Kapag ang “bakas” sa Malay at ang “yapak” sa Indonesian ay ipinagtalik sa “paglalakbay” sa Hapon, ito ay magsisilang ng jejak tabi.

Ito ay nagiging platapormang hindi puro porma.

Ito ay pistang sining ng pagtatanghal na di-tumatagal sa isang lugar lamang.

Ito ay umiikot upang ipakilala ang mga Asyanong alagad ng sining sa loob at labas ng Asya.

Isa itong “Wandering Asian Contemporary Performance” na binuo nina Akane Nakamura ng Japan at Helly Minarti ng Indonesia upang simulan ang latagan sa pagitan ng Kuala Lumpur at Yogyakarta noong 2008.

Green Papaya ng Filipinas ang nasa likod ng programa sa pagitan ng Roxas sa Capiz at Naha sa Okinawa noong nakaraang taon. Nakaraos ang edisyong Roxas noong Enero ng 2020.  Nasaksihan ng 13 lungsod sa anim na bansang Asyano, ito ay kinapalooban ng pagpapalabas ng video, pagtatanghal sa entablado, at palihang muling binabalikan ang kahapon ng Filipinas.  Sa tulong ng teatrikal na pamamaraan, ang mga dumalo ay nagbahagi ng kanilang gawain gaya, halimbawa, ng ginagawa ng Philippine Educational Theater Association (PETA) at iba pang inisyatibo sa sining ng palabas sa Japan, Malaysia, at Thailand. 

Kaso, parang nahawa ang Naha.

Subalit, naniniwala ang lahat na wala nang makapipigil at makapagpatigil sa Jejak Tabi Exchange Naha Edition.

Kahit pandemya.

Kaya natupad ang pangakong ito noong 17 Hulyo 2021.

Pinaliit ng Zoom ang mundo.

Sa wakas, umandar uli ang gulong na magdadala sa dalawang kontemporaneong artistang taga-Okinawa.

Nilangisan ang daloy ng maghapon ni Prof. Eileen Legaspi-Ramirez, ang apo ng Pambansang Alagad ng Sining na si Cesar Legaspi, sa tulong din ng isa sa maraming tagapagsalin na si Mayumi Hirano, ang Haponesang kabiyak ng ipinagyayabang ng Lucban, Quezon na si Mark Salvatus.

Sa umpisa, napakaraming hàmon, subalit kayang pataubin ng mga problemang teknikal ang layuning pagbuklurin hindi lamang ang Japan at Filipinas kundi ang iba pang bansa sa pamamagitan ng sining!

Mula pa noong Hulyo 13 hanggang Agosto 11 ng 2018, ginanap ito sa Jogjakarta sa isla ng Java, ang kaisa-isang tinaguriang  “Royal City” noong may monarkiya pa sa Indonesia. Isa sa mga pinagdausan ay Cemeti Gallery na kinalaunan ay naging Cemeti Institute for the Arts and Society na itinatag noong 1988 ng mga artist na sina Nindyito Adipurnomo at Mella Jaarsma.  Pinunô ang palatuntunan ng mga eksibisyon, huntahan, klaseng primera klase, palihan, open studio at showcase.

Di-nagpadaig ang Kuala Lumpur pagdating ng Setyembre ng taon ding iyon. Ganundin halos ang nangyari maliban sa idinagdag nilang kolaborasyon at pagbasa ng mga dula sa Bahasa Indonesia at Bahasa Melayu.

Kapansin-pansing naulit ang open studio at showcase nina I Putu Bagus Bang Sada o Gusbang at Natasha Gabriella Tontey ang research at work-in-progress ni Ayu Permata at ang palabas ni Pichet Klunchun. Patunay ito na tunay ngang tinangkilik ng mga manonood ang mga ganitong programang kahit saan dalhin ay dudumugin pa rin!  

Kapansin-pansin ding kakaiba ang palabas na Merespon Trauma dahil ito ang isa sa pinakamapamaraang Responding to Trauma na isang process in progress ni Naque Ariffin na lalong napapanahon ngayon. 

Sa unang tingin, maaaring magdamdam ang mga Filipino kung bakit hindi tayo kasali rito.

