Ni Jefferson Limos
MAHIGIT sampung taon na akong nagtatrabaho bilang domestic helper dito sa Singapore—at gusto ko ang aking trabaho. Siyempre, dahil sa paglipas ng panahon ay lumaki na ang aking sahod, sapat upang makapagpundar ako ng sarili kong mga gamit. Sa tagal ng panahon ng pamamalagi ko rito, iba’t ibang klase na rin ng amo ang aking napagsilbihan. Nariyan ang pamilya Chen mula sa mahabang angkan ng mga aristokratikong Intsik, kung saan naglingkod ako ng tatlong taon. Sumunod naman ng pamilya Lou Bei, na pinagsilbihan ko ang natitirang pinakamatanda sa kanilang angkan na si Mrs. Lou Bei ng dalawang taon. Pagkatapos nila ay napunta naman ako sa pamilya Puy—isang karaniwan at maligalig na pamilyang naninirahan sa siyudad, kung saan pinagsilbihan ko ang mag-asawang Puy at kanilang dalawang anak na babae sa loob ng tatlong taon. Mula sa tatlong ito, bagaman mabigat ang aking naging mga trabaho—wala akong naging problema dahil magaan ang kanilang pakikitungo sa akin, ganoon na rin ang sakto at minsan sobrang pasahod dahil nakikita nila ang pagpupursige ko. Ngunit nito lamang ako nanibago dahil sa panibagong employer na aking napuntahan—si Mrs. Louen.
Kasalukuyan siyang nakaratay sa kaniyang hospital bed ng isang private room, may dalawang araw na rin pagkatapos mahulog sa hagdan ng kaniyang bahay. Sa edad kasi na otsenta y tres, nagkaroon ng Alzheimer’s Disease ang matandang babae, at mahigit tatlong dekada nang balo. Dalawa ang anak niya ngunit sadyang malayo ang loob ng mga ito sa kaniya, kung kaya mag-isa na lamang siyang namumuhay. Tandang-tanda ko pa ang araw kung kailan nag-aalsabalutan ako para umuwi na lamang sa ‘Pinas dahil tapos naman na ang kontrata ko rito—ngunit naudlot ito nang tumawag sa telepono si Mrs. Puy at sinabing ipapakilala ako sa kaibigang nangangailangan ng makakatulong sa bahay. At ang kaibigan na iyon ng aking dating amo ay walang iba kundi ang panganay na anak ni Mrs. Louen, si Mrs. Bei Li.
Nang makatagpo ko Mrs. Bei Li ay naikuwento niya ang kalagayan ng matanda, at kamuntikan nang isuko ng mga ito sa pangangalaga ng isang institusyon. Sapagkat sa pagdaan daw ng mga araw, unti-unti namang may pagbabago sa matanda. Hindi man sinasadya ngunit nabanggit niya ang hindi nila pagkakaunawan may ilang taon na ang nakakaraan na nagresulta ng pagkakaroon ng lamat ng kanilang pamilya.
Sa dalawang taon na paninilbihan ko sa bahay ni Mrs. Louen—nasanay na ako sa pabago-bagong ugali at pakikitungo niya sa akin araw-araw. Mula sa madalas na pag-ikli ng pasensiya niya sa mga bagay sa kaniyang paligid, paghahanap ng mga bagay tulad na lamang ng kaniyang salamin, sapatos, panyo, at mismong pustiso, o kaya ay mga tao lalo na sa kaniyang yumaong asawa. Nariyan din ang pagkalimot sa kung ano ang mga ginawa niya, kahit may dalawang minuto lamang ang nakalilipas. Makulit siya at paulit-ulit. Gayon pa man, iniintindi ko na lamang siya. Mas gusto kong isipin na awa talaga ang nararamdaman ko para sa matandang amo, kaysa isipin na wala talaga akong mapagpipilian kaya nagtatagal lamang ako sa pagsisilbi sa kaniya. Kapag tinititigan ko kasi siya, nakikita ko ang aking sarili—malamig at nababalot ng lungkot. May kulang sa akin—at iyon ang hindi ko malaman. Hindi ko pa rin matukoy iyon sa tagal ng panahong pamamalagi rito sa ibang bansa.
May kulang sa akin—at iyon ang hindi ko malaman. Hindi ko pa rin matukoy iyon sa tagal ng panahong pamamalagi rito sa ibang bansa.

Nagitla ako sa isang ingay—gising na pala si Mrs. Louen. Napatayo ako mula sa aking kinauupuan nang makitang natatarantang hinugot niya ang suwero sa likod ng kaniyang kaliwang kamay. Sumisigaw pa siya sa wikang Intsik. Nang lapitan ko, nanginginig ang mga kamay niyang hinawakan ang aking kanang braso. Calm down…calm down…I will call the doctor, pagpapalubag ko. Naramdaman ko ang panlalamig mula sa kaniyang mga kamay na kumakapit sa akin. Tila ba kamay iyon ng isang bangkay at kumukuha ng lakas at init sa aking kaibuturan. Pagkatapos ay nanlalaban pa rin siya at nagsusumigaw na halos mapatid ang litid sa leeg. Bumungtunghininga ako, bago pinindot ang isang maliit na pulang buzzer upang tawagin ang atensiyon ng doktor o nars. Hindi ko alam ang gagawin kaya hinaplos ko na lamang ang mga kamay. Nakakahabag. Nakadudurog ng puso. Pero sino ba naman ako para pumawi ng kaniyang panlalamig, ng kalungkutan? Hindi nagtagal, namaos at napagod ito bago dumating ang isang doktor. Nahulog muli sa mahimbing na tulog ang matanda.
Kinagabihan, wala akong ibang ginawa kundi indahin ang katahimikan. Bukas ang bintana ng kuwarto kung kaya malayang pumapasok ang malamig na hangin ng Disyembre. May ilang oras din bago muling nagising ang aking matandang amo. Mahinahon na siyang magsalita ngayon, hindi tulad kanina. Nakisuyo siya sa akin na alalayan patungo sa banyo para umihi—na akin namang malugod na ginawa. Medyo dumaing pa siya sa nararamdamang sakit ng katawan. Dahan-dahan ko siyang itinayo, hinawakan ang mga braso niya, pagkatapos ay sa balikat. Dahil doon, naramdaman ko ang init ng kaniyang balat na hindi ko kanina naramdaman. Mainit. Salungat sa lamig ng hangin na aming nararamdaman. Sa repleksiyon na nagmumula sa salamin ng bintana, tila ba isang bata ang aking hinahawakan at inaalalayan sa unang beses nitong paglalakad. Ngunit hindi, kung titingnan, mas mukha kaming mag-ina. Siya ang aking ina. Magkamag-anak. May koneksiyon kami pareho, at iyon ang kalungkutan. Doon ko napagtanto ang bagay na kulang sa akin—ang aking pamilya. Na sa loob ng maraming taon ay ‘di ko nakita mula nang makipagsapalaran ako rito sa ibang bansa. Akala ko, sapat na ang aking naipong pera, ngunit hindi ko namamalayang pangungulila pala ang naipon. Ngayon, nangungulila ako sa yakap ng aking ina at mismong pamilya—gustong-gusto ko nang umuwi.
Iyan ang totoo.




