Mga Kaalaman Tungkol sa Kalendaryo

Ni Ernesto Lawagan

SA bawat pagbabago ng taon, isang bagay ang hindi nawawala, laging hinahanap, at inaasam na makuha ng tao – ang kalendaryo.

Isipin mo kung wala kang paraan upang maitala ang iyong kaarawan. Hindi mo malalaman ang iyong edad. Isipin mo kung walang sistema ng pag-alam ng mga araw, buwan, at taon. Hindi magkakaroon ng tala sa kasaysayan, walang paraan upang matandaan ang mga mahahalagang kaganapan, walang tinginang-dako upang alamin ang araw-araw na gawain, at ang panahon ay lilipas lamang nang walang maiiwang bakas ng pangyayari. Katulad marahil nito ang buhay noong panahon ng Paleozoic Era, kung saan unang lumitaw sa daigdig ang maraming iba’t ibang uri ng nilikha, mahigit 538 milyong taon na ang nakaraan.

PINAKA-POPULAR NA REGALO

Ang kalendaryo, sa tuwirang salita, ay isang pisikal na gamit na nagpapakita ng mga bahagi ng panahon, ng mga araw, mga buwan, at mga taon, na isinang-ayon sa patuloy na paggalaw ng Araw at Buwan.

Isang bagay ang darating sa bawat tao, na napakahalaga at kinakailangan niya, sa bawat pagtatapos ng taon – ito ay ang bagong kalendaryo. Masasabing isang kasiguraduhan na ang bawat tao ay makatatanggap ng bagong kalendaryo, ito man ay regalo, pamigay o hiningi. Manapa’y tila hindi kumpleto ang Bagong Taon kung wala nito.

Sa maraming iba’t ibang survey, napatunayan na ang kalendaryo ang pinaka-popular na regalo sa Kapaskuhan, at mahigit sa 95 porsiyento na ang mga tao ay magbibigay, hihingi o makatatanggap nito.

PINAKAUNANG PAGTATALA NG PANAHON

Ang terminong “kalendaryo” ay nagmula sa salitang Latin na kalendae, na ang ibig sabihin ay “unang araw ng bawat buwan.”

Hindi tiyak kung kailan nalikha o sino ang lumikha ng unang kalendaryo. Sa Bibliya, malinaw na mayroon nang chronological records o sunurang-talaan ng mga kaganapan bago pa ang panahon ni Noah sa Aklat ng Genesis. Ito ay humigit-kumulang 6,000 hanggang 25,000 taon na ang nakalipas. Tumutugma ito sa mga nahukay at napatunayang labi ng pinakamatandang napatunayang lumaganap na sibilisasyon sa daigdig, ang Sumerian, at sa kanilang paraan ng pagtatala ng panahon.

Higit na nauna rito, ang mga tao noong Stone Age ay nagtatala ng paglipas ng bawat araw sa pag-ukit sa pader ng yungib na kanilang tinatahanan. Ang mga sinaunang katutubong Pilipino naman ay nagtatala ng bawat araw sa pamamagitan ng paggawa ng buhol sa isang mahabang lubid, at ang paglipas ng kabilugan ng buwan sa paggatla ng guhit sa kahabaan ng isang posteng kawayan. Mahalaga ang pagkaalam ng panahon sapagkat ibinabatay nila rito ang mga araw ng pagtatanim at pag-aani ng palay, at sa paghahanda sa pagdating ng tag-ulan. Ito rin ang kanilang gamit sa pagtala ng kanilang taon ng katandaan.

Sa simpleng agham, ang isang araw ay katumbas ng pag-inog ng daigdig sa axis nito, na siyang paglipas ng isang umaga at isang gabi. Ang lunar month ay katumbas ng panahon kung saan ang buwan ay nakaikot sa palibot ng orbit ng mundo. Ang solar year ay katumbas ng pag-ikot ng Earth sa palibot ng Araw.

