Ni NEMESIO E. CARAVANA
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Pebrero 27, 1950)
(IKA-8 LABAS)
SUSURAY-SURAY na dumating si Dr. Octubre sa kanyang tahanang nasa liblib ng San Francisco del Monte. May malubhang sugat siyang likha ng punlo sa dibdib na nagpapahirap sa kanyang paghinga. Gulilat na nanlaki ang mga mata ng matandang utusang si Andres nang pumasok siya sa pintuan. Nasilaw ang mga paningin ng matandang nagpalaki sa manggagamot sa dugong bumulwak sa dibdib ni Dr. Octubre.
“Ano ang nangyari sa iyo?” ang pamanghang usisa ng matanda.
“Walang anuman” ang nagpapalakas ng loob na tugon ng manggagamot. “Mag-init ka ng tubig at ihanda mo ang mga gamot na kailangan.”
Uukud-ukod na sumunod ang nagugulumihanang si tandang Andres. Naupo namang pabagsak sa isang lumang luklukang yantok ang may sugat na si Dr. Octubre. Makaraan ang ilang sandali ay pinasimulan nang hugasan ng ubaning utusan ang malubsang sugat ng manggagamot.
“Walang salang ikamamatay ko ang aking sugat” ang hindi mapigilang daing ng doktor. “Nararamdaman kong nangangapos na ang aking hininga. Naiwan sa aking dibdib ang punlo ng tiktik na bumaril sa akin.
“Dadalhin kita sa pagamutan, anak ko” ang amuki ng matanda sa nahihirapang may sugat.
Nanlisik ang mga mata ng manggagamot. Matagal na sandaling tinitigan ang utusang siyang nagpalaki sa kanya.
“Isang kaululan ang iniaamuki mo sa akin” ang nahihirapang pahayag ni Dr. Octubre. “Hindi mo ba nalamang isa na akong salarin ngayong inuusig ng batas? Isang pagpapatiwakal ang pagpasok ko sa alinmang pagamutan.”
“Lalong pagpapatiwakal ang pamamarati mo rito” ang pakli ng matandang utusang pinag-aligiran ng luha sa dalawang mata. “Kung isa sana akong manggagamot na katulad mo’y…”
“Kahit na hindi ka manggagamot ay ipinatutungkol ko sa iyo ngayon ang pagtistis sa akin at pagkuha ng punlo sa aking dibdib” ang walang gatol na pasiya ni Dr. Octubre. “Kunin mo ang mga istrumento sa lumang aparador.”
Ilang sandaling natigilan sa tandang Andres. Siya naman ang nagpako ng mga mata sa manggagamot. Nanginig ang katawan ng matanda, nang makita niyang habang nangungusap si Dr. Octubre ay walang tigil ang pagbulwak ng dugo sa dibdib, na bagama’t tutop ng kaliwang kamay ang sugat ay umaalpas din ang daloy.
“Mauubusan ka ng dugo” ang gumagaralgal na salita ng matanda. “Sundin mo sana ang payo ko. Ang nanginig kong mga kamay ay hindi na makagagawa ng bagay na iniaatas mo sa akin.”
Sinikap ni Dr. Octubre na makahinga nang maluwag. Nakita ni tandang Andres ang pangungulimlim ng mukha ng manggagamot dahil sa ginawang paghinga.
“Ang bata, kamusta?” ang tanong sa basag na tinig ng may-sugat.
“Mabuti,” ang tugon ni tandang Andres,” mahimbing ang kanyang tulog.
“Bueno, sundin mo sana ako,” ang maliwanag na salita ni Dr. Octubre. “Kunin mo ang mga kagamitan. Gawin natin ang huling paraan upang mabuhay ako.”
Sumunod si tandang Andres. Hindi naman nalaunan at dala na ni tandang Andres ang mga instrumentong ipinakuha sa kanya. Iniutos ng manggagamot na itubog ang mga kagamitan sa palangganang may kumukulong tubig na nakasalang pa rin sa pugon.
