Ni CIRIO GALVEZ ALMARIO
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Pebrero 14, 1949)
NAGSISIKIP ang kanyang dibdib at abut-abot ang malalalim na buntong-hininga habang minamalas ng mga matang unti-unti nang hinihilam ng luha ang Araw na nilululon ng lumalaganap nang karimlan sa kanluran. Naka orasyon na ay nakaupo pa rin siya sa tabi ng durungawan at hawak ang liham na katatanggap lamang niya nang hapong yaon.
Manakanaka, ang liham ay idinidikit sa kanyang dibdib, sa tapat na tapat ng kanyang puso, saka buhat dito’y nagtutuloy sa kanyang mga labi, hanggang sa iyon ay mabasa ng luha.
Maikli ang liham, nguni’t ang kabuuan ng maikling kalatas na yaon ay parang tulis ng isang mahabang patalim na naglagos sa kanyang dibdib at sumugat hanggang sa kanyang puso.
Ramon, sa aking paglayo ay huwag mong ipalagay na makakalimutan kita. Lagi mong isa-isip na saan man ako naroon ay mananatili kang laman ng aking gunita. Hindi ko na makakalimutan kailan man na sa iyo ko isinanla ang matapos na sumpa ng aking unang pag-ibig, at lalo pang hindi na malilimot habang ako’y may hininga na sa iyo ko ipinagkatiwala ang lalong mahalagang yaman ko sa buhay. Sa aking paglayo ay maiiwan sa iyo ang aking puso at ang aking pag-ibig, samantala’y tataglayin ko sa alaala ang iyong sumpa, na maliban sa akin ay wala ka nang ibang mamahalin at pakaiibigin. Lagi kong idadalangin ang iyong kaligayahan. Inaasahan kong ipagdarasal mo rin ako upang mapanuto sa aking walang tiyak na patutunguhan. Kung sa aking pakikipagsapalaran sa magulong daigdaig ay samaing-palad akong masawi at hindi na tayo magkita, alalahanin mo lamang, na sa aking pagyao ay wala akong naging baon maliban sa walang kapantay na pag-ibig at pagmamahal sa iyo – MINA
Habang dahan-dahang tinitiklop ng nanlalamig na mga daliri ang liham na yaon, ay isa-isa namang nagbabalik sa gunita ang kanyang mga araw na lumipas.
Magkababata sila ni Mina. Magkatabi ang kanilang kubo sa Sabang-bato. Kapuwa magsasaka ang kanilang ama at mga manananim ang kanilang ina. Lumaki silang halos magkasabay sa gitna ng bukid, sa tabi ng sapa at sa baybay ng ilog. Naghahabulan sila sa mga pinitak. Nanguha sila ng mga sariwang bulaklak sa gilid ng landas at magkasabay nilang inialay sa dambana ng kanilang munting bisita sa nayon. Ang mabuting pagtitinginang iyang nang sila’y mga bata pa ay humanga sa kanilang matamis na pag-iibigan nang sila’y sumapit na sa gulang na labing-anim na taon. Nasa ikalawang taon na siya sa High School noon sa bayan ng San Diego. Si Mina ay hindi na nag-aaral nagbuhat nang mamatay ang kanyang ama. Tumutulong na lamang siya sa kanyang ina sa pagtatanim, sa paggapas, sa paggiik at sa paglala ng banig.
Namatay ang ina ni Mina. Isang matanda nang ale ang tanging kasama niya noon sa kanilang kubo. Ang kubong iyan ang naging piping saksi nang ipagkatiwala na sa kanya ni Mina ang lalong mahalagang yaman nito sa pagkababae.
Matatag ang sumpa niya kay Mina.
“Pakakasal tayo pagkatapos ng aking pag-aaral.”
Malaki ang pananalig sa kanya ni Mina. Umaasa itong pagkatapos ng kanyang pag-aaral ay pakakasal na sila.
Nguni’t ang lihim na pag-iibigang yaon ay nakarating sa kaalaman ng kanyang ama. Hindi niya nalalaman ay nilait nito si Mina. Binuksan ng kanyang ama kay Mina ang madilim na kasaysayan ng ina nito.
