Ang Pagpili sa Pag-ibig sa Kenkoy (1948) ni Tony Velasquez

Screenshot

Ni Edgar Calabia Samar

Pamagat: Kenkoy [“Ang Pamana“]

Manunulat: Tony Velasquez

Ilustrador: Tony Velasquez

Publikasyon: Liwayway

Bilang ng Labas: 25

Bilang ng Pahina Bawat Labas: 1

Unang Labas: 23 Pebrero 1948

Huling Labas: 9 Agosto 1948

BUOD

Huling Labas

NAKITA ni Talakitok si Tirso na nakakuha na pala ng kanyang back pay mula sa paglilingkod sa digmaan. Nagmalaki si Talakitok na nakuha na rin niya ang kanyang pay back. Ipinaliwanag ni Tirso na magkaiba ang dalawa, at idinamay si Kenkoy sa pagsasabi na parehong siga ang dalawa at illiterate. Pero hindi rin alam ni Talakitok ang illiterate kaya iniwan na niya si Tirso dahil pupunta umano sila nina Kenkoy at Rosing sa Antipolo.

Pagdating sa Antipolo, nagpaiwan si Kenkoy sa labas ng simbahan dahil napakaraming tao sa loob. Sa labas, pinaswitan niya ang isang magandang babaeng dumaan. Sa halip na si Kenkoy ang sampalin ay si Talakitok ang sinampal ng dalaga. Naiyak sa pagkagulat ang lalaki. Sinabi ni Kenkoy na hindi pa kasi pumipito si Talakitok ay nakanguso na ang bunganga nito.

Paglabas nina Rosing at Aling Hule sa simbahan ay sinabi ni Rosing na dahil nasa Antipolo na rin lang sila ay magtuloy na sila sa bayan ng tatay ng dalaga, sa Teresa. Pagdating sa Teresa, napansin ni Kenkoy na sobrang tahimik. Nakakita sila ng baboy na may sangga ng kawayan sa leeg para hindi makapasok sa bakuran. Dahil napakainit kaya nagyaya na ring umuwi si Rosing kahit gusto pa sana ni Kenkoy na maligo sila sa prensa.

Kinaumagahan, iniulat ni Aling Matsay kay Kenkoy na kahit anong yaman nila ay maghihirap sila kay Talakitok dahil laging limas ang aparador ng ulam nila. Sinabi ni Kenkoy na may imbensiyon siyang gagawin para hindi makapasok si Talakitok sa kusina. Ipinasuot nga ni Kenkoy kay Talakitok ang tulad ng sangga ng kawayan sa baboy na nakita niya sa Teresa. Hindi malaman ni Talakitok kung bakit siya pinasuot ni Kenkoy ng ganoon hanggang sa matuklasan niyang hindi na nga siya makalampas ng pinto papasok sa kusina. Noon na nga siya napabunghalit ng iyak.

Isang gabi, nagmamadali si Talakitok sa pagsasabi kay Kenkoy na nakita na naman niya ang taong dati niyang nakikitang tumatanod sa bahay ni Kenkoy. Ayaw maniwala ni Kenkoy hanggang sa nakita niya mismo ang lalaki sa labas ng salamin ng bintana. Nilabas ni Kenkoy ang lalaki para hulihin. Hinabol nila ang anino nito at saka isinilid sa sako. Pinagsasapak naman ni Aling Matsay ang nasa sako. Pagbukas nila sa sako, nakita nilang si Mang Teroy ang nasa loob. Wala namang pagsisisi si Aling Matsay dahil talaga naman daw niya itong titirahin nang husto dahil gabi nang umuwi. Nagpasya si Kenkoy na hahanapin na nila ang taong nakikita lagi ni Talakitok.

Pagdating ng kaarawan ni Rosing, ipinagdiwang nila iyon sa swimming pool nina Kenkoy. Habang nagkakapikunan sina Kenkoy at Talakitok sa relos ni Kenkoy na dinala ni Talakitok sa pagbaba sa tubig, nakita nila ulit ang lalaking nakatanod. Hinarap ni Kenkoy ang lalaki at sinabing ipapahuli ito. Sinagot sila ng lalaki na baka si Kenkoy pa ang ipahuli niya dahil hindi naman labag sa batas ang tumanod sa tao. Pagtalikod ng lalaki, sinabi ni Talakitok na may katwiran ito. Para umano itong abogado kung magsalita. Pinasundan ni Kenkoy kay Talakitok ang lalaki. Pumayag si Talakitok basta’t bibigyan siya ng kaibigan ng panghopia.

