ANG NAKABAONG KAYAMANAN SA KENKOY: ANG MAHIWAGANG TAHANAN (1947) NI TONY VELASQUEZ

NI EDGAR CALABIA SAMAR

Pamagat: Kenkoy: Ang Mahiwagang Tahanan

Manunulat: Tony Velasquez

Ilustrador: Tony Velasquez

Publikasyon: Liwayway

Bilang ng Labas: 21

Bilang ng Pahina Bawat Labas: 1

Unang Labas: 5 Mayo 1947

Huling Labas: 22 Setyembre 1947

NAGSIMULA ang kuwento sa pagsasabi ni Talakitok kay Kenkoy na may importanteng balita siya tungkol kay Rosing pero kailangan niya muna ng suhol bago niya ito ibahagi sa binata. Nagbigay ng piseta si Kenkoy pero naliitan si Talakitok. Napilitan lang siyang magsabi nang pagbantaan siyang sasaktan ni Kenkoy. Sinabi ni Talakitok na tatlong araw nang may dumadalaw na makisig na lalaki kay Rosing at mukhang masayang-masaya ito at ang ina sa pagtanggap sa lalaki. Agad na nagpasya si Kenkoy na puntahan ang dalaga.

Samantala, kausap naman ni Rosing ang inay niyang si Aling Hule, at sinabi niya ritong tatlong araw na rin siyang hindi dinadalaw ni Kenkoy kaya hindi niya maibalita rito ang tungkol kay Augusto. Siyang pagdating naman ni Augusto na siya palang maghahatid sa mag-ina sa Antipolo gamit ang kotse nito. Noon naman dumating si Kenkoy na agad sinapak si Augusto. Akmang aalis na si Kenkoy nang hinabol siya ni Rosing na agad ipinagtapat na hindi naman siya nililigawan ni Augusto. Ito umano ang nagbili sa nanay niya ng isang malaking bahay sa halagang limang libong piso lamang. Nagkataon lang daw na pupunta rin ito sa Antipolo kaya nakisabay na ang ina niya.

Sa pagpapaliwanag ni Rosing, nalaman ni Kenkoy na hindi pa nakikita ng mag-ina ang bahay na binayaran ng mga ito. Larawan lang ang ipinakita ni Augusto. Muling sasapakin ni Kenkoy si Augusto nang sinabi ng lalaki na agad niyang sasamahan ang mga ito sa bahay sa San Francisco Del Monte. Pagdating nila sa itinuturong bahay ni Augusto, nawala ang duda ng mag-ina, lalo pa’t ipinaalala ng lalaki na mayroon naman silang pinirmahang kontrata. Subalit hindi pa rin kumbinsido si Kenkoy. Para sa kaniya, malamang na may hiwaga sa bahay kaya ibinebenta ito nang mura. Hindi na rin nakapagpigil si Augusto kaya nagpambabag ang dalawa. Inawat ng mag-ina ang dalawang lalaki at galit na iniwan naman ni Augusto ang susi ng bahay kina Rosing.

Pagkaalis ni Augusto, papasok na sina Rosing sa bahay nang isang matandang lalaki ang umawat sa kanila at nagsabing may multong lumalabas sa bahay. Hindi naniwala si Rosing sa sinabi ng matanda pero sinabihan si Kenkoy na maiwang nagbabantay sa bahay para matiyak kung meron nga. Naisip ni Kenkoy na napasubo yata siya kaya binalak niyang hilingin kay Talakitok na samahan siya sa bahay pero hindi niya ipapaalam ang tungkol sa multo.

Samantala, naghahanda naman si Rosing ng pagkain na dadalhin para kay Kenkoy nang dinalaw siya ni Tirso. Sinamahan siya ng lalaki papunta sa bahay pero hindi na nila dinatnan doon si Kenkoy. Hinala ni Rosing ay umalis ito sa matinding takot sa multo. Si Tirso naman ang hinilingan nitong magbantay sa bahay.

Kinagabihan, dumating nga si Kenkoy kasama si Talakitok na akala’y marami siyang makakain sa bahay kaya sumama. Nakita nila ang jeep ni Tirso na nakaparada sa labas. Pagpasok sa bahay ay nakita rin nila ang mga pagkaing dinala ni Rosing na nilantakan naman agad ni Talakitok bago sila nagbalak na matulog. Pagdating ni Tirso, na lumabas pala para bumili ng kandila, dinatnan niyang ubos na ang pagkain at naisip niya kung multo ba ang kumain. Nang makarinig siya ng humihilik, inisip niya kung multo rin ba iyon.