Sa Mesopotamia (sinaunang Iraq), ang unang kalendaryo ng mga Sumerian ay may katangiang lunar o batay sa paggalaw ng buwan. Ang isang buwan para sa mga Sumerian ay nagsisimula sa unang paglitaw ng talang-buwan sa kalangitan, at ang haba ng isang buwan ay tumutugma sa 29 o 30 araw,  na kahalintulad ng pagtatala noong panahon ng Stone Age.

Sa pag-unlad ng kaalaman at ang pagkakaroon ng mga natural phenomena ang siyang naging paraan upang masukat ng mga sinaunang tao ang paglipas ng oras. Ang mga Egyptian ang kauna-unahang mga tao na gumamit ng solar calendar. Sila rin ang itinuturing na mga unang astronomers ng sinaunang panahon, at ang kanilang kaalaman sa astronomiya ay naging kasangkapan upang mabuo nila ang kanilang kalendaryo. Napansin nila na ang Dog Star na Sirius ay lumilitaw sa silangang kalangitan bago ang pagbubukang-liwayway, na sinusundan ng taunang pag-apaw ng tubig sa Nile River. Ginamit nila ang kaganapang ito upang ihulma ang kanilang kalendaryo. Nabuo nila na ang bawat taon ay may 365 araw at binubuo ng 12 buwan na may 30 araw, at may dagdag na limang araw sa katapusan ng bawat taon. May kakulangan o fractional difference ng humigit-kumulang ikaapat na bahagi ng isang araw ang kalendaryo ng mga sinaunang Ehipsyo, at unti-unti itong lumihis sa panahon. Ayon sa tagatala ng kasaysayan at Egyptologist na si James Henry Breasted (1865-1935), ang pinakaunang takdang araw sa kalendaryong Ehipsyo, batay sa kasalukuyang sistema ng kalendaryo, ay naitala noong 4236 B.C. Ito ay 6,247 taon na ang nakaraan.

Naniniwala naman ang mga Mayan na ang daigdig ay nalikha at nawasak na ng dalawang beses bago pa sila nabuhay sa kanilang kinaroroonan, at ito ay nagsimula noong Agosto 13, 3114 B.C. (kung itutugma sa Gregorian calendar).

ANG CHINESE CALENDAR

Humigit-kumulang 4,650 taon na ang kalendaryong Tsino batay sa mga tala, subalit ginagamit pa rin ito magpahanggang ngayon sa buong China at sa maraming bahagi sa silangang Asia at sa ibang panig ng daigdig na may oriental cultural heritage.

Nagsimula ang unang kalendaryong Tsino noong 2637 B.C., ang taon kung saan ito umano ay nilikha ng maalamat na emperador na si Huang-ti. Ang pinakamatandang labi o relic na naglalarawan sa kalendaryo ay matatagpuan sa mga oracle bones na mula pa sa panahon ng Shang Dynasty (1600-1100 B.C.).

Ang kalendaryo ay tinatawag na “lunisolar” o magkahalong ibinatay sa galaw ng Araw at Buwan. Ang isang taon ay ibinatay sa paggalaw ng Buwan, na karaniwang binubuo ng 12 buwan. Bawat buwan ay nagsisimula sa new moon at may 29 o 30 araw. Upang iagapay sa solar year, nagdaragdag ng buwan sa bawat 19 na taon, at sa pamamagitan nito, naitutugma ang kalendaryo sa paglipas ng panahon. Ang sistema ng Chinese calendar ay nahahati sa cycles na 60 taon, na pinaghaharian ng limang elemento (metal, kahoy, tubig, apoy at lupa) at 12 hayop.

Ayon sa alamat, bago lumisan sa daigdig, tinawag ni Buddha ang mga hayop sa lupa upang pumunta sa kaniya. Tanging 12 lamang ang dumating – unang dumating ang daga, sinundan ng baka, pagkatapos ay tigre, kuneho, dragon, ahas, kabayo, tupa, unggoy, tandang, aso, at baboy. Bilang pasasalamat, ginantimpalaan ni Buddha ang 12 matapat na hayop sa pamamagitan ng pagpapangalan sa kanila ng mga taon alinsunod sa pagkakasunod-sunod ng kanilang pagdating.

