ni Rebecca T. Añonuevo
‘Mga Tula sa Libong Pulo’
Salin ni Joaquin Sy
Mga Editor: Sze Menchi, Eilene Narvaez, Wesley Chua
Inilathala ng Philippine Cheng Bio Eng Foundation
ANG payak na pamagat ng koleksiyon ng mga tula sa Tsino at mga salin sa Filipino ay di malayo sa siniping tula mula kay Du Fu ng Dinastiyang Tang: “Pangsanlibong taon ang akdang pampanitikan./ Kung mabuti o masama,/ batid ng may-akda sa kalooban.”
Libong pulo, libong talinghaga; sa kaloob, ang kalooban. Ang may-loob ang tanging nakaaalam. Ang makata bilang maykapangyarihan ng loob ang makikipagbuno sa kaniyang tanging katotohanan.
Sa panahong ang digmaan at sugat sa digmaan ay nangyayari hindi na lamang sa pamamagitan ng armas at bantang nukleyar, kundi pati sa plataporma ng social media na nang-uudyok sa matatalim at walang habas na pang-uuyam sa lahi at kulay, ang pagbaling sa tula at paglalathala ng panitikan ay maituturing na kampay ng kapayapaan.
Negosyante ang pamilya ni Tan Tiang Siong na nasa likod ng Philippine Cheng Bio Eng Foundation na naglathala ng aklat. Itinatag ito ng pamilya bilang pagdakila sa kanilang ama na nang mapadpad sa Pilipinas ay sampung taong gulang lamang, nagtrabaho sa tindahan ng pagkaing pinagsosyohan ng kaniyang Lolo Wang Seng at mga kapuwa Tsino, at sa lumaon ay pinalad na maitatag at mapaunlad ang mga kompanyang naging pangunahing tagasuplay ng papel sa bansa.
Kasiya-siya ang pahayag ng tagapaglathala: “Hangarin naming tipunin ang mga akdang nagtataglay at sumasalamin sa mga katangian ng komunidad para isalibro ang mga ito at ipamana sa susunod na mga henerasyon. Pagsuporta rin ito sa mga bunga ng hirap at pagsisikap ng mga manunulat sa komunidad. Sa aming palagay, ang ganitong gawain ay totoong makabuluhan at may silbi sa lipunan.”
Dalawang bagay ang malinaw kung gayon na maaaring magtanggal sa anumang prehuwisyo mayroon ang sinuman sa mga kapatid na Tsinong may malalim na ugat at karanasan bilang mga Filipino: 1) Hindi tanging sa pera at tubo sa negosyo umiikot ang kanilang pag-iral; 2) Mayroon silang pagpapahalaga sa mga manunulat at papel ng panitikan bilang kapaki-pakinabang na pamana sa mga susunod na henerasyon.
Ang pagpapahalaga sa mga manunulat at sa kanilang mga likha ay patutunayan ng gawaing pagsasalin ni Joaquin Sy. Si G. Sy ay isang Tsinoy, negosyante, manunulat, at masigasig na tagasalin ng mga akda ng mga kapuwa Tsinoy. Pinarangalan na siya ng Unyon ng mga Manunulat ng Pilipinas dahil sa di matatawarang ambag sa pagpapayaman ng panitikang Filipino, at bahagi rito ang mga naisulat ng komunidad ng Tsinoy. Isinabalikat niyang misyon ang pagsasalin bilang tulay ng mga wika at diwa, at kulturang Tsino at Filipino, at bilang pagsusulong sa ganito ring adbokasiya ng Kaisa para sa Kaunlaran, ang samahan ng mga Tsinoy na naglalayon ng integrasyon sa mas malawak na lipunang Filipino.
Pahayag niya: “Para sa amin, ang pagtanggap sa wikang Tsino bilang mahalagang wika ng panitikan sa Pilipinas ay kasingkahulugan ng pagkilala at pagtanggap sa mga Tsinoy bilang bahagi ng makulay na habi ng Pilipino. At iyon ang pinakamalaki at pinakamahalagang konsuwelo namin sa pagsasalin sa nakalipas na tatlo’t kalahating dekada.”
Ang pagsasalin kung gayon bilang masinsing paghahabi ng lahi: Ang Filipino ay binubuo hindi lamang ng sari-saring mga pulo at rehiyon, hindi lamang ng mga katutubong wika, hindi lamang ng mga wikang nagkaimpluwensiya dahil nagmula sa mga mananakop at maykapangyarihan, kundi pati sa wika na dumating at nanahan, nagsikap magsimula at nagsikhay hanggang umunlad, at ngayon ay matatag hindi lang sa bansang perlas ng silanganan, kundi sa malaking bahagi ng mundo.
