Ni Erwin M. Mallari
NOON ay may isang islang pinagkukuwentuhan. Islang may kababalaghan. Islang naroon kung saan. Marami nang sumubok hanapin ang islang nakikipagtaguan sa mga taong sobrang gahaman. Ngunit iilan pa lamang ang nakatagpo sa kayamanang handog ng islang biniyayaan ng kalikasan. Islang Pinagpala kung tawagin.
“Totoo! Totoo! Totoo! Noong ako’y nawala, isang higante ang sa akin ay nag-alaga!”
“Alagang hayop ay nagkalat, may hardin ng halamang gamot, nakapilang prutas at gulay. Totoong dito ikaw ay mabubuhay,” kuwento ni Lolo Alab sa mga batang nakasalpak sa upuang kawayan habang nakikinig.
“Nasaan kaya ang Islang Pinagpala?” bulong ni Kalinga habang napatulala sa sumasayaw na dagat. Sa pagbaling ng tingin sa likuran may mangilan-ngilang puno na kumakaway. Nag-aalon naman na damo ang nakapaligid dito. Ang isla nilang tinakbuhan ng biyaya.
Dumating ang Tatay ni Kalinga na may tatlong maliliit na isda.
“Maramot ang dagat ngayon. Sumabay pa ang malalakas na alon kaya ito lang ang aking naiahon,” mababa ang mukha ng kaniyang Tatay at may naiwang guhit ng alon pa sa noo. Pinaaliwalas naman ng ngiti ni Kalinga ang kaniyang Tatay.
“Tatay, hahanapin ko po ang Islang Pinagpala,” sabay ngiti ni Kalinga.
Bahagyang nawala ang matataas na alon sa noo ng kaniyang Tatay at isang panatag na ngiti ang ibinaling nito.
Tuwing gabi ay kinakausap ni Kalinga ang mga tala. Kinikislapan lang siya ng mga ito. Hihiga sa banig na ginawang dalampasigan at titigan ang maningning na buwan.
“Nasaan kaya ang Islang Pinagpala?” bulong niya. Sa paghahanap ng kasagutan sa kalangitan ay gumuhit ang isang nalaglag na tala. Isang napakahabang nagliliwanag na guhit na sinalo ng dagat. Sumambulat ang liwanag sa gitna ng dagat.
“Ang Islang Pinagpala!” sigaw niya. Tumakbo si Kalinga papunta sa kanilang maliit na kubo. Gusto niyang gisingin ang kaniyang tatay at nanay upang masabihan pero nang sumilip si Kalinga sa bintana, unti-unting nawawala na ang liwanag ng nahulog na tala.
Dahilan para ihanda ang lumang bangka at tahanan ay lisanin.
Isang gasera at kawayang sagwan.
Dalawang kamoteng binalutan.
Tatlong bote ng tubig at liwanag ng kakuwentuhang kalangitan. Hinehele ng alon si Kalinga habang bahagyang sinisinagan ng buwan. Pinipilit tanawin ang lumalabong guhit ng liwanag sa walang katapusang mga linya ng karagatan. Lumingon pabalik si Kalinga pero kinain na siya ng kawalan. Nawala na ang liwanag ng gumuhit na tala. Naglaho na rin ang liwanag na kanina’y sinusundan. Pero tuloy pa rin ang pagsagwan ng naliligaw na bata. Tumingin si Kalinga sa kalangitan.
Dahil sa nakamamanghang kuwento ng kanyang Lolo Alab tungkol sa Islang Pinagpala, naisip ni Kalinga na hanapin ito…
Niyakap ang sagwan at isinabay sa paghiga. Pumikit na lang si Kalinga at nagpaubaya sa tadhana.
Ang mainit na pangungumusta ng araw ang gumising kay Kalinga. Nasa isang isla siya na hindi niya pa nakita. Binati siya ng pagkamangha. Naghahabulan ang mga isda sa may dulo ng bangka. Sa kaniya namang pagbaba nagtataguan ang mga talangka. Animo’y may salo-salo ang mga laman-dagat sa hindi kalayuan. Nagtatalunan ang mga isda na parang nasa paligsahan. Sa kabilang dako naman, kumakaway ang sari-saring bunga sa loob ng isla. Samu’t sari ang puwede niyang titigan. Makulay ang kapaligiran.