At naghabulan ang ilan pang sandali. Nanginginig ang mga daliri ni tandang Andres na hinawakan ang panistis sa atas ng manggagamot.
“Patawarin mo ako, Fernando,” ang lumuluhang nawika ng matandang utusan. “Hindi ko kaya ang ipinagagawa mo sa akin.”
Matagal na sandalingg hindi nakapagsalita si Dr. Octubre. Mga mata lamang niya ang pinapangusap na nakatitig sa mukha ni tandang Andres.
“Minamahal mo ba ako, Andres?” ang maliwanag na tanong ng mangggagamot matapos titigan ang matanda. Kung minamamahal mo ako at hinahangad mong, mabuhay ay kunin mo ang punlo sa aking dibdib.
Napilitang sumunod si tandang Andres. Itinuun ang dulo ng matalas na panistis sa balat ng manggagamot.
“Ganyan… ganyan angg gawin mo,” ang masaya ngunit nakakunot-noong pahayag ni Dr. Octubre, nang makitang nabuksan nang bahagya ang bukana ng sugat.
Kunin mo ang mahabang pang-ipit. Marahil ay masasalat mo ang punlo.
Kinilabutan si tandang Andres, nang mamalas niyang bumulwak na naman ang dugo sa dibdib ng lalaking siya ang nag-alaga at nagpalaki. Dinampot na hindi halos humihinga ang pang-ipit at ipinasok ang dulo sa sugat. Napahumindig si Dr. Octubre sa kanyang naramdamang sakit. Nadama niyang parang mapupugto ang kanyang hininga nang mapasok nang kalahati ang pang-ipt na instrumento.
“Malalim ang sugat mo,” ang pahayag ni tandang Andres. “Maaaring matuluyan kang mamatay kung ibabaon ko pa ang gunting na pang-ipit.
At binunot ng matanda ang gunting na nanginginig pa rin ang kamay na mayhawak. Napakagat-labi si Dr. Octubre. Noon siya naniwalang nasa bingit siya ng kamatayan at ga-dali na lamang ang kanyang kaligtasan.
Tumayong susuray-suray ang manggagamot. Sinikap niyang makapanhik sa itaas. Tinulungan ng kanyang malakas na bisig na nakahawak sa gabay ng hagdanan ang nanghihina niyang mga tuhod. Pumasok sa silid ng bata, susunud-sunod naman sa kanya si tandang Andres.
“Nalalaman kong mamatay na ako,” ang mahinang salita ni Dr. Octubre, “ngunit bago ako tuluyang malagutan ng hininga ay ipamamana ko sa iyo ang pinakamahalagang kayamanan ko sa buhay.
Tinutop ni Dr. Octubre ang kanyang sugat. Binalingang ng tingin ang matandang utusan, saka…
“Andres,” ang malumanay na tawag, “ang batang ito ang siya kong pagmamanahin ng lahat ng aking ari-arian at ng aking pangalan.
Lumapit si Dr. Octubre sa kanyang lumang makinilya. Binuksan ang kahon ng mesang susulatan at kumuha ng papel, saka gumawa ng isang maigsing kasulatan at nilagdaan pagkatapos.
“Ang batang iya’y pabinyagan mo sa pangalang Fernando Octubre, Jr.,” ang madalang na salita, habang iniaabot sa matanda ang kanyang niyaring huling habilin. “Alagaan mo siyang katulad nang pag-aalaga mo sa akin hanggang sa lumaki. Siya ang naging dahilan ng lahat kong mga kasawian sa buhay.
Tumitigis sa mga mata ni tandang Andres ang luha ng pagdaramdam, habang nagsasalita ang kanyang panginoong pinalaki niya at inalagaang katulad sa isang tunay na anak.
“Huwag mo sanang sisirain ang aking mga tagubilin,” ang patuloy na salita ng manggagamot at dinukot sa kanyang bulsa ang isang nangingislap na bato, ang kanyang talismang may-agimat. “Pagkakaisip ni Fernando ay ibigay mo sa kanya ito.”