Samantala, nagising naman si Kenkoy sa kaluskos ni Tirso at inisip din niya kung multo ba ang gumagalaw. Sinundan ni Kenkoy ang galaw ni Tirso na namatayan naman noon ng ilaw sa kandila. Nang nagkabungguan, noon sila nagkaalaman na pareho silang pinatao roon ni Rosing. Nagising na rin si Talakitok at nalaman ang tungkol sa babalang may multo sa bahay. Noon naman may biglang nagbukas ng pinto at sa pag-aakalang iyon na nga ang multo, nagsipulasan ang tatlo sakay sa jeep ni Tirso. Pinuntahan nila si Rosing at sinabing may multo nga sa bahay na nabili ng mga ito. Sinabi ng babae na pupuntahan nila kinabukasan ang bahay.

Nagpaalam na sina Kenkoy pero sa halip na umuwi, sinabi niya kay Talakitok na kailangan nilang mahuli ang multo para siya ang pakasalan ni Rosing. Subalit ayaw siyang samahan ni Talakitok na naisip noon na kung siya ang makakahuli sa multo, maaaring siya ang pakasalan ni Rosing. Kinabukasan, pare-parehong gusto ng tatlo nina Kenkoy, Talakitok, at Tirso na sila ang makahuli sa multo para kay Rosing. Si Rosing ang nagtakda ng pagsasalitan sa pagbabantay ng tatlo. Sinabi niyang kailangan nilang mapaalis ang multo para mapaupahan ang bahay. Sa bandang huli, nagpasya sila na magsama-sama sa pagbabantay sa bahay.

Kinagabihan, nagdala si Tirso ng tomson at kuwarenta’y singko. Krus at dasal naman ang teknik ni Kenkoy, na biniro si Talakitok na sapat na ang mukha nitong panakot sa multo. Binigyan ni Rosing ng rosaryo si Talakitok na isinabit naman nito sa kaniyang leeg. Pagpasok nila sa bahay, naunang “pinagpakitaan” si Talakitok at agad itong hinimatay. Dinatnan ni Tirso si Talakitok na walang malay, na siyang patakbong pagdating naman ni Kenkoy dahil sinusundan daw siya ng multo. Sinabi ni Tirso na malamang na takot sa tomson ang multo kaya hindi siya nito pinagpapakitaan. Sumugod si Tirso sa direksiyon ng sinasabing multo habang nag-aalinlangan namang sumunod sina Kenkoy at Talakitok. Subalit naglahong parang bula si Tirso. Naisip nina Kenkoy at Talakitok na umuwi na lang dahil alas-kuwatro na ng umaga. Lalo silang napakaripas ng takbo nang matiyak ni Kenkoy na hindi si Talakitok ang nagsabi sa kanya ng oras. Sa labas, nakita nilang nakatali si Tirso sa jeep nito.

Matapos kalagan si Tirso at alisin ang busal sa bibig, sinabi nitong nalaman na niyang tao talaga ang sinasabing nagmumulto sa bahay at dinakip siya dahil natakot ito sa mga dala niyang armas. Pumunta sila kina Rosing para iulat ang nangyari. Noon naman dumating si Tinyente Dikyam—na nagsabing Kapitan na siya—dahil nabalitaan daw nito ang tungkol sa pinapaupahang bahay nina Rosing at interesado itong umupa. Napatunganga si Rosing sa sinabi ng kapitan at hiniling dito na bigyan pa sila ng ilang araw bago ito makalipat. Pagkaalis ni Kapitan Dikyam, sinabi ni Kenkoy na duda siya kung ang kapitan ba ang nagkukunwaring multo.

Kinagabihan, binalikan ni Kenkoy ang mahiwagang bahay at nakita niya ang isang matandang naghuhukay. Tumakbo ang matanda nang tinawag ito ni Kenkoy. Hinabol ito ni Kenkoy na naalalang iyon ang pulubing nagsabi kay Rosing na may multo sa tahanan. Napulot niya ang balbas nito kaya natiyak niyang nagpapanggap lang din itong matanda. Ipinaalam ni Kenkoy iyon kay Rosing na nagsabi namang hindi na makapaghintay si Dikyam kaya’t nagpasyang lilipat na sa bahay kinabukasan din.

