Ni PEDRO L. RICARTE
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Mayo 21, 1962)
At ikaw’y nagbalik sa lugmok sa pusong
Uhaw manding uhaw sa sinta’t pangako;
Kandila mang agnas ang luhang tumulo’y
Hangad pa ring ningas ang iyong pagsuyo.
(Ano’ng mahihintay sa pangungulila
Kundi ang dalanging kawalang-pag-asa?
Sampilas ding langit sa mata ng dusa
Ang putok ng berso’t ngiti ng Elena.)
At ikaw’y nagbalik: hatid mo’y amihan,
Bango ng bulaklak, awit ng batisan—
A, pari ng dati’y di mo nasilayan
Ang dagat na aki’t iyo ring hantungan.
(Sampung kamataya’y nadaraya pa rin
Sa mukha ng tuwang nakangiti’y libing.)


