MGA BULAKLAK NG KAHAPON

Nagunita ni Ba Intong: ang mga bulaklak na iyon ang iniuwi niya kay Da Maria isang umagang manggaling siya sa ilog; bagong kasal sila noon…

Ni PEDRO L. RICARTE

(Unang nailathala: LIWAYWAY, Mayo 2, 1960)

NAKATUNGO si Ba Intong at parang nagbibilang ng hakbang nang hapong iyon. Sandali lamang siyang nalibang sa pagkikipaghunta sa mga tao sa pinanggalingang tindahan, at ngayong pauwi na ay nakapanikit na naman sa kanyang isip ang sinabi ni Da Maria kanina: Nararamdaman kong hindi na magtatagal ang buhay ko…

            Aywan ni Ba Intong kung bakit sinabi iyon ni Da Maria. Wala naman itong karamdamang dapat ikabahala. Basta’t nakita niyang ito’y malungkot na nakatanaw sa labas ng bintana kangina at kabaling-baling sa kanya ay iyon ang sinabi.

            Matanda na sila. Marahil ay sandaling panahon na nga lamang ang ilagi nila sa lupa.

            Pero ba’t s’ya lamang ang nakaisip n’yon naitanong ni Ba Intong sa sarili. Hindi pati ako? A… siguro’y nag-uulianin na s’ya…

            Naalaala ni Ba Intong ang pagiging malilimutin na ni Da Maria nitong mga huling araw. Malimit itong maghanap ng mga bagay na di nito matandaan kung saan nailagay. Minsan, nang nagsusulsi si Da Maria ay nakita niyang nahinto ito sa ginagawa; iginala nito ang tingin sa paligid, binuksan ang mga kahon ng kaharap na mesita.

            “Ano ba’ng hinahanap mo, oy?” tanong niya noon.

            Nagsalita nang paungol si Da Maria. At nakita niyang kaya hindi nito mabuka ang bibig ay sapagka’t nakaipit sa labi ang karayom na may hibla.

            “Baka ‘yan ang hinahanap mo, oy.” sabi niya itinuro ang karayom.

            Natawa si Da Maria. Iyon nga ang hinahanap nito.

            Naputol ang pagdidilidili ni Ba Intong nang sumapit siya sa kanilang tarangkahan. Nakita niyang nakadungaw na naman si Da Maria, parang nawawala sa sarili sa pagkakatanaw sa kanlurang nilubugan ng araw. Para pa itong nagulat nang tawagin niya pagkapanhik.

            “Ikaw pala,” sabi ni Da Maria. “Hindi ko napansing dumating ka.”

            “Ku, ikaw ba naman! Nakaupo ka r’yan e di mo nakitang pumasok ‘ko sa tarangkahan.”

            Naupo si Ba Intong sa tabi ni Da Maria.

            “Ano ba’ng iniisip mo na naman?” tanong niya.

            “Hindi tumugon ang matandang babae. Muling tumanaw sa labas ng bintana.

            “Kung nagkaanak ba naman tayo!” maya-maya’y pabuntunghiningang nasabi ni Da Maria.

            Sandali silang natahimik. At karinig-rinig na lamang ni Ba Intong ay sumisigok ang asawa.

            “O, ba’t ka umiiyak?” usisa niya.

            “Ewan ko. Basta bigla ko na namang naisip na di na magtatagal ang buhay ko. Kung wala na ‘ko, pa’no ka?

            Nanikip ang dibdib ni Ba Intong.

            “Ku! E, h’wag mo ngang pag-isipin ang kalokohang ‘yan!”

            “Sawang-sawa na ‘ko sa buhay nating ‘to! Matagal na tayong ganito… ni walang apong pagkalibangan. Sana bago ‘ko mamatay… maging masaya man lamang…

            Masayang-masaya tayo no’ng araw!

            Tumindig sa Ba Intong. “Oy, mabuti pa’y kumain na tayo.”

            Lumabas sila. Pinapaghain ni Da Maria ang nag-iisa nilang katulong sa bahay. Nguni’t kapwa sila hindi nakakain. Madaling umayaw si Ba Intong. Pumasok siya sa salas, naupo sa tabing bintana at nagsindi ng sigarilyo.

            Laganap na ang dilim, at ang buwang malapit nang maging kabilugan ay umaangat na sa bundok. Sa kabilang panig ng daan ay natatanaw ang mangilan-ngilang bahay na pawid. Tahimik sa paligid, maliban sa manaka-nakang huni ng kuwago sa kalapit na munting gubat.

            Malungkot nga sa nayong ito, lungkot na ngayon ay nadarama ni Ba Intong. Naisip niyang ibang-iba na nga ang kanilang buhay ngayon kaysa noong araw.

