Ni Aldrine Anzures
KANINA pa siya paikot-ikotsa sala. Hindi siya mapakali sakakaisip kung makakarating nga ba ang kaluluwa ni Luci sa langit. Ikasiyam na gabi pa lang mula nang mamatay si Luci, kaya hindi pa rin niya malimot ang alagang aso.
Naisip niyang tingnan ulit ang kabaong na pinaglagyan ni Luci. Ililibing na kinabukasan si Luci, kaya siguro hindi rin siya mapakali.Hindi pa man siya nakakalapit, maiiyak na siya. Hahanapin niya sacellphone ang awiting Humayo’t Ihayag na paborito ni Luci tuwing dinadala niya ito sa simbahan para sa praktis nila sa choir. Sa pagtugtog ng kanta, lalo siyang hahagulgol.
Tapos na ang kanta pero hindi pa rin siya tumatahan. Mas lumakas ang paghagulgol niya kaya hindi niya napansin na nahagip niya ang kabaong. Sa sobrang lakas ng puwersa ng kanyang kamay, nahulog ang kabaong. Nabasag ang salamin at lumuwa ang ulo ni Luci.
“Ay, gaga! Ang anak ko!”
Mabilis siyang kumuha ng walis at pandakot.Nang makalapit sa harap ng lumuwang ulo ng alaga, naamoy niya ang halimuyak ng pumpon ng rosas na hindi man lang siya nahandugan ng kahit sinong lalaki.
Dahan-dahan niyang inilabas ang alaga na pareho pa rin ang hulma ng katawan kahit siyam na araw na ang lumipas mula nang pagdesisyunan niyang paglamayan ito. Walang bahagi ng katawan ang naaagnas.
Sa likod ng utak ni Cinco, narinig niya ang boses ni Father Joji na nagsasabing ang hindi naaagnas na katawan ay isang manipestasyon na maaaring ideklara ang isang tao bilang Santo. Hindi naman siya tanga para isipin na potensiyal maging Santo ang alaga. Ngunit sa pinakaloob ng kokote niya, maaaring ito na ang hinihintay niyang “breakthrough” para maiposisyon ang sarili sa simbahan. Sampung taon na kasi siyang nagsisilbi, pero hindi man lang siya nagiging officer. Bakla raw kasi siya, at papangit ang imahen ng grupo kung sakaling siya ang mamahala.
Muli niyang inilibas ang cellphone at pinatugtog ang Humayo’t Ihayag.Akap-akap niya ang alaga habang umaawit.Sa unang pagkakataon, nakaramdam siya ng kasiyahan, kaginhawaan, at katiwasayan mula nang mamatay si Lucifer.
***
Pagkagising, inilagay niya ang di naaagnas na katawan ni Luci sa isang babasaging estante ng laruan na dating pinaglalagyan ng mamahaling Iron Man. Ipinasauli niya ito sa huli niyang kasintahan nang malaman niyang niloloko siya nito. Nagsuot naman siya ng kulay puting belo na ipinapares sa kanyang kulay puting bestida kapag magsisimba siya.
Una sa kanyang listahan ang punerarya. Hindi pa man siya nakalalayo, muntik na siyang mahagip ng bisikleta. Tumumba ang sakay nito sa kagustuhang maiwasan siya. Sa gulat, matagal din siyang hindi nakagalaw. Nang makabalik sa ulirat, tiningnan niya ang estante. Hindi nagbago ang posisyon ni Luci. Nang makatiyak na ayos ang alaga, doon lang niya naalala na kumustahin ang lalaki.
“Uy, boy, ayos ka lang?”
“Hindi ko ho maramdaman ang mga paa ko.”
“Sige, ganito… relax ka lang d’yan.”
Inilapit niya ang kamay ng nakabulagtang lalaki sa tuktok ng estante.
Nag-aalangan man, pero pumikit ang lalaki. Laking gulat nito nang muling maramdaman nito ang mga paa. Punô man ito ng galos, pasa, at dugo, wala na ang kahit anong sakit.
