‘Buhay Papa?’

Saluhan kami ng bola. Mayamaya lang nagpapalitan na kami ng tawanan. Ang saya-saya namin.

Ni Eden Pedrajas Concepcion

‘ANSAYA ko ng araw na iyon. Sabi kasi ni Mama, magbabakasyon sa amin ang pinsan kong si Joey. Hindi ko pa siya nakikita, kundi sa mga litrato lang na ipinapakita ni Tito kapag pumapasyal sa amin.

Dalawa lang na magkapatid sina Mama at Tito. Ganoon din si Papa, si Tita naman ang kapatid niya na nakatira kina Lola. Kaya sabik akong makilala si Joey—ang nag-iisa kong pinsan. Buti na lang at bakasyon kaya maraming oras kaming makapaglalaro ni Joey.

Dumating na nga sina Tito at Joey. Nakadikit ang mukha ni Joey kay Tito, ayaw pang lumapit sa amin ni Mama. Ipinakilala ako ni Tito kay Joey sa magkahalong Bisaya at Tagalog. Siyempre naintindihan ko ang Tagalog pero iyong ibang sinabi niya sa Bisaya, hindi.

“Anak, nahihiya pa si Joey laking Romblon kasi. Bisaya at ngayon lang napunta dito sa Maynila,” paliwanag ni Mama.

Nasanay na rin ako na laging naririnig ang Manila o kaya’y Maynila sa mga kuwentuhan nila ni Tito kahit dito sa Pasig naman kami nakatira. Ipinaliwanag na rin kasi iyon ni Mama noon na kapag sa probinsiya kahit saan daw lugar sa kamaynilaan, basta Manila o Maynila ang tawag nila.

Parang ako naman ang nahiya nang marinig ko ang utal-utal na pagsasalita ni Joey ng Bisaya pero nagkakaintindihan silang tatlo—si Mama, si Tito at si Joey.

Nakadikit ako kay Mama habang nakaupo silang nagkukuwentuhan ni Tito sa magkahalong Bisaya at Tagalog, pero mas lamang ang Bisaya. Si Joey naman, nakasiksik pa rin kay Tito.

“’Ma, pa’no kami magkakaindihan ni Joey?” bulong ko kay Mama.

Ewan, parang hindi narinig ni Mama ang nag-aalala kong tanong. Nagtatawanan sila ni Tito. Ganoon lagi sila kapag pumapasyal si Tito sa bahay. At kapag may pumapasyal ding ibang kamag-anak mula sa probinsiya, ang saya-saya ni Mama. Sabik na sabik mag-Bisaya.

“Ang laki mo na Bea, anong grade ka na ba?” tanong ni Tito.

Hayyy sa wakas, napansin din nila ako.

Grade three na ako, Tito. ‘Andami ko nang alam sa iskul. With high honors nga ako no’ng grade two,” siyempre pabida kong sagot.

Sinenyasan niya ako na lumapit sa kanya at tulad ng dati, kumandong agad ako. Parang nanibago si Joey. Nginitian ko siya, magkalapit na ang mukha naming magpinsan. Alanganin ang ngiti ni Joey.

Tumayo ako sa pagkakakandong kay Tito at niyakap si Joey.

“Hi Joey, sa wakas nagkita din tayo, ‘insan,” hinalikan ko siya sa pisngi.

“Sabik kasi sa baby brother ‘yan si Bea,” si Mama uli.

“Si Joey naman gustong laging binibeybi, puro ate at kuya ‘yong mga pinsan n’ya sa Looc,” si Tito naman. “Kaya tiyak na magkakasundo ang dalawa.”

Naguluhan ako sa sagot ni Tito. Sa isip ko, paano kaming magkakasundo kung hindi kami magkakaintindihan? Tagalog ako, Bisaya naman ang salita niya.

Kahit alanganing magsalita ni Joey, ginagantihan na niya ang ngiti at pananabik na makasama siya.

“Ilang taon na pala si Joey?”

“Apat na taon na siya Manang. Mag-kinder na siya sa pasukan.”

