Walang Kamatayang “Madonna”

ni Pedro L. Ricarte
(Unang nalathala: LIWAYWAY, Enero 18, 1960)

IKAWALO’T kalahati ng umaga nang huminto ang taksing sinasakyan ni Dan sa tapat ng isang tindahan ng mga kuwadro at likhang-sining. Umibis siya pagkabayad sa tsuper at nasok sa tindahan. Huminto pagkailang hakbang buhat sa pinto. Hinawi niya ang kulot na buhok na nakalawit sa matambok at aliwalas na noo, at ang tinging iginala sa paligid ay humantong sa isang lalaking nagsusulat sa mesang nasa dulong sulok ng tindahan. Katulad niya, may dalawampu’t limang taon din ang lalaki, kayumanggi, at kaypala’y mababa kaysa kanyang taas na lima at kalahating talampakan. Ito si Bert, ang kanyang kaibigang may-ari ng tindahan.

Lalapit sana si Dan kay Bert, nguni’t ipinasiya niyang huwag na munang abalahin ito. Nakadukot sa bulsa ng nakabukas na abuhing Amerikanang binagayan ng pang-ilalim na puting polo shirt, muli niyang iginala ang tingin sa paligid. Walang ipinagbabago ang tindahang itong siya niyang pinagdadalhan noon ng kanyang iginuguhit. Mumurahin pa rin ang mga kuwadrong nakasabit sa dinding—nagkakahalaga lamang ng mula sa labinlima hanggang limampung piso—likhang mga pintor na katulad niya noon ay walang sapat na puhunan upang makapagpatayo ng estudyo at hindi naman gaanong kilala upang makapagsabit ng sariling guhit sa malalaking galerya ng pintura.

Isa-isa niyang nilapitan ang mga kuwadrong nangakasabit sa dinding. Wala sa mga iyon ang hinahanap niya—isang kuwadrong iginuhit niya may isang taon na ang nakararaan.

Sumandaling nagbalik sa isip ni Dan ang tagpong yaon sa baybayin ng Look Maynila. Kasama niya noon ang katipang si Merle, at sa pagkakaupo nito sa sementadong gilid ay naganyak siya ng anyo nitong nakatungo ng bahagya samantalang sa likuran, sa langit sa kanluran ay nagsasabog ng marangyang kulay ang lumulubog na araw. Inilabas niya ang lapis at papel na lagi niyang dala-dala at iginuhit ang larawan ni Merle.

—Kamukhang-kamukha ka ng ‘Madonna’,— sabi niya noon nang matapos ang iginuguhit.—Pag tayo’y nakasal at nagkaanak ng lalaki, iguguhit ko kayong mag-ina at tatawagin ko iyong ‘Walang Kamatayang Madonna.’

Iginuhit pa niya sa Oleo ang larawang iyon ni Merle sa baybayin ng look. Balak sana niyang ihandog sa katipan pagsapit ng kaarawan nito, nguni’t…

—Hi, Dan! — tinig ni Bert ang pumukaw sa kanya. Nagbaling siya ng tingin sa mesang kinaroroonan ng kaibigan. 

Nakangiti si Bert na tumindig at lumakad na palapit sa binati. Mahigpit na nagdaop ang kanilang palad.

—Dumating ka na pala, — sabi ni Bert. —Kailan pa?

—May isang linggo lamang ngayon.

—Halika, maupo ka.

Hinawakan ni Bert sa kamay si Dan at niyaya sa kanyang mesa. Nang makaupo ay inalok ng sigarilyo.

—Kumusta? — sabi ni Bert. —Ba’t ngayon ka lang napasyal dito?

—Kasi, kararating ko pa lang ay abalang-abala na ako. Nasa Amerika pa ako nang tumanggap ng sulat mula kay Padre Ganza. Kinasundo akong gumuhit ng larawan ng ‘Madonna’.

