Ni Mellodine A. Antonio
“MAKUNAT na raw kasi ‘yong valve kaya di na kaya ng non-invasive,” mabagal ang bitaw ng mga salita. May paghabol sa hininga. Hinihingal. Tila hapong-hapo. “Kaya bubuksan na lang. Open surgery ang gagawin sa ‘kin.”
Napatango-tango ako.
“Kailan ang procedure?”
Ngumiti siya bagaman di iyon umabot sa magaganda niyang mata. “Hindi pa naiiskedyul, e. Mahaba kasi ang pila. Marami palang may problema sa puso.”
Nginitian ko rin siya.
“Akala ko, dalagang tulad ko lang ang may problema sa puso, marami pa palang iba,” biro niya.
Natawa ako. “Loka! Kapag walang asawa, mas walang problema dahil walang magpapaaray sa puso!” salo ko sa biro niya.
Natawa rin siya.
Mahinhing tawa.
Tawang tatak Alianna.
Iyong tawang litaw ang dalawang maliliit na biloy sa magkabilang sulok ng labi.
Iyong tawang may tunog pero di eskandalosa.
Iyong tawang pa-virgin kung tawagin namin dahil sa edad niyang kuwarenta’y singko, dalaga pa rin siya.
“Pihikan ka siguro kaya di ka pa nag-aasawa.”
Umiling siya. “Hindi naman. Sakto lang.”
“May naging boyfriend ka?” sinasaniban ako ng pagiging maurirat kapag kausap ko siya.
“Oo naman! Nakailan din,” may yabang na sagot niya.
“A, di lang natuloy sa pagpapasakal?”
“Sakal talaga?” malaki ang pagkakangiting balik-tanong niya.
Tumango ako. “Oo. Nakakasakal din kasi ang pag-aasawa.”
“Ay! Buti na lang pala, hindi natuloy ang kasal ko.”
Napakunot ang noo ko. Hindi sa sinabi niya kundi sa paraan ng pagkakasabi niya.
Walang pait.
Walang panghihinayang.
Walang lungkot.
“Hindi kasi kami nagkasundo ng ex ko kung saan kami titira,” paliwanag niya. “Ang gusto niya, umuwi kami ng Cagayan. Doon sa kanila. Ang gusto ko, dito lang sa Laguna. Nandito ang pamilya ko, e. Dito na ‘ko naging tao. Parang hindi ko makita ang sarili ko na doon sa kanila nakatira. Parang di ko kayang malayo sa pamilya. Parang masyado kong mami-miss ang mga magulang ko. Parang di ko kayang wala ang mga kapatid ko sa tabi ko. Paano kapag may problema? Kanino ako magpapasaklolo? Malayo ang Cagayan sa Laguna.” Kumindat siya. “Saka baka maibenta ako roon dahil hindi ko alam ang salita nila.”
“Ano’ng sabi ng boyfriend mo no’ng tumanggi ka?”
Nagkibit ito ng balikat. “Nagtampo. Hindi ko raw siguro siya gano’n kamahal kaya tumatanggi ako. Mahal naman, sabi ko. Kaya lang, hindi ko talaga kaya, e. Maisip ko pa lang na wala ang Mommy ko na magluluto ng pagkain ko, parang hindi ko na kaya. Paano pa kung pati ang Daddy ko na tagahatid at sundo ko, wala rin? Iniisip ko pa lang, naiiyak na ‘ko, e.”
Nagpahid siya ng luha.
Naiyak nga.
“Kita mo na, ikinukuwento ko pa lang, naiiyak na ‘ko. Paano pa kung gagawin ko? Talagang hindi ko kaya,” sinsero ang pag-amin niya.
“Hindi ka nanghinayang?” usisa ko pa.
Sumibi siya. Bagay sa maliit niyang mukha ang makipot niyang labi na natural na mapula. “Medyo,” tila nahihiyang sabi. “Lalo na no’ng nalaman kong nagpakasal na siya sa iba. Tapos, may dalawang anak na. Sabi ko sa sarili ko, sa akin siya dapat ikinasal. Ako dapat ang Mommy no’ng dalawang bagets na ‘yon, e.”
“May pagsisisi ba?”
Mabilis ang sagot niya. “Wala! Walang-walang! Baka lang ‘kako, hindi siya ang kapalaran ko. Baka iba ang guhit ng palad ko, hindi naka-align sa guhit ng palad niya. Baka isa siya sa mga sinasabing makakasalubong sa buhay pero hindi makakatuluyan.”