Ang limang elemento at 12 hayop ay magkaugnay na ginagamit at bumubuo ng 60 counting system cycle, na nagsisimula sa Dagang Kahoy o Wooden Rat at nagtatapos sa Baboy Tubig o Water Boar. Bawat magkakasunod na taon ay binubuo ng symbol combination ng dalawang series. Kung ihahambing sa western astrology, ang Chinese New Year ay ipinagdiriwang sa unang bagong buwan o new moon matapos pumasok ang Araw sa Aquarius – na nagaganap sa pagitan ng Enero 21 at Pebrero 19. Ang taong 2025, halimbawa, ay “Year of the Earth Snake,” subalit ito ay magsisimula lamang sa Enero 29, 2025 – ang takdang Chinese New Year – at magtatapos sa Pebrero 16, 2026.

Malaki ang impluwensiya ng Kalendaryong Tsino sa kultura ng mga Pilipino. Bago pa man nakarating ang mga mananakop na Kastila sa Pilipinas, batid na nila ang pagtatala ng panahon sa pamamagitan nito na kanilang natutunan sa mga mangangalakal na Tsino. At hanggang ngayon, ipinagdiriwang pa rin sa Pilipinas at halos sa buong Asia ang Chinese New Year. Marami pa rin ang ginagamit ito sa astrology upang diumano alamin ang hinaharap at kapalaran ng isang tao.

SA MGA GRIYEGO AT ROMANO

Ang mga sinaunang Griyego at Romano ay may magkahawig na calendar system – ang pagkakaroon ng taon na may 300 araw na bumubuo sa 10 buwan. Ito ay halos kahalintulad ng sinaunang middle-eastern lunar calendar.

Sa pinakaunang nakatalang Kalendaryong Romano, ang isang taon ay binubuo ng 304 na araw, na ang bawat linggo ay may walong araw. Wari ay winalang saysay ng mga Romano ang 60 araw ng tagyelo o winter kung saan walang nangyayaring pagtatanim, pag-aani o pangangalakal at halos wala silang ginagawa sa loob ng dalawang buwan. Ang 10 buwan ng kalendaryo ayon sa pagkakasunod-sunod ay may pangalang Martius, Aprilis, Maius, Junius, Quintilis, Sextilis, September, October, November at December. Ang huling anim na pangalan ay mula sa salitang Romano na “lima,” “anim,” “pito,” “walo,” “siyam,” at “sampu.” Ang una, ikatlo, ikalima at ikawalong buwan ay may 31 araw, at ang ibang anim na buwan ay may tig-30 araw. Si Romulus, ang “legendary ruler of Rome” at unang emperador, ang sinasabing nagbigay ng kalendaryong ito noong 738 B.C.

Pagkatapos nito, ang mga buwan ng Januarius at Februarius ay idinagdag naman sa katapusan ng taon. Upang maiagapay ang kalendaryo sa solar year, idinagdag ng sumunod na emperador na nagngangalang Numa Pompilius ang buwan ng Mercedinus, na may 22 o 23 araw. Ang buwang ito ay ipinapasok sa pagitan ng Pebrero 23 at 24 sa bawat dalawang taon.

ANG JULIAN CALENDAR

Sa pamumuno ni Emperor Julius Caesar (c. 100-44 B.C.), dahil sa nagkapatong-patong na pagkakamali sa haba ng taon, ang kalendaryo ay halos tatlong buwan na nauuna sa panahon. Noong 46 B.C., inatasan ni Caesar ang misteryosong astronomo na si Sosigenes na pag-aralang mabuti ang kalendaryo at gumawa ng pag-aayos dito.

Batay sa panukala ni Sosigenes, iniutos ng emperador na huwag ng isaalang-alang ang pagtingin sa Buwan sa pag-alam ng kalendaryo. Hinati niya ang isang taon sa 12 buwan na may 30 at 31 araw, maliban sa huling buwan na Februarius na mayroon lamang 29 araw (binawasan ito ng isang araw ng sumunod na emperador na si Augustus Caesar), at dinaragdagan ng isang araw kada apat na taon na tinawag na leap year. Upang maitugma ang mga pagkakamali, ipinasiya ni Emperor Julius Caesar na ang taong 46 B.C. ay magkakaroon ng 445 na araw. Tinawag ito ng mga Romano na “the year of confusion.” Kung babasahin mo nga ang buong kasaysayan ng Kalendaryong Romano, masasabing ito na siguro ang pinakamagulong kalendaryong ginawa ng tao.