“Ano hong ginawa niyo, kuya?”
“Hoy, anong kuya! Ate ako.A-te.Kaya nga nakabestida, e.”
“Ay, pasens’ya na ho kayo. Salamat po, Ate. Napagaling niyo ho ako.”
Tutulungan sana niyang tumayo ang lalaki, pero bago pa man niya mailapit ang kamay, nagpapagpag na ito ng shorts at t-shirt na namantsahan ng dumi. Natulala tuloy siya sa laki ng bakat nito sa shorts.
Nag-antanda naman ang lalakisa estante na pinaglalagyan ni Luci. Sumakay ito sa bisikleta at kumaway kay Cinco bilang pamamaalam.
Habang nangyayari ang lahat ng ito, nakikiusyoso na pala ang pinakamaingay at pinaka-chikadora ng Santa Monica. Dali-daling lumapit si Jiggly at tinapik ang braso ni Cinco.
“Uy, ate! Totoo bang napagaling mo ‘yong bagets?”
Sa pagkabigla sa hampas ni Jiggly, muntik niyang mabitawan ang estante. Nakakunot tuloy siyang nagbalik ng tingin sa kasamahan sa parokya.
“Teka lang, ha. Umagang-umaga, nakikimarites ka.”
“Paano ba naman? Para kang tanga d’yan sa suot mo, tapos may pa-eksena ka pang estante na may stuffed toy. Ay, ate, matagal pa ang pista. Baliw-baliwan na agad ang atake.”
Napahalakhak na lang si Cinco sa kaibigan.
“Ito na nga, Friend.Mapaghimala itong si Luci.Patunay ‘yung kanina, bestie. Nakatayo bigla ‘yong muntik makabangga sa akin at, kita mo naman, hindi naaagnas ang katawan niya.”
“Himala?Gaga ka talaga.Noranian ang arte.”
Sabay nag-antanda ang dalawa para sa yumaong si Nora. Napansinni Jiggly na hindi nagbibiro ang kaibigan.
“Gaga! Totoo ngang may himala? Mga kapitbahay, magsigising kayo! Narito na ang tagapagligtas!”
Nabulabog ang buong kalye at nagsilabasan ang mga tao. Nakiramay sila noong namatay si Luci, kaya nakatitiyak sila na ito nga ang alaga ni Cinco. Bago pa man maipaliwanagni Cinco ang mga nangyari, nagbida-bida na si Jiggly sa pagkukuwento. Nakapagpagaling na raw si Luci ng limang batang maysakit. Hindi rin daw naaagnas ang katawan nito, naindikasyon ng pagiging santo. At higit sa lahat, nawala raw ang nararamdaman niyang gutom nang makita ang aso nang mas malapitan.
Todo-pakinig naman ang mga tao dahil alam nilang alagad ng Diyos ang dalawa.Itinuturing sila bilang mga tagapalaganap ng kabutihan at katotohanan. Sayang nga lang daw at bakla si Cinco.
Naunang lumapit si Allan.Colorblindito. Humawak itosa estante at pumikit. Bumilang ito ng sampung segundo bago dumilat. Tumingin itosa kaulapan. Tinuro nito ito at sinabi nitong itim.Nagpalakpakan ang mga tao.
Totoo namang nangingitim ang langit dahil nagbabadyang bumagsak ang ulan.Magmula nang mamatay si Luci, nanatiling madilim ang kalangitan. Hindi man umulan, pero hindi kailanman sumilip si haring araw.
Sumunod namang lumapit si Larry.Mahina ang pandinig kaya kahit sinisigawan ng mga taong gustong masumpungan si Luci, dire-diretso pa rin.Pumikit din ito bago humawaksa estante. Hindi pa man nakakasampung segundo, bigla nilang narinig ang malakas na sigaw.
