ABEL AT ENKIDU

Guhit ni FRANKLIN BATOLINAO

Ni EDGAR CALABIA SAMAR

(IKA-2 LABAS)

PERO bago ang mga plano ko tungkol kay Enkidu, alam kong iniisip mo pa rin ang tungkol sa tatlong una kong napatay. Sige, sige. Promise, heto na talaga.

      Lumaki nga ako sa San Pablo, kung saan din ako unang nakapatay. Nasa college pa lang ako noon. Sa UPLB ako nag-aral at lingguhan lang ako kung umuwi. Noong first sem, uwian ako araw-araw. Second sem ko napapayag si Ma na kumuha ako ng dorm. Siya pa ang naghanap. Hindi basta dorm, apartment. Isang sem akong nagsolo roon, kahit dalawa ang kuwarto. Para raw may matutuluyan sila ng mga pinsan ko kapag ako ang hindi nakakauwi sa San Pablo, na hindi naman nila nagawa. Okey lang naman kay Ma na mahal ang bayad. Basta mag-aaral akong mabuti. Iyung natipid niya sa tuition ko, sa apartment napupunta. Nasa grade school pa lang noon ang dalawa kong pinsan, parehong babae pero kamukhang-kamukha ni Tito James Bond na ipinaglihi nga kay Sean Connery noong kabataan nito, lalo na sa kapal ng kilay at nipis ng labi. Pero noong nauso ang mga balita tungkol sa mga estudyanteng nahoholdap at pinapatay, sinabi ni Ma na maghanap ako ng kaibigan na makakasama sa apartment. May kahati na sa upa, may kasama pa ako sa bahay. Wala namang kaso sa akin iyon. Pero wala rin akong kaibigan sa college na makakasama sa bahay. Kaya sige, hanap ng kahit sino. Buong summer, dahil iisa lang naman ang klase kong kailangang i-summer, nagtanong-tanong ako. Nagpaskil na rin ako sa loob ng kampus at sa mga poste’t pader at loob ng dyip na mapapaglagyan ko ng anunsiyo. Naroon ang contact number ko. Uso na ang phone noon. Karamihan, 5110 kahit may 3210 na. Lalaki rin, ha, paalala ni Ma. Ayaw niya siyempreng babae ang kasama ko sa bahay. Baka ikaw pa ang mapahamak riyan, dagdag pa niya.

      Tatango-tango lang naman ako. Siyempre, lalaki. Mas malamang namang iyung babae ang di payagan ng magulang na tumira sa apartment na lalaki lang ang kasama. Feeling kasi ni Ma, ako lang iyung puwedeng masaktan, ako lang iyung puwedeng mabiktima. Nakakainsulto. Alam ko namang mas buong buhay niyang dinala iyung pagkamatay nina Mama at Papa at ng ate ko kesa sa akin, pero naiinsulto pa rin ako na mas tingin niya, e, ako ang mapapahamak kesa ako ang puwedeng manakit sa iba.

      Marami-rami ring nagtext, nagulat nga ako na ganoon pala talaga karami ang naghahanap ng matutuluyan. Pero pag sinabi ko kung magkano, biglang di na magtetext. Alam kong maraming mas bed space lang ang hinahanap. Pero ayoko namang ibagsak-presyo ang kuwarto para lang may makasama ako. Sa bandang huli, dalawa pa rin ang natirang interesado. Iyung una sa kanila, pagkakita ko pa lang, ayoko na agad. Wala, maayos naman ang porma, nakasalamin, naka-collared shirt na asul, chinos na brown, rubber shoes. Pero basta mabigat lang ang dugo ko. Walang lohika, kagaya ng mga diyos at diyosang gusto lang manakit ng tao. Pagdating na pagdating niya sa meeting place namin sa isang maliit na karinderya sa Cordillera Street, sinabihan ko na lang na may nauna na sa kanya, na pasensiya na pero may nakapagpa-reserve na pala kay Ma. Bahagya siyang nagulat, tapos sabi niya, okey lang, kahit alam ko sa tingin niya ang inis kung bakit pinapunta ko pa siya, kumbakit di ko na lang siya tinext.

