TALISMAN

“Kay-gandang lalaki!” ang wikang sinabayan ng isang mahabang paghinga.”

Ni NEMESIO E. CARAVANA

(Unang nailathala: LIWAYWAY, Pebrero 13, 1950)

(IKA-6 LABAS)

PAGKATAPOS na mapawi ang alingawngaw ng putok ng rebolber ni Ricardo Montez, ay narinig ang malutong na halakhak ng hindi nakikitang linalang. Lalo nang kinilabutan ang inhinyero. Hindi na niya nagawang magpaputok na muli, pagkat nagbanta ang tinig:

            “Sa sandaling muli kang magpaputok ay bubutasin ko ng punlo ang iyong bungo. Umakyat ka sa iyong tahanan kung ibig mo pang mabuhay!”

Naging mabilis ang mga paa ng inhinyero sa pagbilang sa nangingislap na mga baytang ng hagdanan. Humihingal na dumating sa itaas si Ricardo at tuluy-tuloy siya sa silid ng kanyang asawang inabutan niyang basa pa rin ng luha ang mga mata.

            “Ano ang balita?” ang gulilat na tanong ni Rodora.

            Hindi man lamang nakasagot si Ricardo. Lumapit sa kinauupuang sopa ng asawa, saka…

            “Masisiraan yata ako ng pag-iisip,” ang naitugon ng lalaking malikot ang mga mata. “Sinusundan ako ng mahiwagang linalang. Narinig ko ang kanyang tinig sa hagdanan.”

            Nanlaki ang mga mata ni Ricardo nang makita niyang dahan-dahang nabuksan ang pintuang ipininid niya ang dahon. Nakarinig silang mag-asawa ng madalang na yabag ng mga paang pumasok sa silid. Napatili si Rodora at yumapos sa asawa.

            “Kaninong mga yabag ng paa ang naririnig ko?” ang usisa sa asawang takot na takot.

            “Mga yabag ng paa ni Dr. Fernando Octubre,” ang sagot ng mahiwagang lalaki sa buong tinig.

            Lalo nang hinigpit ni Rodora ang pagkakayapos sa kanyang asawa at isinubsob ang mukha sa diblib ng asawa, na ang mga mata’y nakapikit.

            “Ano pa ang kailangan mo sa amin?” ang napilitang usisa ni Ricardo.

“Nanakaw mo na ang tanging bulaklak ng aming pagmamahalan, ano pa ang ibig mo?”

            “Nais kong itigil mo na ang pangatawanang pag-uusig mo sa akin,” ang tugon ng mahiwagang tinig. “Kapag nagpatuloy kang mag-usig sa akin ay papatayin ko ang iyong anak.”

            “Wala kang puso,” ang lakas-loob na pakli ng babaing nakasubsob sa dibdib ng kanyang asawa. “Ano ang kasalanang nagawa namin upang parusahan mo nang malubha?”

            “Kasalanan?” ang tugon ng mahiwagang tinig,” mabigat na kasalanan. Naniningil lamang ako ng malaking utang ninyo sa akin.

            Nakarinig si Ricardo Montez ng tatlong hakbang na palapit sa kanila, saka… isang tapik ng hindi nakikitang kamay ang bumagsak sa kanyang balikat. Napatayo ang inhinyero na pinanlalakihan ng mga mata.

            “Huwag mo akong salingin!” ang wikang sabay-igtad ni Ricardo.

            Humalakhak na naman ang hindi nakikitang lalaki, hanggang sa…

            “Ano, ipinangangako mo na ba sa akin na titigilan mo ang pag-uusig?” ang sa malakas na tinig ay narinig sa hindi nakikitang manggagamot.

            “Hindi! Hindi! Hindi!” ang matigas na pakli ni Ricardo Montez. “Kasakdalang pamuhunanan ko ng buhay ay hindi ako tutugot hangga’t hindi nababalik sa amin ang bata. Higit sa ginto ay siya ang pinakamahalagang kayamanan naming mag-asawa.

