Kagamitang Panturo sa Filipino

Kolum ni Pat V. Villafuerte

Sa muling pagbabalik ng harapang pagtuturo (face-to-face teaching) sa mga paaralang pampubliko at pampribado ay maigting ang pagsunod ng mga guro sa pagdebelop at pagpapatupad ng kurikulum. Ang pagbabago sa paraan at pamamaraan ng pagtuturo ng mga guro ay ilan lamang sa mahahalagang gawaing naisasakatuparan nila bilang tugon sa pangangailangan ng binagong sistema ng edukasyon. Ang mga salik at elementong nakapaloob dito ay mabilis na nakikipagsabayan upang makatugon sa mga pangangailangan ng mga tagapagturo at ng mga tinuturuan. Pagpapatunay lamang ito sa tinuran ni Nunan (1988) na nagiging ganap ang pagkatuto ng isang tao kung gagawin o susubukan niyang gawin ang mga bagay na inaakala niyang dati na niyang nalalaman.

Ang sabi nga ni Dr. Alexander F. Angeles, SDO ng DepEd Dibisyon ng Gapan sa kaniyang pag-aaral: “Isa sa mga kinakailangan ng isang guro sa kaniyang buhay pagtuturo ay masigurado niya na makakamit o matatamo ang lahat ng paraan upang makapagturo at matuto ang mga mag-aaral na kaniyang tinuturuan. Marapat niyang bigyang pansin kung paano siya makatutulong sa pag-angat ng kalidad ng edukasyon sa pamamagitan ng kaniyang pagtingin sa pagpapahalaga sa trabaho. Gayundin ang kaniyang pagtiyak na mapataas ang kaniyang kredibilidad sa pagtuturo. Ito ay sa pamamagitan ng kaniyang paghahanap ng paraan upang malinang ang sarili sa pagtuturo.”

Sa pag-aaral naman nina Dr. Jonnie A. Payoyo at Vanessa S. Ocumen ng Wesleyan University Philippines ay sinabi nila ang ganito: Malaki ang pananagutan ng guro sa isang matagumpay na pagtuturo at pagkatuto. Ang buong katauhan, saloobin, panlahat na kaalaman at estilo sa pagtuturo ay maaaring maging sanhi sa pagkawala ng interes ng mga mag-aaral sa pag-aaral. Dahil dito, sinisikap ng bawat guro na maging makabuluhan at kapaki-pakinabang ang ginagawang pagtuturo nang sa gayon ay matatamo ang lubusang pagkatuto ng mga magaaral. Isinaalang-alang ng mga guro ang paggamit ng makabagong pamamaraan sa pagtuturo lalo na sa pagtuturo ng panitikan.

Sa panahon ngayon ang mga guro ay gumagamit na ng makabagong teknolohiya, at isa dito ay ang pagpapanood ng mga aralin sa pamamagitan ng mga bidyo na nakukuha sa internet at ang iba ay ang paggawa ng powerpoint presentation, subalit marami pa ring guro ang gumagamit ng tradisyunal na pamamaraan tulad ng pagpapasulat at pagpababasa sa harapan ng klase.

Ang pagbabalik ng harapang pagtuturo (face-to-face teaching) ay naging mabisang panggising sa mga gurong nagtuturo ng/sa Filipino upang lalo pang gisingin ang kanilang kamalayan sa epektibong paraan at pamamaraan ng pagtuturo ng wika, pagbasa at panitikan. Nabubuo sa kanilang kaisipan ang mga bagong teorya, konsepto o ideya ng pagtuturo kabilang ang paggamit ng kagamitang kagamitang panturo na makatutulong nang malaki sa mabilis na pagkatuto ng mga mag-aaral.
Ano ang Kagamitang Panturo?

Ang kagamitang panturo ay tumutukoy sa anumang karanasan o bagay na ginagawa ng guro sa paghahatid ng katotohanan, kasanayan, pananaw, kaalaman, palagay, pang-unawa, at pagpapahalaga sa mga mag-aaral tungo sa pagiging kongkreto, daynamiko at ganap na pagkatuto. Ayon kay Numan (1991), ito ay isang mahalagang elemento sa kurikulum at kadalasa’y itinuturing na pinakamatibay at buhay na ebidensiya maging ito man ay kagamitang komersiyal o ginawa ng guro. Ayon naman kay Fullan (1982), ito ang pinakasentrong dimensiyon ng pagtuturo at pagkatuto.

Ano-ano ang Katangian ng Kagamitang Panturo?
Ayon kay Tomlinson (1988), ang mga sumusunod ang maikokonsiderang katangian ng kagamitang panturo:
1. Kinakailangang nakakapukaw ng interes at atensiyon ng mga mag-aaral. Ang kagamitang panturo ay nakagaganyak sa mga mag-aaral upang mabilis na matutuhan ang leksiyon.
2. Kinakailangang naipararamdam sa mga mag-aaral ang katiwasayan ng isipan at damdamin.
3. Kinakailangang nakalilinang ng tiwala sa sarili ng mga mag-aaral.
4. Kinakailangang nakapagbibigay ng pagkakataon sa mga mag-aaral na makapili sila ng gawain at naipopokus ang pagkontrol sa paksang tatalakayin at pakikiisa sa learner-centered discovery.
5. Kinakailangang maging daan ito sa pagtuklas ng mga pansariling kaalaman para sa mga mag-aaral.