      Natatawa na lang ako sa loob ko. Parang may ginawa siyang kalokohan sa akin dati at nakaganti ako ngayon sa kaniya nang wala siyang kamalay-malay at kalaban-laban. Nakipagkamay pa ako habang nagsasabing sorry, brad, di ako agad natext ni Ma, e. At kahit yamot, paulit-ulit lang talaga ang okey lang, okey lang niya. Gusto ko ngang batukan at hiyawan. Magalit ka nga!

      Ngayon, dapat pala, e, nagpasalamat pa nga talaga siya sa akin dahil kung natuloy siya, e, siya sana ang napatay ko. Iyung isa kasi, si Amiel, iyun ang naging kasama ko sa apartment nang halos two years. Taga-Mogpog sa Marinduque. Dulo na ng mundo, brad, sabi niya sa akin nang una kong makita. Magugustuhan ko raw kasi mukhang mahilig ako sa nature-nature at arts-arts. Hindi ko alam ang ibig niyang sabihin, kung paano niya nasabing mahilig ako sa nature-nature at arts-arts, e, kakikita lang namin, pero hindi na ako nagtanong. Punta ka sa Moryones, sabi pa niya, sa bayan namin talaga nagmula iyun. Sabi ko, sige, isama niya ako minsan.

      Pero hindi na nga niya ako naisama roon. Nauna ko kasi siyang naisama sa San Pablo. Fiesta. January 15 noong 2004. Binabasa ko noon ang pinakahuling nobela ni Pablo––at pinakagago rin siguro. Atake. Iyun ang title. Out of print na ngayon, tulad ng lahat ng nobela niya. Tungkol din sa isang makata (halos kalahati sa mga nobela ni Pablo, makata ang bida) na nagising isang araw na nasa loob siya ng isang tula. Weird, di ba. At traditional poetry. May tugma at sukat. Biglang kailangan niyang punuan ang mga taludtod. Isipin ang nawawalang salita na katugma ng sinundang linya para makausad siya, makarating sa dulo, sa kasunod na linya, sa kasunod na saknong, umasang makakarating siya sa wakas, at matakasan ang realidad nito.

      Dahil kumbensiyonal, madaling makita na love poem ito. Obsessed ang persona, tulad ng karaniwang lover sa mga tula at pop songs, sa mga kuwento’t nobela, sa mga soap opera’t pelikula. Pero habang nagtatagal, natutuklasan niya na kapag pinalitan niya ang mga inaasahang salitang pantugma, puwedeng wala talaga siya sa loob ng isang tula tungkol sa pag-ibig, kundi nasa loob ng tula tungkol sa isang krimen. Sinasakal sa halip na minamahal. Paslangin sa halip na ibigin. Na ang hinahanap at sinusundan ng persona ay hindi pag-asa kundi biktima.

      Na-excite ang makata sa posibilidad ng ganoong revision. Crime poetry. Meron ba noon? Binago niya nga ang kuwento. Hindi siya maaaring makulong sa mga inaasahan sa kaniya ng kumbensiyon. Pero sa pagbabago-bago niya ng mga salita at linya, biglang siya na ang tinutugis. Siya na pala ang biktimang tinutugaygayan ng mamamatay-taong di niya nakikita sa tula. Poetic justice. Biglang hindi na lamang niya kailangang makawala sa loob ng tula, kailangan na rin niyang iligtas ang buhay niya. Nang matapos ko ang nobela, walang duda sa isip ko na nasa hanay dapat ng major novelists si Pablo.

