Ni EMILIO A. BUNAG
(Unang nailathala: LIWAYWAY, May 1, 1950)
NGAYONG takipsilim
ako’y awitan mo ng isang tulain;
Huwag yaong tulang
ang diwa at layon ay napakalalim;
Ang ninanais ko’y
karaniwang tulang tigib ng damdamin
na para bang ako
ay dinaramayan sa aking tiisin.
BIGKASING marahan
sa lambot ng iyong tinig na malinaw,
na kung pakinggan ko’y
indayog na isang limot na kundiman!
Sa sandaling itong
ang ninanais ko ay kapahingahan
ayoko ng tulang
tila nag-aapoy sa pakikilaban!
TULA ng pag-irog,
tula ng paghanga at ng bungantulog,
karaniwang buhay
na walang mithiing napakatatayog,
salat sa ligaya,
ngunit wala namang dusang tumutupok;
iyon ang tulaing
pang-aliw sa aki’t pang-alis ng pagod!
TULANG nagsusulit
ng buhay sa nayo’t ng buhay sa bukid,
dalaga’t binatang
kung nagsisigawa’y may saliw na awit,
may ibo’t bulaklak,
may batis at kahoy na nakaliligid;
iyan ang tulaing
sa kalumbayan ko ay makapapahid!
ANG makatang tanyag
ngayong takipsilim ay hindi ko hangad!
Ayoko ng ingay
at ng pagtatalong tila walang wakas!
Ayoko ng rangya
ng mga papuri at mga palakpak,
ngayo’y takipsilim
at kapayapaan ang lalong matimyas!
HAYO na; madali!
Bigkasin ang aking tulang hinihingi;
Tula ng mahirap,
na kung mahirap ma’y laging nakangiti,
tula ng pag-asa
at ng pananalig na taos sa budhi,
tulang dalangin
at ng kaaliwan sa pusong nasawi!