Nagluluto na si Mama ng pananghalian, tumulong si Tito. Bumuntot si Joey kay Tito. Pumunta ako sa kuwarto ko. Naghanap ng puwedeng paglaruan namin ni Joey. Hindi puwede ang manika, lutu-lutuan at lalong ‘di puwede ang meyk-ap-meyk-apan at jack-stone. Naisip ko tuloy, kung pinapayagan lang ako nina Mama at Papa na maglaro sa selpon, baka iyon pa ang mapagkasunduan namin.

Namilog ang mga mata ko nang makita ang bola na maingat na nakatabi sa mga dati kong laruan.

“Laro tayo,” nakatawa kong yaya kay Joey.

Masaya siyang lumapit sa akin. Sa sala kami naglaro na tanaw mula sa kusina. Saluhan kami ng bola. Mayamaya lang nagpapalitan na kami ng tawanan. Ang saya-saya namin. Pag nalalaglag ang bola sa kanya, sumasabay ang sigla ng katawan niya sa pagdampot ng bola. Ganoon din ako.

“Aguuuy!” hiyaw niya pero nakatawa nang matamaan ng malambot na bola sa mukha.

Napatawa rin ako sa reaksiyon niya. Parang ang lambing pakinggan ng pagkakasabi niya. Araaay siguro ang ibig sabihin no’n. Aray na hindi naman totoong nasaktan? Kaya ang lakas din ng tawa ko, kasi marunong na siyang makipagbiruan sa akin.

Nakatawa na rin sina Mama at Tito nang makitang nagkakasundo na kaming magpinsan. Unti-unting nawala na rin ang kanina’y pag-aalala kong hindi kami magkaintindihang magpinsan dahil magkaiba kami ng salita.

Saluhan kami ng bola. Mayamaya lang nagpapalitan na kami ng tawanan. Ang saya-saya namin.

Tumigil kami sandali matapos kong damputin ang hindi ko nasalong bola.

“Taympers,” sabi ko sabay senyas ng kamay. Umupo siya sa pandalawahang sofa.

Wow! Naintindihan ako ni Joey. Siguro hindi sa salita kundi sa senyas. Napatingin siya sa kusina. Sinundan ko ang mga mata niya.

“Diin Papa?” nag-aalala niyang tanong.

Hindi ko naintindihan ang tanong pero parang nakuha ko ang ibig niyang sabihin. Hinahanap niya si Tito.

Habang nagpapasahan kami kanina ng bola, napansin kong lumabas sa pinto ng kusina si Tito. Naisip ko baka inutusan sandali ni Mama sa tindahan o sa grocery sa kanto.

Magkatabi na kami ni Joey sa sofa na pandalawahan. Abala naman si Mama sa pagluluto.

“May binili lang si Tito, sandali lang ‘yon,” sabi ko habang hinahawi ang bangs niya sa noo.

Hindi ko alam kung naintindihan ni Joey ang sinabi ko.

“Buhay Papa?” Ang lambing ng tanong niya pero ramdam ko na nag-aalala siya. Nagulat at natuwa ako, Tagalog ang salita niya.

Bigla at talagang nilakasan ko ang sagot kay Joey para matuwa rin siya.

“Oo naman, buhay si Tito. Buhay ang Papa mo!”

Ang lakas agad ng iyak ni Joey. Nagwawala, hindi ko makontrol. Inuit-ulit ko ang sinabi kanina para tumahan siya.

“Buhay si Papa mo, buhay si Tito!” Pero lalo pang lumakas ang iyak niya. Palahaw na.

Mabilis na lumapit si Mama sa amin. Ako ang binalingan.

“Bakit? Hinanap niya Papa niya?”

Tumango ako. Sinabi ko rin iyong tanong kanina ni Joey.

“Anong sagot mo?”

“’Yon nga, ‘Ma, buhay Papa niya kaso lalo siyang umiyak,” naiiyak at naguguluhan ko nang sabi.

Napasapo ng palad sa noo niya si Mama. Mabilis ding lumapit sa amin si Tito nang bumukas ang pinto sa sala. Kinarga niya agad si Joey. Unti-unti, napakalma si Joey. Nawala ang pag-aalala, tawanan ang kasunod. Nag-Tagalog na pareho sina Mama at Tito. At pati ako natawa na rin nang maintindihan ang lahat.

Mula noon, tinandaan ko na ang ibig sabihin ng buhay sa Bisaya– matagal, na iba naman sa Tagalog. Kaya pala ganoon na lang ang iyak ng pinsan kong si Joey.