunubok sa kanila noon si Dalusa, ang ina ni Nayda, na iniisip kung saan nakilala ng anak ang tagalupa.

Ipinasubo naman ni Nayda ang isang mutya kay Hagibis upang makahinga ito sa ilalim ng dagat, saka niya ito sinamahan upang hanapin ang kabibing bughaw matapos magbihis sa katawang isda ang mga paa nito. Hindi nila alam na nakasunod sa kanila si Tagani sa utos ng reyna. Ipinakita naman ni Nayda kay Hagibis ang nakasisilaw na kayamanan sa ilalim ng dagat subalit sinabi ng lalaki na hindi iyon ang hinahanap niya. Pinigilan ng babae ang lalaki na tumuloy pa sila dahil baka umano sila makita ni Pugito, ang mabangis na taong pusit.

Samantala, matapos mag-ulat ni Tagani sa reyna ay isinumbong naman ni Dalusa ang anak sa asawang haring si Bungulan. Inutusan ng hari si Tagani na dakpin ang dalawa, na masigla namang sumunod sa utos dahil sa pagmamahal niya kay Nayda. Dinatnan nila si Nayda na sakmal na ni Pugito, ang halimaw na may apat na kamay, na hinahamok naman ni Hagibis. Pinukol ni Hagibis ng balaraw ang noo ng halimaw na nagkikisay. Niyakap naman ni Nayda si Hagibis at pinasalamatan sa pagliligtas nito sa buhay niya. Sa matinding paninigbo ni Tagani ay inutusan niya ang mga kasamang kawal upang dakpin ang dalawa.

Sa kanyang pagkakagapos ay napapangiti naman si Hagibis dahil nauunawaan niyang dating nag-iibigan sina Tagani at Nayda. Nang idulog sila sa hari ay sinabihan niya ang anak na mabibilanggo ito sa di pagsunod sa atas na huwag makihalubilo sa mga tagalupa, samantalang ipapapatay naman si Hagibis. Pinigilan ni Nayda ang ama at sinabing dapat pa nga nilang pasalamatan si Hagibis sa pagpatay nito kay Pugito na matagal na nilang kaaway. Dahil dito pinakalagan ng hari si Hagibis sa pagkakagapos at saka tinanong kung ano ang pakay nito. Nang malaman ng hari ang hinahanap ni Hagibis, ibinigay niya ang kabibing bughaw na kuwintas niya. Subalit sinabi rin niyang makakaisampalad din nito ang anak niyang si Nayda na ikinagalak naman ng babae. Nagulat si Hagibis dahil alam niyang dating nagmamahalan ang dalawa ni Tagani. Sinabi ni Nayda na nagbago ang isipan niya simula nang makita niya si Hagibis.

Samantala, hindi naman mapalagay ang reyna at iniisip na hindi siya makapapayag na hindi mapapasakanya si Hagibis. Hindi naman noon makatulog si Hagibis dahil sa gustong mangyari ng hari kaya’t naramdaman niya ang dahan-dahang paglapit ng isang tao sa kanyang tulugan. Bago pa siya naulos ng parating, maliksing nakakilos si Hagibis at natuklasan niyang si Tagani ang nagtangka sa kanyang buhay. Ipinagtapat ni Tagani na hinikayat siya ng reyna na itakas si Nayda ngunit nagbago ang isip niya’t binalak na lang ligpitin si Hagibis. Narinig pala sila ni Dalusa na pinabubulaanan ang sinabi ni Tagani at sinabing dapat itong maparusahan sa pagsisinungaling. Inutusan ng babae ang mga kawal para ihulog ito sa balon ng mga gutóm na pating. Pagkatapos, saka niya niyaya sa hardin si Hagibis upang doon ito aliwin. Natigagal si Hagibis nang bigla siyang halikan ng mapusok na reyna. Agad na tumindig ang lalaki at sinabing mas mabuti pang lamunin siya ng mga pating kaysa pailalim sa hibang na lunggati ng babae.

Nagsiklab ang galit ng reyna at sinubukang undayan ng balaraw si Hagibis subalit maagap ang lalaki. Sumigaw si Dalusa para dakpin si Hagibis na narinig ng hari na nagkataong nagdaraan noon. Nagpanggap na nananangis ang reyna at sinabing tinangka siyang halayin ni Hagibis. Hindi makapaniwala ang hari na nagpupuyos na iniutos na ipalamon si Hagibis sa dambuhala. Humadlang si Nayda, nakiusap na patawarin ang lalaki sa ngalan ng naging kabayanihan nito. Subalit hindi na nakinig ang hari at kapwa ipinadala sina Hagibis at Tagani sa kinaroroonan ng mga dambuhala. Hindi naman nakatiis si Nayda at sinabing kung ipagkakait ng hari ang ikaliligaya niya ay siya na ang unang mamamatay. Mabilis itong tumalon sa balon. Ganoon na lamang ang panghihilakbot ng hari at reyna. Agad na sinabi ng hari na makatatanggap ng kahit na anong gantimpala ang makapagliligtas sa anak niya.

