Si Magiting at Si Mariposa

Biglang sinunggaban ng matipunong lalaking pusa ang mayuming si Mariposa. Kinagat niya ito sa likurang leeg, sa may bandang batok.

Ni Nestor Cuartero

DOON pa talaga sila nagpang-abot.

Malapit sa maluwang na pintuan, sa may hagdanang tatlong baitang lang. Sa harap mismo ng simbahan.

Kanina ko pa sila pinagmamasdan. Maharot, malikot na naghahabulan sina Magiting at Mariposa sa gilid ng simbahan. Paikot-ikot sila sa loob at labas ng banal na lugar.

Katatapos lang noon ng pang hapong misa at unti-unti nang nagsisiuwi ang mga parokyano. Nag-aagaw na ang dilim at liwanag. Kulay mapusyaw na kahel na ang langit.

Sa harapan ko mismo, nagpang-abot ang dalawang pusa. Biglang sinunggaban ng matipunong lalaking pusa ang mayuming si Mariposa. Kinagat niya ito sa likurang leeg, sa may bandang batok.

Noong una’y tahimik lang si Mariposa, na para bang ikinatuwa pa ang pagkagat sa kanyang likod. Chill lang siya.

Maya-maya’y bumaligwas siya at pilit kumawala sa kanyang mananakop. Parang may naramdamang kakaiba. Baka kaya may masamang balak itong kaharutan niyang matandang pusang ito? Nakalaya nga siya at masayang tumakbong papalayo.

Hinabol naman siya nang walang humpay ni Magiting. Palibhasa’y mas bata pa, mabilis naming nakatalilis si Mariposa. Paikot-ikot silang dalawa sa paligid ng simbahan. Minsang nawawala sa aking paningin,minsang muling dadaan sa aking harapan, sa balisbis ng aking mga paa.

Sa isang iglap, habang nakaabang ako at aliw na aliw, nahablot ni Magiting muli ang batok ni Mariposa. Marahil mula sa pagod sa walang tigil na katatakbo, hindi na nakareklamo ang dalagitang si Mariposa.

Na paupo na lang siya sa apat niyang mga paa, na para bang nagdadasal sa altar. Wala naman akong nakitang emosyon sa kanyang mukha. Walang panlalaban o himagsik sa kanyang puso.

Nakadapa lang siya sa semento na para bang naghihintay lamang ng biyaya, limos, o kaya’y awa mula sa mga taong katatapos lang magsimba at mag-alay sa Diyos. Sa isip ko, baka kaya humihingi siya ng saklolo? Ngunit hindi naman siya natitinag sa kanyang kinatatayuan. Chill, part 2 siya.

Sa sandaling iyon, bigla siyang kinubabawan ni Magiting. Marahas. Matapang. Bruskoang dating ng nanggigigil na lalaking pusa na sa laki at pangangatawan nito ay halatang di hamak na mas matanda ito at marami nang karanasan sa kamunduhan at sa marami pang habulan.

Kung si Magiting ay Batangenyo, sigurado kong hari at henyo ito sa inuman. Isang tunay na barako. May pinakamalakas na boses. Machong-macho. Siyang tanging bangka sa umpukan ng mga lashenggero.

Siguradong ang kuwento niya sa susunod na barikan ay kung paano niya nagupo ang isang mabangong bulaklak na tulad ni Mariposa, nasa paningin ko ay ngayon pa lamang namumukadkad, nagdadalaga.

Ganoon pala maglambingan ang mga pusa. Napakabilis. Napakadali. Halos isang iglap lang.

Biglang sinunggaban ng matipunong lalaking pusa ang mayuming si Mariposa. Kinagat niya ito sa likurang leeg, sa may bandang batok.

Habang nakapuwesto si Mariposa na nakadapa at wari’y naghihintay lamang ng biyayang kinabukasan, dagli siyang tinurukan ni Magiting sa puwerta niya.

Sa puntong ito, nagdasal ako na sana’y walang ibang taong dumating at dumaan sa harap namin. Baka kasi maistorbo ang dalawa sa kanilang ginagawa at hindi matuloy ang maitim na balak ni Magiting. Coitus interruptus baga.

Baka tuloy umuwi silang luhaan at maging frustrated naman ang uterus ni Mariposa. At paano naman kaya kapag nagkagayon ang prostate ni Magiting?

Nagulata ko nang halos wala pang ilang Segundo mula nang tinusok ni Magiting si Mariposa ay bigla na lang siyang umiyak. Pumalahaw nang malakas na malakas. Wari ko’y nasaktan siya sa sandata ni Magiting. Ah, naisip ko, marahil ay isang birhen si Mariposa. Ito ang dahilan kung bakit umaayaw-ayaw pa ito noong una, at nakipaghabulan pa sa kanyang manliligaw. Marunong din yatang art of flirtation itong si Mariposa. Hindi kaya naman na siya ay masokista?

Ito naman kasing si Magiting ay masyadong marahas at nagmamadali. Ni hindi man lang nag-foreplay. Walang kissing-kissing, walang haplus-haplos diyan.

Ala eh, ay nasabi ko tuloy. Baka ‘yung pagkagat-kagat ni Magiting sa batok ni Mariposa ang uri ng kanilang foreplay. Sa tingin ko, parang nag-enjoy pa si Mariposa nang kinagat siya ni Magiting dito. Aba ay kung gayon, may pagkasadista pala ang mga pusang galang ito. Baka sa susunod na pagsimba ko ay dalhan ko sila ng itim na sinturon at leather pants with matching dagger knife.

Sa maigsing sandaling iyon, nabitin tuloy ang panonood kong animal edition ng Vivamax. Dagling binitawan ni Magiting si Mariposa, nabigla naming tumakbo na parang hiyang-hiya sa nangyari.

Kay Magiting, naalala ko ang aking kabataan. Walang kamuwang-muwang sa arte ng kaligayahan. Natawa ako sa alaala ng aking kinse anyos na sarili.

Naalala ko rin ang lovemaking ng mga palaka. Kung batid sana ni Mariposa ang estilo ng mga babaeng palaka. Hindi siya sana magagahasa.

Kung ayaw pala ng babaeng palaka na makipag-do sa lalaking palaka, na hindi niya type, nagkukunwari tong patay. Paglapit ng lalaking palaka, uumpisahan nang babae ang kanyang method akting. Nakahandusay na ito sa lupa at pinipigil ang hininga. Aakalain tuloy ng lalaking palaka na wala na nga itong buhay. Aayaw na ito at lalayo. Turn off. Hindi pala uso sa mga palaka ang necrophilia, o ang pakikipagtalik sa mgapatay. Mas masahol pa ang ilang tao sa kanila.

Habang lumilipad ang isip, nabaling muli ang aking paningin sa may hagda nang tatlong baitang sa harap mismo ng simbahan. Dito kung saan kanina lamang ay naglalampungan sina Magiting at Mariposa.

Nasaan na kaya sila? Naghahabulan pa kaya silang muli? Nag-part two kaya sila ng kanilang masidhing engkwentro? O, natutulog sa likod ng simbahan dahil sa pagod, sakit, hapdi, at maigsi at kakarampot na kaligayahan?

Dasal ko nang hapong yaon sa sumunod na misa ay pananagutan ni Magiting ang marahas na ginawa niya kay Mariposa. Maaaring naroon na sila sa kumpisalan sa loob ng simbahan bilang paghahanda sa kanilang nalalapit na engrandeng kasalan.