ANG LIHIM NI INGKONG BELO

“Tungkol ke Lucia ang ipinarito ko,” mahinahong simula ni Ingkong Belo.

Ni ROGELIO LAGUIO FLORES

(Unang nailathala: LIWAYWAY, Mayo 21, 1962)

MATAPOS na makapananghanan si Ingkong Belo ay lumipat siya sa bahay ng kanyang katiwala. Nakagawian na niya ang pagpunta-punta roon upang makipag-usap-usap kunwa sa mag-asawa. Datapwa, ang tunay niyang pakay ay makita si Lucia at malaman ang kalagayan nito.

            “Magandang…” Ang “tanghali sa inyo” na magkakasunod nang nakahanay sa kanyang dila ay hindi niya nabigkas dahil sa malaking pagkabigla sa tumambad sa kanyang paningin. Napapako ang mga paa niya sa bungad ng pinto ng kubo. Nakita niya si Lucia na maputlang-maputla. Nakatuon ang kanang kamay sa sahig sa pagkakasalampak nito sa nakalatag na banig. Sapo ng kaliwang kamay ang sikmura.

            Pagkakita sa kanya ay dagling tinakpan ni Lucia ang basang bibig.

            “A-ang mga Tatang mo?” Napilitan si Ingkong Belo na bukhin ang bibig.

            “Ala po.” Bantulot ang matamlay na tinig ni Lucia. “Pasok muna kayo,” malamig na anyaya nito.

            “‘Wag na’t ‘ala pala sila d’yan. Babalik na lang ako mam’ya.” At pumihit na si Ingkong Belo.”

            Nang makabalik na sa bahay, inilatag ni Ingkong Belo ang katawan sa papag. Hindi makatkat sa kanyang muni ang anak ng katiwala, ang nasaksihan niya ngayon.

            “Nagdadalantao na s’ya” nagugulumihang naibulong ni Ingkong Belong.

            Parang binabayo ang kanyang dibdib. Napapikit siya. Nguni’t mulat na mulat ang kanyang isip.

            KARARATING lamang ni Lucia sa Bakhaw. Walang kaabug-abog ang pagsipot nito noon, kaya’t labis nagulat ang mga magulang nito. At sampung buong nayon. Bakit ay kasama pa ni Lucia ang mag-asawang Menandro at Dolor.

            Panganay na anak ni Ingkong Belo si Menandro. Punung-guro ito sa isang mababang paaralan sa Maynila at isa namang guro ang kabiyak nitong si Dolor. Sa mag-asawa namamasukan si Lucia bilang katulong sa bahay.

            Dalawampung taong gulang si Lucia. May magandang mukha at maganda ring hubog ng katawan. Noon pang unang makita ni Dolor si Lucia, bantulot na siyang kunin itong kawaksi sa bahay. Dangan at noo’y panahon ng anihan at ang karamihan sa mga namamasukang kababalahan at nakikipang-anihan.

            At nang ibalik nga nina Menandro at Dolor si Lucia sa Bakhaw, nabatid ni Ingkong Belo na umano’y may nakadisgrasya kay Lucia. Hindi raw nakilala nina Dolor ang lalaki. At ayaw namang magtapat ni Lucia, maging sa mga magulang.

            “Pinaalalahanan ko naman ‘yang si Lucia no’n pa, e.” Natatandaan niyang paninisi riot ng kanyang manugang nang gabing makapanggaling silang tatlo sa bahay nina Lucia. Pilit noong nililiwanag ni Ingkong Belo sa mag-asawa ang pangyayari. “Ilang ulit ko nang sinabi sa kanya na mag-ingat sa pag-alis-alis ng bahay. Peligroso ‘ka ko ang mga lalaking-Maynila. Lalo na ‘yong mga kanto boy do’n sa me amin. Nakikiluku-luku naman ‘yang gagang ‘yan sa mga ‘yon. Balita ko’y me pumatol daw na kung sino d’yan. Pero nawala naman at sukat nitong mga nakaraang araw.

GULO ang isip na hinintay ni Ingkong Belo ang pagsapit ng dapithapon. Nang inaakala niyang nakauwi na ang mga magulang ni Lucia ay muli siyang nagtungo sa kubo ng katiwala. Nguni’t wala pa rin ang mga magulang ni Lucia. Si Lucia at ang mga kapatid nitong munti ang naratnan niya. Naghintay-hintay na si Ingkong Belo. Nagsisimula nang dumilim nang dumating ang mag-asawang Anto at Tina.

