Isang halimbawa ang “Bulalakaw ng Pag-asa” ni Ismael A. Amado na dumanas ng sensura sa iba’t ibang anyo, sa anyo man ng prehuwisyo o saliwang paghahambing sa mga banyagang nobela, o sa marupok na pagpapahalaga sa panig ng edukasyong pambansa.
Kapag kumitid ang pagtanaw sa panitikan, ang isang mapangahas na katha o tula o dula ay hindi malayong dumanas ng sensura, hindi lámang sa panig ng mayhawak ng kapangyarihan sa gobyerno o pribadong sektor, bagkus kahit sa hanay ng mga manunulat na sabihin mang kapanahon ng awtor ay nagsisilbing banta sa posisyon nito sa panitikan. Ang sensura ay maaaring magdamit ng “pagmámalasákit” upang huwag umanong mapahamak ang awtor sa anyo man ng batikos o lantad na peligro, at sa gayon ay makaiiwas itong masampahan ng libelo o kaya’y mabilibid kung hindi man mapatay ng sinumang tumatangging tanggapin ang kaniyang pananaw. Bukod pa rito, ang awtor ay napapayuhan na “makapagmuni-muni” at “ituwid” ang kahinaan ng kaniyang akda, na isang bulaklak ng dila para magkaroon ng trabaho ang mga editor at rebyuwer.
Sapagkat ang panitikan, kapag itinuring na salamin o representasyon ng lipunan, ay mapanganib sa panig ng awtoridad sa ilang pagkakataon. Naiuugnay ng awtoridad ang sarili sa panitikan, kahit iyon ay kathang isip lamang sa panig ng awtor. Binabakbak nito ang pundasyon ng seguridad sa pamumuno, naghahain ng alternatibong daan, at naghahasik ng sungayang pananalig na maaaring makapagpasiklab ng pag-aaklas ng taumbayan. Sa naturang pangyayari, ang realidad sa loob ng isang akda ay nagiging lunan ng diskurso hinggil sa wika, estetika, at pilosopiya, na para bang sumasabay sa realidad ng nagaganap sa lipunan, at sa gayon, naitatakda nang di-inaasahan ang anumang “bawal” o “karapat-dapat” mabása lamang ng malawak na publiko.
Ang panitikan, kapag itinuring na salamin o representasyon ng lipunan, ay mapanganib sa panig ng awtoridad sa ilang pagkakataon. Naiuugnay ng awtoridad ang sarili sa panitikan, kahit iyon ay kathang isip lamang sa panig ng awtor.
Ganito ang sinapit ng Bulalakaw ng Pag-asa (1909) ni Ismael A. Amado. Si Amado, na anak ng panginoong maylupa mula sa San Mateo, Rizal, ay sinulat ang nasabing nobela noong tin-edyer pa lamang siya at mahigpit pa noon ang pananakop ng Amerika sa Filipinas. Bagaman nakalimbag na ang aklat ay nabigong lumabas iyon sa imprenta dahil sa páyo at pangamba ng mga “nakátataás” (i.e., kapuwa manunulat) sa kaniya, ayon na rin kay Iñigo Ed. Regalado. Ipagpapatuloy ni Amado ang pag-aaral sa Estados Unidos, sa ayuda ng programa sa pensiyonado, at nang makatapos ng pag-aaral ay magbabalik-bayan upang magturo sa mga paaralan sa Maynila, magsusulat sa mga pahayagan, at magiging editor pa ng Renacimiento Filipino, na pinakatanyag na pahayagan noon sa bansa. Noong 1918, natunghayan ng madla ang sipi ng nobela; tatakbo si Amado bilang kandidato sa kongreso sa ilalim ng Partido Nacionalista noong 1919, ngunit mabibigo, at lilipat pagkaraan sa Cebu.
Tunay ngang nakaligtas sa panganib si Amado, dahil mahigpit noon ang batas laban sa sedisyon na pinaiiral ng pamahalaang kolonyal ng Amerikano. Ngunit naipagkaít naman sa kaniya ang kapalaran na litisin ang kaniyang nobela nang panahong iyon, at ang kadakilaan na dapat tamuhin nito gaano man kapaít ang kapalít sa panig ng awtor.
