SIERRA MADRE: Sa Gitna ng Agham at Katutubong Paniniwala

Ni Ernesto Lawagan

(Unang Bahagi)

DALAWANG buwan na ang nakalipas nang ang Pilipinas ay daanan ng isang malakas na bagyo, ang supertyphoon Uwan. Kasabay ng walang humpay na balita tungkol sa bagyo ay ang pagdagsa ng mga samu’t saring salaysay at usapan tungkol naman sa kabundukang kilala ng halos lahat ng mga Pilipino, ang Sierra Madre.

Nasa Karagatang Pasipiko pa lamang ang bagyong Uwan ay mataman na itong minamatyagan hindi lamang ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), kundi ng buong Pilipinas. Ito ay dahil tinatayang ang bagyo ay magiging isang supertyphoon bago pa sumapit sa kalupaan ng Luzon.

Dito nagsimula nang kumalat sa social media ang mga kuwento tungkol sa kabundukan ng Sierra Madre, kung paanong ito umano ay pananggalang sa malalakas na bagyo sa nakaraang mga panahon. Kung paanong sinasalag nito ang bugso ng bagyo at pinahihina ito bago pumasok sa gitnang Luzon. Sinansala naman ang mga sabing ito ng ilang mga diumano’y eksperto, kabilang ang ilang banyagang stormchasers, na nagsasabing wala raw katotohanan ang paniniwalang ito.

Ano o sino ang dapat nating paniwalaan tungkol sa Sierra Madre, sa pagitan ng makabagong agham at katutubong paniniwala na batay sa libong taong karanasan?

ANG ALAMAT AT KASAYSAYAN NG SIERRA MADRE

Ang Sierra Madre ang pinakamahabang mountain range o kabundukan sa buong Pilipinas, na matatagpuan sa silangang bahagi ng mga lalawigan ng Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Nueva Ecija, Aurora, at Quezon. Ito ay may habang humigit-kumulang 540 kilometro at may karaniwang lapad mula 35 hanggang 59 na kilometro. Ang taas ng kabundukan ay karaniwang nasa pagitan ng 1,000 hanggang 1,900 metro, na ang pinakamataas ay ang bundok ng Bintuod (1,932 metro) at ang bundok ng Guiwan (1,915 metro) sa lalawigan ng Nueva Vizcaya. Malaking bahagi ng Sierra Madre ay kagubatan na umaabot ng 1.4 milyong ektarya.

Sa kasaysayan, ang pangalang Sierra Madre ay ibinigay ng mga mananakop na Kastila, na ang ibig sabihin ay “Ina ng mga Kabundukan” dahil ito ang pinakamalawak sa buong kapuluan. May mga kuwento ng matatanda na nagsasalaysay na maraming sundalong Kastila ang nawalan ng ulo at nasawi nang tangkain nilang lupigin ang mga katutubong Ilongot na naninirahan dito. Kumalat pa hanggang Europe ang balita na may mga mababangis na mamumugot ng ulo sa Pilipinas. Tinawag naman ito ng mga mananakop na Amerikano na backbone of Luzon o “gulugod ng Luzon” at Luzon’s Great Wall dahil sa natatanging pagkakalatag ng heograpiya nito na tila isang bulwark o tanggulan. Marami ring nasawing mga sundalong Hapones dito noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Kumbaga, tinalo ng katutubong binalantok na bolo ng mga Ilongot na tegyaden ang samurai sa pamumugot ng mga ulo.

Sa agham, ang kabundukan ay nabuo mula sa pagbubungguan ng Eurasian Plate at Philippine Sea Plates noong Tertiary Period, na nagsimula mahigit 20 milyong taon na ang nakaraan. Katunayan, ang adobe formation sa Philippine Valley Fault System ay nagsisimula sa paanan ng Sierra Madre. Matagal na panahon ng tectonic movements at volcanic activities ang siyang nagbigay ng natatanging anyo ng kabundukan, ng tarik at kalambakan nito at ng mga ilog, talon at kagubatan. Mayroon ding natutulog na bulkan sa dulong hilaga ng Sierra Madre, ang Kagwa sa lalawigan ng Cagayan, na huling nagparamdam noong Oktubre 1907.

