Ni DR. JOSE DAL. ESTRELLA
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Mayo 7, 1951)
Maging ang libingan ng mga Paraon,
Gayundin ang Templo ng Haring Solomon
Na naging tampulan
Ng mga paghanga’y
Pawang manggagawa ng unang panahon
Ang siyang nagtayo at nagsikap noon
Na maging sukdulan
Sa tibay at gara.
Tinanghal ng mundo ang ganda ng Gresya,
Gayundin ang rangya ng matandang Roma
Dahilan sa bisig
Na hindi marunong
Matakot sa hirap, sa pagod at dusa:
Bisig ng paggawang tunay na pag-asa,
Matibay na katig
Ng ating pagsulong.
May masasabi bang mahal na gusali’t
Magagarang lunday na hindi niyari
Nitong manggagawang
Haligi ng bayan?
Ang kahoy sa bundok na tangi at pili,
Kung wala ang bisig na maglalagari’y,
Pagtubuan kaya
Nga ating puhunan?
Sa panahong ito, gaya rin nang una,
Tanging manggagawa ang siyang pag-asang
Lilinang ng ating
Kayamanang likas.
Kung totoo ito ay bakit sila pa
Ang dinuduhagi sa tuwi-tuwi na
Ng mga damdaming
Dapat na mahabag?
Nang upang uminog nang tuluy-tuluyan
Ang gulong ng palad nitong daigdigan
Ay dapat magsama
Ang yaman at bisig:
Ang dalawang ito, kapag nagkalaban
Uudlot ang ating mga kabuhaya’t
Ang ating ligaya,
Magtatampung pilit.
Ang bisig ay hindi dapat na siilin,
At ang puhunan ma’y di dapat biguin
Sapagkat kung ito
Ay di magka-bagang
Angaw mang salapi’y walang mararating
At ang bisig nama’y manlulupaypay rin:
Pag nagkaganito,
Laking kasawian!