May parada ng iba’t ibang halaman, prutas at gulay. Iba’t ibang hayop rin ang bisita ng mga puno.
“Ito na ba ang Islang Pinagpala?” bulong niya.
Tumakbo si Kalinga na mas mabilis pa sa mga nagtatagong talangka, rumagasa na parang ilog patungo sa gitna ng isla, parang bagyo na gustong manalasa. Pitas sa kaliwa, pitas sa kanan, lakad pasulong, nakalimutan na ang pag-urong. Subo. Nguya. Lunok. Isang piging na hindi matatapos.
“Ito na nga ang Islang Pinagpala!” sabi ni Kalinga habang may kagat-kagat na mangga.
Sa sobrang abala ni Kalinga sa pagpitas at pagkain, hindi na niya napansin ang pagyanig mula malalaking yabag na paparating.
“Sino ka estranghero?” tanong ng higante.
Halos mailuwa ni Kalinga ang nguya-nguya. Parang ipinako ng takot ang kaniyang mga paa. Napayakap na lang siya sa kaniyang mga nanginginig na tuhod. Pilit sinuot ang ulong hindi alam kung saan isusuot.
Nakita ng higante ang kaniyang pagkabigla. Bahagya itong bumuwelo para sa isang malakas na tawa.
Lalong napayukot si Kalinga sa nagbibirong higante.
“Huwag kang matakot estranghero. Kahit sino ay maaring pumunta at kumain dito,” sabi pa nito sabay abot ng mga bagong pitas na saging. Hindi kaagad umalis ang panginginig at takot ni Kalinga. Parang pagong na ayaw lumabas sa kaniyang bahay.
“Ayan, malayo na ako. Ituloy mo lang ang iyong pagkain,” sabi ng higante. Bahagyang sumilip si Kalinga sa pagitan ng kaniyang mga binti. Nakangiti ang higante at nakaupo sa hindi kalayuan. Maamo ang mukha nito hindi tulad sa mga nakatatakot na kuwento.
“Ako po si Kalinga, napadpad po ako dito dahil sa paghahanap sa Islang Pinagpala.”
“Ito nga ang Islang Pinagpala. Marami na ang naligaw rito. Tanging ang mga tala at buwan lang ang may alam sa lugar na ito,” sabi ng higante.
Nasabik si Kalinga sa narinig.
“Dito ay makakain mo ang kahit ano, ako ang nagtatanim at nag-aalaga sa islang ito. Halika’t ipapakita ko sa’yo,” yaya ng higante.
Iniikot ni Kalinga ang paningin habang naglalakad. Bawat sulok ay parang hardin dahil sa mga sari-saring puno’t halaman. Mula sa halamang gamot, panangkap, gulay at prutas na hindi matapos-tapos. Lahat ng parte ng isla ay may nakatanim na tumutugma sa kuwento ng kaniyang Lolo Alab. May ilang sumusunod na hayop din sa kanilang paglalakad.
Sa gitna ng isla ay ang bahay ng higante. Pagbukas sa malaking pinto ay nakahilera ang iba’t ibang buto na nakalagay sa mga malalaking bayong. May mga bagong punla sa ilalim ng malaking lamesa.
Humiling ang higante kay Kalinga kung maaari itong tulungan sa gawain kapalit nito ay maaari niyang kainin ang nais niya. Itinuro ng higante ang dapat gawin. Matapos ang buong araw kahit ito ay nakapapagod ay napawi ito sa inihandang pagkain ng higante. Pagkain na ngayon lang matitikman ni Kalinga.

Sandaling nakalimutan ni Kalinga ang kaniyang pamilya. Araw-araw, iba’t iba ang dapat gawin; mula sa pag-aalaga ng hayop, pagtatanim ng iba’t ibang halaman, at paglalagay ng kulungan ng isda upang paramihin at alagaan. Pangangalaga sa islang biyaya. Lumipas ang mga araw at nasanay na si Kalinga.
