Ni Rhandee Garlítos
“Wala akong naging inspirasyon para gumuhit; namulat akong ito na ang aking hilig.”
Ganito kasimple kung ilarawan ang isinasabuhay na sining ni Beth Parrocha, kilalang pintor, ilustrador ng mahigit 50 librong pambata, at maituturing na mahalagang haligi ng industriya at sining ng panitikang bata di lamang si Pilipinas kundi maging sa ibang bansa.
“Limang taon pa lang ako ay interesado na ako sa pagguhit,” sabi niya. “Habang pinagmamasdan ko ang aking kapatid na nagdrodrowing ng mga mukha ng babae. Kinukuha ko ang mga itinapon n’yang may mga guhit na papel sa basurahan, inuunat ang mga lukot nito at sinusundan ng pencil ang mga linya na kaniyang ginawa hanggang sa matutuhan kong i-drowing na rin ang mga babaeng ito.”
Nang mag-elementarya, kinakitaan agad ng potensyal upang lumikha ng sining si Beth. Sa katunayan, nasa elementarya siya nang manalo ng kaniyang unang sinalihang watercolor painting contest at pinarangalan naman ng Best Art award noong hayskul.
Sa kabila nito, naging hamon kay Beth nang tumutol ang kaniyang ama na kumuha siya ng kursong Fine Arts sa kolehiyo. “Hindi [ako] pinayagang mag-Fine Arts ng ama [ko] dahil hindi daw ako kikita nang maayos sa pagpipinta,” kaniyang inamin.
Ganoon pa man, nagbaka-sakali siyang nag-take ng entrance exams sa dalawang kilalang pamantasan na may programa sa Fine Arts, ang Unibersidad ng Santo Tomas (UST) at Unibersidad ng Pilipinas (UP). Nakapasa siya sa talent test ng parehong programa, ngunit pinili niyang pumasok sa UP College of Fine Arts. Itinuturing niyang mentor sa pagguhit ang propesor na si Rafael Asuncion.
Ang unang librong pambata niya bilang isang ilustrador ay ang “The Boy Who Ate Stars” ni Alfred A. Yuson noong 1990. Nasundan ito nang ilan pang proyekto, tulad ng “Papel de Liha” ni Ompong Remigio at “Ang Pambihirang Buhok ni Raquel” ni Dr. Luis P. Gatmaitan. Maituturing ang mga nabanggit na librong-pambata bilang isa sa mga bestselling at popular na akdang pambata.
Ayon kay Beth, hinuhugot niya ang inspirasyon at estilo ng pagguhit sa pagbabasa ng mga librong pilosopikal at pantasya. Ganoon pa man, ayon sa kaniya, napanatili niya ang ilang elemento ng kaniyang sining sa maraming taon. “Nakakatuwang isipin na kahit anong pilit kong mag-iba ng estilo, nalalaman din palagi ng mga tumitingin na ako ang gumawa ng mga ito.”
“Hanggang ngayon ay nalilinya pa rin ako sa mga temang hindi madaling iguhit,” dagdag niya. “Hanggang ngayon, ginagamit pa rin ang mga proyekto ko sa mga libro para sa mga eksperimento sa pagguhit, na ako lang din naman ang nakakapansin.”
Tulad ng ibang pintor, may mga ritwal din siyang ginagawa bago magsimula sa isang proyekto. “Tinitingnan [ko] kung ano ba ang puwedeng lutuin o walisin o labhan, at kung ano-ano pang ibang puwedeng pagkaabalahan bago tuluyan [kong] ayusin ang working area para sa isang bagong panimula,” paglalarawan niya.
Sa kabila ng lahat, nais ipabatid ni Beth ang halaga ng sining hindi lamang sa kaniyang buhay kundi maging sa sangkatauhan. “Ang sining ay pagkain ng ating isip at kaluluwa,” sabi niya bilang pagtatapos. “Singhalaga ito ng paghinga para sa ating katawan o ng liwanag para sa ating mga mata. Hindi [ito] dapat isinasantabi para ipagpabukas o tuluyang kalimutan alang-alang sa mga bagay na naayon sa pisikal.”