Salubong sa Ulan

Ni Wilfredo C. Alipala

Bakit ba bigla na lang umuulan?

ANG sabi nila, kapag naabutan ka raw ng ulan sa daan ay huwag kang tatakbo. Kasi, kapag ginawa mo iyon, sinasalubong mo lang ang bawat patak at lalo ka lang mababasa.

Kaya sa tuwing naaabutan ako ng ulan, pasensiya na pero tumatakbo pa rin ako. Hindi kasi ako naniniwala sa sinasabi nila. Iniisip ko pa rin na mas maiiwasan kong mabasa kapag tumakbo ako. Hindi ko kayang hindi magmadali lalo kung alam kong mababasa ako. Iyon din kasi ang turo sa akin ni nanay, at magagalit siya kapag  uuwi akong basang-basa. Saka hindi ko rin naman mapigilan ang humakbang na para bang may kung anong humihila sa aking mga paa, o sadyang ipinanganak lang ito upang takbuhan ang mga bagay na ibinibigay sa akin ng mundo.

Tulad noong hindi na bumalik ang mga taong nangakong hindi aalis, tumakbo ako.

Grade 4 ako noong inihatid namin si Papa sa airport sakay ng van na inarkila pa ng tito ko sa ninong niya sa kasal. Ang marahang paggalaw ng van buhat sa mabigat na pagdaloy ng trapiko ang nagsilbing kulungan ng mga alaala at pagpapaalam. Ang paghudyat ng pulang ilaw ang pinakamahabang siyamnapung segundo ng buhay ko. Hawak ko noon ang paborito kong libro. Isinulat ko ang aking pangarap. Sinalat ng aking daliri ang mga letra ng pagsinta at pag-asang makikita si Papa, umaasang muli siyang makikita.

Pero kahit alam kong malabo nang umuwi si Papa, malinaw pa rin sa akin ang kanyang pangako nang lumabas siya ng van bago tuluyang pumasok sa airport, bago niya kami tuluyang iwan. Ginulo pa niya ang naka-gel kong buhok noon pagkatapos halikan ang pawisan kong noo. Alagaan ko raw si Mama at uuwi rin naman siya, paglaki ko. Sabi naman ni Mama, babalik si Papa basta magpakabait ako, matulog nang maaga gabi-gabi, laging uubusin ang pagkain sa pinggan, at parating magdarasal sa simbahan kapag Linggo. Kaya halos alasais pa lamang ay tulog na ako noon. Hindi ko na inaalam ang itsura ng buwan o kung ano na ang nangyayari sa sinusubaybayan naming palabas sa tv. Ilang pinggan ng kanin na rin ang naubos ko. Maski ang mga gulay na hindi ko naman kinakain ay inuubos ko na rin. Halos nagamit ko na rin ang lahat ng paborito kongt-shirt sakasusuot tuwing magsisimba kapag Linggo. Parati akong nagdarasal na sana, bumalik na si Papa pero hindi pa rin naman siya umuwi. Sabi pa nila, uuwi siya sa birthday ko, sa Pasko, sa Bagong Taon, sa graduation, pero wala ni isa rito ang totoo kaya tumakbo ako palayo.

Tumakbo ako noon kasi ayokong makita nila na nalulunod ako sa mga luhang pilit kong pinipigilan. Umaasa pa rin naman kasi ako na uuwi si Papa. At tuwing naaalala ko ito ay tumitingala ako sa langit, inaabangan ko ang pagdaan ng eroplano na kahit paano ay maalala ko siya roon. Tinatawag ko siya. Sumisigaw ako. Siguro, kaya ako pinatutulog nang maaga noon dahil gusto nilang hindi ako patutulugin ng lungkot kapag dumating ang panahong ito. Kaya nila pinauubos ang kanin sa plato ay alam nilang kailangan ko nang lakas para harapin ang lahat ng ito. Ilang santo na rin ang nahawakan ko’t saulado ko na ang lahat ng panalangin pero kailan ba ako makakatakas dito?

Tinatawag ko pa rin si Papa. Tumitingala ako sa langit.

Ngunit isang araw, biglang umulan. Tumakbo ulit ako dahil hindi ko nga gustong mabasa, at masakit namang tumingala sa langit kapag umuulan.

Ayaw siguro ni Papa na kinakausap ko siya.

Bakit ba kasi bigla na lang umuulan? Nababasa tuloy ako kapag naaabutan ako sa daan. Gusto ko lang naman takasan ang problema pero mas lalo pa akong kinakapitan. Gusto ko lang naman na may mapupuntahan. Wala namang may gustong magkasakit at maiwan.

Kaya muli, tuwing naaabutan ako ng ulan, tumatakbo ako. Tumatakbo ako hindi dahil gusto kong salubungin ang patak. Iniiwasan ko ito, dahil ayoko na sa mga bagay na panandalian – sa pag-ibig, sa buhay.

Kaya pasensiya na kung tinatakbuhan ko pa rin ang ulan, sinusubukan ko namang pigilan.

 Kaya pala bigla na lang umuulan, kaya pala naaabutan ako sa daan. Mabasa man ako ay hindi nila makikita na lumuluha ako. Niyayakap ako ng mga bigat ng patak at lamig ng tubig. Sinasamahan ako sa mga dala-dala kong problema.

