Ni Ramil Jasareno
Kung bakit kay bigat
ng oras at halos hindi
na ito makausad.
Nais kong hatakin
ang sasakyan paitaas
at lumipad na lamang
ngunit makapal ang
mga kulay-abong ulap
na doon ay nakaharang.
Tinatanaw ko ang uwak
habang sinisimot ang natira
sa katawan ng asong
nagpatiwakal sa daan.
Ganito ba inaalay
ang sarili para
sa minamahal?
Marahil dala ko ang bigat
ng lahat ng alinlangan
at katanungan kung
ikaw ba’y akin pang
masusumpungan.
Pupuntahan ko
ang lugar kung saan
walang iniiwang
alaala ang ulan.
Baka sakaling maabutan
ko na hindi pa malabo
ang tubig na sumalamin
sa iyong pagsuko.