Mabilis na tumayo si Delio. “Magandang gabi po…” pagbibigay-galang niya sa kabila ng panunuyo ng kanyang lalamunan at mga labi.

Ni LYDIA BALMORI

(Unang nailathala: LIWAYWAY, Marso 7, 1960)

NAPANGITI si Delio nang marinig ang tinig sa kabilang dulo ng kawa. “Cita?”

            At ang kanyang ngiti ay nauwi sa mahinang halakhak. “Ano’ng ‘kala mo? Hindi kita makikilala?” at sumandal si Delio sa kanyang swivel chair. Nangingislap ang kanyang mga mata. “Isama ka man sa isang libong dilag…ihalo man sa isang libong tinig ang iyong tinig…”

            Napatuwid siyang muli ng upo nang marinig ang sinabi ni Cita. Libre ka ba mamayang gabi? Alam ni Cita na hindi siya makadadalaw rito sa araw na iyon. Abala siya sa pagrerepaso sa nalalapit na pagsusulit sa bar.

            “Bakit?” walang anu-ano’y tanong niya na bahagyang napakunot ang noo. “Idi-date mo ba ‘ko?” Hinabol niya ng biro ang kangi-kangina ay waring naging pormal niyang pagsasalita.

            Biglang nangulimlim ang kanyang mukha nang muling magsalita si Cita. “Gusto ka raw makausap ng Papa…”

            Tila binayo ang kanyang dibdib sa malakas na sikdo ng kanyang puso. Nguni’t pinilit niyang maging mahinahon. “O-oo… ano’ng oras?” Tumango siya, kasabay ang mahinang Oo nang sumagot si Cita.

            Dahan-dahan niyang inilapag ang telepono. Ayaw niyang dumulas iyon sa kanyang mga daliring wari ay dagling nawalan ng lakas. Ayaw niyang makausap muna si Don Sotero. Halos ay nahuhulaan na niya kung bakit siya ibig makausap nito. Hindi miminsang nangyari ang gayon. Ang totoo ay hindi na niya mabilang ang mga pagkakataong nahaharap siya sa ibang tao, na kapag narinig ang kanyang pangalan, ay mataman siyang titingnan. May nagkakaroon ng lakas ng loob na magpatuloy sa pagtatanong. Delio Daños? Ng Solomon? Ano mo si Teofilo Daños? At kung sabihin niyang anak siya ni Teofilo Daños, napailing ang kausap. Hinahagod siya ng tingin na waring inaaninaw sa kanyang mukha nang isang katauhan.

            Subali’t iba si Cita. Ni hindi nagtatanong sa kanya kung saang lipi siya nagmula. Ang tanging nalalaman niya ay mabait at magiliw sa kanya si Cita.

MAY dinaluhan siyang panayam noon ukol sa public relations. Nagkaroon ng kapansanan ang delegado ng kanilang upisina sa panayam. Siya ang pinapunta ng kanilang puno. Patungo siya sa isa sa iilang upuang bakante nang masagi niya ang kuwaderno ni Cita.

            Humingi siya ng paumanhin at sila’y nagkabatian. At itinuro niya ang upuan sa tabi ni Cita.

            “Hindi… walang reserved seats dito!” Kung wariin niya ay panatag na panatag ang loob sa kanya ni Cita.

            Yumukod pa siya nang bahagya bago naupo. At ang pakikinig sa panayam ay hindi niya gaanong naunawaan. Hindi lamang sapagka’t hindi siya magkaroon ng interes sapagka’t walang tuwirang kinalaman sa kanyang gawain, kundi sapagka’t nakawiwiling kausapin ang kanyang katabi. At bago natapos ang panayam, nagkaroon siya ng isang bagong kakilala: Rosita Escobar, ABC Advertising Agency, dalawampung taong gulang, naninirahan sa kalye Bato, bilang uno.

            NANG tumunog lamang uli ang telepono sa kanyang hapag, ay saka siya waring nagising sa kanyang malalim na pangangarap. At bigla niyang dinampot ang mga papeles sa kanyang hapag. “H-hindi… hindi ko pa tapos!” ang sabi niya. “M-medyo… medyo ako naaabala dito… papasok na ‘ko sa libary, Boss…” at ibinaba ang telepono.