Sinabi ni Kenkoy kay Rosing na diskumpiyado siya kay Talakitok dahil madali itong masuhulan. Ipinayo ni Rosing na pasundan na rin ni Kenkoy ang kaibigan. Noon din ay pinuntahan ni Kenkoy si Binong para pasubaybayan si Talakitok. Pagkatapos, sinabihan naman ni Kenkoy ang ama na subaybayan si Binong dahil baka masuhulan din ito. Sa huli, nagpasya si Kenkoy na sundan na rin ang ama dahil wala rin siyang tiwala rito. Sa yamot ni Mang Teroy sa kawalan ng tiwala sa kanya ng anak ay sinabi niyang dapat din itong pasubaybayan. Noon nagsalita mula sa likuran nila ang lalaking nakatanod, sinabi nitong hindi na kailangan dahil siya na ang sumusubaybay kay Kenkoy.

Nainis sina Talakitok at Binong nang malaman nilang pinasusubaybayan din pala sila. Nayamot si Aling Matsay sa dalawa dahil yumaman lang umano si Kenkoy ay kinainggitan na ng mga ito ang anak niya. Umakmang bibimbangin ng matanda ang dalawa pero pinigilan siya ni Kenkoy at sa halip ay ibinaling ang pansin sa lalaking nagkakantanod sa kanya. Sinabi ni Kenkoy na dapat pala’y ang nanay niya talaga ang magsilbi niyang badigard. Kumaripas ng takbo ang lalaki at sinundan sila nina Kenkoy at Aling Matsay sa taxi na tinangka pang singilan nang mahal si Kenkoy kung hindi lang pinuna ni Aling Matsay ang pananamantala ng drayber. Hindi na nila nahabol ang lalaki.

Isang araw ay niyaya ni Talakitok si Kenkoy na mag-iskeyting dahil naroon ang lahat. Tulad sa badminton, hindi halos alam ni Kenkoy ang gagawin at lagi siyang natutumba. Kinabukasan, nagdala na ng sasakyang aagapay sa kanya sa iskeyting si Kenkoy.

Nang minsang mag-anak sa binyag si Kenkoy, kinuha lang siya para hindi na gumasta ang kapatid ng nanay ng bata na siya dapat kukuning ninong. Pauwi, napag-usapan nila ni Talakitok ang “nyu luk” ng mga babae at “bold luk” naman ang sa mga lalaki, na siyang isinuot ni Kenkoy nang sumunod niyang dalawin si Rosing. Pagdating doon ay dinatnan nilang may ibang lalaking ineestima si Rosing na sasamahan nilang mag-ina sa sine. Nalaman ni Kenkoy na hinaharap lang ng dalaga ang lalaki dahil kung hindi rito’y nasunog na ang bahay nila. Sinabi ni Kenkoy na baka isipin ng mga taong makakakita sa kanila ay lab na lab ni Rosing ang lalaki. Sinabi ni Rosing na hindi naman totoo iyon, pero iginiit ni Kenkoy na wala namang paraan ang mga tao para malaman ang totoo. Dahil dito, nagpasya si Kenkoy na magpadala ng mikropono at speaker sa likod nina Rosing na nag-aanunsiyo na pinagbibigyan lang ng dalaga ang lalaki.

Bilang bahagi ng kanyang bold luk, naglagay si Kenkoy ng bigote isang araw. Sabi ni Talakitok, para siyang hipong suwahe, nakalana pa siya kahit napakainit. Nakita rin siya ni Aling Hule na sinabihan naman siyang para siyang si Robin Hood. Nakita ni Kenkoy ang dalang kahon ni Aling Hule at nalaman niyang bestido iyon ni Rosing. Napalundag si Kenkoy dahil sa wakas ay magsusuot na rin umano ng nyu luk si Rosing. Tiyak na makikita na rin daw ang binti nito, sabi ni Talakitok.

Kinalingguhan, nang malaman ni Mang Teroy na dadalaw si Kenkoy kay Rosing para makita ang pagbebestido nito, sinabi ng matanda na sasama na rin siya para makita rin ang binti ng dalaga. Nang marinig iyon ni Aling Matsay, piningot nito ang tenga ng lalaki at itinaboy upang matulog. Pagdating ni Kenkoy kina Rosing, nadismaya siya nang na parang Lola Basiang ang “nyu luk” ni Rosing dahil hindi rin kita ang binti. Nahihiya raw kasi ang dalaga.