            “Natagalan kayong dalawa,” bati ni Ingkong Belo sa mag-asawa. “Marami ba naman kayong nakabahaging nami?”

            “Kayo pala, Ingkong Belo. E, ang lagay ho’y maigi na rin ke sa magtigil lang sa bahay,” ani Mang Anto, at ibinaba ang pasang basket na puno ng tumatagas pang nami, saka maingat na sinapupo ang sunong ng asawa at magkatabing inilapag ang dalawang basket sa silong, sa malapit sa hagdan.” Saglit po lang at papanhik na kami.

            Pagkapanhik ay magkatabing sumalampak sa sahig ang mag-asawa. Akmang lalayo si Lucia, nguni’t pinigil ito ni Ingkong Belo.

            “Tungkol ke Lucia ang ipinarito ko,” mahinahong simula ni Ingkong Belo.

            Halos magkapanabay na napabaling ang mga mata ng mag-asawa kay Ingkong Belo.

            “Nagdadalantao na s’ya,” patuloy ni Ingkong Belo at tinapunan ng sulyap ang napayukong dalaga.

            “Alam na pala n’yo,” napabuntunghiningang usal ni Aling Tina.

            “Kangina lang,” Ani Ingkong Belo. “Alam n’yo, meron akong nais na hilingin…”

            Napakurap ang mga mata ni Mang Anto. “Kung amin pong makakaya.”

            “Hihingin ko sa inyo ang kamay ng inyong anak.” Walang kakurap-kurap ang mga mata ni Ingkong Belo.

            Napaangat ang mga kilay ni Mang Anto. Namamanghang pinaglipat-lipat naman ni Aling Tina ang tingin sa anak at kay Ingkong Belo.

            “Alam kong magugulat kayo,” patuloy ni Ingkong Belo. “Nag-iisa na rin lang ako sa bahay, naisip kong mabuti’y kunin ko na si Lucia n’yo. Pakakasalan ko s’ya. Masasama kami bilang mag-asawa sa mata lang ng tao. Iya’y para mabigyan ng pangalan ang batang nasa kanyang sinapupunan at nang maputol na rin ang mga salaulang dila dito sa ‘ting nayon. “Saglit siyang huminto sa pagsasalita. Tumingin nang maluwat kay Mang Anto, kay Aling Tina. Kapwa napipi ang mag-asawa. “Ano’ng pas’ya n’yo?”

            Napayuko ang ama ng dalaga. Umiling-iling. Kumurap-kurap si Aling Tina. Maya-maya ay nagpapahid na ito ng mata.

            “Hulog po sa ‘min ‘to ng langit, Ingkong Belo,” pagatol na tanggap ni Mang Anto sa kahilingan niya.

TAHIMIK na naidaos ang kasal. Lumipas pa ang maraming buwan.

            Isang araw, mag-iikaapat na ng hapon nang dumaing ng matinding pananakit ng tiyan si Lucia. Kabuwanan na ni Lucia. Kaagad-agad na kinaon ni Ingkong Belo ang hilot.

            Panatag na naghihintay si Ingkong Belo sa uha ng sanggol sa kabilang silid. Mag-iikasiyam na ng gabi nang gulantangin siya ng natutuwang-namamanghang tinig ng matandang hilot.

            “Aba’t… Isabelong-Isabelo ang diyaskeng ire, a.”

            Napayupyop na lamang si Ingkong Belo sa pagkakaupo sa isang silya, malapit sa pinto ng silid ni Lucia.

            Kasunod ng pagpanaog ng hilot sa kanilang bahay, nabatid ni Ingkong Belo na kakalat nang parang apoy sa kugunan ang balita tungkol sa kasisilang na sanggol ni Lucia. At maraming mabibigo sa kanilang naiaasam-asam, naisip ni Ingkong Belo. Nguni’t higit ang pagkabigong nadama niya.

            May sumibol na paghihimagsik sa kanyang kalooban, paghihimagsik na nang lumaon ay napayapa rin.

            Pagkaraan ng tatlo pang buwan, lumuwas sa Maynila si Ingkong Belo. Tinaon niyang araw ng Linggo upang matiyak niya daratnan sa bahay ang mag-asawang Dolor at Menandro.

            Si Dolor ang nagbukas ng pinto.

            “Aba’t ang Tatay! Andro! Ang Tatay!” sigaw ni Dolor matapos kunin ang bayong na bitbit ng biyenan at makahallik dito ng kamay.