May pinta ni Hau Chiok ng simbahan ng Binondo sa pabalat ng aklat, tampok sa koleksiyon ang mga tula nina James Na, Bartolome Chua, Sze Manchi, Benito Tan, Grace Hsieh-Hsing, Jameson Ong, Ben Ching, Charles Sy Ching Tek, at Charlie Go. Ang pagbasa sa kanila sa tulay ng salin ay pagkakataon para namnamin ang kapayapaan sa loob at sa paligid.
Naroon na sila sa atin, nakikipamuhay, ngunit hindi tinatapunan ng pansin ng madlang ang higit na kiling ay ingay at mahahabang salita, maiinit na banatan, makulay at maningning na entablado, postura, medalya, lahat ng maituturing na tanda ng tagumpay, kapangyarihan, at kaunlaran, kasama na ang modernismo sa bansag ng mulang kanluran.
Sa matimpi, payak, maiikling taludtod, pinapatuloy tayo ng mga makata sa mga karanasang hindi malayo sa karaniwan: pangungulila, pag-ibig, kalungkutan, pangako, pagdiriwang sa rikit at kasapatan ng kalikasan at paligid.
Si James Na sa pambungad na tula:
Ligaw na Halaman
May dahon,
Wala namang tangkay,
May tangkay,
Wala namang ugat.
May ugat,
Wala namang lupa.
Ito’y isang uri ng ligaw na halaman,
Ang pangala’y
Hua Chiao, Tsino sa ibayong dagat.
Hindi ba’t ganito kung tutuusin ang maituturing na karanasan ng maraming kababayan na nawalay sa kanilang pinagmulang lugar–maprobinsiya papuntang siyudad, at sa mas malawak, mula sa sariling bansa tungo sa iba’t ibang panig ng mundo? Hindi kaya sumagi rin ang kawalan, ang sandali ng pagdarahop sa sarili, ang pagkabuway dahil nawalan ng ugat, ang kamatayan dahil walang lupa?
Pinakamarami ang kalakip na tula mula sa makata, 18 lahat, na may himig paglilimi sa mga karanasan, kasama na manaka-nakang pagkasalat sa isusulat (mula sa tulang “Sagot na Liham”), na nalulunasan ng pakikiisa sa mga nilalang sa paligid : “ang pagaspas ng mga pakpak sa labas ng bahay,” “Ang papalubog na araw ay gulilat na lumilipad,” ang langit na “mababang-mababa’t tumakip na sa takipsilim!” Sa tulang “Monologo” ay isang bisor sa kontruksiyon ang tinig, ngunit di tulad ng tipikal na imahen sa pelikula ng kontrabidang bisor na walang pakialam sa kaniyang mga tauhan, ang bisor sa tula ay may malalim na pag-aalala sa kaniyang mga manggagawa:
Sa mga gusaling granito at mga bulwagang marmol,
May kahit isang pulgada bang laan sa nagdurugong paa?
Ang seguridad panlipunan at mga karapatang manggagawa,
Makagagarantiya ba sa damit at pagkain ng maiiwang asawa’t anak,
Sakaling madulas at mahulog mula sa tuntungan?
Ipinatutupad nang mahigpit ang pamantayan sa konstruksiyon,
Pero sino’ng nagpapatupad ng mga pamantayan ng buhay?
Sa tuwing inilalatag ko ang blueprint,
Lagi na’y ito ang nasa isip, ito ang nasa isip.
Ang mga makatang Tsinoy ay mga mamamayang Filipino, kahit pa nailalagay sila pamuli’t muli sa timbangan at pagdududa ng mga kapuwa Filipino na hirap tumanggap at maniwala, at mas mabilis magpukol ng mabibigat na salita kaysa magbasa. Si Bartolome Chua, sa kaniyang “Umaga sa Maynila,” ay higit na magpapakilala sa pagsikat ng araw sa Maynila samantalang ang karamihan ay nag-aabang sa paglubog nito. “Maputi gaya ng biniyak na niyog,” sabi niya sa tula, “Nagising pati ang Diyos,” na nakatanaw sa mga pulubi. Ang buong tula ay pasasalamat nang walang pag-usal nito, kundi taimtim na pagmamasid at pagdamdam sa mga palatandaan ng buhay, kasaysayan, at kabayanihan. Kay ririkit ng mga tula sa gitna ng katahimikan, tigib ng pag-ibig para sa sinta, sa mga anak, sa sarili, sa ama; tigib ng pangungulila sa sinumang kakilalang “makatatalakay ng mundo/ sa ibabaw ng Chinese chess,/mula matabang na tsaa/ hanggang malapot na dapithapon,/ at halinhinang tumao sa mga ilog at bundok.”