Sa paggamit ng kagamitang panturo, magsisilbing tulong ito upang higit na mapahusay ng mga guro ang kanilang paraan at pamamaraan ng pagtuturo.

Paano ang Pagbuo at Paghahanda ng Kagamitang Panturo?
Ayon kay Graver (2000), sa pagbuo ng kagamitang panturo ay kailangan ang tuloy-tuloy na proseso lalo ang pagbuo ng desisyon at pagkamalikhain sa tulong ng aklat na ibinibigay upang ipabasa sa mga mag-aaral. Kailangan din ang tiyak na panahon kung kailan ito pasasagutan sa kanila. Ang pagdebelop ng kagamitang panturo ay isang proseso ng pagpaplano kung saan lumilikha ang guro ng mga yunit at aralin. Mula sa mga yunit na ito ay matutukoy ang mga mithiin at layunin ng kurso. Sa puntong ito, ang guro ang magdedesenyo ng kurso at magdedebelop ng mga kagamitan at mag-oorganisa ng materyales at gawain upang matamo ng mga mag-aaral ang mga layunin.

Ayon naman kay Fullan (1993), ang pinaksentrong dimensiyon ng pagtuturo at pagkatuto ay ang pagkakaroon ng pagbabago sa mga kagamitang panturo, metodolohiyang kakayahan at pagpapahalagang pedagohikal na itinuturing niyang pinakapangunahing mga inobasyon sa kurikulum. Subalit naniniwala siyang hindi matatamo ang inobasyong pangkurikulum kung hindi isinasaalang-alang ang kauna-unahang pagbabago sa sistema at organisasyong may kaugnayan dito.



Bakit Mahalaga ang Paggamit ng Kagamitang Panturo?
Binigyang-tuon ni Mayos (2008) sa kaniyang aklat ang tunay na kahalagahan ng paggamit ng mga kagamitang panturo gaya ng mga sumusunod:

Una, nakapagpapalaki at nakapagpapaliit ng mga bagay ang kagamitang panturo. Ang mga kagamitang pangmidya tulad ng projector, slide, at filmstrip ay nakapagpapalaki ng bagay upang lalong makita at maunawaan ang konseptong bumabalot dito. Gayundin, ang malalaking bagay ay maaaring mapaliit upang maiangkop sa talakayan at aralin. Ang mga guhit, larawan at modelo ay nagagamit ding representasyon ng maliliit o malalaking tunay na bagay.

Ikalawa, nakapaghahambing ng pagkakatulad at pagkakaiba ng mga bagay ang kagamitang panturo. Naipakikita nito ang bawat bahagi ng mga bagay kaya madaling makita at maipaghambing ang pagkakatulad at pagkakaiba ng bawat isa.

Ikatlo, nailalahad ng kagamitang panturo ang mga hakbang na maaaring gamitin sa pagsasagawa ng mga gawain. Ang maayos na pagkakasunod-sunod ng mga kagamitang biswal ay nakatutulong upang maisa-isa ang paggawa ng bagay.

Ikaapat, nakapagpapaliwanag ang kagamitang panturo ng mga abstraktong kaisipan. Ang mga abstraktong kaisipan at mahihirap na konsepto ay maaaring ipaliwanag ng mga bagay-bagay na nakikita, nahahawakan, at nasusuri ng mga mag-aaral.

Ikalima, nakatutulong sa paglutas ng problema ang kagamitang panturo. Nahihikayat nito ang mga mag-aaral na bumuo ng desisyon at masagot ang inilahad na problema sa pagkatuto.

Ang kagamitang panturo ay may mahalagang papel na ginagampanan sa higit na pagkatuto ng mga mag-aaral sa Filipino. Hindi sapat na ang pagtuturo ay magbibigay kaalaman lamang sa mga mag-aaral, kundi ito’y nararapat na luminang din ng mga kakayahan, kasanayan at pangkaisipan na maghahanda sa kanila sa isang buhay na maganda at matagumpay. Ito ay higit na mapagtatagumpayan kung ang guro ay batid ang kalikasan at kakayahan ng mga mag-aaral na kaniyang tinuturuan upang maiangkop ang estilong gagamitin niya sa pagtuturo ng mga ito.

Sa paggamit ng kagamitang panturo, magsisilbing tulong ito upang higit na mapahusay ng mga guro ang kanilang paraan at pamamaraan ng pagtuturo. Kailangan nilang mapaghandaan ito upang mapaigting sa mga mag-aaral ang pagpapahalaga sa sabdyek na Filipino at ang mahusay na paggamit ng Filipino kasabay ng pagpiprisinta ng mga ito sa klase.