Marami ng alamat, kuwento at tala sa kasaysayan ang Sierra Madre. Sa isang tila limot at nakaligtaang bahagi ng alamat ni Amihan. Sinasabing ang diyosa ng hangin at tagapag-ingat ng ulap, kulog at kidlat ay tumayo sa tuktok ng Bundok Guiwan at pinagsabihan ang hangin at kidlat na ang matarik na mukha ng kabundukang naghihiwalay sa kalupaan at karagatan ay siyang magiging dambana niya sa silangan, at sila ay yuyukod sa tuwing lalapit dito. Ginawa niyang tagapagbantay ang kinatatakutang anito ng kalikasan na si Agimeng sa kagubatang bumabalot sa kabundukan. Kaya’t nang lumaon tinawag itong Abun Agimeng (“Tahanan ni Agimeng”) ng mga Ilongot, na siyang sinaunang pangalan ng Sierra Madre bago pa dumating ang mga Kastila sa Pilipinas.

Isa namang kuwentong isinulat sa makabagong panahon ang nagsasalaysay tungkol sa panahon ng mga higante. Si Sierra ay may dalawang mangingibig, si Lusong at Bugsong Hangin. Pinili niya si Lusong at nagkaroon sila ng dalawang anak, si Iloco at Tagalo. Mapaghiganti si Bugsong Hangin, kaya maraming beses niyang sinalakay si Lusong. Bago nasawi si Lusong, ipinagbilin niya kay Sierra na protektahan ang kanilang mga anak sapagkat sila ay nais ding paslangin ng kaniyang karibal. Kaya sa tuwing sasalakay si Bugsong Hangin, humihiga si Sierra yakap sina Iloco at Tagalo patalikod upang ang kaniyang gulugod ay magsilbing pananggalang laban kay Bugsong Hangin.

Ang mga ganitong kuwento ang siyang naghahabi ng mga paniniwala na naipapasa sa sunod-sunod na henerasyon hanggang sa kasalukuyan.

ANO ANG SINASABI NG AGHAM?

Ayon sa pagsasaliksik at pag-aaral nina Gerry Bagtasa at Barnard Alan Racoma ng University of the Philippines, sa kanilang 2023 artikulo sa Philippine Journal of Science, na inilalathala ng Department of Science and Technology, wala umanong gaanong nagagawang epekto sa bagyo ang kabundukan. Ang batayan ng kanilang pag-aaral ay 45 bagyo na tumama sa Luzon mula 2000 hanggang 2022. Hindi raw napapahina ng kabundukan ang mga bagyong nagmumula sa silangan patungong kanluran sa loob ng anim na oras na pagragasa nito. Sa tatlong simulation model na ginamit nila, tanging sa Cagayan Valley Region lamang nagkaroon ng paghina ang bugso ng hangin at buhos ng ulan. Sa Metro Manila, lumakas pa umano ang buhos at dami ng ulan ng mula 25 hanggang 55 porsiyento, at maliit lamang – tatlo hanggang siyam na porsiyento – ang nabawas sa tama ng bugso ng hangin. Idinagdag pa nila na dahil higit na malaki ang pinsalang dulot ng bagyo sanhi ng pagbaha kaysa pagsira ng hangin, mali raw ang paniniwalang nagsisilbing pananggalang sa bagyo ang mga kabundukan. Ito raw ay hindi tama at mapanganib na batayan dahil nagdadala sa pagpapabaya.