Akmang sasaklolo agad si Hagibis pero pinigilan siya ni Tagani na maliksing sinaklolohan si Nayda na dahan-dahang nilalapitan na noon ng higanteng hipon. Pinigilan si Tagani ng malalaking sipit ng dambuhala at nang makita ito ni Hagibis ay dalawang salapang ang magkasunod na ipinukol niya sa halimaw na ikinamatay naman agad nito. Agad na nakawala si Tagani pero putol na ang isa nitong kamay. Nagulat si Nayda sa nasaksihan at agad na sinaklolohan ang lalaki.

(Nawawala sa mga kopya ko ng Liwayway ang ika-24 hanggang ika-35 labas ng nobela. May punit sa mga naturang pahina sa kopya ng magasin sa Rizal Library sa Ateneo. Pagbalik sa ika-36 na labas, sa mga sumusunod na nagpapatuloy ang kuwento.)

Sa pamamagitan ng mga sangkap sa lunas na dala ni Hagibis, napagaling ng matandang bruha ang wala nang buhay na si Amihan subalit hindi na makilala ng babae si Hagibis. Ipinadakip ni Amihan si Hagibis sa mga kawal na ikinagulat ng lalaki dahil hindi na ang mga iyon ang iniwan niyang kawal dati. Buong bangis na lumaban si Hagibis at dinaluhong ang bruha na ipinagpapalagay niyang may kagagawan ng lahat. Noon naman nagbabala si Amihan na huwag magkakamaling saktan ni Hagibis ang kaniyang ina. Kaya lito’t walang nagawa si Hagibis kundi magpadakip. Sa piitan ay ipinahagupit pa siya ng asawa sa berdugo.

Dahil nga sa mahiwagang karunungan ng bruha kaya nagbago ang isipan at ugali ni Amihan. Pinapurihan pa ng bruha si Amihan sa pagpaparusa nito kay Hagibis. Pagkatapos, sinabi nitong matanda na siya at wala siyang hiling kundi magkaroon na ng kaagapay si Amihan. Sinabi naman ng babae na masusunod ang kahilingan ng inaakala niyang ina. Matapos kausapin si Amihan, lumabas sa palasyo ang matandang bruha at nagtungo sa isang yungib sa loob ng gubat. Tinawag niya ang isang lalaki roon na nagngangalang Atok at sinabihan itong maghanda dahil makapag-aasawa na ito.

Samantala, buhat sa madilim na sulok ng piitan ay lumitaw si Datu Yabyab, ang punong kawal ni Hagibis, at pinutol ang matibay na tali sa kamay ni Hagibis. Ipinaliwanag ng datu na ang matatapat na kawal ng hari ay matagal nang nakapiit mula nang magahis sila ng malakas na kapangyarihan ng matandang bruha. Pagdating ng tanod kasunod ang tagapagdala ng pagkain, sinabi nitong huling gabi na nila dahil ikakasal na ang sultana sa anak ng kanilang panginoon.

Binibihisan naman ng matandang bruha noon ang kanyang gusgusing anak. Sinabi ni Atok na matutupad na rin sa wakas ang pangarap niyang maging hari. Buhat sa piitan, ipinakuha ng bruha ang pandita na tumangging ikasal ang dalawa dahil buhay pa ang asawa ng sultana. Sinabi ng bruha na ipapapatay niya kung gayon si Hagibis. Tinutukan nila ng matutulis na sibat ang pandita upang hindi na ito tumutol sa kasal. Walang nagawa ang pandita kundi simulan ang ritwal ng kasal. Inutusan naman ng bruha ang kaniyang berdugo na puntahan ng mga ito si Hagibis sa piitan at putulan ng ulo. Subalit nakapag-ipon na ng lakas sina Hagibis at Datu Yabyab kaya agad nilang nagapi ang mga inutusan. Kinuha ni Hagibis ang susi at agad nilang pinuntahan ang mga nakapiit nilang kawal at pinakawalan.

Samantala, hindi naman natapos ang pagkakasal kina Atok at Amihan dahil naglason ang pandita huwag lamang matuloy ang kasal. Inutusan ng bruha ang kaniyang tanod na talagang utasin na ang pandita ngunit bago iyon naisagawa ay dumating na sina Hagibis. Nang makita sila ni Atok, agad nitong kinaladkad si Amihan upang itakas. Agad naman silang hinabol ni Hagibis at nasukol. Inutusan ni Amihan si Atok na patayin si Hagibis. Nagpambuno ang dalawa at nang magagapi na ni Hagibis si Atok, siya namang pagdating ng matandang bruha. Kumuha ito ng sibat at pinukol si Hagibis subalit mabilis na nakaiwas ang lalaki at si Atok ang tinamaan.

