Nagsisimula sa wika ang tula; at sa loob ng tula, ang wika ay maaaring dumukal ng konsepto at kaisipan sa lipunan nitong pinagmulan. Gayunman, ang tula na maituturing na kakatwang daigdig ay makalilikha ng sarili nitong wika batay sa kalakaran sa nasabing daigdig. Ang manggagawa na pumaloob sa daigdig-na-tula ay posibleng magtaglay ng wika na hindi sumasalamin sa materyal na lipunan; ang wika ay maaaring matalik sa manggagawa-persona subalit hindi mangangahulugan na ang wikang ito ay wikang ginagamit ng kasalukuyang manggagawa sa partikular na lugar at alam ng mambabasa sa kumbensiyonal na paraan. Kung sisipatin ang ganitong tindig sa punto de bista ng realismo, ang realismo ay nasa anyo lamang ng manggagawa na may katawan ngunit ang kaniyang wika na may sariling kamalayan at pinalalakas ng ideolohiya ay maaaring lumampas sa wika na karaniwang batid ng mambabasa.
Sa paglikha ni Cirilo F. Bautista ng kaniyang guniguning José Rizal, ang Rizal na ito sa kaniyang epiko ay hindi basta kapilas ng Rizal sa kasaysayan bagkus Rizal na tumatawid sa nakaraan at kasakuluyan samantalang naninimbang sa posibleng maging hakbang nito sa hinaharap. Ang Rizal na ito, na dahil pumaloob sa ibang dimensiyon, ay nagkaroon ng kapangyarihang lumikha ng sariling wika sa loob ng tula alinsunod sa matagumpay na pakana ng makata, halimbawa kung paano sasagutin ang kamalayan ni Fernando de Magallanes o Miguel Lopez de Legazpi, at kung paano titindig sa Bagumbayan para harapin ang pangkat ng kawal bilang pagwawakas sa pag-iral ng tao at pagsisimula ng bagong pagiral bilang tula. Ito ay sapagkat ang Rizal bilang persona ay nahuhubog ng guniguni; at bilang bahagi ng tula ay hindi nagsasalita ng Español na may konsepto ng Español na kumakausap sa Madre España bagkus nagsasalita sa Ingles para maunawaan ng diyasporang Filipino, at kung gayon ay higit na lalawak ang kamalayan kung ipagpapalagay na napakayaman ng korpus ng Ingles para suhayan ang sungayang kaisipan ni Rizal na posibleng nagiisip din sa Aleman, Frances, Nihonggo, Tagalog, at iba pang wika alinsunod sa konseptong palalawigin.
Samantala, ang Rizal ni Rio Alma sa kaniyang Hudhud ay nakakulong sa kasaysayan, bagaman magtatangkang pumiglas o bantulot lumampas sa kasaysayan upang panatilihin ang orihinal na diwa ni Rizal alinsunod sa mga tala ng mga istoryador, at ito ang trahedya ni Rizal na nakapadron sa prosa na itinatambis sa tradisyonal ngunit hinuwad-na-gaspang na pananaludtod ni Aliguyon, o kaya’y sa matipunong pananaludtod ng kabataang manlilikha para makabuo ng tatsulok na persona ng prekolonyal, kolonyal, at poskolonyal na kamalayan. Ang problema sa ganito’y ang konsepto ni Aliguyon bilang bagani ng kaniyang daigdig ay tila hanggang ilihan lamang, na halatang ikinahon sa apatang taludtod na halos gagarin ang awit ni Balagtas at sa tradisyonal na pananaludtod ng epikong bayan sa Filipinas, at ito ang kakatwa dahil magpatiwakal man si Aliguyon at isilang muli ay mabibigong lampasan ang itinatakda ng materyal na realidad. Ito rin ang kahinaan ni Rizal na bagaman matalas mag-isip ay nakakahon sa dati nang pagtanaw kay Rizal na manlalakbay, destiyero, at balikbayan. Ang kakulangan nina Rizal at Aliguyon ay tatangkaing punuan ng kabataang manlilikha, na sa kaniyang pagkamalikhain ay nakagawa rin ng sariling daigdig na may moral na pamantayang sinadya man o hindi ay humaharap sa madlang mambabasa para litisin o pagnilayan nang lubos.
Ang wika ay isa nang tula, kung ipagpapalagay na ang kahulugan nito ay lumalampas sa paglalarawan, pagpapakahulugan, o pagpapahiwatig ng anumang materyal na lipunan. Higit itong mauunawaan kung sa isang akda ay sasalâin, pipilîin, pagtátabihín, at pagtatagísin ang mga salita kayâ ang suma ng kaisipan ay hindi magwawakas sa nakagawiang pagsagap sa akdang prosa, bagkus nangangailangan ng paulit-ulit na pagbasa. Ang wika sa loob ng tula ay maaaring ibalangkas na maging kapanipaniwala, na gumagagad sa wika ng subkultura (gaya ng bakla o jologs) kung hindi man ng malawak na lipunan, at ito ang maituturing na pinakamababang antas. Ngunit ang wika sa loob ng tula ay maaari ding gawing kagilagilalas— na higit na mataas na antas—kayâ ang isang palaboy na persona sa tula ay puwedeng maging lumpeng intelektuwal, na tumatanaw o isinasakatawan ang alyenasyon sa kaniyang lipunan alinsunod sa laro ng kapangyarihan, halimbawa bilang tambay na nagninilay sa hungkag na lansangan sa panahon ng pandemya o Batas Militar na unti-unting nililipol ang mga itinuturing na aktibista o kaya’y adik at tulak na pawang tinatanaw na latak ng lipunan ng awtokratikong rehimen. Sa ibang pagkakataon, ang wika sa loob ng tula ay puwedeng maging absurdo, gaya sa tula ni José Garcia Villa, na halatang-halata ang pagbukod sa lipunan, at sa ganitong pangyayari, ang tula ay nagiging pamagat lamang, ang hari na lastag at naglalakad sa kaniyang kaharian para purihin o libakin ng kaniyang mga mamamayan alinsunod sa kanikanilang pagtanaw.