—Mabuti, — putol ni Bert. —Alam mo, sikat na sikat ka ngayon sa atin. Nababasa ko sa pahayagan ang mga balita tungkol sa iyo noong nasa Amerika ka pa. Nanalo ka rin pala sa isang timpalak doon. Kung hindi ka nagpunta sa Amerika, matatagalan pa marahil bago ka makilala ng ating mga kritiko rito.

Napatango si Dan. Totoo ang sinabi ni Bert. Naging madali nga ang kanyang tagumpay. Nguni’t tagumpay na naging kapalit lamang ng malalim na sugat sa kanyang puso. At ngayon ay muli siyang nakadarama ng kirot.

—Alam mo, — patuloy ni Dan at sinikap iwaksi sa isip ang malulungkot na alalahanin. —Hindi ko iginuhit sa Amerika ang larawan pagka’t ang ibig ko’y isang ‘Filipina Madonna’. Naghahanap ako ng modelo pagkarating ko rito pero wala akong makita. Inaapura ako ng pari. Naisip ko iyong larawang dinala ko rito bago ako umalis…

—Ha? Alin ba? Marami ka namang kuwadrong dinala rito, e.

—Iyong huling dinala ko. Manila Bay ang setting. Lumulubog ang araw. May babaeng nakaupo sa tabing dagat… si… si Merle…

Nagliwanag ang mukha ni Bert.—A, oo… para nga palang ‘Madonna’ ang ayos doon ni Merle, wala nga lamang kalong na bata. Talaga namang parang Birhen ‘kamo ng kanyang mukha. Pero… ba’t di mo siya puntahan? Siya ang tamang–tamang modelo mo.

Umiling si Dan. —Tama na ang larawang iyon… kung narito pa… siya ko na lamang gagawing guide.

Nagtawa sa Bert. —Masyado mong dinamdam ang nangyari sa inyo. Hindi naman kita masisi. Pero lalong hindi dapat sisihin si Merle. Hindi mo alam…

—Alin ang di ko alam?

—Teka… sasabihin ko sa iyo. Kangina pang makita kita ay naisip ko nang dapat ko ngang ibalita sa iyo. — Idinuldol muna ni Bert sa sensera ang sigarilyong natapos nang hititin. —Alam mo, ang kuwadrong iyo’y naipagbili ko na. — At kusang ibinitin ni Bert ang pagsasalita na waring sinasabik ang kausap. 

Naisip ni Dan: Talagang hindi niya inaasahang madaratnan pa ang kuwadrong iyon sa tindahang ito. Ngunit aywan niya kung bakit nagbabakasakali pa rin siya. Ang pagkaparito niya, bukod sa dahilang nais niyang kumustahin ang kaibigang si Bert, ay waring udyok pa rin ng isang damdaming hindi niya maipaliwanag kung bakit tuwi niyang tatangkaing iguhit ang larawan ng ‘Madonna’ nang si Merle ang nasa kanyang isip ay hindi niya maiguhit-guhit.

—Hindi mo na ba itatanong kung sino ang nakabili? — ani Bert.

—E, sino nga pala?

—Si Merle!

—Ha?

—Oo, siya nga. Alam mo, ang kuwadro mong iyon ay diyan sa eskaparate sa harap ng tindahan idinispley ko. Isang araw… may apat na buwan na sigurong nasa Amerika ka noon… dumating dito si Merle. Nakita raw niya ang kuwadro mo. Binili. Ayaw ko sanang pabayaran pagka’t alam kong ang balak mo noong una’y ihandog iyon sa kanya sa kanyang kaarawan, pero pag di ko raw tinanggap ang bayad ay mapipilitan siyang huwag nang kunin ang kuwadro. Alam ko namang gustong-gusto niya iyon kaya pinabayaan ko na.

—Pero… bakit niya maiibigang ariin pa iyon? — nasabi pa ni Dan.