Pinalitan ng mga Romano ang pangalan ng buwan ng Quintilis upang parangalan si Julius Caesar, kaya ito ay naging “July.” Ang sumunod na buwan na Sextilis ay ginawa namang “August” sa pagpaparangal kay Augustus Caesar. Sumunod, ang Januarius ay ginawang unang buwan, ang Februarius ay ikalawa, ang Martius ay ikatlo at ang ikalimang buwan ay naging ikapito, ang ikaanim ay naging ikawalo, ayon sa pagkakasunod-sunod. Kaya kung inyong mapapansin, ang September na mula sa salitang septem (na ang inig sabihin ay “pito”) ay siya ngayong ikasiyam na buwan ng taon.

Ginamit ang Julian calendar, na may 365¼ na araw sa bawat taon, sa loob ng 15 siglo. Datapuwa’t ang kalendaryong ito ay humigit 11 minuto at 14 na segundong mahaba kaysa solar year. Ang agwat na ito ay naging sanhi ng di-pagtutugma ng araw sa panahon o season. Nang taong 1580, ang spring equinox ay tumapat sa Marso 11, o sampung araw na maaga kaysa nararapat.

ANG GREGORIAN CALENDAR

Ang Gregorian calendar ay dinisenyo upang iwasto ang mga pagkakamali ng Julian calendar. Noong 1852, sa payo ng mga astronomo at matematiko, iniutos ni Pope Gregory XIII (1502-1585) na iwasto ang pagkakaiba ng panahon sa umiiral na kalendaryo. Batay sa unang proposal ng manggagamot at astronomo na si Aloysius Lilius (c. 1510-1576), at sa pagsasaayos ng matematikong Aleman na si Christopher Clavius (1538-1612), isinagawa ang pagwawasto sa mga kamalian ng Julian calendar. Isinaayos din ang pagtutugma ng panahon sa kalendaryo, at sa pamamagitan ng pagtatanggal ng 10 araw mula Oktubre 15, 1582. Naibalik ang sumunod na equinox sa tama nitong araw.

Upang patuloy na maiwasto ang pagkakamali ng Julian calendar, muling iniutos ng papa na ang buwan ng Pebrero ay magkakaroon ng dagdag na araw tuwing apat na taon (subali’t hindi kasama ang mga siglong nahahati ng 100 katulad ng 1700, 1800 at 1900), maliban ang mga siglong ito ay eksaktong nahahati sa 400, halimbawa ang mga taong 1600, 2000. Ito ang kalendaryong ginagamit ng halos buong daigdig sa kasalukuyan.

DAPAT NA BANG BAGUHIN ANG KALENDARYO?

Makalipas ang halos apat at kalahating milenyo, ang umiiral na Gregorian calendar ay mapapansing tila hindi na tugma sa panahon. Ang mga dating buwan ng tag-ulan ay naging tila tag-init, at ang mga buwan ng Oktubre at Nobyembre ay tila naging mga buwan ng tag-ulan, at maalinsangan pa rin sa halip na magsimulang lumamig ang panahon. Masyadong kumplikado ang agham at matematika upang talakayin ang pagkakaiba ng Tropical Year sa Gregorian Calendar, at ang iba pang peripherals upang eksaktong malaman ang agwat ng dalawa, para sa artikulong ito.

Sapat nang sabihin ang ganito: Ang Tropical year ay may 365.2422 araw at ang Gregorian calendar naman ay 365.2425 araw. Kung titingnan ay napakaliit ng pagkakaiba, na humigit-kumulang 27 segundo lamang bawat taon.

Kung ito ang pagbabatayan, lilipas pa ang 3,200 taon bago magkaroon ng pagkakaiba ng isang araw sa pagitan ng panahon (tropical year) at kalendaryo (calendar year). Subalit bakit nga ba tila hilong-talilong ang panahon?

