Ni ESTANISLAO B. SIKAT
(Unang nailathala: LIWAYWAY, May 21, 1951)
Sa bukiring nasa timog ng maayang Gitnang Luson,
At sa munting bahay-kubong niluma na ng panahon:
Ang luningning ng liwayway ay nakitang una roon
Sa kandungan ng ina mo na nagpalang hindi gayon;
Doon ka na nagka-diwa’t nilasap mong lahat noon
Ang sariwang kabataan na may labing walong-taon.
Sa buhay mo’y may isa kang karanasang nababatid;
Na ang sipag ang puhunan ng dakilang magbubukid;
Maghapon kang sa pinitak ay nilikhang namamasid,
Binabatak ang buto mo’t gumagawang walang patid;
Kaya naman sa tag-ani, namumutok hanggang silid
Sa wagwag mo’t milagrosang kabuhayang matitipid
Matahimik ang buhay mo’t kalugura’y sapin-sapin,
Dangan kasi’y buhay namang anong tamis gunitain:
Sa taniman, ang kasama’y lakan-dilag sa bukirin,
Nota’t himig ng gitara ang sa punla’y nagdiriin;
Kaalungko sa gapasa’y mutyang-bukid na mahinhin,
At siya pang katuwang mong nagbabayo ng pipigin.
Nagsisima sa may sapang daming isdang pumapasag,
At dala mo sa pag-uwi’y malalaking hito’t dalag;
Sa hagdana’y naghihintay ang ina mong nililiyag,
At ang amang nasa lupa’y natutuwang nagmamatyag;
At kung kayo ay kumain sa kainang munting hapag,
Sa inihaw na batukan ang kabati: kaning wagwag.
Lupang-bukid na mataba’y wari bagang nag-uudyok
Na gumawa ang batugang di na gustong madayukdok;
Pag payagpag sa banaba’t pag tilaok na ng manok,
Sagsag ka na sa bukiri’y labis ka pang inaantok;
Kaya naman yaong araw’y pamimitak sa may bundok,
Sa sipag mo, ang nagawa’y kapurihang natatampok.
Nang malao’y nabantog kang magbubukid na uliran,
Magsasakang ang bukiri’y walang tuyot sa anihan;
Sa manigong palusad mong kabuwa’y tatlong kaban,
Pagtutuos noong ani’y mahigit pang tatlong daan;
Sa sipag mong kinikimkim at sa sigla ng katawan,
Nabubuhay na may aliw ang Sangmundong karukhaan.









