"Ano ba 'to?" singhal niya. "May kabuhayan naman naiwan ang Itay ko!"

Ni ROGELIO R. SIKAT

(Unang nailathala: LIWAYWAY, Mayo 13, 1963)

DALAWANG taon na pa lamang si Darding nang maulila sa ina. Dahil sa kamusmusan, hindi niya gaanong nadama ang pangungulila rito. Mabait ang kanyang ama, at nang mamatay ang kanyang ina ay lalo nitong ibinuhos ang pagmamahal sa kanya.

Muling nag-asawa ang kanyang ama noong siya’y tatlong taon. Ang napangasawa nito ay ang guro sa piyano na nakatira sa dikalayuan sa kanilang bahay. Tiya Nene ang naging tawag dito ni Darding. Lumipas ang mga taon, at nang si Darding ay maglalabinlima ay ang ama naman niya ang namatay. Isa itong inhinyero elektrikal, at isang araw, sumabog ang pinamamahaiaan nitong planta. Naulila nang lubos si Darding. Ang nalabi na lamang sa kanya ay ang kanyang Tiya Nene. Hindi nagkaanak ang kanyang Itay at ang kanyang Tiya Nene. Maayos na namuhay ang dalawa. Nguni’t ang kaayusang iyon, sa paglipas ng mga araw, ay unti-unting nagkakaroon ng bitak. Hinahanap-hanap ni Darding ang layaw sa ama. Ang paghahanap na ito ang pangungulilang ito at ang gunitang ang kanyang Tiya Nene ay asawang kauli lamang ng kanyang ama, ay nagpapatindi sa kanyang kalungkutan. Ano ang mahahanap niyang pagtingin sa isang babaing hindi naman niya ina? Kung buhay lamang si Itay, madalas niyang mawika sa sarili. “Kung buhay lamang si Itay …” Iyon ang madalas niyang maging bukambibig. May sariling kuwarto si Darding sa kanilang bahay. Mayroon siyang sariling radyo-ponograpo. Marami siyang aklat. Marunong siyang tumugtog ng piyano, sapagka’t nasa elementarya pa lamang ay tinuruan na siya ng kanyang Tiya Nene. Datapwa’t nadarama niyang siya’y bilanggo sa silid at sa bahay na iyon. Iyo’y nadama na niya noong siya’y nasa haiskul pa. Samantalang malayaw na malayaw ang kanyang mga kamag-aaral ay nasasaklawan naman siya ng kahigpitan at altuntuning itinakda ng kanyang Tiya Nene.

Ang paghihimagsik niya ay lalong tumingkad nang makarating siya sa kolehiyo. Tahimik siyang lagi sa klase. Lagi siya sa hulihan, at kaya lamang magsalita ay kung tinatawag ng propesor.

“Akala ko’y galing ka sa seminaryo,” isang araw ay wika sa kanya ni Gerry, ang nakaupo sa pinakamalapit sa kanya.

            Nangiti siya sa sinabing iyon ni Gerry. Bakit sinabi iyon ni Gerry? Siya, isang dating seminarista? Kilala niya ang mga dating seminarista sa kanyang mga kamag-aaral. “Mababait” nga mga ito.

            Ang pagkakahinalang iyon ni Gerry sa kanya ay tumindig na hamon sa kanya. Hindi nagtagal at pumasok siyang nagsisigarilyo na. Iyo’y hindi alam ng kanyang Tiya Nene, nguni’t hindi ba ginagawa iyon ng halos lahat ng kamag-aaral niyang lalaki, matangi sa mga “seminarista”?

            “Koboy ka na ‘ata ngayon,” wika sa kanya ni Gerry isang hapong alukin niya ito ng sigarilyo. “Ganyan nga. Walang kuwenta iyang sobra ang pagka-good boy.

            May allowance si Darding mula sa kanyang Tiya Nene. Nguni’t sa pagdaraan ng araw, nakikita niyang kulang ang ibinibigay niyon. Sapat lamang iyon sa pamasahe at sa minandal. Wala ang sa sigarilyo at sa ano pa mang bagay na binibili ng kanyang mga kamag-aaral. At alam niyang may naiwan namang kabuhayan ang kanyang Itay. A, kung buhay lamang ang kanyang Itay, katulad din siya siguro nina Gerry. Maligaya.

