MAGKASABAY SA PAGLIPAD

Napansin ni Rado na parang nabigla si Meding nang makita siya.

Ni FRANCISCO G. SIGUA

(Unang nalathala: LIWAYWAY, Pebrero 13, 1961)

NAKADAMA ng panghihina ng loob si Rado na magtuloy pa kina Meding pagkapakabila niya sa makapal na sagingan. Buhat doon ay natatanaw na niya ang tahanan ng kanyang kasintahan at parang may lakas na pumipigil sa kanya ngayon upang magpatuloy ng paglakad.

Ano ang mukhang ipakikiharap niya kay Meding pagkatapos ng nangyaring iyon? Nakagat nang mariin ni Rado ang kanyang labi.

May ilang linggo nang nakababalik sa nayon si Rado. Nguni’t sa loob ng panahong iyon ay hindi siya dumadalaw kay Meding. Wala siyang lakas ng loob na makipagkita sa kasintahan at aminin dito ang pagkabigo ng kanyang pangarap.

Nguni’t hindi matatahimik ang kalooban niya. Batid niyang hindi magiging makatarungan kay Meding na hindi niya pakipagkitaan ito na lumayo na lamang siya at sukat. Dapat siyang makipagliwanagan kay Meding. Dapat niyang sabihing kinakalagan na niya ito sa tali ng kanilang pag-iibigan.

Kinailangan ni Rado na palakasin pa ang kanyang loob nang dumating siya sa hapila ng mga kawayanan na siyang daraanan niya patungo sa bahay nina Meding. Sandali siyang napatigil. Tinanaw niya ang bahay ng dalaga sa dulo niyon. Sa isipan niya’y nagbalik ang mga araw na nakaraan sa kanila.

NASA ikatlong taon ng haiskul sila ni Meding nang magkaibigan. Kapwa maganda ang pangarap nila sa hinaharap. Kapwa nila pangarap na pagkatapos haiskul ay magpatuloy ng sila ng pag-aaral sa Maynila.

“Sinabi ko na kay Tatang,” ani Meding isang araw na magkasabay sila sa pagpasok sa haiskul sa kabayanan, “na pagkatapos ko ng haiskul ay magpapatuloy ako sa pag-aaral ng edukasyon. Pumayag naman siya. Sinabi niyang sa gitna ng aming karalitaan ay maigagapang din daw niya ang aking pag-aaral.”

“Payag din ang aking Tatang na kumuha ako ng inhinyerya,” naliligayahang pakli naman niya. “Batid niyang magiging mahirap sa aking kalagayan ang pag-aaral ko, pero sabi niya, maitataguyod din daw niya ako.”

“Makagaganti rin tayo sa kanila kapag nakatapos na tayo,” wika ni Meding.

“Siyanga,” ayon niya. “Kailangang mapaiba naman ang ating buhay sa buhay na ating kinagisnan.”

Kapwa maralita ang kanilang mga magulang. Magsasaka ang kanyang ama at magsasaka rin ang ama ni Meding. At kapwa rin hindi kalakihan ang lupang sinasaka ng mga iyon.

Kaya isang maralitang kabuhayan ang kanilang kinagisnan. At iyan ang kapwa nila ibig mahanguan. Ang pangarap nila, sa pagsasama nila sa buhay, ay mapaiba naman ang kanilang kapalaran sa kapalaran ng kanilang mga magulang. Ibig nilang ang kanilang magiging mga anak ay mapaghandaan nila ng maganda-gandang kinabukasan.

Subali’t ang magandang pangarap na iya’y unang nasiphayo sa puso ni Meding. Nasa huling taon na sila ng haiskul nang mamatay ang ama ni Meding. Dahil sa pangyayaring iyon, si Meding ay tiyak na mahihinto ng pag-aaral pagkatapos ng haiskul.

“Kung sa bagay,” aliw niya sa kasintahan, “hindi na naman kailangang dalawa pa tayong makatapos ng pag-aaral. Tama na ‘yang ako na lamang!”

Malungkot na napailing si Meding.

“Huwag kang malungkot,” dugtong pa niya. “Ako na lamang ang magtataguyod ng ating pangarap. Ang totoo, makatapos ka man ng pag-aaral ay hindi ka naman makapagtuture pa. Sa pag-aasikaso lamang sa ating bahay ay mawawalan ka na ng panahon…lalo pa’t kapag nagkaanak na tayo.”

