Bigla-bigla, mabigong mapagsino ang pakay, bumunghalit ang Hapon.

Ni Noji Bajet

(Huling Bahagi)

GUMUNTING siya ng mga tangkay ng higanbana. Hindi niya gustong saktan ang napakagandang halaman. Sa bawat lagitik ng mga sanga nito, tila ba malalagutan din siya ng hininga.

“Naku, mahal po ito. Sayang naman,” panghihinayang niya habang buong kasiningang inaayos ang mga bulaklak.

Humakbang papunta sa kaniyang likuran si Ma’am Hana. Hinawakan siya nito sa balikat at bumulong ito sa kaniyang tainga. “Hindi sayang.”

Sandaling hindi siya nakapagsalita, bagaman nagpatuloy siya sa pag-aayos ng mga bulaklak—nangingiti.

Aishite imasu,” sunod nitong bulong.

Masarap pakinggan.

Aishite imasu.”

Kahit hindi niya nauunawaan.

Aishite imasu.”

Ang mahalaga’y maganda sa pakiramdam.

Nang siya’y matapos, pumalakpak si Ma’am Hana.

“Ang ganda! Napakaganda!”

Nangingiti pa rin siyang humarap sa amo. “Alam mo bang magpipitung-taon na ‘ko rito? Ako ang nagtagal sa ‘yo.”

Napamaang si Ma’am Hana, parang nag-aapuhap ng itutugon sa kaniyang tinuran. Muli naman itong pumalakpak—palakpak ng buong pagtangi sa loyalista, sa floristang tunay ngang isang artista.

Bilang tugon, sinunggaban niya ang amo at ang nagbunuan sila sa malamig na sahig ng bodega.

MASAGANANG tinatanglawan ng sikat ng araw ang luntiang kadawagan na hitik sa sampagita, ilang-ilang, morning glory at mansanilya. Naroon ang lalaki at babae na nakikilahok sa dakilang yugto ng buhay bilang mga nilalang sa mundong ibabaw. Nakikipagsabayan sa mga bubuyog sa pagsipsip ng nektar at pag-iwan ng mga mawo sa istigma ng mga bulaklak. Hindi pala ganoon katahimik ang babae dahil mahihiya ang mga bubuyog na humihiging sa mga halinghing nito. Buhay na buhay ang kadawagan sa ibon, paruparo, salagubang, sikada, at tutubi na nakikipagsabayan sa pagsabog ng binhi ng kalikasan.

Sa gitna ng polinasyon, ikinuwento niya rito ang lahat ng gusto niya sa Japan at mula sa mga labi ng babae, narinig niya ang parehong pag-ibig: Oo, sa akin galing ang iyong mga Decor. Gusto ko rin ang biyaheng cable car sa Bundok Unzen, ang mga templo sa Kyoto, ang mag-shopping sa Shibuya, ang tumira sa prefecture na sa linis ay pamamahayan ng mga isdang koi ang kanal, ang sentimental na pagkahulog ng mga talulot ng punong sakura upang makipag-unahan sa niyebeng bumabagsak sa Tokyo!

Wala na siya sa bodega. Wala na rin siya sa maliwanag na kadawagan. Nasa Unit 57 na siya ng tenement. May kama at mesa sa loob. Puti ang kumot at kobre-kama, kasing puti at lambot ng labada nila ng ama bago tupiin at ibalik sa otel sa nilakhang bayan. Katas ng mga bulaklak ang langis na nagpapabango sa labada. Naamoy niya ang bangong iyon ngunit dinaig ng pamilyar na baho na sumambulat mula sa sulok ng isipan. Ang pinaghalong sangsang ng fish port at ng bantot ng wet market na nanggigipalpal sa lusak, dalawang pook na namamagitan sa kaniyang maliit at masikip na apartment na araw-araw na inuuwian upang ipaalalang hindi pa siya ganap na nakauusad bagaman malayo na sa pinagmulang kanayunan.