            Hindi siya maligaya. Sa gitna ng mga hinanakit, malimit siyang magkulong sa kanyang kuwarto. Nagpapatugtog siya ng radyo-ponograpo. Mahina lamang ang kanyang pagpapatugtog, at halos siya lamang ang nakaririnig. Nakahiga siya. Naririnig niya ang tambol ng mga bongo— halos pawang instrumental ang kanyang plaka. Mayroon silang mga plaka ng mga tugtuging klasiko, nguni’t hindi niya iyon pinatutugtog—pati ba naman sa pagpapatugtog ng plaka ay pakikialaman siya ng kanyang Tiya Nene? Sumasaliw ang kanyang mga daliri sa tambol ng bongo, nguni’t kadalasan, iyo’y nahihinto. Papatayin niya ang radyo-ponograpo. Tatanaw siya sa labas ng bahay. Sa tapat, makikita niya ang mga tin-edyer na naglilipun-lipon sa bahay nina Mr. Roxas. Kay saya nila!

            Ang damdamin ng pangungulila na dahan-dahan na niyang naiwawaglit sa sarili ay unti-unti na namang nagbabalik. Sa klase, lagi na naman siyang tahimik. Lagi na naman siya sa hulihan, pinanonood ang masayang galaw ng kanyang mga kamag-aaral.

            “Mukhang malungkot ka naman ngayon, a,” puna sa kanya ni Gerry isang hapon. “Bakit ba?”

            Umiling siya. Ni hindi man lamang niya tiningnan si Gerry. Nakatingin siya sa kanyang mga kamag-aaral. Bakit ba hindi siya matulad sa mga iyon? At nagunit niya ang kanyang Tiya Nene. Kung buhay lamang ang kanyang Itay, hindi siya hihigpitan nang ganito ng kanyang Tiya Nene. Kung buhay lamang ang kanyang Itay… Kung buhay ka lamang, Itay…

            “Sasama ka sa akin mamaya?” namalayan niyang sinasabi ni Gerry.

            “Saan?”

            “Huwag mo nang itanong. Basta’t sumama ka. Sasaya ka!”

            “Baka gabihin tayo.”

            “Hahanapin ka ‘ka mo?”

            “Hindi naman,” pagkakaila niya. Siya, hindi hahanapin? Ng kanyang Tiya Nene?

            “Sasama ka?”

            Tumango siya.

            Pagkatapos ng kanilang huling klase—yao’y pagkaraan ng alas-siyete ng gabi—ay sumama siya kay Gerry. Sa labas ng silid-aralan, naglapitan kay Gerry ang apat pa nilang kamag-aaral. Nakatingin ang mga ito sa kanya, waring itinatanong kung siya’y kasama sa lakad.

            “Tayo na,” yakag ni Gerry.

            Nanaog sila.

            “Saan ba tayo pupunta?” tanong niya.

            “Iinom tayo.”

            Sa isang munting tindahan sila pumasok. Kilalang-kilala si Gerry ng matandang babaing tagapagtinda. Pumasok sila sa silid na karatig ng tindahan. Nakita niya ang mesang walang tapete, at ilang silyang bakal. Naupo ang apat nilang kasama. Nagtabi sila ni Gerry.

            Inilabas ng matandang babae ang alak na hininging mga kasama ni Gerry, gayon din ang mga baso, yelo at ang panghalo. Nagsalin ang mga kasama ni Gerry. Nagsalin si Gerry. Sinalinan nito ang kanyang baso.

            “Inumin mo na ang sa iyo.” wika ni Gerry.

            Ininom niya ang laman ng kanyang baso.

            “Ganyan nga,” wika sa kanya ni Gerry.

INIHATID siya ni Gerry nang gabing iyon. Ang nagbukas ng pinto ay ang kanyang Tiya Nene. Natutopo nito ang bibig pagkakita sa kanya. Ipinanhik siya ni Gerry sa kanyang silid. Pagkaraa’y nagpaalam ito. Pumasok sa kanyang silid ang kanyang Tiya Nene. May dala itong isang munting palanggana.

            Ibinaba ng kanyang Tiya Nene ang kanyang nakataas na kamay. Pinunasan nito ang kanyang mukha.