“Pinaggugugulan ko ang aking anak sa pag-aaral, upang balang-araw ay makatagpo siya ng isang karapatdapat na babaing magtataglay ng kanyang pangalan at ikararangal na ina ng kanila magiging mga anak.
Wala siyang nalalamang ano man ukol diyan. Dinatnan na lamang niya si Mina, isang Biyernes ng hapong galing siya sa pag-aaral, na malungkot, kagat ang mga labi at nakayukong ni ayaw man lamang siytang tanawin. Pinilit niyang alamin ang sanhi ng kalungkutang yaon. Umiiyak si Minang ipinagtapat sa kanya ang lahat. Hindi siya nakaimik. Naramdaman na lamang niyang nagngangalit ang kanyang mga ngipin, habang tila nilalagnat ang kanyang mga palad na dahan-dahang humihigpit ang pagkakakuyom.
“Mina, oo, magpapatuloy ako sa pag-aaral hanggang sa ako’y makatapos ng ano mang karunungang mamarapatin ng aking ama; hindi upang makalimutan kita, kung hindi upang ikaw ay makahati ko sa malaki man o maliit na karangalang aking tatamuhin. Ang kanilang nais na magpatuloy ako sa pag-aaral ay hindi makababawas ni katiting sa laki ng pag-ibig at pagpapahalaga ko sa iyo.”
Naaliw si Mina at nabuhayan ng pag-asa. Subali’t ang kanyang ama ay parang katatakutang lagi nang napakikita kay Mina sa mga araw na siya’y nasa paaralan sa malayong kabayanan ng San Diego. Ang mga pangungusap ng kanyang ama ay siyang nagpaparupok sa pag-asa ni Mina, hanggang sa maisipan nito ang maglayas nang walang tiyak na patutunguhan.
Dahil sa salaping iyang ay nakapagpatuloy siya sa pag-aaral. Buwan-buwan ay tumatanggap siya ng salaping kailangan niya sa kanyang mga gugulin sa paaralan. Ang tangi niyang ikinalulungkot ay ang pagkabigo ng lahat ng kanyang pagsisikap, na muling makita si Mina at makilala ang kanyang kamag-anak na tumutulong.
“Diyos ko, patnubayan mo po siya, upang maligtas sa mga kapahamakan,” ang tangi niyang nasabi na sinundan ng lalo pang malalim na buntong-hininga, habang itinatago ang liham ni Mina.
Dalawang taong mahigit na nagtiis siyang hindi man lamang nakita o kaya’y nabalitaan kung ano na ang nangyari sa lumayo niyang katipan, hanggang sa siya’y makatapos sa High School. May sakit noon ang kanyang matanda nang ama, nguni’t ito’y mapili sa kahilingang magpatuloy siya sa pag-aaral sa Maynila.
“Huwag mo akong alalahanin. Ako ay gagaling sa aking karamdaman at hindi pa ako mamamatay, hanggang hindi ka nakatatapos sa ano mang karunungang ipagkakapuri ko sa harap ng Diyos at ng ating mga kababayan,” ang wika ng kanyang ama.
“Nguni’t lilimang buwan pa siya sa Maynila ay namatay na ang amang iyan. Ang pagyao ng kanyang ama ay malabis na dinamdam ni Ramon, sapagka’t tiyak na matitigil siya sa pag-aaral. Ang kanyang matanda nang ina ay walang ano mang maitutulong sa kanya, bagaman malaki rin ang pagnanais nito na siya’y makatapos sana ng kahi’t na anong karunungan. Ibig niyang makalimutan kahi’t saglit man lamang ang masakit na dagok na yaon ng kasawian. Ibig niyang maparam sa kanyang gunita ang malulungkot na alalahaning nagpapahirap sa kanyang kalooban. Nang gabing yaon ay umakyat siya sa isang panggabing klub upang maglibang, maglasing at malimutan ang mga sama ng loob sa pamamagitan ng masasayang tugtugin, ng matapang na alak at ng bangong nagbubuhat sa mapuputi at tila bulaklak na dibdib at pisngi ng magagandang tagapaglingkod doon.