            Sa tahanang ito ng kanyang mga magulang dinala niya ang asawa nang sila’y makasal. Nakarirwasa sila, at namuhay nang maligaya. Hindi sila nagkaanak, at sa paglipas ng mga taon ay isa-isang nagsiyao ang kanikanilang magulang, hanggang sa walang matira kundi sila lamang dalawa ni Da Maria, yamang kapwa sila walang kapatid ni malapit na kamag-anak.

            Sa paglalim ng mga gatla sa kanilang mukha, unti-unti rin silang nakadama ng pagbabago sa damdamin. Palubha nang palubha ang nadarama nilang magkakalangkap na lungkot, pangungulila at pagkabagot.

            Naramdaman ni Ba Intong ang pagpasok ni Da Maria. Naupo ito sa kanyang tabi.

            “Sikat na pala ang buwan,” nasabi ni Da Maria.

            “Oo nga,” tugon ni Ba Intong. Itinapon ng matandang lalaki ang upos nang sigarilyo, at sa pagkakatingin nila sa buwan ay sandali silang natahimik. Maya-maya’y tumalikod sa bintana si Da Maria at waring tinangay na naman ng malungkot na alalahanin.

            NANG gabing iyon ay matagal bago nakatulog si Ba Intong.

            Pilit niyang inaalis sa isip ang masamang guniguni. Nguni’t nang bangggitin uli ni Da Maria ang tungkol sa pagdating ng kamatayan, kinabukasan at nang sumunod pang mga araw, hindi na maiwaglit ni Ba Intong sa puso ang pangamba.

            Nang malaon, nagawa ring tanggapin ni Ba Intong ang sa palagay niya’y siya na ngang totoo: nalalapit na ang kamatayan ni Da Maria. At isang pasiya ang nabuo niya: paligayahin ang asawa sa mga huling sandali nito sa lupa.

            Sa simula’y naisip niyang mag-ampon ng bata, nguni’t madali niyang iniwaglit sa isip iyon. Hindi madali ang paghanap ng batang mawiwili sa kanila. Saka pinag-alinanganan niya kung makaliligaya sa asawa ang paghalik sa batang di nito kaanu-ano.

            Isang umagang mapasyal ang matandang lalaki sa tindahan sa nayon ay narinig niyang pinag-uusapan ng mga kabataan ang palabas sa sine sa kabayanan. Naisip niyang marahil ay makabubuti ang ipasok niya sa sine ang asawa. Mula’t sapol ay hindi pa sila nakakapanood ng pelikula. Bagong tayo lamang ang sine sa kabayanan at noong kabataan nila ay wala pang mga panooring gayon.

            Matagal na nagpilitan ang mag-asawa bago napapayag ni Ba Intong si Da Maria. Nguni’t Ingles ang pelikulang napanood nila at kapwa sila walang nawawaan. Nakasimangot si Da Maria nang sila’y lumabas.

            “‘Yan ba ang sinasabi mong maging masaya ‘ko?” paninisi ni Da Maria nang sakay na sila ng karitela pauwi. “Papatayin mo ‘ko sa takot! Panay barilan. Akala ko’y ako na’ng binabaril. Ke-sasagwa pa! Halikan nang halikan e ke-daming nakakikita.

            Buhat noon ay hindi na pumayag si Da Maria na sumama pang manood ng sine.

            Isang araw, naisipan ni Ba Intong na pasabayan. Nang umuwi siya ay may dalang saya at kimona. Nguni’t ni hindi nangiti si Da Maria matapos niyang iabot dito ang pinamili.

            “Bumili ka pa nito. Ke-rami ko naman d’yang damit. Hindi ko na nga maipagsuot, e.” Nabasag ang tinig ni Da Maria. “Pasasaan ba’t di wala na ‘ko… hindi ko na ‘yan magagamit nang husto.”

            Nanikip ang dibdib ni Ba Intong sa pagkaalaala sa bagay na pinangagambahan niya. Tumalikod siya. Nanaog. Sa kabila ng malalagong halaman sa likod-bahay hinayaan niyang tumulo ang luhang ikinubli sa asawa.

            NAWAWALAN na ng pag-asa si Ba Intong na mapaligaya pa si Da Maria.

            Kaypala’y dahil sa pag-iintindi, naramdaman ni Ba Intong nang malaon na lumulubha ang kanyang panghihina. Tumitindi ang pananakit ng kanyang likod at baywang kapag malamig ang gabi at humihingal siya sa pagmamanhik-manaog sa bahay.