—Iyon nga ang sekretong ibig kong malaman mo. Iniibig ka pa ni Merle, Dan. Hindi totoong nag-asawa siya sa iba.

—Pero… talaga niya akong pinagtaguan noon. Sumulat pa siya sa akin, nag-asawa na raw siya sa ibang higit na may magandang kinabukasan kaysa akin. Alam mo iyan, sinabi ko sa iyo noong dalhin ko rito ang kanyang larawan at itanong mo kung ba’t ko ipinagbibili.

—Oo nga. Nasabi rin niya sa akin iyan. Pero isa raw lamang paraan ang ginawa niya para pumunta ka ng Amerika.

Naputol ang kanilang pag-uusap nang may dumating na isang parokyano ni Bert. May sadya ang parokyano, at tumindig si Dan upang hayaang makausap ng kaibigan nang sarilinan ang panauhin.

Nagsindi ng sigarilyo si Dan at sa pagkakatayo sa bungad ng pinto ay tumanaw sa kabilang panig ng daan. Nagugunita niya: doon sa isa sa magkakaratig na tindahan ng alahas sa kabilang panig ng daan naglilingkod noon si Merle bilang despatsadora. Una pa si Bert kaysa kanya na naging kakilala ni Merle palibhasa’y magkatapat nga ang tindahang kinaroroonan ng dalawa. Malaon na niyang kaibigan si Bert na nakaklase niya sa paaralan ng sining, hindi nga lamang nagtapos ng kinuhang kurso sa pagguhit at sa halip ay nagbukas na lamang ng isang tindahan ng kuwadro, at ang kaibigan niyang ito ang nagpakilala sa kanya kay Merle. Ito rin ang lagi niyang nakakasama sa pagdalaw kay Merle kung Linggo ng gabi sa pinangangaserahan nito sa Maynila. At ang mga bagay ukol sa kanila ni Merle na naging katipan niya ng malaon ay hindi niya inililingid kay Bert.

Katulad niya ay ulila nang lubos si Merle at nitong huli ay naging masasakitin kaya nais niyang kung makasal na sila ay huwag nang magtrabaho ito. Gayon na lamang ang kanyang pagmamahal sa katipan kaya bagama’t hindi pa sila kumikita nang malaki, sapagka’t isa lamang bagong tapos na pintor at di pa gaanong kilala ay ipinasiya niyang balikating mag-isa ang kanilang pamumuhay at dulutan ito ng ginhawa.

Nguni’t makaraan lamang ng ilang buwang pagiging magkatipan nila ay kinapansinan niya si Merle ng kakaibang kilos. Para itong naging matamlay na di niya mawari. Malimit mangyari na sa kanilang pagkakaupo sa batuhang baybayin sa Luneta na malimit niyang pasyalan sa hapon ay matitigilan si Merle, waring nag-iisip na tatanaw sa laot, at kapag inusisa niya ay iiling lamang at hindi tutugon.

Kung minsan ay napapakahulugan niya tuloy iyon ng panlalamig sa kanilang pagmamahalan, nguni’t pilit niyang iwinawawaksi sa isip ang gayong hinagap.

At dumating ang isang pagkakataong inisip niyang lumagay na sila ni Merle sa tahimik. Lumahok siya sa isang pambansang timpalak sa pintura, at ang kanyang guhit ang napiling pagkalooban ng unang gantimpala. Dalawa ang mapamimilian niyang gantimpala: limang libong piso o isang scholarship grant para makapagdalubhasa siya sa isang kilalang paaralan ng sining sa Amerika nang wala siyang iintindihing gugol sa paglalakbay o pagtigil sa ibang bansa. Ipinasya niyang piliin ang limang libong piso. Pupuhunanin niya iyon sa pagpapatayo ng estudyo at pakakasal na sila ni Merle. Ngunit nang ipagtapat niya sa katipan ang kanyang pasiya ay malamig na malamig ang pagkakatugon nito. Gayunman, ang pangungusap nito at himig payo.

