PATULOY

Ni MIGUEL B. ALVARO

(Unang nailathala: LIWAYWAY, Abril 30, 1951)

Ang pinagmamasdan at pinanonood

Ay pag-aagawan

Ng alon sa pampang

Upang ang mauna’y magkadurug-durog

Sa paang matigas ng batuhang bundok;

Nag-uunahan,

Ako, sila, ikaw

Sa munting ligayang oras na madampot,

Ang ibinabayad ay mundong lungkot.

Ngunit di-madala ang along, paghampas

Sa paa ng bundok

Na hangad maabot

Itinutulak ding durog, basag-basag

Na bigung-bigo rin sa kanyang hinangad;

Tayo’y nangauntog

Sa kinaiimbot;

Ngunit narito ring sa may dayang galak

Na kinabigua’y nagpapakautas.