Ang bahong iyon ay bangungot na nagpabalik sa kaniya sa realidad. Iminulat niya ang mga mata at pinagmasdan ang tulog na babaeng nakatalikod sa kaniya, nakaharap sa plorera na ginayakan niya ng mga higanbana.

Bumiling ang babae paharap at dahan-dahang nagmulat. Nagkatitigan sila nang ilang segundo bago niya hinaplos ang pisngi nito. “Isama mo ‘ko sa Saitama.”

Tahimik lang ang amo.

Bigla-bigla, mabigong mapagsino ang pakay, bumunghalit ang Hapon.

GALING siya sa banyo at pabalik na sa workshop nang madaanan ang isang matandang lalaking maysapusa rin ang mga mata. Sinipat nito isa-isa ang mga floristang abala sa pagtapos sa mga order.

Bigla-bigla, mabigong mapagsino ang pakay, bumunghalit ang Hapon.

Hindi niya maintindihan ang ipinuputok ng butsi. Malamang, isang kliyenteng hindi na naman nagustuhan ang dumating na bulaklak. Pihadong hindi kaniya iyon dahil natutuhan na niyang itsek ang mga order slip ng dalawang beses upang hindi na maulit ang katakot-takot na kahihiyan. Hindi ito ang kaniyang kliyente. Wala siyang pakialam sa bugok na floristang may toka nito. Natutuwa siyang nailipat na ang kamalasan!

Sa tabi ng kaniyang puwesto, inihahanda ng mangangariton ang bagong kabalyete para sa kaniyang mga bulaklak. Masigla niyang inayos ang mga tangkay ng kamelya, kampupot, krisantemo at liryo. Sa patuloy na paghuhuramentado ng mama, napatda siya nang marinig ang “Unit 57.”

Sa sandaling iyon, tarantang napasugod sa loob si Ma’am Hana. Binalingan ng mamang Hapon ang kanilang amo at pinagsisigawan ito sa harap ng mga trabahante. Kita ang pamumuo ng mga ugat sa pisngi at ang pamumula ng mukha nito.

Napansin naman ng mangangariton ang kaniyang reaksiyon. Tinitigan siya nito na tila gusto nitong itanong kung may problema. Pansin pa nito ang kaniyang pagpapawis at panginginig. Mataman siyang pinagmasdan habang inaayos ang mga kamelya, kampupot, t krisantemo at liryo sa kabalyete na suportado nito upang hindi mabuwal.

Minsan pang nagtanong ang mamang Hapon sa tinig na nakabibingi. Interogasyon ang nangyayari—hindi mahirap mawari dahil nanduduro.

Sa sulok ng workshop, pumutok ang iyak.

Nanginginig na itinaas ng pinakabatang florista ang kamay na tila paslit na nabisto sa kasalanang pamimitas ng bulaklak sa hardin ng iba. Ngunit hindi ito paslit. Ito’y nasa hustong gulang na, bagaman may kabataan pa. Mas bata sa kaniya, ganap nga lamang na namumukadkad sa pagkalalaki. Pumalahaw ito. “Seeeeeeeer!” At tuluyan nang umamin. “Ako po. Patawad, Ser!”

Sa buong eksenang iyon, nagtiim ang kaniyang mga bagang. Nag-ibayo ang panginginig, nanlaki ang mga mata, at nakipagtunggali ng sikdo ng galit. Siya man din ay may mga ugat nang namumuo sa pisngi at unti-unting namula ang mukhang kanina lang ay putlang-putla. Ngayon ay tigib siya ng suklam sa katrabaho na kung hindi lamang sa presensiya ng mama ay kanina pa niya binaldado gamit ang kabalyete.