“Larry! Pinangsugal mo na naman sa lamay ‘yong ibinigay ko nakaraang linggo!”
Agad kumaripas ng takbo si Larry papalayo sa pinagmumulan ng boses. Dahil may kanya-kanyang usapan ang mga tao, hindi na rin nila maunawaan kung kanino nagmula ang boses. May ilang Marites na nagsabi na asawa raw ito ni Larry na lingguhan umuwi, at may ilang nagsasabing kabit ito ni Larry. Sino pa man iyon, ang mahalaga, gumaling itosa sakit. “Papuri sa Diyos!”
Matapos ang tatlong unang himala, mas dumami ang tao. Kanya-kanyang paghawak sa kahon. May ilan na nagpunas pa ng panyo. Nakipag-selfie naman ang ilan, at may mga kabataang nag-vlog pa nga. Sinasaway naman sila ni Jiggly at Cinco, pero tuloy-tuloy kasi ang palihim na pag-abot ng donasyon sa dalawa, kaya hinayaan na lang nila.
Mabilis na kumalat ang bali-balita sa Santa Monica na nakapaghihimala ang namatay na alagang aso ni Cinco, at kahit siyam na araw na’y hindi pa rin ito naaagnas…
***
Nagmistulang kapilya ang bahay ni Cinco. May mga nagdarasal sa labas. Nagpalagay rin siya ng mga kubol para komportable ang mga mananampalataya . Nakarating ang balita hanggang sa mga karatig-bayan kaya hindi na rin makilala ni Cinco ang mga dumadalaw. Upang makontrol ang pagdagsa ng mga tao, may mga kalalakihang inupahan na nagsilbing bantay at tagakolekta ng donasyon.
Tuwing alas-nuwebe hanggang alas-diyes, makikita si Cinco na nakaupo sa isang upuan na tila trono ng hari, akap-akap ang babasaging estanteng pinaglalagyan ni Luci. Sa mga pader na malapit sa tronong ito, nakalagay ang mga larawan ni Luci na nakaporma na parang isang banal. AI-generated ang karamihan, pero sapat na ito para maniwala ang mga tao sa himala. Minsan, may ipinapalabas din na mga video ni Luci na naglalakad sa simbahan, tumititig sa mga santo, at nakikipaglaro sa mga sakristan. Nagkakaroon tuloy ng dahilan si Cinco namakipagkuwentuhan sa mga guwapong sakristan.
Hindi pa man sumasapit ang Linggo, napagpasiyahan nang dumalaw ni Father Joji sa bahay. Lagi kasi nitong naririnig ang paboritong awitin ni Luci na “Humayo’t Ihayag” sa labas. Noong magsimulang buksan ni Cinco ang bahay sa mga panauhin, nagpapaikot na rin siya ng tricycle at mga sidecar na may nakakabit na malalaking speaker at tarpaulin. Tuwing umaga ito umiikot. Ikinatuwa ito ni Father Joji sa una, pero unti-unti itong naumay kaya naisipan nitongipagtanong-tanong ang nangyayari.
Pagdating nito sa bahay nina Cinco, tumambad ang lagpas limampung tao sa labas. Halos magkapalitan nang mukha ang mga ito masilayan lamang ang mapaghimalang aso.
May ilan agad na nakilala si Father Joji. May ilang nagmano, may nagsipulasan, at may ilan ding dedma lang.
“Padaanin niyo ako. Tumabi kayo,” wika ni Father Joji.
Matanda na at iika-ika ang pari kaya pinauna na rin ito. Nakasimangot naman ang ilan na nagparaya para makaraan ang pari.
Bago pa man makalapit si Father Joji, nakita na agad ito ni Jiggly. Agad nitong binulungan ang kaibigan na mayroon silang panauhin. Inilapagni Cinco ang estante at dumakokay Father Joji para magmano. Aakap pa sana siya pero tumanggi ang pari.
“Ano ba naman ito, Cinco?Halos daigin mo na ang simbahan.”