Hindi tayo ang magdidikta ng mangyayari. Parating may milagro sa buhay ng tao. Malaki man o maliit. Iyong nabubuhay tayo ngayon, isa iyong malaking milagro. Malaking biyaya.
“Ma’am, isama mo ‘ko sa prayers mo, ha?”
Kumunot ang noo ko sa sinabi niya. “Bakit?”
“Sabi kasi ng doktor, hindi maganda ang lagay ng puso ko. Dapat na raw maopera. Kaso, wala pang slot, e. Nasa dulo pa ng pila ang pangalan ko. Kapag nga raw sinuwerte, baka abutin pa ng tatlong taon bago ako maasikaso. Marami raw kasing mas malala kaysa kondisyon ko. Sila ang priority, hindi ako.”
Dama ko ang lalim ng lungkot niya.
“Kaya lang baka ako ang hindi na abutin ng tatlong taon.”
Dama ko ang takot sa bitaw niya ng salita.
“Kung di raw kasi maoopera, baka dalawang taon na lang ang abutin ko o kaya isa. Kapag naopera, tatagal pa ng lima hanggang sampung taon.”
Malakas ang pagsinghot niya.
“Sayang din naman iyong ilang taon na puwede ko pang makasama ang pamilya ko kaya sana maoperahan na ‘ko.”
Nilapitan ko siya.
Inakbayan.
“Kasama ka lagi sa mga dasal ko.” Hinagod-hagod ko ang likod niya. Nasalat ko ang buto sa likod niya. Noon ko lang napansing ang laki na pala ng ibinagsak ng katawan niya simula noong magkasakit siya.
“Ma’am, may iskedyul na ‘ko!” Tila siya bumata ng limang taon sa aliwalas ng mukha niya at laki ng pagkakangiti.
“Wow! Good news ‘yan!”
Iba ang kislap ng mga mata niya.
Kakaiba ang sigla.
Naroon pa rin ang hingal at paraan ng pagsasalitang tila hapo pero nadagdagan iyon ng taginting. Sa bawat bitaw ng salita, di maitatwa ang tuwa. Madaldal pa rin kahit may dinaramdam – may matinding pinagdaraanan.
“Ma’am, baka may kakilala kang puwedeng mag-donate ng dugo. Kailangan kasi ng limang bag bago ako maoperahan. Dapat daw kasi may naka-stand by para any time na kailanganin, may gagamitin.”
“Ano’ng blood type?”
“Kahit po dalawang type A, iyon pong tatlo, kahit na ano.”
“Sige, maghahanap ako. Magtatanong-tanong ako.”
Niyakap niya ako.
“Salamat, Ma’am. Salamat talaga!”
Mas payat na siya.
Mas manipis na ang katawan.
Mas kapa ko ang buto sa kaniyang likod sa kabila ng makapal niyang blusa. Nitong magkasakit siya, naging ginawin siya. Siguro dahil sa pagkawala ng taba sa katawan kaya mas dama niya ang ginaw.
“Ma’am, natatakot ako.”
Bulong niya sa tainga ko.
Hindi siya bumibitiw sa pagkakayakap sa akin.
“Natatakot ako…”
Inilayo ko siya nang bahagya para makita ko ang mukha niya.
Maganda talaga siya. Glass skin ang maliit niyang mukha. Walang hindi maganda sa bahagi nito. Kamukha siya ni Mama Mary kung lalagyan ng belo.
“Paano kung hindi na ‘ko magising? Pa’no kung do’n ako atakehin? Pa’no kung – ”
“Manalig ka,” awat ko sa mga sasabihin pa niya. “Magtiwala ka. Manampalataya ka.”
Sinapo ng dalawa niyang palad ang maganda niyang mukha.
Yumugyog ang balikat.
Kumawala ang hikbi.
Tinabihan ko siya ng upo.
Iniurong ko ang baso sa mesa para di niya masaling. Lumamig na ang pansit na order namin nang di man lang nagagalaw.
Kinuha ko ang mga palad niya.
Hinawakan ko iyon.
Bahagyang pinisil-pisil.
“Paano sina Mommy at Daddy? Malulungkot sila. Baka magkasakit sila sa pag-aalala sa akin. Madalas, sinasabi nila dapat sila ang mauna. Kapag daw may nauna sa aming magkakapatid, tiyak na tiyak na susunod sila dahil sa lungkot.”
Hinanap niya ang mga mata ko.
“Okey lang naman na mauna ‘ko, pero ayokong dahil sa lungkot, sundan nila ‘ko. May mga kapatid pa ako na mangungulila sa kanila,” suminghot-singhot siya. “Kaya gusto kong gumaling. Ayokong pang –.”