—Kung ako ikaw, — sabi noon ni Merle, —pipiliin ko ang scholarship. Dito’y kumita ka na dili. — Idiniin pa ni Merle ang bigkas sa huling pangungusap, wari bang ipinauunawang mabuti. —Sa Amerika, marahil ay makaguguhit ka pa ng maipagbibili mo roon sa mabuti-buting halaga kaysa rito sa atin. Saka makikilala ka na pagbalik mo pagka’t nag-aral ka na sa ibang bansa. Alam mo na ang kritiko natin.

Tinapos noon agad ni Merle ang kanilang pag-uusap at nagdahilan itong masakit ang ulo. Nang dumalaw siya uli kinagabihan sa katipan ay hindi ito nakaharap sa kanya. Nang sumunod na araw ay isang sulat ang tinanggap niya buhat kay Merle. Nakikipagkalas ito sa kanilang tipanan.

Nagtangka pa rin siyang makipagkita kay Merle, nguni’t nang magsadya siya muli sa tinutuluyan ng katipan ay wala na ito roon. Nang magtungo naman siya sa tindahang pinapasukan ni Merle ay nabatid niyang nagbitiw na ito.

Noon ay naiguhit na niya ang larawan ni Merle na balak nga sanang ihandog niya sa kaarawan nito. Sa malaking sama ng loob ay naisip niyang sirain na ang larawan. Ngunit nakapanaig din sa kanya ang hinahon. Dinala niya ang kuwadro sa tindahan ni Bert…

Napabuntunghininga si Dan pagsapit sa bahaging yaon ng gunita. Nang lumingon siya ay nakita niyang paalis na ang parokyanong kausap ni Bert. Nilapitan siya ng kaibigan at nagpatuloy sila sa pag-uusap.

—Maaari sana kitang sulatan para sabihin sa iyo ang ipinagtapat ni Merle, — ani Bert. —Pero hindi ko na ginawa. Bukod sa ipinamanhik niya sa aking huwag kong masasabi sa iyo, naisip kong mainam na sorpresa iyon para sa pagbabalik mo. Saka naisip ko ring marahil ay makabubuti ang masaktan ka nga para lalo kang magsikap na magtagumpay.

Nagawa nga niya akong pagtagumpayin. Nasabi ni Dan sa sarili. Sapagka’t dahil sa nangyari sa kanila ni Merle ay napilitan siyang mangibang-bansa upang maipakilala sa katipan na mayroon din siyang sinasabi. At hindi lamang sa kolehiyong pinag-aralan pa niya sa Amerika nakilala ang kanyang kakayahan. Sa isang taong itinigil niya sa ibang bansa ay nakaguhit pa siya at nakapagbili ng ilang kuwadrong nabayaran ng mahal at tumanggap ng papuri ng mga Amerikanong kritiko. Sumali pa rin siya sa isang timpalak doon sa pagguhit at nagkamit ng gantimpala.

—Alam mo, — wika pa ni Bert. —Napansin ko payat si Merle kaysa rati. Sa isa raw niyang kapatid sa probinsiya tumitigil siya. Naluwas lamang at naparaan rito pagka’t may sinadya sa ospital.

—Kailangang makausap ko siya, — pasiya ni Dan. —Pero saan ko siya hahanapin?

—Alam ko kung saang bayan naroon ang kanyang kapatid. Nasabi niya sa akin.”

Matapos malaman kung saan matatagpuan si Merle ay nagpaalam na si Dan. Sumakay siya sa bus na nagbibiyaheng palalawigan, at makaraan ang mahigit na kalahating oras ay sinapit niya ang patutunguhan. Sa pagtatanong ay natunton niya ang kinaroroonan ng hinahanap na katipan. Isa iyong bahay na tabla, may katamtamang laki, at nabububungan ng yero.

