Ni PATRICIO A. DIONISIO
(Unang nailathala: LIWAYWAY Hunyo 10, 1963)
Ang nagdaang araw sa aking gunita
ay luksang kahapon na naghihimala …
Waring nabubuhay ang dusa’t dalita
na nilimot ko na’t sadyang isinumpa.
Sa paghihinagpis nitong aking buhay
ay nananariwa ang mga nagdaan …
Kasuyong lumayo nang di namaalam
ay muling nagbalik na luha-luhaan.
Kanyang hinihingi ang huling patawad
sa pagkakasalang lason ang katulad …
Nang ipagkait ko ang awang panlunas
ay nagpatiwakal upang mamanatag
Ngayo’y pinupukaw ang aking panimdim
ng dating kahapong naglaho sa tingin;
Pagsisihan ko ma’y walang mararating
at di magbabalik ang nagtampong aliw.
Kaylungkot na buhay ang aking sinapit
matapos lasapin tamis ng pag-ibig…
Kahi’t tingalain ang masayang langit
dusa ri’t dalita ang nakakaniig…