 

Ganito pala kapag umuulan

Isang beses, pauwi ako noon galing sa isang writing workshop na sinalihan ko. Medyo masama ang lagay ng katawan ko noon dahil sa pabalik-balik na biyahe mula sa Binan hanggang sa Pasig kasabay ng gabi-gabi ring pag-eedit ng mga isinusulat naming drafts na kinakailangang maipasa bago mag-umaga. Idagdag mo pa ang nagsisiksikang mga tao sa loob ng jeep. At pagbaba ko noon, biglang umulan. Kaya pala maalinsangan sa katawan ang maghapon, kaya pala pawis na pawis ako. Uulan pala.

Ang malas kasi, tatlong taon na akong hindi nagdadala ng payong.

Muntik pa akong madulas sa pagtakbo para lamang sumilong. Sabi ko nga, tinatakbuhan ko ang ulan.

At kung bakit tatlong taon na akong hindi nagdadala ng payong? Hindi ko alam. Baka isipin mo na ginagaya ko ang mga napapanood ko sa Kdrama na ang mga bida ay madalas walang dalang payong nang sa ganoon, kapag naabutan sila ng ulan, lalapitan sila ng isang leading man para agad silang payungan nang hindi sila mabasa. Marahil minsan ganyan ang nasa isip ko, minsan lang naman. Pero mabigat din kasi sa loob ng bag, kumakain pa ng espasyo kaya sayang lang kung hindi ko magagamit. Di bale kung alam ko kung kailan uulan, saka gabi na ako nakakauwi kaya sa palagay ko ay hindi ko ito kailangan, hindi ko naman naaabutan ang araw.

Pero sige, sabihin na lang din natin na wala talaga akong payong. Ang mahal kasi. Hindi na ako bumibili nito simula pa noon. Ano pa rin ba ang silbi ng payong kung parati ko namang makakalimutang dalhin tuwing nagmamadali ako sa umaga? O sadyang kinakalimutan ko lang dahil mabigat nga?

Pero wala nga akong payong.

Kaya noong gabing iyon, nang naabutan ako ng ulan, nakatayo lamang ako sa isang sulok ng saradong tindahan na may butas-butas na trapal na nagsisilbing panangga sa hampas ng hangin. Basa na ang medyas sa loob ng sapatos ko, at malamang basa rin ang sapatos ko. Nanginginig na ang aking tuhod  kahit hindi pa man hanggang tuhod ang tubig. Ayos lang sa akin kahit hanggang beywang pa abutin ang baha basta hindi ako susugod sa ulan. Wala na rin akong ibang naririnig kundi ang ingay ng mga nagwawalang yero sa kailaliman ng gabi.

Kasabay ng nakabubulabog na kulog, mas matindi pa sa lakas ng kidlat ang tumama sa akin. Bigla akong nakuryente sa pag-iisip. Ganito pala ang buhay, parating may linyang naghahati sa kung saan ang dapat nating tawirin. Parating may nagsasabi sa kung ano ang dapat nating gawin, sa kung hanggang saan lang ang kaya nating abutin. Parati tayong nakukulong. Kinukulong tayo sa limitasyong pumapatay sa mga kaya pa nating likhain.

“Hanggang dyan ka na lang naman”

“Nagandahan ka na dyan?”

“E hindi ka naman sisikat”

Kaya ako sumali sa writing workshop, gusto ko pa kasi talagang matuto at magkaroon ng malawak na kaalaman sa larangang ito. Gusto kong makasulat ng iba’t ibang akda, at tulad ng nakararami ay gusto kong sumikat. Bukod doon, sumali rin ako rito para ipamukha sa mga taong hindi naniniwala sa akin na may kakayahan din akong lumago. Na hindi ako hanggang dito lang. Na hindi ako mananatili sa kung paano lang nila ako nakikita, kasi alam kong hindi naman ako iyon.

Bakit ba kasi lumilikha at nakakakilala pa tayo ng tao na magbibigay lang sa atin ng sakit ng ulo?

Kahit pa sabihin nila na binibigyan tayo nito ng rason para makipaglaban o maging matapang. Hindi pa rin ako naniniwala. Hindi ako naniniwala na lagi tayong pinatitibay ng mga kinakaharap nating problema. Madalas ay nagkikintal pa ito ng mas malalim na sugat na siyang magiging dahilan upang tumigil at hindi na muling magpatuloy pa. Hindi naman kasi totoo na parating lumalabas ang bahaghari pagkatapos ng ulan.

Pero kahit na ganoon, sumisikat pa rin ang araw. At uulan pa rin ulit.

Umiikot lang ang buhay. Alam kong maaari tayong mangarap kahit may kaunting dampi ng kadiliman sa ulap. Kailangan ko lang humakbang at umalis sa puwestong kinalalagyan ko. Alam kong kaya ko ito kahit makulimlim ang kalangitan. Kaya ko naman kahit umuulan.

Ngunit noong umulan nang gabing iyon, wala akong dalang payong. Bukas, bibili na ako.