“Kahit na, mabuti na rin sana ang makatapos ako ng pag-aaral,” sabi ni Meding na napabuntunghininga.

Nang makatapos nga siya ng haiskul ay siya na lamang ang naghanda para sa pag-aaral sa Maynila sa darating na pasukan. Hindi napalingid sa kanya ang pagiging malungkutin Meding. Iniisip niyang marahil ay hindi pa napapawi sa puso nito ang pagkabigo ng magandang pangarap.

“Hindi kita bibiguin, Meding,” sabi niya nang paluwas na siya ng Maynila. “Ako ang tutupad sa ating mga pangarap.”

Nakita niyang napayuko si Meding. Lumuluha ito.

“Bakit, ayaw mo bang lumuwas ako ng Maynila?” nababaghan niyang tanong.

“Hindi ko matatanggihan ang isang bagay na makabubuti sa iyo,” ani Meding sa bahaw na tinig.

“Bakit sa iyo ang sabi mo,” agaw niya. “Sa akin lang ba makabubuti iyon? Ang lahat ng gagawin ko’y para sa atin.”

Malungkot na ngumiti si Meding. “Lumuwas ka ng Maynila at magsikap ka sa pag-aaral,” anito. “Pilitin mong matupad ang iyong pangarap.”

“Alang-alang sa atin!” pangako niya kay Meding. “Makaaasa kang magiging inhinyero ang kuwan mo,” biro pa niya at binuntutan ng tawa.

NAGING panatag si Rado sa unang dalawang taon niya sa lunsod. Hindi siya kinakapos ng sustentong buhat sa kanyang ama. Madalang ang kanyang pag-uwi sa nayon, ngunit panay ang pagsusulatan nila ni Meding. Ibinabalita sa kanya ni Meding na ito’y nananahi na lamang ng mga baby dress at ito ang tanging katulong ng ina sa pagkita ng ikabubuhay.

Subali’t nang tumuntong si Rado sa ikatlong taon ng kanyang pag-aaral ay lubhang dumami ang kanyang mga pangangailangan. Ano man ang gawin niyang pagtitipid ay hindi rin makasapat ang kuwaltang ipinadadala ng kanyang ama. Naging madalas tuloy ang kanyang pagliham at paghingi ng kuwalta, nguni’t wala ring maipadala sa kanya ang ama. Muntik na siyang hindi makakuha ng eksamin sa pagtatapos ng unang semestre. Salamat at nakautang siya sa isang kaibigan na kamag-aaral din niya.

Natuklasan ni Rado ang malungkot na katotohanan nang umuwi siya sa Maisan. Nakabaon na sa utang ang kanyang ama sa kanilang kasama sa bukid at nito ngang dakong huli ay ayaw nang magpautang ang may-lupa. Wala namang mautangang iba si Mang Sendo.

“Makapagpapatuloy ka pa, anak,” malungkot nguni’t nakangiti pa ring wika ni Mang Sendo. “Maipagbibili natin si Kalakian.”

Napakagat-labi si Rado. Dalawa nga ang pansakang kalabaw ng kanyang ama subali’t hanggang sa taon na lamang na ito maaaring magamit ang isa, matandang-matanda na iyon. At ano pa ang gagamitin ng kanyang ama sa pagsasaka? Paano iyon makababayad ng utang?

Sinadya ni Rado huwag dumalaw kay Meding nang gabing iyon, taliwas sa kanyang kinagawian tuwing mauuwi siya. Maagang-maaga pa, kinabukasan, ay nagbalik na siya sa Maynila. Dala niya ang maliit na halagang naipon ng kanyang ina sa pagtitinda ng mga gulay. Maghahanap siya ng gawain.

Sa Maynila na siya inabot ng muling pagbubukas ng klase. Nguni’t hindi siya nakapagpapatala. Wala pa siyang natatagpuang gawain. Pagkaraan pa ng ilang linggo ay minabuti na niyang umuwi sa nayon. At noon nakarinig siya ng mga salitang pabiro nguni’t may himig ng paglibak. “Sumadsad daw sa gitna ang kanyang bangka.” Ipinagwalang kibo na lamang iyon ni Rado.