            “Bigla ang dating n’yo, Tay.” Nakangiting salubong ni Menandro. Humalik din ito ng kamay sa ama, at nang sila ay nakalikmo nang magkakaharap sa salas, kunot ang noong nag-usisa ito. “Ba’t kayo napasagsag?”

            “‘Ala naman. Nasasabik lang ako sa mga bata. Saka, ibig ko ring ibalita sa inyo na nanganak na si Lucia. Me tatlong buwan na ngayon.

            “Si Lucia? Nanganak na? Ba’t ngayon lang n’yo nasabi sa ‘min?” Gulilat na nawika ni Dolor. At pagkakuwa’y napangiti ito. “Tingnan nga n’yo ‘yan. Kung ba’t nag-asa-asawa pa kayo. Di ngayon e me ipagtitimpla pa kayo ng gatas. Me ipaghehele-hele. At me papalitan pa ng lampin.” At malakas na nagtawa si Dolor.

            “E, ma’no naman ‘yon? Buti nga’t me kasama na ‘ko ngayon. Di na ‘ko malungkot do’n sa bukid.”

            “Kung dito na kayo tumira sa ‘min no’n pa, hindi na sana kayo nagkaroon pa ng mga alalahanin,” waring may paninisi nguni’t nakangiti namangg wika ni Dolor.

            “Ba’t naman magiging alalalahanin ko sila? Kung sakaling wala na ako, nariyan naman kayo. Siguro nama’y hindi n’yo sila  pababayaan.

            “Di kasi ho naman. E, este, maiiwan ko muna kayo, ‘Tay. Ihahanda ko ang ating almusal.” At lumakad nang patungo sa kusina si Dolor.

            “E, kelan naman ang balik n’yo n’yan sa ‘tin?” usisa ni Menandro sa ama nang mapag-isa na sila sa loob.

            “‘Tamo ‘tong damuhong ‘to at pag-uwi ko na ang inuusisa,” pabirong tugon ni Ingkong Belo. “E, tila ayaw mo na ‘kong makita.”

            Natawa si Menandro. “Kayo naman…”

            “Bukas din ang balik ko.

            “O, ba’t ke-dali?”

            “Alam mo namang ‘alang kasama ‘yong mag-ina sa bukid.”

            Hindi kumibo si Menandro.

            “Ku, kaylikot na bata!      Malusog na maluso. Nakauusad-usad na ngayon ang salbahe. Halang ang mga tenga, paris mo. Makapal ang kilay. At parang palapa ng niyog ang ilong. Kamukhang-kamukha mo ang diyaske!”

            Nahalata ni Ingkong Belo na nagulumihan ang anak sa kanyang mga sinabi. Gayon ang talagang inaasahan niya. Gayon ma’y pilit na tumawa si Menandro.

            “Di g’wapo ho pala? Para raw tayong pinagbiyak na bunga, a. Di ho ba, ‘Tay? Di kataka-takang makamukha ko s’ya.

            Hindi napigilang mangiti ni Ingkong Belo. Talagang di pa nawawala ang kalukuhan ng saragateng ‘to a, naibulong niya sa sarili. Lumingos-lingos muna siya sa kabahayan bago nagwika.

            “Loko! ‘Kala mo ba’y di ko alam.”

            Namutla si Menandro. “Alam na ano po ‘yon?”

            “Ma’nong magtigil ka nga, Menandro!” Naggalit-galitan si Ingkong Belo.

            “Nagmamaang-maangan pa ‘tong lukong ‘to.

            “Pero, ‘Tay… hindi ko kayo maintindihan.”

            “Menandro, kararating mo pa lang do’n, nakauwi na ‘ko. Ako pa ba naman ang paglalakuan mo? No’n pa ma’y duda na ‘ko sa ‘yo, a. Ikaw ang labis kong inaalaala. Ang iyong pamilya.

            Hindi nakakibo si Menandro.

            “E, ngayon. Matino na ba tayo? O baka meron na namang bago?”

            Maluwat bago nakatugon si Menandro. “‘Ala na ‘Tay. Hindi na mauulit ‘yon.”

            May katapatang nasinag si Ingkong Belo sa pangungusap ng anak. May sasabihin pa sana si Ingkong Belo, nguni’t tumawag na ang kanyang manugang mula sa silid-kainan.

            “O, tayo na. Hindi mo ba ‘ko sasabayan sa pagkain?”

            Nagtaas ng ulo si Menandro. Nagkasalubong ang kanilang tingin.

            “Salamat ‘Tay. Salamat.” mahina nguni’t taos sa pusong nasambit ni Menandro. At magkaakbay silang mag-amang lumabas patungo sa komedor.

(Wakas)