KUWENTO NG KANYANG ASAWA

Ni MAGNO Q. SEBASTIAN

(Unang nailathala: LIWAYWAY, Enero 16, 1950)

SA ano pa nag-asawa ang isang babaing magandang tulad mo, kundi rin lamang lalasap ng kaligayahan? — ang parang tuksong naririnig pa niya hanggang sa oras na iyon. “Kinaliligtaan ng asawa mo ang iyong gandang iyang may karapatang lumasap ng kaligayahan. Manunulat pa naman ang asawa mo ay hindi ka man lamang napag-uukulan ng matatamis na salita ng pag-ibig at pagmamahal. Gumising ka, Lety. Iniibig kita. Ipalalasap ko sa iyo ang tunay na ligaya at pag-ibig. Ako’y binata, malaya kong maidudulot sa iyo ang hindi naidulot ng iyong asawa sa mahigit na dalawang taon mong pagkakatali sa kanya.

At siya’y natuksong gaya ni Eva nang alukin ng ahas ng masarap at malinamnam na mansanas sa sanga ng kanyang kinalilimang puno. Nayag siya. Napahinuhod siya sa makisig na dentista na sa hapong yaon ay tutungo siya sa klinika dental nito. Araw ng Linggo. Walang konsulta. Ngunit naroon ang bataan ng dentista upang buksan siya. Kakaba-kaba ang kanyang dibdib sa panabik sa tuksong ibinulong sa kanya ng dentista nang huling pagpapagamot ng kanyang ngipin. Iyon ang araw na tipan sa kanya ng mapanuksong binatang dentista na hindi tinanggap ang kanyang pambayad na bigay ng kanyang asawa:

            “Marami akong salapi. Itago mo na iyan. Ibili mo ng damit, sapatos, pabango at iba pang kailangan. May karapatan ka upang gumandang lalo, sapagkat talaga ka namang maganda.”

            Ang mga salitang iyan ng dentistang gumagamot ng kanyang ngipin ay nagbigay ng kasiyahan sa kanyang uhaw na puso. Noon niya lalo nang naramdaman ang lungkot ng pananabik at pangungulila sa kanyang asawang tikis na nagpapabaya sa kanyang kasariwaan. Kaya’t nang sumapit ang Linggo, nang makapananghali na sila ay inihabilin niya, sa kanyang biyenang babae ang pasusuhin niyang si Baby at nagbihis, nagpabango at nagtungo sa klinika ng dentistang tumukso sa kanya at kanyang pinaniwalaan naman.

            Habang nasa bulwagang hintayan siya ng klinika ay nagbabangon sa kanyang alaala ang kapabayaan ni Lodovico. Si Lodovico ay makisig na makata, kuwentista at nobelista. Malaki ang paghanga niya kay Lodovico nang ito’y binata pa lamang. Nang magreyna siya sa Rizal Day sa kanilang pook ay si Lodovico ang hiniling niya sa Lupon upang magputong sa kanya ng nagkikisapang bato ng isang korona. Tinulaan siya ni Lodovico. Pinapurihan siya. Hinangaan siya. Ipinagmalaki niya ang ganoong karangalan. Kung kaya nga ba nang handugan siya ng isang tula sa pahayagan at pagkatapos ay padalhan siya ng liham na mabango sa pag-ibig ay hindi siya nakapagpigil sa pag-uumapaw sa kanyang puso ng kaligayahan. Dalawang buwan lamang, sa takot na baka magbago ng isip ang makata, ay sinagot niya ito nang pasang-ayon sa inihahandog na pagsuyo. Napakasal sila. Ipinalagay niyang magiging maligaya ang kanilang pagsasama. Ngunit talagang siya ay nagkamai mandin. Pagkaraan ng isang taong mahigit, nang nagdadalantao na siya ay napansin niyang maasikaso na siya ni Lodovico. Lulong na lulong ito sa mga pagsusulat. Minamadaling-araw sa pagsusulat. Hindi siya kumikibo, subalit lihim siyang naghihinanakit. Lihim siyang nagtatampo. Nang isilang niya si Baby ay lalo nang hinahatinggabi ng pag-uwi si Lodovico. Kung umuwi ay lasing pang madalas. Mahihiga sa kanilang katre, subalit pagkatahimik na ang lahat ay babangon. Magsusulat nang magsusulat at nakakatulugan na niya ito sa pagsusulat. Tinatanghali tuloy ng gising. Hindi siya nagpapahalata. Ngunit naghihimagsik ang kanyang sarili. At siya nga ay sinaktan ng ngipin. Dumulog siya sa isang dentista. Unang titig pa lamang sa kanya ng makisig na dentista ay parang may dumurog na sa kanyang puso. Pinagpaparinggan na siya nito ng matatamis na panunukso na nakalilikha ng pangingilabot na maligaya sa kanyang puso at sa kanyang kaluluwa. At nagkaroon siya ng giliw sa dentista.