Dito na papasok ang mga terminong agham na orbital eccentricity at tidal forces. Muli, kumplikadong talakayin ito para rito sa artikulo. Sa simpleng paliwanag, ito ang dahilan ng pagbabago ng panahon at klima sa iba’t ibang panig ng daigdig. Hindi nagbabago ang haba ng Tropical Year sa pag-ikot ng ating planeta sa araw, subalit hindi eksaktong bilog ang hugis ng mundo kaya sa paglipas ng panahon ay hindi rin eksakto ang pag-inog nito na nakakaapekto sa iiral ng klima. Idagdag pa ang epekto ng climate change na bunga ng urbanization, pollution at pagkakalbo ng mga kagubatan sa daigdig.

PANGALAN MULA SA KALENDARYO

Kaalinsabay ng pananakop ng mga Kastila sa Pilipinas ay ang mga tradisyong ipinamana ng kolonisasyon. Kasama na rito ang pagpapangalan sa mga ipinapanganak na sanggol sa mga santong ipinagdiriwang ng mga Katoliko sa araw ng kanilang kapanganakan.

Isang halimbawa ay ang ating bayaning si Andres Bonifacio (1863-1897), na ipinangalan kay San Andres dahil si Bonifacio ay ipinanganak ng Nobyembre 30, na siyang pista ng naturang santong Katoliko. Ang kaniyang kapatid naman na si Procopio ay ipinanganak sa pista ni San Procopio.

Ang pambansang bayaning si Jose Rizal (1861-1896) ay hindi ipinangalan kay San Jose, kundi kay San Protacio, na ang pista ay sa Hunyo 19, ang kapanganakan ni Rizal. Kaya ang buong pangalan ng ating pambansang bayani ay Jose Protacio Rizal. Si Apolinario Mabini na ipinanganak ng Hulyo 22, 1864, na kulang ng isang araw sa pista ni San Apolinario na Hulyo 23, subalit piniling pangalanan mula sa santong ito ng kaniyang mga magulang.

Si Honorio Lopez (1875-1958), isang makabayang Pilipino na lumaban sa mga Kastila (1896), sa mga Amerikano (1899), at sa mga Hapon (1947), bilang isang mandirigma, propagandista at manunulat, ay gumawa ng isang almanac na naglalaman ng mga sinasabing pangalan ng mga santo noong 1897. Ang lihim niyang layunin ay maipangalat ang pagtataguyod ng pakikibaka laban sa mga dayuhan.

Ang 1897 calendar ni Lopez ay tinawag na La Sonrisa o “Ang Ngiti,” bago natuklasan ng mga Kastila ang nakatagong lihim nito at layunin. Nang lumaon, nagkaroon ito ng bagong pangalan, Dimasalang. Ang kasalukuyang edisyon, na makikita pang ipinagbibili sa mga bangketa malapit sa simbahan ng Quiapo ay kilala bilang Kalendaryong Tagalog ni Honorio Lopez. Sa katunayan, si Lopez mismo, na ipinanganak ng ika-30 ng Disyembre ay ipinangalan kay San Honorio.

Ang inyo pong lingkod ay hindi naman ipinangalan kay San Numeriano (hay, mabuti na lang), na siyang santong Katoliko na ang pista ay Hulyo 5 na araw ng aking kapanganakan. Bagama’t mahilig ako sa numero at matematika.

Narito ang isang trivia: Kung titingnan ang Kalendaryong Tagalog ni Honorio Lopez, ang magasing Liwayway ay unang lumabas sa sirkulasyon sa pista ni San Maximo na Nobyembre 18 (1922).

Maitanong ko lang, kung ang anak ninyo ay ipinanganak ng Oktubre 10, papangalanan mo ba siyang Eulampioso o Eulampiosa (bagama’t puwede mo namang piliin ang Francisco o Luis, na nakatala ring santo para sa araw na ito), o kaya’y Eduvigiso o Eduvigisa kapag Oktubre 17? Paano naman ang mga ipinanganak ng Disyembre 10, bagay ba sa inyo ang pangalan Gorgonio o Gorgonia?