            At katulad ng nangyari kay Da Maria, bigla rin ang pagdating ng isiping yaon kay Ba Intong. Marahil, malapit na akong mamatay…

            Hindi maiwaglit ni Ba Intong nang alalahanin ukol sa kamatayan nang mga sumunod pang araw. At naisip niyang hindi rin siya maligaya kahit sa sandaling panahon man lamang bago siya mamatay. Kung paano mapaliligaya ang sarili at ang asawa ay siyang hinangad tuklasin ni Ba Intong.

            Sa wakas, waring natuklasan naman niya ang lunas: isang nababagong karanasang nakapagpapalimot, nakakakalag sa mga buhol ng damdaming nilikha ng katandaan, pangungulila at pagkabagot. Sumasakanya ang karanasang iyang kapag napapatanaw siya sa buwan kung gabi. Nagdaraan sa kanyang isip ang masasayang araw ng kabataan nila ni Da Maria: ang paghaharana niya riot kung maliwanag ang buwan, ang pamamasyal nila sa gabi noong mga unang araw ng kabilang pagsasama, ang pag-upo nila sa tablang bangko sa harap-bahay at pag-uusap nang magkahawak-kamay habang waring nangangarap na nakatanaw sa mga bituin.

            Nais sana niyang ibahagi kay Da Maria ang bagong karanasang natuklasan niya. Nguni’t nag-aalaala naman siyang hindi siya maunawaan, baka pagtawanan ng asawa. At nagkasiya na lamang siya sa mag-isang pagtanaw-tanaw sa buwan at pagtinga-tingala sa langit na nasasabugan ng mga bituin.

            ISANG umagang naglalakad-lakad si Ba Intong sa duluhan at sumasagap ng sikat ng araw ay nadama niyang natitigib na naman ng bagong damdamin ang kanyang puso. Lumabas siya ng bakuran at nagtungo sa kalapit na ilog.

            Naupo siya sa isang malaking bato sa pampang. Sa ibaba ay natatanaw niya ang malinis na tubig.

            Noong binata pa ay malimit siyang magtungo sa ilog na ito. Nauupo siya sa malaking bato sa pampang at nanonood sa mga naglalaba sa ilog. Sa piling ng mga dalagang-nayon ay pinipili ng kanyang paniningin si Da Maria. Ito ang pinakamaganda, ang may pinakamalambing na tinig.

            Kapag nagsisiahon na ang mga naglalaba ay lumulusong siya sa ilog, kinukuha niya ang batyang sunong ni Da Maria at siya ang nagdadala. Pinagtutuksuhanan sila ng mga kanayon, nguni’t tumatawa lamang siya at ngingiti-ngiti namang waring nahihiya si Da Maria.

            Napabuntunghininga si Ba Intong. Naglakad-lakad siya. Sa dako roon ay napagpakuan ng kanyang pansin ang mga bulaklak-parang na sumisibol sa baybay-ilog. Ang mga bulaklak ding iyon ang iniuwi niya kay Da Maria isang umagang manggaling siya sa ilog; bagong kasal sila noon.

            Ano kaya’t uwian ko nito si Maria… nasabi niya sa sarili. Siguro sasabihin n’yang nasisira na ‘ko, matatanda na kami, hindi na bagay sa ‘min ito…

            Gayunma’y namupol siya ng maraming bulaklak.

            “Oy… oy!” nasa puno pa lamang ng hagdan ay tawag na niya nang makauwi.

            Bumungad sa hagdan si Da Maria. Nanlaki ang mga mata nito nang makita ang dala ng asawa. Hindi nakapangusap agad ang matandang babae nang kunin ang bulaklak na iniabot ni Ba Intong.

            “Natatandaan mo ba ‘oy, nang uwian kita n’yan no’ng matagal na? Matagal na matagal na ‘yon…”

            Nagunita ni Ba Intong ang waring kislap ng mga bituing nabuhay sa mata ni Da Maria, ang matamis na ngiti, ang kanyang pagkakahalik sa pisngi nito, noon…

            Ngayon, sa kauna-unahang pagkakataon pagkaraan ng maraming taon, nakita ni Ba Intong ang kislap na yaong nabuhay na muli sa mata ni Da Maria, ang matamis na ngiti nang hagkan nito ang bulaklak.

            “Siyanga, oy,” waring galak na galak na wika ni Maria. “Matagal na ‘yon, pero natatandaan ko pa.

            Hindi na ang kulubot na pisngi ng asawa ang nakikita ni Ba Intong. Sa kanyang tingin ay namumurok ang pisngi nito—katulad ng kanyang si Maring, maraming taon na ang nakararaan. At ngayon, hindi na siya si Ba Intong na uugud-ugod. Masigla siya. Bata pa. Batang-bata.

            Hinagkan ni Ba Intong sa pisngi si Da Maria.

(Wakas)