Napansin ni Talakitok na nasa labas ng bahay nina Rosing ang lalaking laging nagtatanod kay Kenkoy. Binaba ito ni Kenkoy para itanong kung ano ba talaga ang kailangan ng lalaki sa kanya. Sinabi ng lalaki na sagutin muna ni Kenkoy ang tanong niya kung talagang iniibig nito si Rosing. Sinabi ni Kenkoy na talagang si Rosing ang kaniyang “di wan en onli.” Saka sinabi ng lalaki na kailangang mamili ni Kenkoy sa pagitan ni Rosing at ng kayamanang kanyang namana. Noon nagpakilala ang lalaki bilang siyang abogadong may hawak ng kayamanan ng taong nagpamana kay Kenkoy. Itinanong ni Kenkoy kung ano ang kinalaman ng pag-ibig niya kay Rosing sa kayamanang minana niya.

Ipinaalam ng abogado na ang nagpamana kay Kenkoy ay si Donya Karay, ang tiyang dalaga ni Tirso na ubod ng yaman sa Bulakan. Na kaya siya pinamanahan agad nito ay nang hindi na siya makatanggi kapag hiningi nito ang kanyang kamay. Sa tingin ni Kenkoy, plinano ni Tirso iyon para mapunta rito si Rosing. Pinayuhan siya ni Talakitok na baka gusto niyang makita si Donya Karay at baka maganda naman. Sayang umano ang kayamanan nitong ipinamana. Sinakal siya ni Kenkoy dahil gusto lang umano niyang naaambunan ng hopia. Minabuti ng abogado na isama na nga si Kenkoy at nang makita nito ang donya.

Sa bahay ni Donya Karay, nagimbal sina Kenkoy at Talakitok sa hitsura ng donya. Napatanong pa ang huli kung nakamaskara ba ang babae. Gayunpaman, ipinayo pa rin niya kay Kenkoy na kung siya ang pipili ay sa kayamanan na siya lalo pa’t puwede na ang katawan ng babae, kailangan na lang umanong takpan ang mukha. Sinabi ni Talakitok sa donya na siya ang bahalang magsilbing tulay sa kanila ng kaibigan.

Pauwi, iginiit ni Talakitok na wala na namang mahihiling si Kenkoy sa donya, pag-ibig na lang ang kulang. Sinabi ni Kenkoy na iyon nga ang mahirap. Kaya kung gusto umano ni Talakitok, siya ang magpakasal sa donya at hati sila ni Kenkoy sa kayamanan. Nagigimbal na tumakbo palayo si Kenkoy.

ILANG PANSIN

⦿  Ang Karahasan sa Kalikasan ng Bourgeois Lifestyle. Kahit hindi hayagang binanggit, ang biglang pagbabago ng lifestyle ni Kenkoy ay kumakatawan sa karahasan sa kalikasan na kaakibat ng class mobility sa Pilipinas na unti-unting nagiging industriyalisado. Ang kanyang swimming pool, kotse, malaking bahay sa Sta. Mesa ay mga simbolo ng resource consumption na hindi sustainable para sa kalakhan ng populasyon.

Ang eksena sa Teresa kung saan nila nakita ang baboy na may sangga ng kawayan ay ironic na komentaryo sa human condition sa ilalim ng kapitalismo. Tulad ng baboy na hinaharangan para hindi makapasok sa sagradong espasyo ng may-ari, ang masa ay systematically excluded sa mga espasyo ng yaman at kapangyarihan. Pero si Kenkoy, sa halip na makita ang paralelismo ay ginamit pa ang sangga bilang comic device para kontrolin si Talakitok.

Ang kawalan ng koneksiyon sa natural environment ay simboliko rin ng spiritual alienation ng mga tauhan. Walang eksena na nagdiriwang ng katutubong kaugnayang Filipino sa kalikasan. Ang mga positibong karanasan ay laging nakaugnay sa urban at middle-class na tagpuan (swimming pool, hindi ilog; restaurant hindi farm-to-table). Ito ay paglimot sa prekolonyan na Filipino values na nagbibigay-diin sa harmony sa kalikasan at sustainable living.

Ang environmental unconsciousness ng mga tauhan ay repleksiyon din ng sistema ng edukasyong kolonyal na mas pinahalagahan ang Kanluraning paraan ng pamumuhay kasa sa mga katutubong karunungan sa ekolohiya. Hindi sustainable ang kayamanan ni Kenkoy dahil nakadepende ito sa exploitation—ng manggagawa, ng likas na yaman, at ng mga sistemang nagpapalawig ng di-pagkakapantay-pantay.