            Isang malalim na buntunghininga ang kumawala sa kanyang dibdib. Kunot na kunot ang kanyang noo. May asunto sa paniningil ng pautang ang bankong kanyang pinaglilingkuran, at siya ang gumagawa ng mga liham at ulat. Ilan pa ang kanyang hindi nagagawa nang tumawag si Cita. At ngayon ay naguguluhan ang kanyang isip.

            Matagal na siya sa aklatan ng kanilang tanggapan ay hindi pa rin niya maipagpatuloy ang kanyang ginagawa. Hindi makatulong ang katahimikan ng pook na iyon upang mapanatag ang kanyang isip. Hindi niya malaman kung bakit gayon na lamang ang kanyang pagkabalisa, bagama’t inaasahan niyang hindi maglalaon at magaganap iyon. Kaya nga ba iniiwasan sana niya si Cita. Ayaw niyang yumabong ang pagkikilala nila nito. Ayaw niyang magpatuloy ang pag-usbong ng isang damdamin sa kanyang puso na ngayon lamang niya nakikilala. Nguni’t tila tuksong naging napakapalit sa kanya nito.

            “Pero hindi ko siya mapagtapatan ng pag-ibig, tiya Henya,” minsan ay sinabi na niya sa kapatid ng kanyang ina, na nagpalaki sa kanya at siya niyang nakilalang magulang. “Ayokong… masaktan lamang kami pagkatapos!”

            Hindi niya malilimutan nang mangislap sa pinipigil na luha ang mga mata ng kanyang tiya Henya. “Naipakilala mo nang sa pangalan lamang kayo magkaugnay ng iyong ama, iho…”

            Napailing siya. “Laging iyon ang sinasabi n’yo, tiyang! Sapul nang ako’y magkaisip…”

            “Kaya tayo nagpakalayulayo sa…sa atin…”

            “Nakilala rin ako!” mabilis niyang sagot. “At sino nga ang hindi makakakilala kay Pablo Daños… ang puno ng mga…”

            Hindi natuloy ang kanyang sasabihin nang hawakan siya ng kanyang ale sa kamay. Mahigpit na mahigpit ang tangan sa kanyang kamay. Nagtiim na lamang ang kanyang mga bagang. Ayaw na niyang ulitin pa ng kanyang tiya Henya ang katotohanang alam na niya. Siya’y kasisilang nang mapatay ng mga may-kapangyarihan ang kanyang ama. Sino ang hindi makaaalam sa katotohanang iyon? Ginamit ng isang malaganap na babasahin ang kasaysayan ng kanyang ama. Isinalin sa pelikula ng isang samahan.

            “Ang nakaraan ay nakaraan na.”

            “Ang nakaraan ang simula ng kinabukasan…” may kapaitan niyang sagot.

            “Ang pangalan ng iyong ama ay isang pamana…” patuloy ng matanda. “Nasa iyo kung paano mo bibigyan ng kahulugan sa iyong buhay…”

            Waring narinig niya ang tinig ng kanyang tiya Henya. Ulit-ulit niyang naririnig ang sinabi sa kanya, at tulad sa iba pang pagkakataong pinanghihinaan siya ng loob, ngayon ay iyon din ang nagbibigay sa kanya ng kaunting lakas…

NAPANSIN ng kanyang tiya Henya ang kanyang pananamlay nang umuwi siya. “Baka lumalabis ang ginagawa mong pagrerepaso, anak…”

            Ngumiti lamang siya.

            “Magpapahinga ka naman! O… hindi ka pa magpalit ng bihisan? Hale na at kumain na tayo ng hapunan…”

            “Tiyang…” walang anu-ano’y sabi niya. “Aalis uli ako…”

            Napakunot ang noo ng matanda. “Obertaim na naman ba, ha? Hanggang hindi natatapos ang eksamen ay tama na muna. Hindi pa naman tayo kakapusin…”

            “Hindi ho… mukhang mapapalaban ako ngayon…”

            “H-ha?”

            “Gusto raw akong makausap ni Huwes Escober…”

            “Ibig bang sabihi’y makipag-usap na tayo?”

            “Hindi kami magkatipan ni Cita, tiyang! Sinabi ko na sa inyo…”

            “Nakilala ka na rin! Ilang buwan ka na bang nagpupunta sa kanila?”

            “Dalawa… at nang minsang magkita kami… ipinakilala ako ni Cita. Sa pangalan lamang… hindi sinabi ang aking apelyido…”

            Tumangu-tango ang kanyang Tiya Henya. “Gaano ka-timbang sa ‘yo si… Cita?”