Nang sumunod na gabi nga, nakita ni Kenkoy na ang nagpapanggap na multo ang tumatakbo palabas ng tahanan kung nasaan si Dikyam. Nang mahuli nila ito, sinabi ng lalaki kina Kenkoy at Dikyam na nagmumulto ito dahil may ibinaon siya noong kayamanan sa lupang kinatatayuan ng bahay. Kaharap na sina Rosing at Aling Hule, ipinagtapat ng lalaki na nakadispalko siya ng sandaang libong piso sa bangko at bago siya nahuli ay ibinaon niya sa lupa ang pera. Lumaya siya sa Bilibid makalipas ang labinlimang taon at pinuntahan niya agad ang lugar pero nakita nga niyang may nakatayo nang bahay. Napagtanto nina Kenkoy na kinailangang magmulto ng lalaki para lumayo ang mga tao sa bahay. Sa huli ay ipinaalam ni Dikyam na nasayang lang ang pagod ng lalaki dahil nabalita noon sa diyaryo na nahukay na ng mga tiktik ang pera isang linggo pa lang matapos itong makulong.

ILANG PANSIN

⦿  Ang “Mahiwagang Tahanan” bilang Social Text ng Pagbangon at Pag-asa. Sa konteksto ng pananakop sa katatapos lamang ng digmaan, ang kuwento nina Kenkoy, Rosing, Talakitok at Tirso ay higit pa sa simpleng libangan: ito’y salamin ng pambansang adhikain sa muling pagbangon. Ipinapakita sa serye ang modernong bahay—malawak, may malalaking bintana, at itinayo sa mataas na burol—bilang simbolo ng pag-asa, ng pagtatayo ng bagong Pilipinas. Sa bawat isyu, ramdam ang hindi mapigil na pangarap ng mga Pilipino para sa mas maunlad na sambahayan. Ipinapakita rin ang tensiyon sa pagitan ng nakaraan (mga multo, hiwaga, trahedya ng digmaan) at hinaharap (bagong tahanan, kontrata, pagbabayad, at pagpapaupa). Dahil dito, nagiging cultural text ang akda ni Velasquez—pinag-uugnay nito ang personal na kuwento ng pag-ibig at pagsubok nina Kenkoy at Rosing sa mas malawak na diskurso ng pambansang rehabilitasyon, urbanisasyon, at pagbuo ng modernong midya na nagpapalaganap ng bagong pambansang imahen. Sa pamamagitan ng katatawanan, suspense, at kontekstong pamilyar sa buhay ng ordinaryong Pilipino (paninirahan sa paupahang bahay, pagkakakulong, pagbabagong-buhay), naitatanghal ni Velasquez ang komiks bilang midyum na kritikal at nagbibigay-pag-asa sa isang lipunang bagong-bagong bumabangon sa abo ng digmaan.

⦿  Karakterisasyon at Gender Dynamics sa Komiks. Kapansin-pansin dito ang paglalarawan kay Rosing at sa kanyang ina, si Aling Hule, bilang aktibong mga tauhan sa naratibo. Hindi sila basta “babaing inililigtas”; sa halip, may sarili silang boses at desisyon—mula sa pakikipag-usap kay Kenkoy tungkol sa tunay na kalagayan ni Augusto, hanggang sa pag-oorganisa ng halinhinan sa pagbabantay sa bahay. Si Rosing ang matapang na nagpasiya kung kailan susubukan ang bahay ni Augusto, at siya ring nagtakda ng mga tuntunin sa pinaghihinalaang “multo” (ang pagsasali ng tatlong lalaki, turn-taking). Makikita rito ang representasyon ng nag-iisip at responsableng babae na nagbibigay-direksiyon sa kuwento, isang uri ng “female agency” na bihira pang makita sa mainstream media ng henerasyong iyon. Sa kabilang banda, si Kenkoy—bagaman pangunahing bida—ay madalas na nagiging impulsive (agad na sinasapak si Augusto, laging gusto agad makipagsapalaran), samantalang sina Talakitok at Tirso ay sumasabay lang sa galaw niya. Ang dinamika ng tatlong lalaki laban sa isang babaeng matatag at matalino ay naglalahad ng subersibong mensahe: kahit pa dominado ng macho banter ang akda, may puwang ang kababaihan sa pagpapasya at pagpapatakbo ng kuwento. Sa gayon, hinahamon ng komiks ang tradisyonal na gender hierarchy sa popular na midya, kahit pa may humor at supernatural na timpla.