            “Huwag na, Tiya Nene! Hindi na ipinagpatuloy ng kanyang Tiya Nene ang pagpupunas. Tahimik itong lumabas ng silid.

            Kinabukasang nag-aagahan sila ng kanyang Tiya Nene ay kapwa sila tahimik.

            “Uminom ka kagabi,” tila gurong simula ng kanyang Tiya Nene.” Magmula ngayon, wala nang inum-inom. Ayaw ko na ring makisama ka sa naghatid sa iyo kagabi.

            Hindi siya nakakain. Nagpatuloy sa pagkain ang kanyang Tiya Nene. Nang makatapos na ito at tumindig ay tumindig siya. Nanhik siya sa kanyang silid. Ipininid niya ang pinto. Pinid na pinid. Lumakad siya sa may bintana. Nakita niya ang mga tin-edyer sa katapat na bahay. Maagang-maaga pa’y kaysaya na ng mga iyon!

            Binuksan niya ang radyo-ponograpo.

            Kung buhay si Itay… kung buhay si Itay…

            Gayon na lamang ang pagpapasalamat niya nang dumating ang hapon. Ngayo’y makaaalis na siya ng bahay. Papasok na siya. Nagbihis siya.

            “Papasok na ako, Tiya Nene,” nagpapaalam niya.

            “Maaga kang uuwi.” Maikli ang narinig niyang tugon. Iniabot sa kanya ng kanyang Tiya Nene ang kanyang baon. “At huwag kang magsisigarilyo. May tabako ng sigarilyo sa hinubad mong polosert kahapon.

            Nanaog na siya. Sa paaralan, malungkot na naman siya.

            “Mukhang galit ang iyong tiya, a,” wika sa kanya ni Gerry. “Ang sama ng tingin sa akin kagabi.”

            “Gano’n lang talag iyon.”

            “Mukhang ubod ng higpit, e. Kaya ka pala mukhang seminarista.”

            Nasaktan siya sa sinabing iyon ni Gerry.

            Pagkatapos ng kanilang klase ay sumunod siya kay Gerry. Dalawa na lamang ang kasama nito ngayon.

            “Sasama ako sa inyo, Gerry,” sibi niya.

            “Iinom kami, e,” iwas ni Gerry.

            “Isama n’yo ‘ko.”

            Sa munting tindahang ininuman nila kahapon sila nagtungo.

            Uminom sila. Marami silang nainom. Minsan na siyang nagsuka, nguni’t pagkapahinga ay muli siyang uminom.

            “Bruha ang tiya mo,” sinasabi ng lasing na ring si Gerry.

            “Bruha ang tiya ko,” sabi niya.

            “Aswang ang tiya mo,” ani Gerry.

            “Aswang ang bruha,” ulit niya.

            “Seminarista ka,” ani Gerry.

            “Hindi. Koboy ako,” pagtutuwid niya. “Karantso.”

            “Mamatay na sana ang iyon tiya,” ani Gerry.

            Hindi siya agad nakasunod.

            “M-mamatay na sana ang bruha!” ulit niya.

            Nagtawanan silang apat.

            “Inom pa!” ani Gerry.

            Sila’y nag-inuman.

            Naunang nagpaalam ang dalawa nilang kasama. Nahuli sila ni Gerry.

            “Ihahatid ba kita?” tanong ni Gerry.

            “Ayaw kong umuwi sa tiya koong bruha.”

            “Sa amin ka na matutulog?”

            Tumango siya.

NASUNDAN ang pag-iinuman nilang iyon nina Gerry. Ngayo’y nakauuwi na siya ano mang oras na kanyang ibigin. Ngayo’y titingin-tingin na lamang ang kanyang Tiya Nene.

            “Ano’ng pakialam niya kung uminom man ako?”

            Ngayon, siya ang panginoon sa kanilang bahay. Ngayon, pati ang kanilang katulong ay takot sa kanya.

            Malakas na ngayon ang pagpapatugtog niya ng radyo-ponograpo. Malakas ang kabog ng mga bongo. Masaya na siya ngayon. Dumudungaw siya sa bintana, tinitingnan ang bahay nina Mr. Roxas, nguni’t higit siyang masaya kaysa nakikita niyang mga tin-edyer doon!

            “Pahingin n’yo ‘ko ng pera,” sabi niya sa kanyang Tiya Nene isang hapong papasok siya. Lumalaki-laki na ngayon ang ibinibigay sa kanya ng kanyang Tiya Nene.

