Ni VIRGILIO C. BLONES
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Abril 11, 1955)
“MAAARI bang subukin mong tumugtog ngayon, Celso?” ang wika ni Belen.
Binawi ni Celso ang titig sa dalaga at napipilitang humarap sa piyano. Huminga muna siya nang malalim bago nakapagsimulang tumugtog. Pumainlanlang sa loob ng bulwagan ang himig ng Leibestraeume ni Franz Liszt.
Bahagyang nakatingala at nakapikit si Celso habang pinapaglalaro ang mga daliri sa teklado, na wari’y ninanamnam ang bawa’t nota.
Nguni’t hindi natapos ni Celso ang tugtuging iyon. Sa dakong gitna ay nagsimulang sumama ang kanyang mukha, pagsama ng mukhang katulad ng sa isang kinukulili sa ingay. Naramdaman niyang hindi niya nadadala nang maayos ang tugtuging iyon…sa paraang ibig niya. Ang simpleng-simpleng tugtuging yaon na dati rati’y pinaglalaruan lamang niya ay hindi niya matugtog ngayon nang mahusay.
Naroon ang mga wastong nota. Hindi siya nagkakamali ng pagtipa sa mga teklado. Nguni’t ang himig ay salat sa damdamin. Sa tagong bahagi ng kanyang puso, sa kaibuturan ng kanyang kaluluwa ay tila nakadarama siya ng pagkakasala. Sapagka’t hindi niya maihayag sa tugtuging iyon ang kanyang damdamin. At hindi niya nabibigyan ng katarungan ang lumikha ng tugtuging iyon…ni ang tugtuging iyon.
Ang kamalayang iyon ay nagpapatindi sa init sa puso ni Celso at nang tila sasambulat na ang kanyang dibdib ay mariing napadagok siya sa mga teklado.
“Talagang bigo ako. Hindi na ako makatugtog nang mahusay!” ang mariing naibulalas niya sa sarili.
Pumihit si Celso at humarap kay Belen. Butil-butil ang pawis na gumigiti sa kanyang noo. Nanginginig ang kanyang tinig nang siya ay magsalita. “Sabi ko na sa iyo, Belen…Sabi ko na sa iyo na hindi na ako makatugtog ngayon!” at siya ay napasubsob sa kanyang dalawang palad.
“Nguni’t bakit, Celso? Ano ang nangyari sa iyo?” naitanong ni Belen. “Dati’y…”
“Oo, dati…” Mariing sinuklay ni Celso ng mga daliri ang kanyang buhok. “Dati…” at sa isipan na lamang niya naituloy ang pangungusap na iyon.
Dati’y nakatatagpo si Celso ng kasiyahan sa pagtugtog. Wari’y isinilang siyang kakambal ng tugtugin. Maagang kinilala siya sa pagtugtog sa piyano. Pagkatapos na pagkatapos niya sa konserbatoryo ng musika ay napabilang na ang pangalan niya sa mga bantog na manunugtog. Dinudumog ng mga mahilig sa musika ang bawa’t pagtatanghal niya.
“Ano nga ang sanhi’y di ka na makatugtog ngayong gaya dati?” ang muling tanong ni Belen. “Nagkaroon ba ng kapansanan ang iyong mga daliri?”
Dahan-dahang inilakad ni Celso ang kanyang mga kamay. Napailing siya. “Hindi, Belen…Ito rin ang mga daliring halos lumikha ng himala noong araw…ito ring mga daliring ito na ngayon ay tila nagsisipamigat sa ibabaw ng mga teklado…”
“Hindi ko maintindihan kung bakit biglang-bigla na lamang na hindi makatugtog ngayon,” at napabuntunghininga si Belen.
“Ako man ay nagtataka rin…” at sa isipan ni Celso ay pilit niyang inapuhap uli ang pinagsimulan ng pagkakagayon niya. Kailan ba nagsimulang hindi siya makatugtog? Kailan?
Walang kalamat-lamat ang katahimikang sandaling lumukob sa kanilang dalawa.