⦿ Multo, Kapitalismo, at Paniktikang Moral. Ang motif ng multo—ang “haunting” na nagpapalayo sa tao sa bahay—ay nagiging metapora para sa nakatagong pera at hiwaga ng kapitalismo: ang lupaing may “ibinaong kayamanan” na nag-aabang sa natatanaw na gusali. Ang pagmumulto ay hindi dahil sa espiritu ng yumaong may-ari kundi sa takot ng taong nagnakaw at nagtago ng pera. Sa huli, ang spooks at supernatural thriller ay nagiging moral tale: ang kasakiman (pagkakatago ng ₱100,000 bago makulong) at ang lihim na pagnanais ng pagyaman ay sumisira sa panlipunang tiwala at nagbubunga ng takot. Samantalang sina Kenkoy, Talakitok, at Tirso ay literal na humahabol sa multo, nagsilbing broker ng hustisya—sila ang “detektib” ng moralidad. Makikita rito ang realistang paghusga sa social order ng post-war Philippines: ang maling kapitalismo ay ginagawang “multo,” tinatakot ang mamamayan, at kailangang ma-deconstruct sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos (collective action) at pagsisiwalat ng katotohanan. Sa ganitong paraan, ang liwanag sa komiks ay hindi lamang pampatawa o thrill; ito’y critique sa makinarya ng pera at estruktura ng lipunan sa panahong nagsisimula pa lamang ang modernisasyon.

⦿  Ang “Pahulaan” Bilang Pakikipag-ugnayan sa Mambabasa. Isa sa pinakamakabuluhang inobasyon ng Ang Mahiwagang Tahanan ay ang pagsisingit nito ng “Pahulaan” simula sa isyu 9: may ₱100 na premyo sa sinumang makakahula kung sino ang multo at bakit ito lumalabas. Pagdating ng isyu 16, inianunsyo ang paghahati ng gantimpala sa tatlong kukumbinsing mambabasa, at sa isyu 18 ay inilathala sa isang panel ang mga nanalo—kasama ang 21 “consolation prize” winners na tumanggap ng kopya ng Pilipino Komiks. Sa ganitong paraan, lumalapit ang komiks hindi lamang bilang estetikong teksto kundi bilang kolektibong palatuntunan: nawawalan ng distansiya ang tagalikha at ang tagabasa, at nagkakaroon ng aktibong partisipasyon ang huli. Binibigyang-buhay nito ang modelong “transmedia engagement” bago pa man nauso ang nasabing termino; nagiging shared experience ang pagbabasa sa Liwayway, sa pakikipag-usap ng mambabasa sa editorial ng magasin at sa pakikipagkompetensiya sa kapwa mambabasa. Ito rin ay isang patunay ng matatag na network ng midya sa huling bahagi ng dekada ’40: kung saan ang publishing house (Liwayway), ang sister title (Pilipino Komiks), at ang pambansang readership ay magkakaugnay sa isang interactive na komunidad. Ang ganitong serialized na palaro-komposisyon ay nagpapakita ng tatlong mahalagang elemento: marketing strategy (pampataas ng benta at engagement), sense of urgency (kailangang hulaan agad bago umabot sa deadline), at pagbuo ng loyal fanbase. Sa postwar period na maraming dislokasyon at kawalan, nagbibigay ito ng matatag na ritwal: lingguhang babasahin, pakikilahok, at samahan—hindi lang tungkol sa multo, kundi sa pagiging bahagi ng isang bagong midyang pambansa. Ito’y paalala na ang komiks noong 1947 ay hindi basta libangan; isa itong social practice na nagdidikta ng collective imagination at pagkakakilanlan.

Si Edgar Calabia Samar ay Associate Professor sa Ateneo de Manila University at may-akda ng mga premyadong nobela at tula. Ginawaran siya ng SEA Write Award ng Hari ng Thailand nitong 2024 para sa ambag niya sa panitikan ng Timog-Silangang Asya.