Sinapo ko ang magkabila niyang pisingi.
Basa ng luha.
Bahagyang nanginginig.
“Thy will be done, Alianna. Thy will be done,” mahina kong sabi. “Hindi tayo ang magdidikta ng mangyayari.” Tinitigan ko siya. “Parating may milagro sa buhay ng tao. Malaki man o maliit. Iyong nabubuhay tayo ngayon, isa iyong malaking milagro. Malaking biyaya. Pero hindi tayo ang magsasabi kung ano ang dapat mangyari. Itinakda ang itinakda. Magtitiwala lang tayo sa Kaniya. Mananalig tayo nang lubos. Titibayan natin ang pananampalataya.”

“Bakit?”
Lumakas ang pagyugyog ng balikat niya.
“Kaya ka magpapaopera para gumaling ka. Matanggal iyong bara sa puso mo. Mapalitan ang barbulang palyado.”
Tumango-tango siya.
“Ang Mommy at Daddy mo, lumalakas sila kapag nakikitang malakas ka. Tumatapang kapag nakikitang matapang ka. Lumalaban kasi nakikitang lumalaban ka.”
“Paano kung…”
Sinaway ko siya. “Wala sa ating mga kamay iyon. Hindi rin sa atin ang desisyon.”
“Kapag hindi successful ang operasyon, sabihin mo sa parents ko kung gaano ko sila kamahal. Pakisabi na sorry sa mga pagkukulang ko. Pakisabing huwag muna silang susunod kasi malulungkot nang husto ang mga kapatid ko saka mga apo nila.”
Malungkot ang ngiting pinakawalan niya.
“Hindi ako nag-asawa kasi hindi ko kayang malayo sa kanila. Hindi ko kayang wala sila sa tabi ko lalo na sa mga panahong mahina ako. Iyon, ako ang nagdesisyon pero ito – ”
Pinisil ko ang mga palad niya.
“Sa palagay mo, gagaling ako?”
Nasamid ako sa tanong niya.
Nasukol.
Noong minsan siyang himatayin sa opisina, kasama ako sa mga nagdala sa kaniya sa ospital. Habang nagkakagulo sila, tahimik akong umuusal ng dasal. Sa loob ng ambulansiya, kitang-kita ko ang pagkawala ng kulay ng mukha niya. Saksi ako sa pagkataranta ng mga nurse ng opisina sa kalagayan niya. Doon ko narinig ang mga detalye tungkol sa sakit niya. Noon ko lang nalinawan na oras ang hinahabol. Sa paghaba ng araw na hindi siya naoopera, umiiksi naman ang buhay niya.
“Hirap na ‘yong puso niya sa pag-pump ng dugo.”
“Dalawang valve ang barado, pero iyong isa talagang delikado. Dapat na talagang mapalitan.”
“Napakabata pa ni Ma’am Alianna.”
“Magbabayad na po ba kayo para kay Ma’m Alianna? Pinatatanong po kasi ni President Nerissa.”
Kumunot ang noo ko sa nabasa ko sa group chat.
“Para saan iyong babayaran?” nagpadala ko ng private message sa nag-post sa GC.
Mabilis ang pagtipa ng sagot. “Wala na po ang Ma’m Alianna.”
Parang umikot ang paligid ko.
Nanlamig ang buong katawan ko.
Muntik kong mabitiwan ang hawak kong aparato.
“Anong wala na?” nakuha kong itipa.
“Wala na po siya. Ibinalita po ng kapatid niya kaninang umaga. Inatake raw po sa puso habang nasa ICU. Hindi na po yata naopera.”
“Ma’am, natatakot ako.”
“Paano kung hindi na ‘ko magising? Pa’no kung do’n ako atakehin? Pa’no kung – ”
“Paano sina Mommy at Daddy? Malulungkot sila. Baka magkasakit sila sa pag-aalala sa akin.”
Paulit-ulit sa isip ko ang mga sinabi ni Alianna.
Iyong mga tanong niya.
Iyong mga takot.
Bumagsak ang mga luha kong ni minsan, hindi ko ipinakita sa kaniya.
Mga luhang madalas, hirap akong pigiling di bumagsak kapag magkausap kami.
Ngayon, malaya iyong naglandas sa mga pisngi ko.
Hindi ko na itinago.
Hindi ko na pinigilan.
Hindi ko na maitago.
Hindi ko na mapigilan.