Ang madalas na biyahe sa Antipolo at Teresa—dating mga lunan ng agrikultura—ay hindi ipinakita bilang mga pagkakataon para sa rekoneksiyon sa buhay-rural. Sa halip, ang mga lugar na ito ay ginagawang tourist destination, mga espasyo para sa urban leisure consumption. Ang pagpunta sa Antipolo ay para sa simbahan at picnic, hindi para makiisa sa mga magsasaka o para maintindihan ang rural economy. Ang pagbisita sa Teresa ay naging source ng comic material tungkol sa provincial simplicity, hindi pagkakataon para sa pagkatuto sa kultura.

Ang swimming pool sa birthday party ni Rosing ay simboliko ng privatization ng natural resources. Sa halip na magdiwang sa likas na anyong-tubig, ang mayayaman ay gumagawa ng artificial environments na accessible lang sa kanilang social circle. Ito ay metapora para sa hoarding ng resources at sa creation ng exclusive spaces na nagbubukod sa elite mula sa karanasan ng masa.

Ang ganap na kawalan ng pag-uusap tungkol sa food sources, energy consumption, o waste management sa middle-class lifestyle ni Kenkoy ay kabaha-bahala. Ang tauhan ay naging consumer lang ng finished products, disconnected sa production processes at sa environmental costs ng kanilang consumption patterns. Ito ang pundasyon ng unsustainable lifestyle na magiging dominant sa urbanisadong bahagi ng bansa sa mga susunod na dekada.

⦿  Ang Metanarrative ng Reader Participation at ang Papel ng Media sa Democratic Discourse. Sa bilang 9 ay ginawang bahagi ng pag-uusap ng taumbayan na magbibigay ng pabuya si Tony Velasquez sa makakahula kung kanino galing ang minana ni Kenkoy. Dito naging bahagi ng naratibo ng texto niya ang manunulat, nalalansag ang hati sa katha at realidad. Sa bilang 16 ay ginawa na talagang pahulaan kung saan nanggaling ang kayamanan ni Kenkoy at “tatanggap ng salaping gantimpala” ang makahula—at kay Velasquez mismo ipadadala ang mga lahok. Naging interaktibo ang mismong serye sa pagsasangkot nito sa mga mambabasa. Sa bilang 22 ay sinabing iyon na ang huling pagkakataong tatanggap sila ng lahok sa patimpalak. Sa huling labas ay ipinakilala ang mga nagwagi na nagmula sa Iloilo, Bulacan, at Ilocos Norte, na nagpapakita ng naaabot ng sirkulasyon ng magasin at ng pagsubaybay at pakikilahok ng mga mambabasa sa serye.

Ang mekanismong ito ay rebolusyonaryo para sa panahong iyon—isang maagang anyo ng interactive media na nag-anticipate ng mga modernong audience participation strategies. Pero sa mas kritikal na perspektiba, makikita natin dito ang simula ng komodipikasyon ng reader engagement. Ang pakikilahok ay hindi para sa kolektibong paglikha ng kahulugan o mobilisasyong politikal, kundi para sa layuning komersiyal—pagtaas ng sirkulasyon at pagtangkilik ng mga mambabasa.

Gayunpaman, progresibo rin ang mga implikasyon nito para sa demokratisasyon sa pagkonsumo ng media. Ang mga mambabasa ay hindi na pasibong consumer kundi aktibong nakikilahok sa konstruksiyon ng naratibo. Ang geographical spread ng mga mga nanalo—Iloilo, Bulacan, Ilocos Norte—ay nagpapakita ng pambansang naaabot ng media na bernakular, na krusyal sa paghubog ng Filipinong identidad matapos ang digmaan at paglaya.

Ang mekanismo ng kontes ay naging modelo rin para sa praktis ng Filipino media sa hinaharap—sa talk shows, game shows, at social media engagement strategies nagsanga ang ganitong interactive publishing. Pero ang tanong ay ginagamit ba ang pakikilahok para sa empowerment ng audience o para lang sa profit maximization? Sa kaso ng Kenkoy, ang mga mambabasa ay ginawang parte ng marketing strategy pero hindi binigyan ng platform para sa political expression o social critique. Ito ay repleksiyon ng mga limitasyon ng commercial media sa pagpa-facilitate ng makahulugang diskursong demokratiko.