            “Ha-ha-ha-ha-ha!” ang pakli ng tinig. “Ngayon mo natimbang ang kahalagahan ng isang anak. Ngunit nang mamatay sa mga gulong ng iyong awto ang aking bunso ay hinangad mong bayaran ng salapi. Tinanggihan ko ang iyong alok. Wala kang narinig sa aking anuman. Hindi kita inusig sa hukuman. Panatag kang nabuhay sa loob ng limang taon. Naging malaya ka sa pangingibang lupain, hanggang sa malimot mong may malaki kang utang sa akin. Ipinadarama ko sa iyo ang damdamin ng isang amang mawalan ng kanyang anak. Hindi pa lubhang masakit ang nangyari sa iyo, pagkat ang bunso mo’y buhay pa at humihinga, na hindi katulad ng aking anak na namatay na durog ang mga tadyang. Hindi ko maaaring malimot ang halos luray na katawan ng aking anak na hindi na makilalang dinala ko sa libingan.”

            Namarating walang katinag-tinag sa kanyang pagkatayo si Ricardo Montez. Halos pigilin ang kanyang paghingi habang nagsasalita ang mahiwagang tinig.

            “Kinuha ko ang iyong anak,” ang patuloy pa ng hindi nakikitang si Dr. Octubre, “upang maging kapalit lamang ng aking namatay na anak. Sa kasamaang palad ay napatay ko pati na ng aking asawa sa sandali ng kanyang pagsusuplong sa pulisya. Dapat mong malamang wala nang halaga sa akin ngayon ang buhay. Isinusumpa kong hindi makukuha sa akin ninuman ang sanggol. Sa sandaling tangkaing makuha sa akin ang bata ay papatayin ko… papatayin ko!”

Narinig ng mag-asawang mabilis na lumayo sa kanila ang mga yabag na umalis ni Dr. Octubre. Bumitiw sa pagkakayapos sa asawa si Rodora at pahabol na sumunod sa yabag na lumalayo, saka lumuhod.

            “Dr. Octubre,” ang kanyang pakiusap, “mahabag kayo sa akin. Malambot at babasagin ang puso naming mga ina, na hindi katulad ninyong mga lalaki. Mamatay ako pag hindi ninyo isinauli sa akin ang tanging anak namin.

            Huminto ang yabag ng umalis. Narinig ang kaluskos ng mga paang tumigil, saka…

            “Nalalaman ko,” ang pakli ng tinig ni Dr. Octubre, “malambot ang puso ninyong mga ina. Ang bagay na iya’y nasaksihan ko sa puso ng aking asawa, ng kahabaghabag kong asawang dahil sa pagsasanggalang sa nabanggit na sanggol at tangkang pagsusuplong sa pulisya ay namatay sa sakal ng matitigas kong daliri. Mapalad ka kaysa kanya, pagkat hanggang ngayo’y tumitibok pa ang iyong puso at humihinga ka, samantalang ang babaing naging ina ng batang namatay sa gulong ng awto ng iyong asawa ay bangkay na at ni hindi ko malaman kung saan napalibing. Ang lahat ay nilikha ng hindi ko malilimot na kapahamakan sa sigsag ng Bagyo.

            At hindi na narinig na muli ang mahiwagang tinig. Wala silang napakinggan kundi ang mga yabag, na palayo na nang palayo, hanggang sa maparam sa kanilang pandinig.

            Matagal na sandaling hindi nagkaimikan ang mag-asawa. Naging tahimik na tahimik ang silid na kanilang kinaroroonan. Parang masisiraan ng isip si Ricardo Montez, nang matunghayan ang asawang nakayupyop sa dalawang palad ang mukha, na gumagalaw lamang ang mga balikat sa hangaring maikubli ang mga paghikbi.

            “Hindi ako isang duwag na ama,” ang mahina, ngunit matigas na salita ni Ricardo, habang hinahaplushaplos ang ulo ng asawa. “Uulitin ko sa iyo ang aking sinabi kanina: “pamumuhunanan ko ng buhay ang pagkuha sa ating anak!”

            Nagtaas ng mukhang basa ng luha si Rodora. Tinitigang matagal na matagal ang mukha ng kanyang asawa. Nanumbalik sa guniguni ng namimighating ina ang mabigat na mga katagang narinig niya sa mahiwagang lalaki: “Sa sandaling muling tangkaing makuha sa akin ang bata ay papatayin ko… papatayin ko!”