Tumawag si Dan at isang lalaking nasa katanghaliang gulang ang nagpatuloy sa kanya. Nagpakilala siya at sinabing kaibigan siya ni Merle.

—Ako po naman ang kanyang kapatid, — sabi ng lalaki at ipinakilala ang maybahay nito na isang matabang nasa katanghaliang gulang din.

—Dinadalaw ba n’yo si Merle? — tanong ng lalaki.

—Sana nga po…

Tumindig ang lalaki. —Nasa silid po siya. Masok kayo. — At nagpauna nang pumasok ang lalaki. Sumunod si Dan.

Sandaling napatda si Dan sa pagkakatayo sa bungad ng pinto. Sa kama sa silid ay nakahiga si Merle: marak ang mukha, nangangalirang ang mga bisig, at madalas ang pagtaas-pagbaba ng yayat na dibdib.

Napasugod ng lapit si Dan. Hinawakan niya sa kamay ang nakahigang katipan. Ngumiti ito at nangulubot ang yayat na pisngi.

—Dan…— paos ang tinig ni Merle. —Dumating ka na pala… 

—Nakausap ko si Bert. Sinabi niya sa akin ang totoo. Napakalaki ng pagpapakasakit na ginawa mo. Ngayon…— at nagbuntonghininga si Dan at humigpit ang pagkakahawak niya sa kamay ni Merle. —Hindi na ako makapapayag na lumayo ka pa sa akin. Pakakasal tayo… kahit ngayon…— At nilingon ni Dan ang kapatid at hipag ni Merle na nangakatayo sa kanyang likuran na para bagang ang kanyang sinabi ay pagtatapat sa mga ito ay paghingi na rin ng pahintulot. 

Nakita ni Dan na napakagat-labi ang mag-asawa. Nang bumaling siya kay Merle ay may luhang nangingilid sa mata nito. Kumibot ang mga labi ni Merle na anyong magsasalita, ngunit sinasal ng ubo. Namimilipit ang may sakit na waring nahihirapan sa pag-ubo, at udyok ng magkalangkap na pagkahabag at malaking pag-ibig ay hinagud-hagod ni Dan ang likod ng katipan.

—Matagal na ba siyang may sakit? — naitanong ni Dan sa mag-asawa.

—Opo. Mula pa nang umuwi siya sa amin. Kaya nga siya nagbitiw sa trabaho sa Maynila.

—Ano pong sakit?

—Kanser po… sa baga… — Ang tumugon ay ang hipag ni Merle.

Nabaghan si Dan. At nagunita niya ang laging pananamlay na napapansin niya kay Merle noon pang di pa man dumarating ang pagkakataong maaari siyang magtungo sa Amerika. Naisip niyang maaaring noon pa ay alam na ni Merle ang tungkol sa sakit nito. Napatingin siya sa dinding sa gawing paanan ni Merle at saka lamang niya napansin ang kuwadrong hinahanap niya sa tindahan ni Bert kangina. Nakasabit iyon sa dinding. 

—Bakit hindi mo sinabi sa akin noon pa ang totoo? — Naitanong ni Dan nang tumigil ang pag-ubo ni Merle.

—Kung sinabi ko sa iyo…— hinahabol ang paghingang tugon ni Merle, —lalong hindi ka papayag na lumayo… hindi mo ako iiwan… ibig na ibig kong magtagumpay ka…

Muling napatingin si Dan sa larawan sa dinding. At naunawaan niya ang kahulugan ng larawang iyon sa silid. —Tagapagpagunita ng magagandang alaalang nais baunin ng kanyang katipan hanggang sa mga huling sandali. At naisip niyang hindi pa napakahuli upang dugtungan niya ng katotohanan ang mga alaalang yaon. Pakakasalan niya si Merle, at iguguhit pa rin niya ang isang “Madonna” na mamamalaging buhay sa kanyang puso dumating man ang araw na wala na ang may-ari ng larawan.