Pero isang araw habang abala sa pagbubuhaghag ng lupa, nakakita siya ng lumang sagwan. Naalala niya bigla ang kaniyang tatay at nanay. Dahil sa napamahal na siya sa ginagawa ay nakalimutan na ni Kalinga ang tunay niyang pakay. Pinuntahan niya ang lugar kung saan niya iniwan ang bangka pero wala na ito. Bumalik upang itanong sa higante kung nakita nito ang kaniyang bangka. Hinanap niya ang higante pero wala rin ito. Inikot, sinuyod at hinalughog ang isla pero wala talaga ang hinahanap niya. Makailang ikot ang ginawa pero ang kaibigan ay wala. Kahit ang mga hayop niyang alaga ay gusto na niyang tanungin para malaman lang kung nasaan ang kaibigan. Sa pagpapaalam ng araw ay wala siyang nakitang bangka at kaibigang higante.
Bumagsak siya sa pagod at kasabay nito ang mga luha. Sumunod na rin ang biglang paglisan ng malay. Gumising siya na masama ang pakiramdam. Pinilit umuwi sa bahay na walang masasabihan. Kumpleto ang pagkain pati ang mga halamang gamot ngunit wala ang paboritong yakap ng inay. Bumangon si Kalinga at pinilit uminom.
“Patawad, ‘Nay, patawad, ‘Tay,” bulong ni Kalinga habang yakap ang sarili.
Lumipas ang araw at ang sakit ay gumaling. Itinuloy na lang ni Kalinga ang nakagawian at sa bawat oras ay nag-aabang ng pagbabalik ng kaibigan. Gusto man lisanin ni Kalinga ang Islang Pinagpala ay hindi niya magawa. Wala siyang bangka at hindi siya marunong gumawa. Ang pag-aalaga na lang sa isla ang alam gawin ni Kalinga.
Isang hapon ay natanaw ni Kalinga ang isang malaking bangka. Sakay nito ang kaniyang kaibigan. Nagbalik ang higante. Parang hanging tinangay si Kalinga sa pagsalubong. Malayo pa ang kaniyang kaibigan pero kaagad siyang nasa dalampasigan.
Kasabay ng pagbaba ng higante ang isang bagong bangka.
“Kalinga, ito ang bagong bangka na aking pinagawa. Kailangan mo nang bumalik sa inyo. Sigurado nag-aalala na ang magulang mo. Baunin mo ang mga ito sa iyong paglisan,” bilin ng kaibigang higante.
Sa kasabikan hindi na naintindihan ni Kalinga ang mga sinabi ng kaibigang higante. Nagpasalamat at kaagad lumayag. Papikit na ang araw nang siya’y lumisan. Nagsindi na ang kalangitan ng mga tala. Sumilip ang buwan at nagpatuloy ang paghele ng mga alon. Tumingin si Kalinga sa kalangitan. Niyakap ang sagwan at isinabay sa paghiga. Pumikit si Kalinga at nagpaubaya sa tadhana. Pagmulat niya ay isang tala na lang ang katabi ng inaantok na buwan. Bumangon si Kalinga. Bumungad sa kaniya ang kanilang isla. Isinigaw kaagad ang mga naiwang salita.
“Nanay! Tatay!” sigaw na pagkalakas-lakas.
Lumabas ang mag-asawa at sinalubong si Kalinga. Naramdaman ulit ni Kalinga ang yakap na hinanap-hanap.
“Kalinga, saan ka ba nagpunta? Kami’y nag-aalala.”
“Totoo! Totoo! Lolo! Totoo!”
Pinutol ang ikukuwento niya ng iyak ng isang biik. Pagkabuklat ni Kalinga sa ipinabaon ng kaibigan, nakita niya ang samu’t saring buto at mga alagaing hayop. Napangiti si Kalinga dahil sisimulan na niya ang bagong islang pinagpala. Hindi na ito isang kuwento.