            “Huwag! Huwag mo nang tangkaing mabalik pa sa atin ang anak ko,” ang pakiusap ni Rodora. “Matakot ka sa banta ni Dr. Octubre: “Sa sandaling muling tangkaing makuha sa akin ang bata ay papatayin ko… papatayin ko!” Mamatamisin kong huwag nang masilayan kailanman ang aking puso, kaysa makita ko siyang bangkay na malamig at hindi na humihinga. Magpapakasakit ako at magtitiis na magdalamhati, mamarati lamang sa aking guniguni na buhay ang anak ko.

            Natigilan si Ricardo. Hindi siya nakapagbuka ng labi sa banal sa kapasyahan ng kanyang asawa. Mga mata lamang niya ang pinapagsalita.

            “Ipangako mo sa aking hindi mo tatangkaing makuha pa ang ating anak, kung iuuwi mo lamang siyang bangkay,” ang narinig na naman sa mga labi ni Rodora.

            Tumango si Ricardo Montez upang mapagbigyan lamang ang kanyang mga mata, na siyang pinaglalagusan ng kislap ng nagbabaga niyang pusong nasusuklam kay Dr. Fernando Octubre.

            Nagpalakad-lakad si Ricardo sa malaking silid. Minsang hawakan ng dalawang daliri ang baba; minsang haplusin ang malagong buhok; at kung minsan nama’y mariing kagatin ang labi.

            Samantala’y dumating si Dr. Octubre sa matandang tahanang minana sa kanyang mga magulang, sa tahanang kinakitaan niya ng unang liwanag, na siyang pinaglagakan sa batang kanyang dinukot.

            “Kumusta ang bata?” ang tanong niya sa matandang lalaking utusan, na uugud-ugod na at siya pang nagpalaki sa kanya mula sa kamusmusan.

            “Mabuti,” ang pakli ng ubaning matandang halos bahagya nang maunawaan.”

            Pinasuso ko na ng gatas ng kambing. Salamat at natanong may pasusuhin ang dalawang inahin.

            Nasok sa silid ng lumang tahanan ang manggagamot. Isang ngiti ang namilaylay sa kanyang mga labi nang matapunang tanaw ang gagalaw-galaw na batang naipit ng dalawang unan sa lumang katre. Lumapit nang malapit na malapit si Dr. Octubre. Nang akmang daramputin niya ang bata upang kalungin ay narinig niya ang bahaw na tinig ng matandang utusan:

            “Fernando, maalaala ko pala… dalawang lalaki ang kumatok kanina sa pintuan at nagtanong sa akin kung sino ang may-ari ng tahanang ito. Sinunod ko ang tagubilin mo sa akin. Sinabi ko sa kanyang aking pag-aani. Itinanong kung may nakikilala akong Dr. Fernando Octubre. Sa pamamagitan ng isang iling na aking isinagot ay umalis na ang dalawang kahina-hinalang lalaki. Mabuti na lamang at hindi umiiyak noon ang bata.

            Isang ngiti ang naglaro sa sulok ng mga labi ng manggagamot. Ipinagpatuloy ang kanyang pagkuha sa bata. Inilapit nang malapit na malapit sa kanyang mga mata, hanggang sa…

            “Kay-gandang lalaki!” ang wikang sinabayan ng isang mahabang paghinga.

            Unti-unting nanlaki ang mga mata ng manggagamot. Nagunita niya ang unang tangkang ipalit ang glandula ng bata sa kanyang matanda nang glandula. Nanumbalik sa kanyang hinagap ang kanyang kabataan. Natukso siyang ipagpatuloy ang unang balak na patayin ang bata upang sa kanyang katauhan ay sumibol at magbalik ang kanyang lumipas na kahapon. Lumunok ang natutuksong manggagamot. Sinalat ng kanyang dalawang daliri ang balat ng mukhang kulubot.

            “Nakaririmarim ang kilabot ng kulubot kong balat,” ang wikang tatangutango. “Kailangang maging makinis itong kagaya nang aking kabataan.”

            At nagunita ni Dr. Fernando Octubre ang kanyang kasibulan: nang panahong nanunungkit siya ng mga talaat namimitas ng mga bulaklak sa halamanan ng pag-ibig.

(Itutuloy)