Nguni’t ang tila humahalakhak na mga nota ng musika, gayon din ang matatamis at tila naglalambing na ngiti ng mga naglilingkod sa klub na yaon ay ni hindi nakabawas sa kalungkutang nararamdaman noon ng kanyang puso.
“Alak; bigan ninyo ako ng lalong matapang na alak,” ang kanyang wika.
Nagsimula siya sa pag-inom. Pamaya-maya pa’y basu-baso na kung tunggain niya ang matapang na alak, hanggang sa gumiti ang malamig na pawis sa kanyang noon at sa buo niyang katawan. Lumamlam ang kanyang mga paningin at nangalog ang kanyang mga tuhod, subali’t nalalaman pa rin niya ang lahat ng nagyayari sa kanyang paligid. Malinaw pa niyang naririnig ang usapan sa kanyang tabi at ang halakhakan sa dako pa roon. Nagpatuloy siya sa pag-inom hanggang sa maramdaman niyang namimigat na ang kanyang ulo at unti-unti nang umiikot ang lahat ng naaabot ng kanyang tanaw. Tinangka niyang tumindig, nguni’t wala nang laban ang kanyang mga paa; gayon man ay hawak pa rin ng nanginginig niyang mga kamay ang baso at ang bote ng matapang na alak.
Sa pagkakayukong nakapikit ang mga mata, naramdaman niyang may mga kamay na nag-aalis sa baso at sa boteng kanyang hawak. Nalanghap niya ang bangong nagbubuhat sa mga kamay na yaon.
“Huwag kang magpatuloy sa ginagawa mong iyan, sapagka’t iyan ay makasisira sa iyong pag-aaral at sa iyong magandang hinaharap, na sa simula pa’y pinapangarap na ng iyong ama.
Pabulong halos na binigkas sa kanya ang mga pangungusap na iyon ng isang nagmamalasakit sa kanyang ikapapanuto at sa kanyang kinabukasan. Marahan niyang itinaas ang nalalabo na niyang mga paningin, upang kilalanin ang nagsasalita na siya ring nag-alis ng baso at bote ng alak sa kanyang mga kamay.
“Mina…!” ang tila nagulat niyang wika, habang walang kakurap-kurap ang mga matang nakapako sa mukha ng babaing yaong isa sa mga tagapaglingkod sa panggabing klub.
Tinanaw muna siya ng babaing yaon, saka pagkaraan ng ilang saglit mulit itong nagsalita sa marahan ding tinig.
“Ako’y hindi si Mina, gaya ng iyong itinawag sa akin, at sabihin ko man sa iyo ang aking pangalan ay hindi mo rin ako makikilala. Sukat na ang mabatid mong isa ako sa mga manghihinayang kung masira ang iyong pag-aaral at ang iyong magandang hinaharap.
Pinilit ni Ramong tumindig bagaman nangangalog ang kanyang mga tuhod upang hawakan ang kamay ng kanyang kausap na babae, nguni’t ito ay mabilis nang nakalayo, na ibigin man niyang habulin ay hindi na niya magawa. Pabagsak siyang napaupo, hanggang sa nang hindi na mapaglabanan ang matinding kalasingan ay dahan-dahan siyang napasubsob sa kaharap na hapag.
Kinabukasan. Ang pangyayari nang gabing sinundan ay hindi pa rin nawawala sa kanyang alaala. Nakipagkita siya sa namamahala ng klub na yaon at inalam kung may naglilingkod doong Mina Salvador.
“Mayroon nga, nguni’t nagharap na ng pagbibitiw sa kanyang tungkulin kagabi,” ang paliwanag ng kanyang kausap.
“Ibig kong malaman kung saan siya naninirahan,” ang ulit ni Ramon.
“Wala akong nalalaman ukol diyan,” ang tugon ng tagapamahala ng klub.