      Ito ang pinag-uusapan namin ni Amiel ilang oras bago ko siya napatay. O ito ang ikinukuwento ko kay Amiel ilang oras bago ko siya napatay, madaling-araw na ng Linggo, kinabukasan ng fiesta pagkagaling namin sa inuman sa plaza. Hindi kasi siya nakikinig. Hindi siya marunong makinig. Tapos, lasing na talaga kami pareho. Nagda-drive ako sa minana kong 1988 Toyota Corolla ni Tito James Bond pero ginagamit ko lang kapag nasa San Pablo dahil puwede akong itirik nito anumang oras. Niyaya ko si Amiel na sa bahay na lang muna kami tumuloy dahil malayo pa ang Los Baños at nakainom nga. Iyun, nagkukuwento nga ako tungkol sa Atake at kay Pablo, kung paanong undeserved na wala na halos nagbabasa rito, pero kanta lang siya nang kanta kasabay ng “Seasons in the Sun” ng Westlife sa radyo. E ‘tang-i––, buong Disyembre hanggang magbagong-taon, iyon ang napapakinggan ko sa radyo. Tapos, nagkukuwento ako tungkol sa isang interesting na nobela, ang ginagawa niya e nag-e-emote sa “we had joy, we had fun / we had seasons in the sun, / but the hills that we climbed / were just seasons out of time.”

      Sabi ko, baba ka nga. Goodbye, my friend, / it’s hard to die. Sabay-patay ng radyo. Nasa Marcos highway kami noon na dinadaanan din ng mga bus papuntang Lucena at Bikol. Itinigil ko sa gilid ng kalsada, ni hindi ako nag-signal lights. Wala halos dumaraang sasakyan. Paminsan-minsan, may trak, bus, motor. Nu’ng makita ko sa side mirror na walang parating, pinatay ko ang headlights. Ang dilim. Inulit ko ang sinabi ko, baba ka nga. Hindi ko kita ang reaksiyon ng mukha niya pero alam kong nawala ang kalasingan niya. Ha? sabi niya.

      Baba ka muna.

      Baba? Bakit?

      Dare lang.

      Dare? Anong dare?

      Gaano katagal mo kayang mag-stay rito? Kaya mo ba?

      Brad, lasing ka na.

      Natatakot ka ba?

      B-bakit ako matatakot?

      Baba ka.

      Ano ba’ng trip mo?

      Baba ka.

      Brad, tara na sa inyo, antok na ako.

      Baba ka.

      Noon ko lang siya tiningnan. Nag-adjust na ang mga mata namin sa dilim. Natatawa ako sa reaksiyon ng mukha niya. Feeling ko, nasa loob ako ng nobela ni Pablo. Dare lang, sabi ko nang nakangiti, bahagyang pinaamo ang boses, baba ka muna, please?

      Dahil sa ngiti at please at maamong boses, bahagya rin siyang ngumiti pero alam mong kinakabahan pa rin. S-sige, sige, gago ka, kung ano-anong natitripan mo, sabi niya habang binubuksan ang pinto ng kotse sa kanan niya. Pagkababa niya, hinaltak ko ang pinto sabay paandar ng kotse.

      Uy, brad, biglang sigaw niya, teka lang!

      Pero dahil medyo malalim ang gilid ng highway, kinailangan kong imaniobra nang kaunti para mas maibuwelo ang kotse pagrampa sa kalsada. Blag. Naatrasan ko siya. Sinilip ko siya sa rearview mirror. Nakatayo pa rin siya.

      ‘Tang-‘na naman, brad, sigaw niya. Hinampas na ang hood sa likod ng kotse. Umangil nang kaunti ang makina nang isegunda ko at agad ding itersera. Nang maisampa ko sa highway ang buong sasakyan, humarurot na agad ako. Sa side mirror, sa liwanag ng buwan at ng headlights ng nasa likod kong parating na sasakyan, kitang-kita kong sumusugod din si Amiel ng takbo, parang sa mga pelikula, as if maaabutan niya ako.