Binuksan ang nobela sa tagpong nangutang ang isang Amerikanong nagngangalang John Stag sa tindahan ni Julio. Ngunit walang pera ang Amerikano, kaya hindi pinautang. Nanggalaiti ito kay Julio hanggang magpambuno ang dalawa at masira at magkabasag-basag ang mga paninda ng kawawang tindero. Nabalitaan ito ng mga pulis, subalit imbes na umawat ay nasindak sa Amerikanong de-baril at nangagsitakbo. Sumaklolo si Gerardo, at bagaman tinamaan ng bala sa bisig ay nagapi pa rin niya ang tarantadong Amerikano. Sa tulong ng ilang kababayan ay inireklamo sa hukumang munisipal ang salarin, makaraang usisàin ng sarhento at dalawang kasamang kawal.
Idinulóg kay Kapitang Memo, alyas ni Maximo San Jorge de los Santos, ang problema ngunit imbes na parusahan si Stag ay pumanig pa ito sa Amerikano. Iyon pala’y dating magkakutsaba sina Memo at Stag sa pagnanakaw, pagpatay, at panggagahasa doon sa Tarlak, hanggang itakas mag-isa ni Memo ang nakulimbat na salapi at iwanan ang kaibigan. Nagbabala si Stag na papatayin nito si Kapitang Memo kapag nabigong iligtas siya sa kaso.
Nagtálo sa pagdinig sina Gerardo at Kapitang Memo, at dahil sa paglalahad ng mga karapatan at katwiran ni Gerardo, napapayag na rin si Kapitang Memo na patawan ng parusa si Stag. Ngunit ang multa’y nagmula sa bulsa ni Kapitang Memo, at nang kinagabihan ng pagkakakulong sa Amerikano ay pinalaya ito sa kung anong paraan.
Ibinulgar sa nobela ang Libis na bayang pinaghaharian ni Kapitang Memo na pugad ng sugalan, gaya ng sabong, monte, tupada, at huweteng. Ibinulgar din ang bulok na pamamalakad sa hukuman, pulisya, at kabuhayan ng mga tao. Nagdulot ito ng ligalig sa mga tao, kayâ napilitang itatag ang kapisanang “Dakilang Mithi” bilang tugon sa panlipunang problema, hanggang ibulgar ng isang babaeng limahid ang pandurustang sinapit niya kay Kapitang Memo na gumahasa, umalipin, at nagbugaw sa kaniya, bukod sa pumatay sa kaniyang ama at tumangay ng salaping nagkakahalaga ng sampung libong piso—na napakalaking halaga noon.
Tigmak sa dugo at hitik sa karahasan ang nobela, na hindi karaniwang nasisilayan sa palimbag na panitikang Tagalog noon. Marami itong ibinubunyag na lagim sa publiko at hangga ngayon ay waring bangungot na bumabangon para gulantangin ang madla.
Nagalit si Kapitang Memo dahil nabulgar ang kaniyang masamang nakaraan. Ipinatawag niya si Gerardo sa kaniyang tanggapan, ngunit imbes na kausapin ay pinagtangkaan pa niya itong patayin. Dumating naman ang gobernador at huli sa akto si Kapitang Memo. Natiwalag si Memo sa kaniyang tungkulin, at nagbalak maghiganti.
Ang paghihiganti ni Kapitang Memo ay magbubukas para ipakilala sa nobela ang gaya nina Faure, Eling, Pacing, at Juancho. Si Faure ang matalik na kaibigan ni Gerardo na siyang pangulo ng Dakilang Mithi, bukod sa mahusay na abogado. Si Eling ang kasintahan ni Gerardo, at pinagtangkaang gahasain ni Juancho bilang ganti sa ginawang pagpapatiwalag kay Kapitang Memo. Si Pacing ang kaibigan ni Eling, at inilahad ang kanilang kalagayan sa pamamagitan ng mga maling paniniwala kung bakit ipinagbabawal ang pagpapaaral sa babae. Si Juancho naman ang bigong manliligaw ni Eling, at siyang kasapakat ni Memo sa paghihiganti. At si Stag ay Amerikanong pusakal na mandarambong at kriminal, bukod sa mapang-aglahi at barumbado, na handang makipagkutsaba sa sinumang Filipino upang maisulong ang pansariling interes.