            Pinagpahayagan siya ng pag-ibig na hindi naman niya pinagbaawalan, subalit hindi naman niya sinasang-ayunan nang hayagan. Nang malaunan ay nayag siyang paroon nga nang Linggong yaon. Nang dumating siya sa klinika ay wala pa ang dentista. Naiinip na siya ay wala rin ito. Para siyang nabahalisa. Hindi gaanong nagtagal at tumunog ang telepono. Ang bataan ng dentista ang sumagot:

            “Opo, narito na po sila!” ang narinig niyang sagot ng bataan.

            “Opo sasabihin ko po…!” ang naulinigan niyang sagot sa kausap sa nasa kabilang dulo ng kawad. Matapos ang gayong usapan sa telepono ay lumapit sa kanya ang bataan.

            “Aling Lety, darating na raw po si doktor, sandali na lamang!”

            Hindi niya malaman kung siya ay ngingiting kung papaano sa balita ng bataan na siya naman niyang hinihintay at kinasasabikan. Nang tumalikod ang bataan ay nasok ito sa isa pang silid sa dakong kaliwa ng bulwagan. Bumukas ang pinto at nakita niya roon ang isang katreng inaayos ng bataan. Naramdaman niya ang panlalamig ng kanyang katawan at bahagyang panginginig ng kanyang mga laman.

            Upang malimutan ang hindi niya mapagpasiyahang damdamin ay dumampot ng isang lingguhang tagalog na kalalabas lamang nang umagang iyon.

            Buklat siya nang buklat. Nakadadalawang dahon pa lamang siya ay nakita na niya sa isang sulok ng isang pahina ang larawan ng kanyang asawa at ang mga titik na nasa ibaba ng larawan ay ganito:

            “Si LODOVICO G. RANCEL, may-akda ng maikling kuwentong nasa pahinang ito at siyang nagtagumpay na kathang nagtamo ng unang gantimpalang limang daang piso.”

Namutla si Lety. Ang pamagat ng akda ay MUNTIK NANG MALIGAW. At bago niya nalaman ang kanyang ginagawa ay binabasa na niya ang akda ng kanyang asawa. Ang kasaysayan ay napakaliwanag. Inilalarawan ang isang makatang napangasawa ng isang magandang reynang kanyang pinutungan nang parangalan na nang gabi ng kasayahan sa MANILA GRAND OPERA HOUSE. Ang babae ay walang hilig sa hilig ng kanyang asawa. Malimit silang nagkakagalit. Ang lalaki ay hindi maawat sa pagsusulat. Sa galit ng babae ay pinabayaan ang kaisa-isa nilang anak. Nagdalo sa mga kasayahan ang ginang ng makata. Sa kadadalong ito ay nakatagpo ng babae ang isang halaghag na lalaking nagpapalipat-lipat sa kandungan ang mga dalaga at ginang na kanyang sinisimsiman ng kaligayahan. Naakit ang babae sa kakisigan ng bohemyong lalaki. Iniwan niya ang kanyang asawang makata at sumama sa halaghag na talisuyo. Ngunit natunton sila ng makata. Sinundan sila at nang malapit nang malaglag ang kanyang puri at kagandahan sa kamay ng mapagsamantalang lalaki ay siyang pagdating ng makata.

            Kasunod ng makata ay dalawang pulis na ang hanap naman pala ay ang kanyang muntik nang kalaguyuin buhat noon. Ang kanyang nasamahan pala ay kilabot na manghuhuwad ng salapi. Utak ng mga palsipikador sa Maynila.

            Hindi na nakuhang tapusin ni Lety ang kasaysayang sinulat ng kanyang asawa. Nalaylay ang dalawa niyang bisig. Napasandal siya sa silyong kinauupan at malambot na malambot ang katawan, saka maya-maya pa’y ginigitian na siya ng ganggamunggong pawis sa noo at sa leeg.

            Nang magbalik ang kanyang lakas ay napatindig siya. Natakot siya sa silid na may katre. Nasindak siya sa pintuang papasukan ng dentista. Para niyang nakikitang kasunod ng dentista ay papanhik si Lodovico. Marahil ay naliliyab ang mga mata. Marahil ay may hawak na rebolber at pasasbugin ang bungo niya at ng dentista. Mabibilanggo ang kanyang asawa. Siya’y mamamatay sa kahalay-halay na ayos na kapiling ang kanyang magiging kaagulo. Si Baby ay iyak nang iyak, wala nang ina at may ama nga ay nakabilanggo naman at naghihintay ng hatol na bitay.

            Napahumindig si Lety. Nangangatal ang kanyang buong katawan. Ibig na naman na manghina ang kanyang mga tuhod. Ngunit tinatagan niya ang tayo. Tinawag niya ang bataan.

            “Bakit ho?” ang tanong ng bataang nagtataka sapagkat siya ay nakaakmang aalis.