Sa ibang pagkakataon, tula ay maipagkakamaling pambigkasan o pambalagtasan o pandulaan lámang, gaya ng nakagawiang ehersisyo tuwing Buwan ng Wika. Ngunit ang tula, noong una pa man, ay may wikang higit sa pambigkasan o pambalagtasan o pandulaan sapagkat hindi ito nakatadhana upang maging panghabambuhay na trabaho ng binukot o umalohokan o despatsador bagkus para balik-balikan ng madlang mambabasa. Ang wika ng tula ay kumakatawan sa persona (na bukod sa makata), na makapagpapalusog o makapagpapahina rito depende sa teknikong kahandaan ng tula, at anuman ang naisin ng makata kung paano pakikilusin ang nasabing persona habang ito’y nangangatwiran o naglalarawan o nagninilay o nagsasalaysay ang kaniyang problema sa yugto ng pananalinghaga, at hindi mahalaga kung iyon ay maging makatotohanan at salamin ng lipunan dahil ang persona ay nasa daigdig ng guniguni at umaabot sa yugto ng usaping eksistensiyal.
Ang wika ng tula ang magiging giya kung paano huhubugin ang himig at tinig ng persona, o kung paano ilalarawan o isasadula ang ginagawa ng persona. Ang siste, halimbawa, ay maikukubli sa tao na nakakunot ang noo at nag-iisip, o kaya’y sa pagiging muslak na probinsiyano na ibig mangibabaw sa lungsod na wari bang isinapuso ang awit ni Frank Sinatra, at ito ang patutunayan ng gaya nina Julian Cruz Balmaseda, José Corazon de Jesús, at Florentino T. Collantes. Ang poot ay nasa takatak at lagabog ng mga tunog, nagtatampok ng maririing tugma o indayog, ngunit maikukubli rin sa wari’y tahimik na paraan, na ang malulumay na pahiwatig ay katumbas ng silakbo ng loob kapag inangkupan ng paglalarawan o pagsasalaysay na lumalabag sa kumbensiyonal na paraan, gaya sa mga tula ni Benigno Ramos at Amado V. Hernandez.
Kung may lunan ang lipunan, may lunan din ang loob ng tula. Ang dalawang lunan ay posibleng magkahawig, ngunit sa maraming pagkakataon ay magkataliwas, sapagkat hindi nakalaan ang tula upang maging seroks ng materyal na lipunan. Ang tula na kopyador ng lipunan ay nakatakdang lamunin ng iba pang tula sapagkat káya nitong makapagpaandar ng imprenta ngunit sa malao’t madali ay magiging pambalot ng tinapa sapagkat walang sariwang pagtanaw at pagdama sa paligid. Ang lunan sa loob ng tula ay lunan ng mga salita, at sa pangyayaring ito, ang isang yugto ay mapálalakí o mapáliliít, malalapatan ng angkop na anggulo gaya sa pagsipat ng batikang sinematograpo, nakakargahan ng mga pahiwatig na lampas sa maiuukol ng diksiyonaryo at tesawro, at kung nasa anyo ng háyku na sinulat ni Rogelio G. Mangahas ay hindi lamang lumulundag sa pilosopiya ng Hapones bagkus dumadako sa pandaigdigang Filipino sapagkat sumasapol sa kamalayan gaya ng tsunami o superbagyo.
Totoong kinakailangang sumunod sa gramatika at palaugnayan ang isang wika, halimbawa na sa Filipino, upang maunawaan ng mga Filipino. Gayunman, ang loob ng tula bilang lunan ng kapangyarihan, ay makalilikha rin ng sariling gramatika at palaugnayan na káyang sumabay sa nililinang na persona, o sa inilalarawang tagpo o pangyayari, sapagkat ang daigdig ng tula ay maaaring isang disenyo na ang anyo’y humahabol sa hindi kayang ipaloob sa mga salita lamang. Ang isang dambuhalang bantas, gaya ng tandang pananong, kapag inangkupan ng mga titik o salita sa isang pahina, ay magpipilit na ihayag ang sarili para basahin na isang karit, kayâ ang papel ay hindi na lamang nagiging papel na pinaglilimbagan ng mga salita bagkus bahagi ng pagtatanghal, gaya sa pabigkas na tula.
Ang tula sa bandang huli ay hindi makaiiwas na maging talyer ng wika, kung hihiramin ang termino ni Mike L. Bigornia. Sa loob ng tula, ang mga salita ay sumasailalim sa paulit-ulit na eksperimento at kombinasyon, gaya sa pagpapasiklab nina Jose F. Lacaba at Teo T. Antonio, walang pakundangan kung hindi man uso o nauuna sa panahon, upang magkaroon ng sariwang pagtanaw ang mambabasa. Maaaring isaalang-alang ng makata ang wika ng kaniyang lipunan, at mula roon ay magagawa niyang madali siyang maunawaan ng mga mambabasa at magtrending pa sa Internet. Gayunman, ang tula sa oras na bigkasin o isulat ng makata sa papel ay iiwan nito ang makata upang magkaroon ng sariling hininga, wika nga ni Bautista, at sa ganitong pangyayari ay nagkakaroon ng sariling buhay na maaaring higtan ang panahon ng makata at dumako sa mga susunod na henerasyon.
Kung paano makapananaig ang isang tula ay depende na itatatak nitong kamalayan na pinasisigla ng mga salita, sapagkat ang tula sa dakong huli ay nagsisimula sa wika.