      Sa isip ko noon, tatakutin ko lang naman siya, babalikan ko rin siya. Pero nu’ng nakalayo-layo na ako, naisip ko, ano kaya kung di ko na siya balikan? Na-excite ako sa idea. Matanda na naman siya. Puwede siyang bumalik mag-isa sa apartment sa Los Baños at pagtatawanan na lang namin ang kabaliwan ng gabing ito. May excuse ako. Lasing ako. Gago lang ang di tumanggap ng katwirang ito. Lasing ako, e.

      At hindi ko na nga siya binalikan. Ang saya-saya ko.

      Pagdating ko sa bahay, gising pa si Ma. Tinext ko kasi siya kagabi na kinuha ko ang kotse, na nasa bayan lang ako ng San Pablo, umiinom nga sa plaza at kasama ko si Amiel with my high school barkada. Kunsintidor naman siya sa mga ganitong trip ko. Di ko itinago sa kaniya ang pagyoyosi ko noong high school, o pag-inom ko. Para sa kaniya, mas testament iyon ng coolness ng pagpapalaki niya sa akin. Na liberal na nanay siya. Dahil kahit teacher siya, teacher siya ng panitikan na totoong mahilig magbasa. Na tropa lang kami kahit pagdating naman sa ibang bagay, e, grabe ang control at motherly issues niya. Manipulative, pero kinilalang nanay ko kasi, e, at kaya ko rin naman siyang i-manipulate dahil alam kong ang weakness niya, e, i-appreciate lang siya at i-highlight ang pagiging cool mom niya, kaya okay na sa akin.

      Nasaan si Amiel? tanong niya nang makita niyang nag-iisa ako. Nakilala na niya si Amiel dahil noong araw mismo na lilipat si Amiel sa apartment, biglang nakahanap siya ng dahilan para dalawin ako sa LB, mag-isa lang siya, hindi kasama ang mga pinsan ko na may pasok noon. Alam ko naman na gusto lang niyang i-assess ang magiging housemate ko.

      Sabi ko, nag-decide bumalik sa apartment, maaga pa kagabi, dahil sa lakad ngayong umaga.

      Tumango lang siya.

      Sa isip ko naman, patay tayo kapag biglang natunton ni Amiel ang bahay namin at nangalampag ng gate naming kinamatayan na ni Tito James Bond ang pagsasabing pipinturahan niya basta’t nagkaoras siya. Pero alam ko ring imposibleng malaman ni Amiel kung saan kami sa San Pablo. Kataas-taasan, magpaumaga siya sa 7-11 sa bayan kung wala na talaga siyang nasakyan pabalik sa Los Baños. Ako ang nakaramdam ng excitement sa potential adventure niya nang madaling-araw na iyon. First time niya sa San Pablo kahit ang lapit-lapit lang nito sa LB. Campus-apartment lang kasi siya halos araw-araw.

      Maykaya naman kahit paano ang pamilya nina Amiel sa Mogpog, alam ko. May-ari ng isa sa dadalawang grocery store sa poblasyon ang tatay niya. Kaya nga kaya niyang magbayad ng higit kaysa sa pandorm lang. Isa nga siya sa dadalawang nag-text pa rin nang sabihin ko kung magkano ang share sa kuwarto kada buwan. Medyo predictable ang course niya sa UPLB. BS Economics. Pero nabanggit niya minsan, sa isa sa mga gabing nagpapang-abot kami sa salas ng apartment, gusto niyang mag-concentrate sa Cooperative Studies. Gusto niyang magtayo ng kooperatiba sa Mogpog, obviously. Kung bakit, ewan ko, siguro, e, ganoon ka-boring ang buhay niya roon para ma-excite sa idea ng isang kooperatiba. Na-realize ko, hindi talaga ako interesado sa buhay niya. Na hindi talaga ako interesado sa buhay ng mga tao. Mas interesado pa ako sa mga mangyayari sa mga tauhan sa nobelang binabasa ko.