Ibinalik niya ang tingin sa kanilang amo na sa banyagang wika’y pilit itinataboy ang mama. Naalala niya ang mga sinabi nito. Ang mga bagay na pareho nilang nakita sa Decor. Ang biyaheng cable car sa Bundok Unzen, ang mga templo sa Kyoto, ang mag-shopping sa Shibuya, ang tumira sa prefecture na sa linis ay pamamahayan ng mga isdang koi ang kanal, ang sentimental na pagkahulog ng mga talulot ng punong sakura upang makipag-unahan sa niyebeng bumabagsak sa Tokyo! Aishite imasu!

NAGPATULOY ang operasyon ng tindahan sa pamamahala ng aprentis na tuluyan nang naging manidyer. Wala na siyang balita tungkol sa mag-asawang Hapon. Isang araw, ipinamalita na lang ng mangangariton na wala nang Decor sa basurahan sa harap ng Unit 58. Wala na rin daw bakas ng pamumuhay ng kanilang amo sa nasabing unit.

“E, sa Unit 57? May tao ba?”

“Bakit?” pagtataka ng mangangariton.

“Kaniya rin ka—” natigilan siya at nahihiyang napakagat sa hopiang minindal. Nanahimik naman ang kaniyang kasalo na tila ba may nakagat na kapirasong bato sa nginunguya ring tinapay.

Noon niya napansin ang mangangariton. Hindi ba naroon na rin ito noong matanggap siya sa tindahan? Hindi ba ito ang tumulong sa kaniya na makahanap ng matitirahan noong bagong salta pa lang sa lunsod? Hindi ba ito pa ang kasama niyang naglinis ng naaagnas na apartment sa gitna ng fish port at wet market? Muli niyang pinagmasdan ang mangangariton at namangha sa kung anong dalisay na kalooban mayroon ito.

Nang sumunod ngang araw, sa harap ng Mihara Flowers, sa tagal ng pagkakatayo niya’y tila magkakaugat at magsasapuno na siya, naghihintay ng babae. Kahit wala nang lamang paboritong magasin ang kariton, sa unang pagkakataon, nanabik siya.

Naisasahimpapawid na naman ang sangsang mula sa kalapit na fish port at ng bantot ng wet market na nanggigipalpal sa lusak.

“Magandang gabi,” sabi ng babae nang dumating ito. Pilit man niyang paniwalaang naroon pa rin ang pagkiling sa kaniya, may pananamlay na sa mga tingin nito. Napangiti siya na parang hindi pa siya nahihindian, na siya’y may angkin pa ring kapangyarihan.

Lumabas ang pinakabatang florista. Pustoryoso—nakapomada, balat ang sapatos, at may pipitsuging relo. Napasulyap ito sa kaniya na may nahihiyang ngiti at niyakag ang mangangariton pauwi. Ginaygay ng pares ang kahabaan ng abenida, nagtatawanan habang hila-hila ang kariton.

Sa hanging tumatampal sa mukhang gapi, muli niyang nilanghap ang sangsang ng fish port at bantot ng wet market na nanggigipalpal sa lusak. Umaagos ang tubig sa kanal at nakita niyang may lumalangoy na koi! Pumitlag ang kaniyang puso, ngunit anong lagim nang muli niyang sipatin at matuklasang ito’y dumi ng tao! Pinigil niyang isuka ang suklam ng sikmura.

Nilapitan siya ng isang batang yagit at inalok ng panindang sampagita. Nakita niya ang kuwintas ng mga bulaklak at muling dumalaw ang samyo ng luntiang kadawagan na punong-puno ng sampagita at ilang-ilang at morning glory at mansanilya, isang tanawing matagal nang nalanta.

Pagkauwi sa apartment, isinuot niya ang kuwintas sa poon. Kinuha niya sa bag ang huling kopya ng Decor na kaniyang binuklat at nagtungo sa pitak para sa mga bulaklak.

Aishite imasu!

Sa pagkakatitig sa mga larawan, muli niyang inayos ang mga plano sa isipan, nangangarap ng mahalimuyak na buhay habang nagluluksa ang mga sampagita’t higanbana sa altar.