Nagunita ni Celso ang isa niyang pagtatanghal sa awditoryum ng isang bantog na Pamantasan. Nang gabing iyon ay punung-puno ang awditoryum. Bago pa lamang bumubungad siya sa tanghalan ay sinalubong na siya ng palakpakan. Nang yumukod siya ay lalong lumakas ang palakpakan. At nang lumikmo siya sa harap ng piyano ay saka lamang tumahimik.
Nagsimula siyang tumugtog. Nguni’t hindi sinasadya ay nagkabiso ang kanyang mga daliri. Hindi niya malaman kung bakit nagkamali siya nang gabing yaon. Maaari kayang sa labis na pagtitiwala sa sarili? Isang saglit lamang ang pagkakamaling iyon, nguni’t sa katahimikan ay walang hindi nakapansin niyon. At kinabukasan, nang tunghayan niya ang pitak ng mga kritiko ng mga pahayagan, ay inulit-uli ang kanyang pagkakamali. Wala na ang piyanistang si Celso Santos. Nang gabing iyon ay hindi siya ang nakaupo sa harap ng piyano at tumutugtog. Ang naroon ay isang baguhang sa pagtipa lamang ng teklado ay nakakamali! — anang isang kritiko.
Ipinagwalang-bahala niya ang mga sinabing iyon ng kritiko. Nalalaman niyang hindi na mauulit ang kanyang pagkakamaling iyon. Mag-iingat na siya. Mag-iingat…at ang mga daliri niya ay hindi na muling magkakamali.
Nang mga sumunod na pagtatanghal ay naging maingat na nga siya. Hindi na naulit ang pagkakamli niyang iyon, at laging tiyak ang pagtipa ng kanyang mga daliri sa teklado. Nguni’t may malaking ipinagbago ang kanyang pagtugtog. Nagkakaisa ang mga kritiko: “Wala na ang Celso Santos na isang henyo sa piyano, ang Celso Santos na nakadadala ng damdamin sa pagtugtog. Ang Celso Santos na tumugtog kagabi ay parang isang akademikong hindi nga nagkakamali sa pagtipa, nguni’t walang damdamin ang pagtugtog.”
“Nabasa mo na siguro, Belen, ang mga sinasabi ng kritiko tungkol sa pagtugtog ko ngayon, sa mga huli kong pagtatanghal.” May pait ang tinig niya nang magsalita. “Ang lahat ay nagkakaisang wala na ako…wala na ang dati kong sarili…Pinilit kong mapabulaanan iyon. Nagsumikap ako. Halos magda-magdamag na hindi ako tumitigil sa pagsasanay sa pagtugtog. Nguni’t ako na rin ang nakapapansing hindi na gaya ng dati ang aking pagtugtog. Walang damdamin, Belen…Hindi ko maipahayag ang aking sarili sa mga piyesang tinutugtog ko…Daig ko pa ang isang baguhang muling nag-aaral, nagsasanay, nguni’t wala ring nangyayari…
Ang pagkabigo ng kanyang puso ay tila lumulupig sa lakas ng kanyang kaluluwa. Napabuntunghininga siya.
“Kaya kumuha ka na, Belen, ng ibang tutugtog sa konsiyerto para sa kawanggawang iyan,” sabi pa ni Celso. “Nakita ko nang hindi na ako makatugtog.”
Walang kalamat-lamat ang katahimikang sandaling lumukob sa kanilang dalawa.
“Naipangako ko na, Celso, na ikaw ang tutugtog sa gabing yaon,” basag ni Belen. “Yaring-yari na ang palatuntunan at ikakalat na lamang ang mga tiket. Alam kong hindi mo ako bibigyan ng kahihiyan sa kapisanang kinabibilangan ko…”
“Nguni’t, Belen…”
“Celso,” putol ng dalaga, “ako ay katipan mo. Nguni’t hindi dahil diyan kung kaya ikaw ang pinili kong tumugtog para sa gabing iyon…Pinili kita sapagka’t malaki ang tiwala ko sa iyong kakayahan at alam kong muli kang makatugtog. Muli kang makababalik sa iyong sarili…Muli mong mabibigyan ng kasiyahan ang mga mahilig sa musika…Nagtitiwala ako sa iyo nang labis, Celso, at alam kong hindi mo lalamatan ang pagtitiwala kong iyan sa iyo…Kapag hindi ka tumugtog sa gabing iyon…”
Hindi siya makatanggi kay Belen. Kung magagawa lamang niyang tanggihan si Belen!