Ngunit, kung tutuusin, o titiisin, ang Jeja Tabi Exchange ay dito mismo gaganapin pagsapit ng 2020.

Kagulat-gulat dahil hindi ito ginanap sa National Capital Region.

Dinala nila ito sa Roxas City — ang punong-lungsod ng lalawigan ng Capiz — na nasa silangan sa dakong gitnang hilaga ng isla ng Panay.

Mapaghahalata kung Pinoy ka nga kapag mahilig kang gumala.

Iyon nga ang kanilang ginawa.

Hindi kumpleto ang anumang pagdiriwang natin kung wala ring Tour of Roxas City Heritage District sa umaga at panonood ng mga  sineng tulad ng Pagkatapos ng Tigkiriwi (After The Dead Season) ni Danielle Madrid noong 22 Enero 2020.

Doon din naging matunog ang Mud Man ni Chikako Yamashiro.

Pero, dahil kay Keiko Okamura, ang tagapangasiwa ng Tokyo Photographic Art Museum, higit nating naintindihan ang mga video at performance ng artist na si Chikako Yamashiro. Lalo kamakailan nang gumamit siya ng ilustrasyong nagpalinaw sa papel na ginagampanan ng LANDSCAPE hindi lamang sa BODYSCAPE kundi sa MINDSCAPE ni Chikako.

Si Fumiaki Kamegai, ang tagapangasiwa ng Okinawa Prefectural Arts Museum, ang nagpaliwanag naman ng mga retratong nagpalapit lalo sa puso natin kay Mao Ishikawa.

Bakit?

Sapagkat ang mga kaniyang larawan ay kasaysayan natin.

Akabanaa (Red Flower) (1975-1977) ang pamagat ng kaniyang kauna-unahang koleksiyon ng mga kuha habang nagtratrabaho sa isang bar para sa U.S. Army mula sa base militar sa Okinawa. Binalikan niya ito pagkaraan ng 11 taon noong Dekada ’80, wala nang kababaihang taga-Okinawa. Pinalitan nga sila ng mga Filipina. Iyon ang “Ikaapat na Alon ng Migrasyon,” wika nga. Ginawang institusyon ang pangingibambansa ng mga manggagawa ng dating diktador na si Ferdinand Marcos. Ang kahusayan ni Ishikawa ay nang magawa niyang kunan ang tinawag niyang “Philippine Dancers” hindi lamang sa bar kundi sa bahay nila. Bumisita pa siya sa Maynila, Baguio, at Olongapong ikinukumpara niya sa distrito ng Goza sa kaniyang bayan.

Inaatasan ang inyong abang lingkod bilang tagatugon. Sinulungguhitan natin ang dahilan ng lahat dahil ginto ang pagkakataong ganito. Ang puno’t dulo ng likhang-sining nilang dalawa, sa ganang-amin, ay pananakop.

Iiginiit ko na huwag palampasin ito nang hindi tayo nagtatanghal tungkol sa kolonisasyon. 

Kung mayroon mang kapuri-puri sa ganitong proyekto, ay ang kalayaan.

Ramdam na ramdam ang sariwang hanging nanggagaling sa kanila at bumabalik sa atin.

Umiikot ang katangiang natuklasan ng Laboratory of Experimental Psychology sa University of Leuven sa Belgium na kakaiba talaga ang “artist’s brain.”

Litaw na litaw ang pagkamalikhain nila.

Hindi sila sumusuko.

Marubdob na marubdob.

Halatang-halata na pagnanasa nilang lumago.

Sinasakyan nila ang pangyayari habang nagaganap ito.

Sinusubukan ang bago.

Dedikado’t determinado sila.

Itinatama nila agad ang kanilang pagkakamali.

O pagkukulang.

Pinupunuan nila lahat ng tiyaga.

Kaya, ang kanilang nilaga ay kamalayan.

Ang pagiging bukàs nga ang magiging bûkas!

Saksi ako sa mga katangiang ito nina Akane Nakamura at Helly Minarti. 

Kapuna-puna ang lalim at lawak ng mga posibilidad na maaaring gawin kung magkakapit-kamay ang mga alagad ng sining ng samut-saring anyo mula sa iba’t ibang lupalop. At ito ay walang iba kundi jejak tabi.