Bilang isa ring structural engineer, mayroon lang akong ilang tanong. Sa kanilang pag-aaral, binigyan ba nila ng konsiderasyon ang mga prevailing conditions at physical properties ng kabundukan, lalo na ang bahaging tatamaan ng bagyo? May kalamigan sa mga tuktok ng kabundukan na maaaring magpahina sa bugso ng hangin, magpabago sa direksiyon o tuwirang sumira sa sirkulasyon nito. Napansin sa mga satellite photographs na naglaho ang mata ni Uwan nang ito ay tumama sa kabundukan kasunod ang pagliit ng diameter o bantod ng sirkulasyon ng bagyo. Malalapad at matatarik ang bahaging nakaharap sa Pacific Ocean. Humihina ang hangin dahil sa friction ng pagtama sa kabundukan. Ito naman ang nakikita sa pag-aaral sa nangyari sa supertyphoon Uwan, na malaki ang naging paghina nang bumunggo ito sa kabundukan.

Sa kaniyang pahayag, sinabi ni Marcelino Villafuerte II, deputy administrator for research and development ng PAGASA, na totoong naglaho ang mata ni Uwan sa pagtama nito sa kabundukan, at nagkaroon ng distortion sa structure ng bagyo. Sumunod ay humina at bumaba ang kategorya ng bagyo sa pagpasok nito sa Gitnang Luzon. Ito ay dahil sa friction o pagpingki ng katawan ng bagyo sa kabundukan na lubhang nagpahina rito.

May tulong bang nagawa ang kabundukan ng Sierra Madre laban sa bagyong Uwan? Sa mga pangyayaring namalas sa satellite coverage at sa mga nakita at naranasan ng mga tao na nasa mismong lugar na dinaanan ng bagyo, ang sagot ay malaki. Datapuwa’t dapat din nating tanggapin na huwag lang umasa sa kabundukan upang makaligtas sa kalamidad. Dapat din tayong laging maging handa at makinig sa mga kinauukulang otoridad.

ANG LAKAS NG PANALANGIN

Tataas ang kilay ng mga purong siyentista kung tahasan kong sasabihin na malaki ang naitutulong ng panalangin. Bubuhatin ko na ang sarili kong upuan sa pagsasabi na bilang isang engineer at multi-award-winning science and technology journalist, matatag din ang pundasyon ko sa larangan ng agham. Subalit iluluhod ko ang tuhod ko sa gawa ng DIYOS. Ito ang panuntunan ko sa buhay na siya ring panuntunan ko bilang isang mamamahayag at manunulat.

Narinig n’yo na ba ang terminong quantum prayer? Sa makabagong panahon, lumalawak ang nasasakop ng Quantum Science. Noong pasimula, tumatalakay lamang ito tungkol sa mga quantum phenomena (karaniwang mga bagay at pangyayaring hindi maipaliwanag o naghahanap ng kapaliwanagan), sa Physics, Chemistry, Astronomy at iba’t iba pang larangan ng agham. Ngayon ay sumasakop na ito sa mga metaphysical at spiritual frameworks.

Ang quantum prayer sa maiksing kapaliwanagan ay termino patungkol kung saan maraming tao ang nag-iisip ng magkakaparehong bagay o inaasam sa kanilang pananalangin at ito ay nangyayari. Dito ay isa ngang magandang halimbawa ang naganap sa bagyong Uwan. Bago pa pumasok sa kalupaan ang bagyo, libo-libo o baka nga milyong Pilipino ang nag-shoutout sa social media at nanalangin sa kanilang tahanan na nawa ay ipagsanggalang ng kabundukan ng Sierra Madre ang bayan natin laban sa superthypoon. At ito nga ay nangyari. Malaki ang naging paghina ng lakas ng bagyo matapos itong dumaan sa kabundukan at nabawasan ang pagsalanta nito. Ang tanong: Ang Sierra Madre ba ang dapat pasalamatan dito? Ang sagot: Walang bagay sa sangkalawakan ang gagalaw o mangyayari kung hindi pahintulutan ng Maykapal. Kaya sa anumang argumento sa pagitan ng agham at paniniwala, may Dakilang Lumikha na nagmamasid at nagpapangyari ng mga bagay – Ang DIYOS na Makapangyarihan sa Lahat.

(May Karugtong)