“Father, kagustuhan po ito ng Diyos. Manunumbalik na po sa simbahan ang mga tao. Sabi ko nga ho, magsimba sila bukas para extra points sa langit,” sambit ni Cinco.
“Iho, mali ito.Pinapaasa mo ang mga tao sa himala.”
“Mayroon pong himala, Father. Kayo na nga po ang may sabi na minsan kailangan lang natin maniwala. At iha ho, hindi iho.”
“O,ganito, iha. Wala pang naitatalang himala na mula sa patay na katawan ng hayop. At kung mayroon man, baka gawa-gawa ito ng demonyo.”
“Father naman ho, hindi po patay si Luci. Buhay po siya sa ating puso at isipan. Demonyo man ang pangalan ng aking alaga, pero wala kayong karapatan nasabihing wala siyang kakayahang maghimala. Masama rin ho ako dati, Father, pero nagbagong-buhay ako nang ipakilala mo sa akin ang Diyos.”
“Hay, naku Cinco, ‘wag ka na magpalusot d’yan. Bakla ka pa rin naman, ano bang nagbago?”
“Ang sakit niyo na hong magsalita, Father.”
“Ipapatawag ko si Monsignor Cabezas para siya ang kumausap sa iyo.”
“Sige ho, Father Joji, para matanong ko rin sa kanya kung maaaring maging Santo Papa rin ang mga hayop.”
Namumutla na si Father Joji sa kung anu-anong sinasabi ni Cinco. Sasagot pa sanaito pero napaantanda na lang, na para bang sinasabi sa Diyos na Siya na ang bahala.
Nakikinig naman ang mga tao sa sagutan ng dalawa. May mga kani-kanya ring opinyon, pero hindi na piniling magsalita dahil ayaw nilang maging kaaway ang alagad ng Diyos. Pagkalabas na pagkalabas ng pari, nagsigawan ang mga tao.
“Santo Papi! Santo Papi!” Sinabayan ito ng ilang mga taong nag-aantanda. Pinaayos muli ng mga bortang tauhan ni Cinco ang mga tao sa kanilang pagpila. Kinuha naman ni Jiggly ang manto sa pagkalaki-laking santo sa kuwarto ni Cinco, isinuot ito sa kaibigan, at pinaupo siya sa trono para makapagpatuloy ang mga tao sa kanilang debosyon. Inihatid naman si Father Joji ng sidecarna may malalaking speaker.
Ayon sa drayber, hindi raw nagbayad ang napakakuripot na pari.

***
Lumipas ang ilang araw at patuloy pa rin ang pagdagsa ng mga tao. May mga nagsisimba pa rin sa simbahan, pero karaniwan, dito dumadayo pagkatapos. Mas malaki tuloy ang donasyon na natatanggap ni Cinco.
Bali-balita rin ang paggaling ng ilan sa kanilang mga sakit. Iyong iba naman, patuloy na umaasa. Naging mabenta tuloy ang “holy water” na galing sa gripo nila Cinco, pati na ang mga imahen ni Luci na nakasuot ng manto. Minsan nagkakaubusan dahil ibinebenta rin ito ni Jiggly sa Shopee at Lazada.
Nagkatotoo rin ang sinabi ni Father Joji na kakausapin si Monsignor Cabezas. Sinulatan nito si Cinco na ihinto ang kanilang gawain sapagkat labag ito sa turo ng simbahan. Sinagot naman ni Cinco ang sulat at nagbigay pa nga ng ilang patok na memorabilia. Sa ikalawang sulat ni Monsignor Cabezas, binanggit nito na ito mismo ang dadalaw kung hindi pa rin titigil si Cinco.
Nabulabog si Cinco at Jiggly sa sulat na iyon. Natakot sila na baka ipagiba ang bahay lalo na at nakatayo ito direkta sa ibabaw ng fault line. Naisip ng dalawa na magpakalayo-layo muna.