Inubo si Dr. Octubre. Lalong lumakas ang pagbulwak ng dugo sa kanyang dibdib. Pinagbuti ng mangggamot ang pagsapupo sa kanyang sugat ng kaliwang palad.
“Hayan ang aking larawan,” ang wikang itinuro ang larawang malaking nakakabit sa tabiki. “Mula sa kanyang pagkakaisip ay ipakikilala mo sa kanya ang larawang iyan. Itanim sa kanyang isipan, na ako ang kanyang ama at si Magdalena, ang larawan ng babaing kapiling ng sa akin ang kanya namang ina. Si Fernando Octubre, Jr. ay siyang kapalit ng aking anak na namatay sa mga gulong ng awto ng minerong si Ricardo Montez.
“Kung gayo’y…” ang bulong ng matandang naging malikot ang mga mata, na nahulaan naman kaagad ng manggagamot.
“Oo, anak siya ni Montez,” ang agarang pakli ni Dr. Octubre, “huwag ka nang magtanong pa sa akin. Aalis na ako. Hindi ko gustong sa tahanang ito ako mamatay, pagkat maaaring matuklasan nila ang bata sa iyongg tangkilik. Isumpa mo sa akin, bago ako tumalikod, na ang lihim na ito’y iingatan mo at pamamaratihing nakasusi ang iyong mga labi.
Sumumpa naman si tandang Andres at itinaas pa nang bahagya ang kanang kamay.
“Salamat,” ang wika ng mangggamot, saka hinawakan sa balikat ang kapiling na si tandang Andres, hanggang makalapit sila sa isang malaking haligi at pinindot ang isang lihim na “buton”, na sa minsang pagkakatuun lamang ay may isang dahong wari’y sa munting aparador na nabuksan. “Hayan ang salaping maaari mong gugulin hanggang sa paglaki ng bata. Sapat na naman marahil ang tatlumpung libong piso kung titipirin mo. Sa kabilang haligi ay may isang lihim na taguan din, na pinagtataguan ko sa mga hiyas naming mag-asawa na nagkakahalaga ng libu-libong salapi. Kung kakapusin ka ng gugol sa mga kailangan at pagpapapaaral sa bata ay maaari mo ring ipagbili at gugulin sa kanyang kapakanan.
At tumalikod na si Dr. Octubre, matapos kunin sa sabitan ang isang makapal na amerikanang itim. Niyari sa kanyang sariling patungo sa lunsod at doon na paabot ng kanyang hindi mahahadlangang kamatayan. Lumulan sa isang taksing nagdaan sa pangulong lansangan ng San Francisco del Monte. Sa pamamagitan ng amerikanang itim ay naikubli niya sa tsuper at sa mata ng mga taong nagdaraan ang dugong dumadaloy sa kanyang sugat.
“Saan po tayo?” ang tanong ng tsuper na sumakay sa kanyang manggagamot.
“Sa impiyerno!” ang malakas na tugon ng pasahero.
“Ano po?” ang ulit na usisa ng tsuper.
“Basta’t patakbuhin mo ang iyong sasakyan,” dalhin mo ako kung saan mo ibig. Babayaran kita ng mahal. Ilibot mo ako sa buong Maynila.”
Ipinalagay ng tsuper na isang baliw ang kanyang lulan. Gayunma’y pinatakbo ang kanyang taksi nang walang tiyak na patutunguhan.
Hindi nagpabaya kamuntik man ang nagmamaneho sa madalas na pagsulyap sa lalaking sakay, sa takot na baka kung ano ang gawin nito sa kanya. Habang namamaneho ang tsuper ay sarisaring guniguni ang naglalaro sa kanyang isipan, hanggang sa mabalak na ituloy sa himpilan ng pulisya ang kanyang lulan.
Habang matuling tumatakbo ang taksi ay naramdaman ni Dr. Octubre na nahihirapan na siyang lubha sa paghinga. Ang kanyang mga mata’y unti-unting tinatakasan ng ilaw. Malabung-malabo na ang kanyang mga paningin.
(Itutuloy)