***
NANG gabing iyon ng konsiyerto, maaga pa ay naroon na si Celso.
Nguni’t si Celso lamang ang nakaalam ng laman ng kanyang isipan. Hindi niya maiwasan ang pananamlay sa tuwing sasagi sa kanya ang kapasiyahang nayari niya nang nakaraang gabi. Batid niyang tutugtog siya sa gabing iyon dahil lamang sa pagbibigay sa kanyang katipan.
Nakahanda na siya sa lahat ng mangyayari. Para na niyang nakikita ang sasabihin ng mga kritiko sa pahayagan kinabukasan. Wala na ang Celso Santos na dati’y… Nagtiim ang kanyang mga labi. Ngayong gabi ay nakahanda na siyang mawala nang tuluyan ang Celso Santos na kinilala sa pagtugtog sa piyano. Para na niyang nakikita ang kanyang pagkabigo. At ang gabing iyon ang kahuli-hulihan na niyang pagtugtog…pagkaraan ng pagkabigo sa gabing iyon, buo na sa loob niya, ay hindi na siya muling tutugtog. Hindi na!
Yaon ang dahilan kung bakit isang piyesang nagpapahayag ng pagkabigo at pagkadama sa kamatayan ang napiling tugtugin ni Celso sa gabing yaon. Akmang-akma iyon, naisip niya, sa pagkasiphayo at pagkamatay ng Celsong manunugtog.
Namimigat ang mga paa ni Celso nang lumabas siya sa tanghalan. Gaya ng kanyang inaasahan, walang katunug-tunog ang mga palakpak na iniukol sa kanya. Magalang siyang yumukod at lumikmo na sa harap ng piyano.
Tumugtog ang orkestrang sasaliw sa pagtugtog sa piyano ni Celso. Sa ubod ng kanyang puso ay nadarama niya ang kirot ng pagkabigo. Ang gunitang lalayuan na niya pagkaraan ng gabing yaon, ang musikang pinag-ukulan na niya mula pa sa pagkamusmos, ng isang walang kapantay na pagmamahal na parang tunay na kakambal niyang isinilang ay halos umagnas sa kanyang dibdib.
Nagsimulang tumipa ang mga daliri ni Celso. Ang himig na pumailanlang mula sa piyano ay tila daing ng isang kaluluwang naghihirap, nagmamakaawa, nagsisikap na mabuhay. At hindi niya namamalayan, nadala siya ng damdaming ipinahahayag ng himig na iyon. Ganap niyang nalimot ang kanyang sarili. Punung-puno ang kanyang damdamin.
Nagulat si Celso nang sa huling nota ng himig na iyon ay sumigabo ang matunog na palakpakan. Saka lamang nagbalik ang kanyang kamalayan at nakita niya ang mga manonood na nagsisipagbunyi. Napansin niyang may isang babae sa unang hanay ng upuan na nagpapahid ng luha. Hindi siya makapaniwala. Kung ilang sandali siyang napatigagal, bago nakuhang tumingin at yumukod sa mga manonood.
Masigla siyang kinamayan ng tagapamahala ng orkestrang sumaliw sa kanyang pagtugtog, at malugod siyang binati. Hanggang makalabas siya ng tanghalan ay hindi siya makapaniwalang nagtagumpay siya.
Matuling sumalubong sa kanya si Belen sa labas ng tanghalan. Nangingilid ang luha sa kagalakan nang yumapos sa kanya ang kanyang katipan.
“Alam ko, Celso,” wika ni Belen. “Alam kong makatutugtog ka uli…Alam ko…Kaya lamang, sa takot mong muling magkamali ay nawalan ka ng tiwala sa iyong sarili. Sa malabis na pag-iingat ay hindi mo na nadarama ang iyong tinutugtog…kaya hindi mo mabigyan iyon ng damdamin…Sabi ko na’t hindi masisira ang pagtitiwala ko sa iyo…”
Sa loob ng awditoryum ay umaalingawngaw pa ang hindi malagut-lagot na palakpakan, at alam ni Celso na kailangan pang magbalik siya sa tanghalan upang muling yumukod.
(Wakas)