      Anyway, pagdating ko sa bahay, paghiga ko sa kama, nawala na si Amiel sa isip ko. Nakatulog agad ako. As in deep sleep. Ni hindi ko maalalang nanaginip ako. Paggising ko, past 12 na. Pagtingin ko sa phone ko, puro forwarded messages. Contest sa paramihan ang forwarded na Boy Bastos jokes at inspirational quotes na laging comically depressing––o depressingly comic––sa akin. Paglabas ko ng kuwarto, lumabas daw si Ma, sabi ni Joey, ang mas matanda sa dalawa kong pinsang babae. Grade 6 na siya noon, grade 3 naman si Jamie. Alam ko, ayaw na ayaw mababanggit ni Ma na kina Joey Albert at Jamie Rivera sila ipinangalan, pero si Tito James Bond siyempre ang nasunod na ipangalan ang mga anak sa mga kaulayaw niya sa night shift ang kanta. Hindi na nakipagtalo si Ma noon dahil kung wala naman daw makakaalam sa pinagmulan ng pangalan ng mga ito, di hamak na upgrade iyon sa kaniyang Luzviminda. Pagtagal-tagal, ipinagpasalamat pa nga raw niya kay Tito James Bond ang unintentional nitong pagkakabigay ng androgynous na pangalan sa mga anak. College na si Joey nang officially mag-out sa kanila nang first time magsama ng ikatlong girlfriend na pala nito sa bahay. Dahil cool mom nga ang image na gustong i-project ni Ma, ipinaghanda pa niya ang dalawa ng hapunan. Nu’ng mag-out din si Jamie bago pa maka-graduate ng high school, bilang bisexual noong una, bago sinabing lesbian din pala talaga siya tulad ng ate niya, within a year, biniro ako ni Ma kung sigurado raw ba akong straight ako. Sabi ko, hindi ko alam, sabay tawa. Tumawa rin si Ma. Pero ang totoo, hindi ko alam. Noon ko kasi unang naisip na hindi nga pala ako naa-attract sa babae. Pero hindi rin naman kasi ako naa-attract sa lalaki. Kapag may nakikita akong tao, lumalagos ang tingin ko papunta sa loob ng katawan nila, sa ayos ng kasu-kasuan, sa mga lamanloob, sa buto, sa pagdaloy ng dugo. Ang mga iyon ang gusto kong makita.

      Nagkakape na ako sa terrace nang maalala ko si Amiel. Ano nang nangyari sa lokong iyon? Di man lang nag-text, mukhang na-badtrip talaga. Inisip ko kung anong mararamdaman ko kung sa akin nangyari iyon. Kung mae-excite ba ako tulad ng naisip ko nang iwan ko siya. Di na ako sigurado maliban sa malamang, iisip ako ng paraan para makaganti ako. Hindi puwedeng hindi.

      Sinubukan kong tawagan ang number ni Amiel. Nagri-ring pero hindi niya sinasagot. Baka tulog pa. O baka yamot pa. Nang bumalik ako sa apartment sa LB kinagabihan, wala siya. Inobserbahan ko ang loob ng bahay kung mukha bang dito siya umuwi. Wala, parang di nagagalaw ang mga gamit. May duplicate ako ng susi sa kuwarto niya pero di ko pinagkaabalahang buksan. Sinubukan ko ulit siyang tawagan. Cannot be reached. Natulog ako nang di siya bumabalik sa apartment. Paggising ko kinabukasan, wala pa rin. Nagalit yata talaga. Pero dahil maaga ang klase ko, hindi ko na muna inisip iyon. Nang wala pa rin siya pag-uwi ko nu’ng hapon, karaniwan kasing naroon siya sa apartment kapag umuuwi ako nang Lunes ng hapon, campus-apartment nga lang kasi siya, napaisip na ako. Mas napaisip kesa kinabahan. Anong drama nito? Cannot be reached pa rin ang cellphone niya.

(Itutuloy)

Si Edgar Calabia Samar ay Associate Professor sa Ateneo de Manila University at may-akda ng mga premyadong nobela at tula.