Naranasan kong umibig sa ulan

Paborito ko ang amoy ng lupa sa mga unang patak ng ulan sa tag-init, alimuom daw ito kung tawagin. Kahit pa sabihin ni Mama na kailangan kong uminom ng tubig para hindi sumakit ang tiyan ko ay hindi ko ito ginagawa. Pasaway nga kasi ako. At kapag tuluyan nang nagiging putik ang lupa sa bigat na dala ng mga patak, sisimulan ko nang gumawa ng bangkang papel dahil alam kong kasunod na nito ang baha sa amin. Mahal na mahal ko ang tag-ulan lalo kapag nakakaligo ako sa ilalim ng mga alulod, at ano pa bang mas hihigit sa panahon na nawawalan kami ng pasok. Pero nagbago ang pagtingin ko sa ulan noong malaman ko na ang mga ulap pala ay dating tubig sa dagat.

Takot ako sa dagat.

Hindi kasi ako marunong lumangoy. Wala akong tiwala rito dahil baka malunod ako. Alam kong hindi parating payapa ang tubig, taksil ang mga alon – aakalain mo itong paraiso ngunit bangungot sa mga lumubog na barko.

Pero hindi lang barko ang lumulubog dito, pati na rin ang eroplano. Malaki na ko nang malaman ko ang totoong nangyari tungkol kay Papa. Kaya pala hindi na siya umuwi. Kaya pala hindi na siya nagpakita dahil kahit ang katawan niya ay hindi pa rin nahahanap hanggang ngayon simula noong bumagsak ang sinasakyan niyang eroplano sa dagat ng Ilocos. Pitumpu’t isang pasahero ang namatay sa aksidenteng iyon, labingwalo pa rin sa kanila ang hindi pa natatagpuan. Sa kasamaang palad, kasama roon si Papa. Hindi ko maipaliwanag ang naramdaman ko noon. Kahit na hindi ako marunong lumangoy ay gusto ko noong sumisid at suyurin ang bawat sulok ng ilalim ng dagat. Pero wala naman akong magagawa kaya minsan iniisip kong baka mas mabuting magpakalunod sa daluyong na hatid ng bagyo, kahit ang totoo pala’y kailangan ko lang ng mga kamay na mag-aangat sa akin sa lalim ng tubig nito.

Gusto ko nang umahon. Ayoko na sa mga alat.

Hindi ko nga nilalapitan ang dagat dahil takot ako pero ito naman ang lumalapit sa akin gamit ang mga ulap ng ulan. Marahil hindi ko na muling iibigin ang ulan. Galit ako sa ulan.

Bakit kasi sa dagat pa ito nagmumula?

Kaya pala bigla na lang umuulan

Ang sabi nila, kapag naabutan ka raw ng ulan sa daan ay maglakad ka lang. Kapag ginawa mo kasi iyon, hindi mo masasalubong ang mga patak at dahil doon ay hindi ka masyadong mababasa.

Kaya sa tuwing naaabutan ako ng ulan sa daan ay maaaring makita mo ako, sinusubukan kong hindi takbuhan. Sinusubukan kong maglakad. Kahit pa may kung anong puwersa ang bumubulong sa akin na tumakbo. Iniisip ko na wala naman sigurong masama kung maniwala ako sa kanila. Ano bang puwedeng mangyari kung tatakbo pa ako? Naisip ko nga, baka maging sanhi lang ito ng pagkadulas o aking pagkadapa. Mas lalo pa akong mapasama kapag nagkataon. Kaya kinakalma ko na ang aking sarili.

Kahit papaano, tinatanggap ko na ang lahat.

Unti-unti kong dinadama ang tubig ng dagat at ulan. Hinahayaang ko nang halikan ng tubig ang mga paa ko mula sa baybayin nang sa ganoon ay maramdaman ko pa rin ang dagat. Nagdadala na rin ako ng payong araw-araw at hindi ko na iniinda ang espasyo nito’t bigat kahit pa nagmamadali ako sa umaga o kahit hindi ko na maabutan ang liwanag pag-uwi.

Kahit na hindi ko na mahanap ang kalinga ng mga taong nangakong babalik. Kahit na naghintay ako sa mga pangako ng taong hindi raw aalis, hindi na ako tumakbo pa. Dahil natutuhan kong minsan, dapat nating pigilan ang mga paa natin na maglakad palayo sa mga bagay na ibinibigay sa atin ng mundo.

Naiintindihan ko na.

Kaya pala bigla na lang umuulan, kaya pala naaabutan ako sa daan. Mabasa man ako ay hindi nila makikita na lumuluha ako. Niyayakap ako ng mga bigat ng patak at lamig ng tubig. Sinasamahan ako sa mga dala-dala kong problema. Iniisip ko nga na baka ito si Papa, mula sa dagat hanggang sa ulap at ulan. Pinaparamdam niya sa aking kasama ko siya, kahit sa ganitong paraan.

Kaya sa tuwing naaabutan ako ng mga patak sa daan, muli, hindi ko na ito tinatakbuhan. Hindi pala ako dapat matakot sa biglaang pagdating ng ulan dahil ito ang aking kanlungan.