Ang tunggalian ng mga paniniwala ay sisiklab nang magtalo sina Faure at Juancho hinggil sa layon sa Dakilang Mithi. Nagkaisa lamang ang pangkat nang magtalumpati si Gerardo, at nag-ambagan para maipagpatuloy ang magandang simulain nito hinggil sa mabuting pamamahala. Dapat ding banggitin na ang tunggalian ay hindi lamang nagmumula sa mga uring panlipunan at batayang ekonomiko ng mga tauhan. Ang tunggalian ay may kaugnayan sa nagsasalungatang kultura at paniniwala, mula man iyon sa pagtatanghal ng karapatang pantao hanggang pagtatanggol ng kapurihan ng bansa. Ang tunggalian ay maghihimagsik na Filipino kontra imperyalismong Amerikano, na maglalaro mulang pisikal na antas, gaya ng madudugong bakbakan o pagpatay hanggang antas na sikolohiko at pangkaisipan, gaya ng pagtatanggol sa dangal na ibig ilugso ng dayuhan o kakutsaba nitong Filipino. Sa lahat ng tunggalian, magwawagi ang Filipinong radikal kahit sa unang salpok ay mapapailalim siya sa kapangyarihan ng Amerikano.
Hindi magtatagal ang ganitong tagumpay dahil dadakpin ng nakabalatkayong demonyo si Gerardo, at dadalhin sa gubat upang patayin. Ngunit sumaklolo si Florante, at napatay si Memo—na siya palang nakamaskarang demonyo— nang magpambuno sila sa lupa. Gumanti pagkaraan at sinaksak ni Juancho si Florante. Ngunit sumaklolo si Gerardo at nang magpambuno’y kapuwa sila nahulog sa tulay. Nalunod si Juancho dahil hindi marunong lumangoy, samantalang nakaligtas si Gerardo.
Sa unang malas ay madaling basahin ang nobela, sapagkat ibang-ibang ang tabas ng mga pangungusap kung ihahambing sa matatandang tinalì ng panitikang Tagalog, ngunit ang totoo’y hitik iyon ng mga pahiwatig at alusyon.
Naratay bago namatay si Florante. Bago ito mamatay ay hiniling nito sa kaniyang inang si Aling Tinay na balutin ng bandila ang kaniyang kabaong. Ipinagbabawal ang paglalantad ng bandila dahil labag iyon sa kautusan ng rehimeng Amerikano. Nang araw ng libing ay dumating ang limang kawal na kayumanggi at isang puti. Nilapastangan ng Amerikano ang libing, niyurakan ang bandilang Filipino, at naging sanhi ito upang sampalin ni Faure ang Amerikano. Sumaklolo ang limang kawal, binugbog si Faure, at tinangay upang ikulong. Walang pumalag sa mga kababayan niyang saksi, na pawang nangasindak.
Hindi nagpapigil si Gerardo na saklolohan ang kaniyang katoto. Isang gabi’y palihim siyang dumako sa bilangguan, pinatay sa saksak ang bantay, at pinalaya si Faure. Matutuklasan din kinabukasan na tinarakan ng talibong sa dibdib ang Amerikanong yumurak sa watawat at sa dangal ng mga Filipino. Tumakas at nagtungo kung saan malaya si Faure, samantalang nagsama sina Gerardo at Eling upang harapin ang bagong yugto ng buhay.
Tigmak sa dugo at hitik sa karahasan ang nobela, na hindi karaniwang nasisilayan sa palimbag na panitikang Tagalog noon. Marami itong ibinubunyag na lagim sa publiko at hangga ngayon ay waring bangungot na bumabangon para gulantangin ang madla. Kabilang dito ang korupsiyon ng mga politiko sa halalan para magwagi; ang pandarambong, pagpatay, at panggagahasa; ang pagpapairal ng mga pasugalan at iba pang uri ng bisyo; ang baluktot na paniniwala hinggil sa papel ng babae sa lipunan; ang kahinaan ng pulisya at kawalan ng hustisya mula sa hukuman; ang malayaw na hatid na Amerikanisasyon sa kulturang Filipino; at ang mapang-aglahing patakaran at pamamalakad ng mga Amerikano dito sa Filipinas.
Sa unang malas ay madaling basahin ang nobela, sapagkat ibang-ibang ang tabas ng mga pangungusap kung ihahambing sa matatandang tinalì ng panitikang Tagalog, ngunit ang totoo’y hitik iyon ng mga pahiwatig at alusyon mula man sa pagsisintahan nina Gerardo at Eling, o kaya’y sa paggamit ng simbolo ng watawat na niyuyurakan ng kawal ng Estados Unidos, o sa kabulukan ng sistema ng pamahalaang sinasagisag ni Kapitang Memo. Ang tunggalian ng mga katwiran ay mamumutawi sa bibig ng mga pangunahing tauhan, at bagaman mapupuwing sa ngayon na animo’y patalumpati ang pagdulog, ang naturang taktika ay humuhugot ng halina sa tradisyong pabigkas ng mga Filipino sa kabuuan, na ang talastasan ay itinuturing ang kausap na kabahagi ng pagkatao ng nakikipag-usap. Ang naturang taktika ay mahahalata kahit sa pagpasok ng tinig ng awtor doon sa nobela, at gaano man kapayak ito ay maipangangatwirang ang nobelista ay kabahagi sa paglalahad ng mga pangyayari, upang lalong mailapit sa puso at isip ng mga mambabasa ang realidad ng kaligiran sa loob ng nobela.