Buong panghihilakbot na dinaluhong ng bruha ang anak at saka humagulgol. Nang matiyak niya ang kamatayan ng anak, nagpasya siyang wakasan na rin ang sariling buhay gamit ang mismong balaraw ng anak. Kasabay ng pagkalagot ng hininga ng bruha ay pinanawan ng ulirat si Amihan dahil sa pagkawala ng kulam na bumabalot sa kanyang katauhan. Nang muling magmulat ang mga mata niya, nagbalik na rin ang kanyang katauhan at alaala na ikinapayapa at ikinagalak ni Hagibis.

ILANG PANSIN

⦿  Sa kabila ng iba’t ibang maniobra at panlilinlang, nananatiling mahalaga ang kasal dito para sa mga tauhan. Halimbawa, nang sinubok ipakasal ng hari ng dagat ang anak niyang si Nayda kay Hagibis. O nang pilitin ng bruhang ikasal ng pandita ang anak niyang si Atok sa sultana, kahit buhay pa si Hagibis na bihag nila noon. Sa mga metriko romanse, ang kasal ay hindi lamang isang kontratang panlipunan kundi isang mahalagang simbolo ng kapangyarihan, lehitimasyon, at orden sa lipunan. Sa ganitong mga kuwento, ang kasal ay nagsisilbing ritwal na nagtatatag ng awtoridad, pagmamay-ari, at kontrol, hindi lamang sa tao kundi sa buong kaharian o teritoryo. Sa pamamagitan ng kasal, nagkakaroon ng simbolikong pagsasanib ng mga linya ng dugo, karapatan, at kapangyarihan. Kahit buhay pa si Hagibis, ang ritwal ng kasal ay nagsisilbing manipestasyon ng tagumpay at pagmamay-ari sa kanyang asawa, na sa konteksto ng patriyarkal na lipunan ay maaaring magpahiwatig ng pagsakop hindi lamang sa babae kundi sa kanyang kaharian at pag-angkin sa kanyang posisyon bilang asawa ng sultana. Ang kasal ay naghahatid ng anyo ng kabanalan at kaayusan na mahalaga sa lipunang medieval o premodernong lipunang hinaharaya ng mga kuwentong nakasuso sa mga metriko romanse tulad ng bahaging ito ng nobela. Kaya’t sa kabila ng lahat ng panloloko, kulam, at karahasan, ang kasal ay nananatiling isang simbolo ng “lehitimasyon” at “orden”sa kuwento.

⦿  Nawawala nga sa mga kopya ng Liwayway na ginamit ko ang ika-24 hanggang ika-35 labas. May punit sa mga naturang pahina sa kopya ng magasin—bahagi ito ng mga kondisyon ng pananaliksik. Pagdating naman ng ika-38 labas, naging isahang pahina na lamang ang bawat labas ng nobela hanggang sa wakas. Mapapansin ang ilang pagkakaiba ng detalye sa nobela sa simula at sa dulo. Halimbawa, Datu Damulag ang pangalan ng pinagbilinan ni Hagibis sa kanyang kaharian sa simula subalit naging Datu Yabyab ang pinunong kawal niyang nagligtas sa kanya sa dulo.

⦿ Sa mga kuwento ng pakikipagsapalaran, ang dagat ay nagsisilbing liminal space—isang puwang ng transisyon kung saan ang bayani ay hinahamon, sinusubok, at binabago. Sa kuwento ni Hagibis, ang dagat ay hindi lamang hadlang kundi isang mahiwagang daigdig na may sariling batas at mga nilalang, tulad ng sirenang si Nayda at ang mabangis na taong pusit na si Pugito. Ang tubig ay isang puwersang nagbibigay-buhay ngunit maaari ring maging banta—sumasalamin ito sa kalikasan ng pagsubok na dapat lampasan ng bayani. Sa ilalim ng dagat, hindi sapat ang lakas o tapang; kinakailangan ang pag-angkop sa bagong kapaligiran, tulad ng pagsusuot ni Nayda ng katawang isda o ang paggamit ni Hagibis ng mutyang nagbibigay-hininga. Ang transisyon mula sa lupa patungo sa kailaliman ay isang ritwal ng pagsubok, at sa pagbalik mula rito, taglay ng bayani ang higit na kaalaman o kapangyarihan—isang tanda ng matagumpay na pagtawid sa threshold ng pakikipagsapalaran.

______

Si Edgar Calabia Samar ay Associate Professor sa Ateneo de Manila University at may-akda ng mga premyadong nobela at tula. Ginawaran siya ng SEA Write Award ng Hari ng Thailand nitong 2024 para sa ambag niya sa panitikan ng Timog-Silangang Asya.