            Binibigyan siya ng kanyang Tiya Nene. Piso.

            “Ano ba ‘to?” singhal niya. “May kabuhayan namang naiwan ang Itay ko!”

            Hindi kumibo ang kanyang Tiya Nene. Umiyak lamang ito. Inihagis niya ang pera. Nanaog siya.

            Gabi na nang siya’y magbalik. At lasing siya. Sinundan siya sa silid ng kanyang Tiya Nene.

            “Lumalabis ka na, Eduardo,” wika nito sa kanya.

            “Lumalabis kung lumalabis!”

            “Sinisigawan mo ako, Eduardo!”

            “Kayo, e! Pesteng buhay ‘to, oo!”

            Hatinggabi na siya nang makatulog. Pinatugtog niya ang kanyang radyo-ponograpo. Mahina ngayon. Siya lamang ang nakaririnig. Nguni’t tumutugtog man ang bongo ay iba ang kanyang naiisip. Lalayas siya. Lintik, mayaman naman kami’y pisu-piso kung bigyan ako. Ibig ‘ata akong gawing sant sa bahay neto, a. Llayas ako. Saan siya pupunta? Bahala na. Kina Gerry. Minsan nang naglayas si Gerry. Koboy si Gerry. Malakas ang loob ni Gerry. Ako, malakas din ang loob ko. Makikita mo, Gerry, malakas din ang loob ko.

            Kinabukasan ay inilagay niya ang kanyang damit sa bag. Sa labas ng silid, naririnig niya ang pagbubunot at pagwawalis ng kanilang katulong. Binuksan niya ang pinto.

            “Ang Tiya Nene?” tanong niya.

            “Nasa ibaba.”

            Naupo siya sa kanyang kama. Hinintay niyang pumanhik ang kanyang Tiya Nene, nguni’t hinddi ito pumanhik. Bakit ba siya maduruwag? Lalayas siya. Ano kung makita ng kanyang Tiya Nene ang lalayas siya?

            Nanaog siya. Malakas ang taguktok ng kanyang sapatos sa bagong walis na hagdan. Sa kanya nakatingin ang kanyang Tiya Nene.

            “S-saan ka pupunta, Darding?” tanong nito.

            “Lalayas.”

            Dalawang kamay na sinapo ng kanyang Tiya Nene ang mukha. Nguni’t nang tumigil siya sa may paanan ng hagdan, at mapagmasdan ang kanyang Tiya Nene, ay saglit siyang natigilan. Saglit siya napatda.

            “Di kita mapipigil, Darding,” sabi ng kanyang Tiya Nene, “kung gusto mong umalis. Gusto ko mang pigilin ka, alam mong inaakala mong karapatan mong umalis.”

            Naibaba niya ang bag sa punong hagdan. Nagising ang damdamin niyang hindi pa napamamanhid ng alak na ininom nila ni Gerry.

            “Noong maliit ka…” sinasabi ng kanyang Tiya Nene,” kaydalas kitang paluin, kung nagkakasala ka. Gusto kitang makitang umiiyak. Hindi kami nagkaanak ng Itay mo. Ikaw na ang itinuring kong anak. Kayligaya ko kapag ikaw ay umiiyak at napatatahan kita.

            Namalagi siyang nakatayo.

            “Alam ko kung bakit ka aalis. Galit ka sa akin. Inaakala mong mahigpit ako, na dapat kong ibigay sa iyo ang balang maibigan mo, na dapat kitang pabayaan sa paglalasing at pakikisalamuha sa barkad mo. Pero hindi mo alam, iyon ang bilin sa akin ng iyong ama bago siya namatay: huwag kang palayawin. Hutukin ka sa kabutihan. Hindi man niya sinabi iyon… iyan din ang gagawinn ko sa iyo, pagka’t… hindi ka man nagbuhat sa akin, ikaw ay anak ko na rin.

            Patuloy sa pag-iyak ang kanyang Tiya Nene. Napalit siya rito. Nangingilid ang luha sa kanyang mga mata. Patawarin mo ako, Tiya Nene, nais niyang sabihin.

            Marahan ang hakbang nananhik siya sa kanyang silid, dala pa rin ang bag.

(Wakas)