Bagaman inilalantad ng nobela ni Amado ang kabulukan ng lipunan, ang realidad sa loob ng nobela bilang pantikan ay masasabing káyang tumayô nang mag-isa. At ang naturang realidad na pampanitikan ay naglalantad ng salamangka ng pagkatha.
Bagaman inilalantad ng nobela ni Amado ang kabulukan ng lipunan, ang realidad sa loob ng nobela bilang panitikan ay masasabing káyang tumayô nang mag-isa. At ang naturang realidad na pampanitikan ay naglalantad ng salamangka ng pagkatha, at walang maaasahang direktang tumbasan ng mga pangyayari, dahil ang realidad na pampanitikan ay maituturing na balatkayo at humuhuwad sa nagaganap noon. Halimbawa, ang kapisanang Dakilang Mithi ay maaaring kumatawan sa anumang makabansa’t milinaryong organisasyong may layuning kontra-imperyalista, ngunit ang pagiging radikal ay hindi lámang nagwawakas sa pagiging reaksiyonaryo at burges bagkus sa pagiging proaktibo, progresibo, maláy, at maka-Filipino. Ang pagpatay nina Gerardo at Faure sa Amerikanong opisyal na yumurak sa watawat ng Filipinas ay hindi simpleng paghihiganti, o silakbo ng damdamin, bagkus pagbabangon sa dangal na tinutumbasan ng armadong pag-aaklas kung hinihingi ng pagkakataon. Maihahalimbawa rin ang konsepto ng panggagahasa sa babae, at ang babaeng ito sa nobela ay maaaring kumatawan sa Inang Bayan na nilalapastangan ng Estados Unidos.
Sabihin nang marami ang maipupuwing sa estilo ng pagkakasulat. Ngunit dapat isaalang-alang ng mga mambabasa ngayon na nang sulatin ni Amado ang kaniyang nobela ay wala pang malaganap na panuntunan sa ortograpiya, gramatika, at palaugnayan sa wikang Tagalog, na pagkaraan ng tatlong dekada makalipas mailathala ang kaniyang nobela ay sakâ pa lamang mabubuo ng gaya ni Lope K. Santos at mga kapanalig na manunulat sa Aklatang Bayan. Bukod pa rito, maikli ang kasaysayan ng pagsulat ng nobela sa Tagalog, wika nga ni Regalado. (Nagsisimula pa lámang ang paglilinang ng nobelang Tagalog sa bungad ng siglo 20, at ang mga modelo sa pagkatha ay hinihiram sa Ewropa kung hindi man sa Amerika. ) Kahit sabihin pang magaspang ang wika ni Amado, at kulang sa estilistang pagdulog, at maipupuwing na rito ang ilang ispeling ng mga salita o ang paraan ng pagbuo ng usapan at tauhan, ang gayong gaspang ay lalong nagpapakinang ng kaniyang akda dahil handa nitong ibulalas ang ubod ng lunggati ng mga Filipino alinsunod sa diskurso ng mga Filipino noong sakop ng imperyalistang Estados Unidos ang Filipinas.Wala nang dahilan ang makabagong henerasyon para hindi basahin at balikan ang nobelang Bulalakaw ng Pag-asa ni Ismael Amado at matutunghayan ang edisyong onlayn nito sa Project Gutenberg. Isang halimbawa ang nobela ni Amado na dumanas ng sensura sa iba’t ibang anyo, sa anyo man ng prehuwisyo o saliwang paghahambing sa mga banyagang nobela, o sa marupok na pagpapahalaga sa panig ng edukasyong pambansa. Ngunit halimbawa rin ito kung bakit dapat hayaan ang mga kabataan kung paano sumulat at kusang tumuklas ng sining sa pinakamahigpit na paraan, alinsunod sa kanilang pagtanaw, lalo’t nagbabalik ang halina ng pananakop sa Filipinas, sa himpapawid man o sa tubigan, o kahit na sa lente ng pagbasa ng kasaysayan at panitikan.