Nagbalik si Ramon sa bahay na kanyang pinangaserahan na lalo pang malungkot. Madalang ang hakbang ng mga paang tila may pataw na nagtuloy sa kanyang silid na tulugan. Isang sobreng kulay rosas na nasa ibabaw ng hapag na kinalalagyan ng kanyang mga aklat ang unang bumulaga sa kanyang mga paningin. Sa sobreng yaong humahalimuyak sa bango ay maliwanag na nakasulat ang kanyang pangalan: Kay Ramon Portales. Marahan niyang binuksan ang nakapinid na sobre. Nanlaki ang kanyang mga mata at parang inalon ang kanyang dibdib sa lakas ng kaba nang makita niyang sa sobreng yaon ay nakapaloob ang limang dadaaning pisong papel, na may kalakip na isang maikling liham.
Huwag kang tumigil sa pag-aaral. Magpatuloy ka hanggang sa makatapos ng isang karunungan, gaya nang naging pangarap ng iyong mama. Bukod sa salaping kalakip nito ay tatanggap ka sa akin buwan-buwan ng mga sukat mong magugol sa mga kailangan mo sa paaralan. Huwag mo nang naising makilala pa ako. Sapat na ang mabatid mong ako’y isa sa mga nagmamalasakit sa ikatutupad ng magandang pangarap sa iyo ng iyong ama.
“Isang magandang babaing nakasakay sa magarang awto ang nagbigay niyan sa akin kaninang makaalis ka. Ang bilin ay ilagay ko sa ibabaw ng iyong hapag upang makita mo sa iyong pagdating,” ang paliwanag ng may-ari ng bahay na pinangangaserahan ni Ramon nang ito ay kanyang tanungin.
“Hindi ba naman sinabi sa inyo kung siya ay sino?”
“Ang sabi ay kamag-anak mo raw siya na may malaking utang na loob sa iyong ama. Lalo nang nagulo ang isip ni Ramon. Sa simula’y ibig na sana niyang maniwala, na ang nagbigay sa kanya ng tulong na yaon ay si Mina, upang makatapos siya sa kanyang pag-aaral, sapagka’t buhay pa pala si Mina, at maliban dito ay wala na siyang iba pang nalalamang dapat magmalasakit sa kanyang magandang kinabukasan. Nguni’t ayon sa babaing may-ari ng bahay na siyang pinagbigyan ng sobre, ang maydala noon ay isa niyang kamag-anak na may utang na loob sa kanyang yumao nang ama.
Dahil sa salaping iyang ay nakapagpatuloy siya sa pag-aaral. Buwan-buwan ay tumatanggap siya ng salaping kailangan niya sa kanyang mga gugulin sa paaralan. Ang tangi niyang ikinalulungkot ay ang pagkabigo ng lahat ng kanyang pagsisikap, na muling makita si Mina at makilala ang kanyang kamag-anak na tumutulong.
Nakatapos na siya sa kolehiyo ng medisina. Nakapagsanay na rin siya sa iba’t ibang malalaking pagamutan. Humarap na siya sa pagsusulit na ibinigay ng pamahalaan. Hinihintay na lamang niya ang balita ukol sa naging wakas ng idinaos na pagsusulit nang muli siyang tumanggap ng sobreng kulay rosas, nguni’t wala nang lamang salapi na gaya nang una. Maikli lamang ang liham na nasa loob ng sobreng yaon.
Ramon… ibigin ko mang padalhan ka ng salapi na nalalaman kong kailangan mo, sapagka’t hindi ka pa kumikita ay hindi ko na magawa, dahilan sa akong karamdaman. Kung hindi na ako makatawid sa sakit kong ito, ang tangi kong ipinakikiusap sa iyo ay kalingain mo sana at papag-aralin hanggang sa makatapos ang aking anak na si Salvador Portales na may walong taong gulang lamang ngayon, at kasalukuyang nag-aaral sa Rizal Elementary School. Salamat kung iyan ay magagawa mo, hindi alang-alang sa hinaharap ni Salvador, kundi alang-alang na lamang sa akin.
