Ni Danica De Ramos
MATAGAL ko nang nakikita itong klasikong librong pambata, ang Sandosenang Sapatos na isinulat ni Luis P. Gatmaitan, M.D. Nanalo ang kuwentong ito ng Unang Gantimpala sa Don Carlos Palanca Memorial Award noong 2001 at isinadula rin bilang isang musical.
Tuwing nakikita ko ang libro sa mga tindahan ng mga aklatan, madalas nakukuha ang aking atensiyon nito dahil sa makukulay at magandang ilustrasyon sa pabalat, na iginuhit ni Beth Parrocha-Doctolero.
Nabasa ko sa panimula ng libro na habang nasa Tokyo, Japan si Dr. Gatmaitan, nakita niya na maraming aklat-pambata ang tumatalakay sa iba’t ibang anyo ng kapansanan. Dahil dito, naudyok siyang magsulat ng kuwento tungkol sa batang may kapansanan, lalo na nang magkaroon siya ng pasyenteng putol ang dalawang paa.
Naunawaan ko ang kahalagahan ng pagbibigay ng puwang at pagpapabilang sa lahat, lalo na sa mga batang tulad ni Susie. Magandang ibahagi ang kuwentong ito sa mga paaralan at sa mga magulang dahil sa pinakapuso ng istorya na siyang pagtatampok nito ng busilak at taos-pusong pagmamahal.
Mahigit dalawampung taon na itong naisulat, ngunit ang kuwento ay napapanahon pa rin. Nagbibigay ito ng inspirasyon lalo na sa mga may kapansanan at sa kanilang mga pamilya.
Sa kuwento, si Susie ay ipinanganak na putol ang dalawang paa dahil nahawaan ang kanilang ina ng German Measles habang ito’y buntis. Ito ang naging sanhi ng kanyang kapansanan.
Kahit disabled, mahusay pa ring nagagamit ni Susie ang kanyang mga kamay sa pagsusulat ng mga kuwento. Kaya’t hindi hadlang o kabawasan ang pagkakaroon ng disability. May layunin ang Diyos kung bakit Niya tayo nilikha, may kapansanan man o wala. Maganda rin ang moral support na nakukuha ni Susie mula sa kanyang pamilya.
Pumukaw sa aking puso ang kanyang ate na si Karina. Mabuting anak at mapagmahal na nakatatandang kapatid kay Susie. Pangarap ng tatay nila na maging ballerina si Susie noong siya’y nasa sinapupunan pa, kaya naman si Karina ang sumubok mag-aral ng ballet para sa ama at kay Susie. Subalit, hindi talaga ito para sa kanya.
Madalas din silang maglaro ng sungka, jackstone, scrabble, at iba pang mga laro. Naalala ko ang aking sarili kay Karina dahil ako rin ay isang ate na malapit sa aking nakababatang kapatid na babae. Madalas din naming laruin noon ang mga larong nabanggit sa kuwento at masarap balikan ang mga alaala ng aming pagkabata.
Habang binabasa ko ang kuwento hanggang sa katapusan, hindi ko inaasahang mapapaiyak ako. Napakabusilak at umaapaw ang pagmamahal ng ama para kay Susie, siya ang pinakatumatak at tumagos sa aking puso. Marangal siyang nagtatrabaho bilang isang sapatero at madalas siyang gumagawa ng mga sapatos para kay Karina. Ngunit dahil sa kalagayan ni Susie, labis ang sakit para sa kanya kapag hindi niya ito magawan ng sapatos.
Ang buhay ng tao ay hindi talaga perpekto. Dumarating ang mga pagsubok, at hindi natin ito laging kontrolado. Pero nasa atin ang pagpili kung paano tayo tutugon, magagalit ba tayo, o pipiliing magpakatatag?

Ngunit, hindi niya iniwan si Susie. Kahit walang dalawang paa, palihim na ginagawan pa rin niya ng sapatos at umaasang maisusuot ito ng anak baling-araw. Para sa ama, pantay ang tingin at pagmamahal niya sa dalawang anak. Hindi dahilan ang kapansanan para hindi niya gawan ng sapatos ang bunsong anak.
Walang palya ang paggawa ng sapatos ng ama. Bawat kaarawan, may sapatos para kay Susie. Sandosenang sapatos lahat.
Hindi ko malilimutan ang huling linya sa libro na nagmarka sa akin, “Ang tiyak ko lang, hindi perpekto ang buhay na ito. Gaya ng hindi perpekto ang pagkakalikha sa kapatid ko. Pero may mga perpektong sandali. Gaya ng mga sandaling nilikha ni Tatay ang pinakamagagarang sapatos para kay Susie.”
Ang buhay ng tao ay hindi talaga perpekto. Dumarating ang mga pagsubok, at hindi natin ito laging kontrolado. Pero nasa atin ang pagpili kung paano tayo tutugon, magagalit ba tayo, o pipiliing magpakatatag? Sa halip na malugmok at balutin ng kalungkutan, mas mabuting harapin ang mga hamon ng buhay nang may positibong puso at pag-asa upang umusbong ang mga perpektong sandali gaya ng pagtatawid ng pagmamahal ng ama kay Susie.
Katulad ng isang ama sa kuwento, bagama’t nalungkot at naawa siya sa kalagayan ni Susie, mas pinili niyang ipakita ang kanyang wagas at walang hanggang pagmamahal. Palihim siyang lumilikha ng mga magagarang sapatos para kay Susie. Hindi niya iniwan o isinantabi ang anak. Sa halip, gumawa siya ng mga espesyal na sapatos para sa anak, isang simbolo ng pagtanggap, malasakit, at pagmamahal.
Sa dulo ng kuwento, ang mga sapatos na napapanaginipan ni Susie sa tuwing kaarawan niya, ay siyang mga sapatos na likha ng kanyang tatay. Naitawid ng ama ang kanyang busilak na pagmamahal sa bunsong anak. Kaya naman, hindi ko napigilang lumuha sa ganda ng kuwento na may kurot sa puso. Parang pagtingin sa atin ng Diyos na bagama’t tayong lahat ay may pagkakaiba, pantay pa rin ang tingin Niya.
Sa aking palagay, kahit lumipas pa ang limampung taon o higit pa, mananatiling makabuluhan at relatable ang kuwentong ito. Kapupulutan ito ng aral ng bawat pamilyang makakabasa. Kaya naman humahanga ako kay Dr. Gatmaitan, dahil sa busilak ng kanyang kalooban, napukaw niya ang puso ng mga mambabasang kagaya ko. Tunay na makikita sa bawat likha ng isang manunulat ang lalim ng kanyang damdamin at malasakit sa kanyang isinusulat.
Matapos kong mabasa ang Sandosenang Sapatos, nag-alab ang aking damdamin at ako’y nagkaroon ng inspirasyon na lumikha ng isang kuwentong pambata tungkol sa mga taong may kapansanan upang iparating sa kanila na sila ay higit pa sa kanilang kapansanan.