            “Aalis na ako…”

            “Darating na po si doktorr, sandali na lamang. Naantala po lamang marahil sa dami ng sasakyan sa lansangan,” ang paliwanag ng bataan.

            “Sabihin mong hindi ko na sila nahintay.”

            “Kagagalitan po ako niyon kung malamang pinayagan ko kayong umalis,” ang tinig ng bataan ay may pakiusap.

            “Ipakibigay mo na lamang ito,” ang sagot ni Lety na malayo sa sinasabi ng bataan.

            Isang sobre ang nalaglag sa palad ng utusan. Umalis na nagmamadali si Lety. Parang aabutan siya ni Lodovico. Parang sinusumbatan na siya ay hindi pa man sila nagpapang-abot ng asawa.

            Pagkasakay na pagkasakay ni Lety sa isang taksi ay siyang pagtigil ng awto ng dentista sa tapat ng kanyang klinika. Patakbo siyang nanhik.

            “Nasaan si Lety?” ang malakas na tanong sa bataan.

            “Umalis na po, naiinip!” ang sagot ng nalilitong bataan.

            “Napakahangal ka, bakit mo pinaalis?”

            “Hindi po mapigil.”

            “Bakit hindi mo ikinuha ng kahit anong mamimirindal habang wala ako?”

            “Ayaw pong magpaliban ng pag-alis, e! Ito po lamang ang iniwan,” ang wika pang iniabot sa dentista ang isang sobre.

            Akala ng dentista ay sulat ng pag-ibig ng nainip niyang giliw ang laman ng sobre.

            Ngunit hindi sulat ang nasa loob. Yaon din ang kabayarang kanyang tinanggihan. Nagbabayad si Lety. Naisip ng dentistang nakapahunus-dili ang ginang at nalinawan ng isip bago siya dumating.

            “Sayang na sayang, oo, sayang!” ang pahinagpis na wika ng dentista.

            Subalit inaliw ang sarili. Pagsakit na muli ng ngipin niyong pang-itaas na ipinagpaliban niya ang pagbunot ay baka bumalik uli si Lety. Nagsisi pa siya kung bakit naikabit agad ang mga ngiping pang-ibaba.

NANG dumating si Lety sa kanila ay hindi ang kanyang biyenang babae ang may hawak kay Baby kundi si Lodovico. Walang tao sa bahay kundi ang kanyang asawa at ang anak. Inuusig siya ng kasalanang hindi nga natuloy subalit binalak, ay napayakap sa asawa. May luha ang kanyang mga mata.

            “Asawa ko, patawad!” ang humihikbing wika niya.

            “Ano ba ang pinagsasabi mo?” ang wika ng makata na hindi maunawaan ang ipinagkaganoon ng ginang.

            “Manong magbihis ka’t itong bata ay aluin mo, katatahan lamang. Umalis pa naman ang nanay, sinundo upang humilot sa asawa ni mang Ariston!”

            Nang matiyak ni Lety na ang tinig ng asawa ay walang anumang kamalayan sa kanyang pagkakabingit sa pagkakasala ay pinahinahon ang sarili. Nagbihis at saka kinuha si Baby sa bisig ni Lodovico.

            “Bakit ba umiiyak ka nang dumating?”

            “Napakasakit ang huling binunot sa aking ngipin!” ang pagsisinungaling niya wika. Yaon lamang ang paraan upang huwag mabahiran ng ulap at hindi pagkakaunawaan ang kanilang pagsasama. “Saka ako’y natagalan, kaawa-awa si Baby!” ang wika pang kinimkim ang anak sa tapat ng dibdib.

            “Ganoon lamang ay naiyak ka na. Dapat kang matuwa.”

            Namutla si Lety. Tila may palaman ang salita ni Lodovico. Baka kaya nalalaman na rin.

            “Sapagkat nagtagumpay ang aking nilalamay-lamay na kuwento. Hindi mo ba nabasa sa labas kanina ng lingguhang nagpatimpalak.

            “Hindi pa. Siyanga ba? Magkakaroon na ng kuna ang anak natin.”

            Hindi nahalata ng makata ang panlilibang na tinig ng nakikiramdam pa ring si Lety.

            “At maibibili na kita ng maiinam na damit. Mapapalitan na ang ibinayad mo sa dentista.

            Nang gabing iyon ay hindi nagsulat si Lodovico. Naramdaman niya sa suyo nito nang sila’y magkapiling na sa tulugan, na minamahal pa rin siya ng asawa at natunayan niyang maapoy pa at masigabo ang makata. At nang umumaga ay isinumpa na niyang kahit na siya saktang muli ng ngipin ay hindi na siya sa dentistang iyon dudulog.

            Isang “AY, SALAMAT NA LAMANG…” ang kanyang naibulong habang ipinapasok ang bandehado ng pagkain sa mesang pinaghihintayan ng kanyang asawa, na kalong ang kanilang si Baby at ng kanyang mapagpasunod at mabait na biyenan.

(Wakas)