Ang unang ginawa ni Ramon ay nagtungo sa paaralan at hinanap ang batang si Salvador. Kailangan niya itong tulungan sapagka’t nakatapos siya sa pag-aaral dahil sa tulong ng ina ng batang ito.
“Sino ang iyong ina?” ang tanong niya sa bata nang ito ay kanyang matagpuan.
“Si Mina Salvador,” ang maliwanag na tugon ng bata.
Napakagat-labi si Ramon nang malaman niyang ang ina ng batang ito ay si Mina.
“Sino naman ang iyong ama?” ang ulit niyang tanong.
“Si Ramon Portales,” ang lalo pang maliwanag na sagot ng bata.
Parang dinagukan ang dibdib ni Ramon sa kanyang narinig. Nagunita niya ang isa sa mga bahagi ng huling sulat ni Mina bago ito umalis sa lalawigan…
at lalo pang hindi ko na malilimot habang ako’y may hininga na sa iyo ko ipinagkatiwala ang lalong mahalagang yaman ko sa buhay.
“Saan naroon ngayon ang iyong ina?”
“Nasa aming bahay at may sakit.”
“Tayo na. Ibig ko siyang makita,” ang tila hinahabol na wika ni Ramon sa kanyang anak na noon lamang niya nakilala.
Kapuwa sila naluha nang magkatama na ang kanilang mga paningin. Masasal ang tibok ng puso ni Mina. Tila inalon naman ang dibdib ni Ramon.
“Mina…!”
“Ramon…!”
Ang mahina at payat nang katawan ni Mina ay kinalong ni Ramon. Pinapag-init niya sa halik ang namumutla nang mga labi at pisngi.
“Dahil sa iyo’y naging manggagamot ako. Kailangang pakinabangan mo ang aking natutuhan. Ikaw ang unang dapat na umani ng bunga ng iyong mga pinaggugulan. Gagamutin kita, hanggang sa ikaw ay gumaling,” ang wika ni Ramon.
Hindi nabigo ang kanyang mga pagsisikap na mapagaling si Mina. Hindi nasayang ang kanyang pinag-aralan, sapagka’t pagkaraan lamang ng isang buwan ay nagbalik na ang dating kulay sa mga labi at pisngi ni Mina; nagbalik ang dating ganda ng kanyang mga mata.
Magaling na si Mina nang ipagtapat nito kay Ramon ang kanyang mga pagpapakasakit na ginawa upang kumita lamang ng malaki.
“Ako ay nagtipi. Tinipon ko ang lahat ng aking kinita sa paglilingkod sa klub na kinatagpuan mo sa akin. Sa pagnanais kong huwag akong maging dahil ng pagkatigil mo sa pag-aaral, ako ay umalis sa klub at nasok na mananayaw. Sinikap kong huwag mo akong makita at makilala, upang huwag masira ang iyong loob kung malaman mo kung saan nanggaling ang salaping ipinadadala ko sa iyo. Sa pagiging mananayaw ko ay nalalaman ng Bathala na hindi ako nagkasala sa aking sumpa na maliban sa iyo ay wala na akong iba pang lalaking iibigin at mamahalin sa paghahangad kong kumita ng malaki upang may magugol ka sa pag-aaral ay nagsayaw ako hanggang madaling-araw, na ang naging kapalit ay ang aking pagkakaramdam…
Hindi na natuloy ang iba pang sasabihin ni Mina, sapagka’t ang kanyang mga labi ay marahang ipininid ng mga labi ni Ramon.
Nang sumunod na Linggo, pagkatapos na mabasa ni Ramon sa mga pahayagan na kabilang siya sa mga nakasulit sa pagka-manggagamot, ay saka idinaos ang kanilang kasal ni Mina.
“Natupad ang pangako ko sa iyo, na ihahatid kita sa harap ng dambana pagkatapos ng aking mga pag-aaral,” ang nakangiting wika ni Ramon, pagkatapos ng kasal.
(Wakas)