Si Sze Manchi sa siksik na mga taludtod ay magbibigay-pugay “para sa estatwa ng comfort woman” sa tulang “Hindi Mapapawing Liwanag.” Napapansin kaya ito ng mga namamasyal sa Maynila? Ilan sa mga kababayan ang nakipag-usap sa pagdaan kay Rizal, gayong si Benito Tan sa kaniyang tula ay inalo ang bayani:
Sa malamig na ulan,
Sa madilim na gabi, may mga tao pa ring
Gaya mo’y hindi makatulog:
Kaya’t nagsindi
Ng mga ilaw sa mata,
At tahimik, walang imik
Na nagsasabog
Ng pagmamahal at pagkalinga.
Si Grace Hsieh-Hsing, halos giya ang mga tula sa kasaysayan, tampok ang mga tauhang tulad nina Raha Soliman at Lapu-lapu, ang mga likhang sining ni Amorsolo, ang mga lugar na dinadalaw tulad ng Intramuros, at binabalik-balikan kung nangungulila: ang Kalye Ongpin. Iyon ang pusod ng mga Tsinoy kung tutuusin: “Sa Ongpin nagpupunta para uminom ng tsaang Oolong,/ Daig ng isang tasang tsaa ang ilang patak ng asul na tinta/ Sa pagbalangkas sa mahaba-habang kultura.” Bagama’t may kani-kaniyang pananalinghaga ang mga makata sa Ongpin, lahat sila ay nagkakaisang ang likaw ng lugar ang mutya’t kabanalan niyon. Hindi iyon ang Tsina ngunit nailalapit ng pook ang malayong inaabot ng gunita at pangungulila. Samantala’y nabatubalani ng Boracay si Jameson Ong, at doon ay hindi na hiwalay ang tingin niya sa sarili at sa pinagmulan: “Ang dagat mo, Inang Bayan ko.” May tulang pinagsalita niya ang kalabaw, na ngayon ay lubhang estrangherong nilalang sa maraming kabataang Filipino.
Labas ito sa aklat ngunit isang katotohanan: Ang mga Tsinoy ay matagal nang katuwang ng ating bansa sa mga kagyat na gawain tulad ng pagbibigay ng tulong sa mga nasalanta ng bagyo at iba pang kalamidad. Isang mabuting tradisyon ito ng masigasig at mainit na pagdamay sa mga nangangailangan. Nitong nakaraang bagyong Odette ay nangunguna ang mga Tsinoy, sa pakikipag-unayan sa Chinese Embassy, sa pagpapadala ng relief goods na umabot sa 20 milyong piso, at 3.2 milyong kilo ng bigas sa halagang 128 milyong piso.
Baka kailangan nang ibahin ang pagtanaw sa kanilang kalagayan: Matagal na silang kapuwa natin, kapatid, kadugo na bukas-palad sa oras ng ating kagipitan. Tayo bilang mamamayang naririto sa sariling lupa, dito isinilang, may ugat, may dangal, may kabayanihang minana mula sa mga ninuno ay panahon nang magkaisa at manindigan: ang pagsakop ay una sa sarili, sa pagkamakasarili, sa kapalaluan ng langaw sa kalabaw. Mahirap lunukin ang katotohanang nalango tayo sa simoy ng makapangyarihang mga dayuhan, at naging dayuhan sa bayan. Hindi natin napansin na may kalahi tayong hindi na dayuhan dahil malalim ang malasakit sa bansa at mamamayan. Samantalang nahirati ang marami sa atin sa pagdaing at paninisi, naroon ang komunidad ng Tsinoy na kumikilos. Kaisa natin, kadugtong sa wika, nakatirintas ang buhok, nagsisilbi sa maysakit na ama, saksi sa ating kalayaan at pagwawalambahala sa kalayaan, may pananalig sa Diyos. Totoo at tunay. Subukin ninyong bumasa ng tula ng mga makatang hindi hati ang pagiging tao, pula ang dugo, anuman at sinuman ang nakahalo.
Si Rebecca T. Añonuevo ay makata, guro, tagasalin, at awtor ng mga aklat ng tula, sanaysay, at kuwentong pambata. May 10 beses na siyang nagwagi sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, bukod pa sa mga gantimpala mula sa National Book Awards at Gawad Balagtas mula sa Komisyon sa Wikang Filipino. Tinanggap niya ang pagkilala mula sa Southeast Asian Write Awards (SEAWRITE) sa Bangkok, Thailand noong 2013. Ang Dungól mula sa MBMR Publishing ang kaniyang ikapitong aklat ng tula. Kasalukuyan siyang namamahala bilang pangulo ng Navotas Polytechnic College sa Lungsod Navotas.