Isang linggo na siya sa Maisan ay hindi pa rin siya nagsasadya kina Meding. Wala siyang mukhang ipakikiharap sa dalaga. Batid niyang binigo rin niya ang pangarap ni Meding. Hindi niya madudulutan ito ng kaginhawahan sa buhay.

Nguni’t hindi siya matatahimik. Naisip niyang hindi magiging makatarungan kay Meding na lumimot na lamang siya nang hindi nakikipagliwanagan dito. Kaya minabuti niyang maglakas-loob na nga siya at makipagharap kay Meding. Sasabihin niyang limutin na siya baka makatagpo pa ito ng higit sa kanya na makapagbibigay ng kaginhawahang pangarap nito.

Malungkot na napailing si Rado sa kanyang pagbubulay-bulay. Pilit niyang pinatatag ang loob at nagpatuloy siya sa paglakad. Mabuti na nga ang gayon, matatag na pasiya niya.

MASASAL ang kaba ng dibdib ni Rado nang pataupo siya sa bahay nina Meding. Makailang sandali pa’y isang mukha ang sumungaw sa bintanang kalapit ng hagdan. Si Meding ang sumungaw. Parang nabigla si Meding nang siya’y nakita.

“I-ikaw pala, Rado,” nawika nito. “Tuloy ka.”

Pumanhik si Rado. Nakita niyang nakasimangot si Meding. Para itong galit. Kaipala’y dahil sa pagkabigo niya.

“Maupo ka!” sabi pa ni Meding.

Naupo silang magkaharap Sa mga likmuang nasa munting salas ng bahay. Ilang Saglit ding namagitan sa kanila ang katahimikan. Patuloy ang pagkakasimangot ni Meding.

“Wala yata ang matatanda?” nasabi ni Rado.

 “Naggagambot ng kamote!”

“Dinaramdam kong hindi ako nakapagpatuloy ng pag-aaral,” wika ni Rado at sinikap na mapagharian ang kanyang pangamba. “Sinikap ko sa buong magagawa ko… gayon din ni Tatang. Pero talagang hindi namin kaya ang pangarap kong maging inhinyero.”

“’Yan ba ang dahilan kaya ngayon ka lamang naparito gayong isang linggo ka na raw na nakauuwi?” badya ni Meding.

“Parang wala akong mukhang maipakiharap sa iyo,” sagot ni Rado. “Nguni’t naisip ko namang hindi makatarungang basta lumayo ako. ‘Ka ko’y dapat din namang makipagliwanagan ako sa ‘yo.”

“Anong pakikipagliwanagan ang sinasabi mo?”

“Bigo ako, Meding… at bigo rin sa akin ang pangarap mo,” namakas sa tinig ni Rado ang pagdaramdam. “Kinakalagan kita sa ating pag-iibigan. Higit sa akin ay makatatagpo ka.”

“Hoy, magtigil ka nga diyan.” At napalakas pa ang tinig ni Meding. “Akala mo ba’y kaya kita inibig, e, dahil sa pangarap mong maging inhinyero? Ba, nagkakamali ka kung ‘yan ang akala mo.” At iningusan siya ni Meding. “Ang sabihin mo. Kung nagbalik kang inhinyero na’y baka hiniling ko sa iyong maglimutan tayo. Ako’y magiging alangang lubha sa iyo. ‘Yon ay inaalaala ko na noon pang hindi na ako makapagpapatuloy ng pag-aaral.”

Parang hindi makapaniwala si Rado sa kanyang narinig.

“Pero nabigo man tayo kapwa sa pag-aaral,” wika pa ni Meding, “ay hindi rin ako nawawalan ng pag-asa. Dito man sa ating nayon ay magagawa natin ang magbago… umunlad. Hindi dapat na matapos sa pagkabigo ng ating pangarap, ang ating pagsisikap!”

Naramdaman ni Rado na parang biglang nagkasigla ang kanyang puso. Isang kaligayahang itinuring na niyang nawala ang muli niyang natagpuan. Parang nagbalik sa kanya. Hindi siya nakapagsalita. Nguni’t nalalaman niyang may pag- asa pa rin sa kanila ang isang magandang bukas.