            Umiling siya. “Hindi ko magawa ang pagsukat, tiyang… ayokong gawin ‘yon!”

            “Ang batang ito! Hindi mo pa alam kung bakit ka ipinatatawag ni Huwes Escobar.”

            “Ano kaya kung hindi dahil…”

            “At kung magkagayon man… naipakilala mo naman na hiwalay ang iyong pagkatao sa pagkatao ng iyong ama! Wala kang naiuwi ritong basag-ulo… tandaan mo ‘yan! Ang bilin ng iyong ina bago namatay ay natupad ko… natupad ko…”

            Napalunok siya.

            “Kung dahil doon ay mawawala sa iyo si Cita.”

            “Wala pa akong karapatang mag-angkin, tiyang…”

            “Oo nga… oo nga! Kung hindi matutuloy ang iba mong binabalak dahil sa iniisip mo… hindi kayo ang magkapalad. Ang iyong ina… nakikilala niya ang iyong ama…”

            Muling gumaang ang kanyang dibdib sa narinig niyang sinabi ng kanyang Tinya Henya.

            MASAYA siyang sinalubong ni Cita. At tulad nang dati, sa iba niyang pagdalaw, sa isang sulok ng terasa sila naupo.

            “Sandali na lang at lalabas na ang Papa…”

            “B-ba’t ba?”

            “Well…” at namilog ang mga mata ni Cita. “Napansin ng Papa… na medyo makiling ako sa’yo… sa lahat ng aking kaibigang binata…” Halos tuwiran nang sinabi ni Cita ang tunay na saloobin nito sa kanya.

            Napalunok si Delio. Nakaulinig siya ng mga yabag na papalapit.

            “Ang…Papa… eto na pala!”

            Mabilis na tumayo si Delio. “Magandang gabi po…”

            Sumenyas ang matanda. Pinauupo siyang muli Waring biglang nag-init ang kanyang paligid. Nakatuon ang paningin ni Huwes Escobar sa kanya. “Ikaw pala ang sinasabi ni Cita! Ikaw si… Delio… ano’ng buong pangalan mo?”

            “Adelio… k-kuha… kuha po ‘yon sa pangalan ng aking ina…”

            “Oo nga… este… ang buong pangalan… ang…”

            “Daños, Papa!” si Cita ang sumagot. “Sinabi ko naman sa ‘yo, a…”

            “Tagasaan ka?” Hindi pinansin ng matanda ang sinabi ni Cita.

            “Sa… Solomon po…”

            Tumango si Huwes Escobar. “Tama!” matigas na sabi ng matanda. “May kutob na nga ba ang loob ko… bihira ang apelyidong ‘yan… at do’n lang ang lipi. Ano mo si…”

            “Pablo Daños?” siya na ang umagaw sa sasabihin ng matanda. “Ama ko!”

            “Tama!” at tumango si Huwes Escobar. “Isa pa lamang ako sa katulong na piskal noon… at nakita ko ang iyong ama… ang kanyang mukha… ang kanyang ilong… ang kanyang…”

            “Papa!” sabad ni Cita.

            “Kung sa akin mo sinasabi ‘yan… ay alam ko na! At kung kay Delio… lalong alam niya…”

            Tumayo si Delio. “Ikinalulungkot kong magtalo kayong mag-ama dahil… dahil lamang sa isang walang kuwentang taong tulad ko! Sapul sa aking pagkabata’y ito na ang aking kinalaban… ang aking sariling pangalan. Maaari kong kunin ang pangalan ng aking ina, nguni’t hindi ko ginawa…”

            Umungol si Huwes Escobar.

            “Ikinalulungkot ko!” at yumukod si Delio. At mabilis na humakbang. Mabigat ang lagpak ng kanyang sapatos sa terasa hanggang sa sementadong daanan. Nagmamadali siya.

            “Delio!” narinig niyang tawag sa kanya. Makikilala niya ang tinig na iyon kahit mapasama sa isa pang libong tinig.

            Hindi siya sumagot. Ibig niyang makalayo nguni’t palapit na nang palapit ang kasunod niyang mga yabag. Habang pinipilit niyang magmadali ay tila lalong dumadalang ang kanyang mga hakbang. Tila nawalan siya ng lakas na lumayo.

(Wakas)