Sa huling araw ng kanilang pananatili sa bahay, inimbitahan nila ang mga tagasuporta sa kanilang pa-despedida. Nagkaroon ng kaunting kasiyahan sa kanilang bahay. Ibinigay na rin ni Cinco ang bonus ng mga bortang kalalakihang kanilang inupahan. Tuwang-tuwa naman ang mga ito at sinayawan pa si Cinco.
Kinaumagahan, agad na nag-impake ang dalawa. Nagprusisyon naman ang mga deboto hanggang sa plaza para sa isang programa. Nakaputi ang lahat at may disenyong mukha ni Luci ang kanilang suot. Sumisigaw-sigaw pa ang ilan ng, “Santo Papi! Santo Papi!”
Habang nangyayari ito, paparating naman si Monsignor Cabezas kasama ang demolition teamna gigiba sa bahay ni Cinco. Walang inabutan ang mga ito maliban sa ilang tarpaulin at mga basura mula sa party.
Nagpasalamat sina Cinco at Jiggly sa mga tagasuporta. Sinabi nilang ipapadala agad sa nabuo nilang group chat kung saan sila lilipat. Nalungkot ang ilang deboto, at may mga humagulgol pa habang nakikipagbeso-beso sa magkaibigan. Napatigil ang dalawa nang maaninag nila si Monsignor Cabezas at Father Joji na papalapit.
Kinuha ni Cinco ang mikropono. Alam niya na kahit hindi siya mag-utos na magsitahimik, makikinig ang mga tao sa anumang sasabihin niya.
“Sa huling pagkakataon po, saksihan natin ang mapaghimalang Santo Papi.”
Tinanggal niya ang estanteng nagkukulong sa alaga at iniupo si Luci sa monobloc. Nagsiluhod ang ilan, at may iba namang taimtim na nagdasal. Laking gulat nina Monsignor Cabezas at Father Joji sa nakita. Hindi makapag-eskandalo upang hindi makaistorbo sa pagdarasal ng mga tao.
Napatingin na lamang ang dalawang pari kay Cinco at Jiggly na panay ang ngiti. Hindi nila napansin ang isang batang may hawak nawater gun na dahan-dahang lumapit kay Luci. Pagkatama ng tubig sa ulo ni Luci, natanggal ito at naglaho na parang abo. Tuloy-tuloy lang ang bata sa pagbaril hanggang sa maging abo na ang buong katawan ni Luci.
Nagulat sina Cinco at Jiggly sa nasaksihan. Sa sobrang takot, agad inakay ni Jiggly ang kaibigan. Gustuhin man ni Cinco na akapin ang alaga sa huling pagkakataon, hindi na niya nagawa.
Nagkagulo ang mga tao.Isinupot ng ilan ang abo ng aso.Sakto namang bumuhos ang ulan kaya lalo silang nagsipulasan. Samantala, naghubad ng t-shirt ang mga bortang kalalakihan na inupahan ni Cinco at nagtampisaw sa ulan. Dahil dito, napako ang mga mata ni Father Joji sa mga kalalakihan at hindi na nito napansin kung saan tumakas ang magkaibigan. Galit na galit naman si Monsignor Cabezas na bumalik sa opisina at ipinagbawal ang awiting Humayo’t Ihayag sa bayan.
Hindi na muling nakita ang magkaibigan. Wala rin silang paramdam sachat. Tanging ang estante na pinaglagyan ng kanilang Santo Papi ang naiwan. Pinaghati-hatian ito ng ilang deboto at itinago.
(Si Aldrine Anzures ay nagtapos ng AB Foreign Service sa Lyceum of the Philippines University–Manila. Kasalukuyan siyang mananaliksik sa Surian ngmga Aralin sa Paggawa. Naging fellow sapalihan na inorganisa ng LamparaPublishing House, Inc. at ng Virgin Labfest 20 Writing Fellowship.)









