Ni John Carlo S. Gloria
I.
Nilalagot ko ang buhol na pisi
sa buntot ng bulalakaw,
kasabay ng sariling paghabi
nitong mga salita ng pagtangi
sa dating damdaming nalusaw.
Hilera ng imahen mo ang lumilitaw
sa pagitan ng mga sansaglit.
Naglalaho-nagbabalik:
Mapanghimasok na alabok nitong tadhana.
Kaya sa iyong dibdib
Marahan kong itinuturok itong balaraw
nang magising sa pagtulog kong mababaw.
II
Minamanhid ako
ng paulit-ulit na pagdama,
ng aparisyon ng mga alaala,
at ng di mawaring paglalaho ng sigla.
Hubad akong may-sugat-na-di-magpipilat.
Ulit-ulit na natutungkab subalit hindi masalat.
Ako ang mismong saksi
sa biktimang bangkay ng sarili.
III
Nagsasadagat akong nililikas
itong baybayin
At nanunumbalik na panibago
sa piling ng batuhang buhangin.
Humahalik sa parehong pares
ng paa ng paghihintay.