SA DULO NG LANDAS

“Dito kita dinala sapagkat ibig kong patunayan ko sa iyo na ang aking pag-ibig ay talagang hindi magbabago.”

Ni MACARIO G. PINEDA

(Unang nailathala: LIWAYWAY, Pebrero 13, 1950)

LUMALABAS si Nilo Lanting sa Ideal nang masulyapan niyang dumaraan sa bangketa ang isang babaing nakaluksa. Natigil ang kanyang paghakbang at sa kanyang mga mata’y nabadha ang kirot na biglang sumigid sa kanyang puso. At sa saglit na yaon ay tumingin ang babae sa gawi ng sine at ang kanilang mga mata’y nagtama.

            Nag-alinlangan ang hakbang ng babaing nakaluksa at nag-aalinlangan din ang ngiting sumungaw sa kanyang mga labi. Ngunit ang lalaking namamalas niya’y nakatitig sa kanya, nagliliwanag ang mukha, at nakangiti… nakangiti. At walang pag-aalinlangan ang tinig na nagsalita.

            “Mirla!”

            “Nilo Lanting…” marahang tugong tila hindi makapaniwala.

            “Kumusta ka, Mirla? Kailan ka pa rito sa Maynila?”

            “Kahapon lamang, Nilo. Kumusta?”                                                                    

            Sa paligid nila’y umaagos ang buhay ng lunsod. Inakay ni Nilo Lanting ang babaing nakaluksa sa restaurang malapit. “Sino ang kasama mo, Mirla? Ang mister mo? Magkape muna tayo rito.” Bahagyang nagtawa ang binata. “Nagmamadali ka ba? Sandali lamang, Mirla. Sabik na sabik akong tumunghay sa iyong pagmumukha!

            Nakangiting naupo ang babaing nakaluksa sa likmuang idinulot ni Nilo Lanting.

            “Ang mister mo, Mirla? Kasama mo ba siya rito sa Maynila? Kumusta, Mirla? Dalawang taon nang hindi kita nakikita. Ngayon ko lamang nalamang ako pala’y uhaw na uhaw na makita ka man lamang.”

            Isang malungkot na kislap ang sumungaw sa mga mata ng babae. At ang ngiti sa mukha ni Nilo Lanting ay napawi.

            “Patawarin mo ako, Mirla.” wika niyang marahan. “Hindi ako nalilimutang ikaw ay may pananagutan na. Kaya lamang ay sabik na sabik ako. Alam mo na, e. Kung… kung inaakala mong hindi marapat na tayo’y makita ritong magkausap ay sabihin mo, Mirla…”

            “Hindi naman, Nilo. Wala kang dapat alalahanin.

            “Noong minsang magtungo kami sa Kabanatuan ay binalak kong dumalaw sa inyo ngunit kinapos ako ng panahon.”

            “Kailan yaon, Nilo?”

            “Noong kuwan… may tatlong buwan na ngayon… “

            Isang mailap na kislap ang saglit na naglaro sa mga mata ni Mirla.

            Lumapit ang isang serbidor. “Kape ako,” wika ng binata. “Ikaw, Mirla? Kape rin? Dalawang kape, waiter.

            “Nalalaman mo ba ang bahay namin sa Kabanatuan?”

            “Oo. Noong minsang itinanong ko kay Nonong Lopez ay iginawa ko pa ng krokis upang huwag kong malimutan…”

            “Gayon pala’y bakit hindi ka dumalaw sa amin, Nilo?”

            “E… kinapos nga ng panahon at saka…” saglit na ngumiti ang binata na tila tinangkang balatkayuan ang kirot na nabadha sa kanyang mga mata. “Hindi ko matiyak kung… kung ang sama ng loob na tatamuhin ko’y masasapatan ng kaligayahan na makita kang muli… Alam mo namang hindi pa kita pinatatawad hanggang ngayon, Mirla…”

            “Hindi pa ba, Nilo? Akala ko’y…” at ang mga mata ng babaing nakaluksa’y saglit na nilambungan ng ulap, “akala ko’y napatawad mo na ako sapagkat niyaya mo pa akong magkape rito…”

            Pilit na ngiti ang itinugon ng binata. “Bakit ka naluwas ngayon, Mirla?” ang wikang halatang ibig na lamang na malayo ang salitaan. “Ang mister mo, kasama mo ba? Mabuti nga pala’y ganito, Mirla! Ngayong tanghali’y magsalu-salo tayo sa Manila Hotel… Para na lamang pagkikilala namin ng mister mo… at muling pagkikilala naman natin…

            “Hindi maaari, Nilo… Ang mister ko’y…”

            “Hindi mo kasama? Ow, naman… Ayaw mo lamang yatang magkakilala kami ng mister mo, e.”

            Saglit na tinitigan ng babaing nakaluksa ang binata. “Ang mister ko’y nasa Zamboangga, Nilo… Inihatid ko siya… kahapon sa paliparan.

            “A, gayon ba? At kailan ka naman babalik sa Kabanatuan?”

            “Bukas… marahil.”

            “Bukas pa? Kung gayon ay ikaw ang inaanyayahan ko ngayong tanghali. Hintay nga, Mirla! Ano ang gagawin mo ngayon? Saan ka tutungo?”

            “Wala naman. Ako nga’y talagang papasok lamang sa sine…”

            “Kung gayon ay ituring mong ako’y escort mo. Para na lamang tayong magkaibigang nagkita ngayon… at hindi magkasin… Payag ka ba, Mirla?”

            Tinitigang muli ng babaing nakaluksa ang binata. “Baka may magalit?”

            “Wala!” nagtatawang wika ng binata. “Talagang wala, Mirla!”

            Mapanlaw ang ngiting namilaylay sa mga labi ng babaing nakaluksa. “Sinungaling ka pa rin hanggang ngayon, ano?”

            “Kasing sinungaling kaya ng isang dalagang mahal daw ako nang gayon na lamang ngunit nagtungo lamang ako sa Amerika’y nag-asawa na sa iba?”

            Kitang-kita ng binata nakasakit ang kanyang biro. Tinapik niya ang maputing kamay na nakapatong sa hapag.

            “Patawarin mo ako, Mirla!” wika niyang marahan. Makailang kumurap ang babaing nakaluksa ngunit pilit din siyang nakangiti. “May katuwiran kang magpasakit, Nilo…” Kumurap na muli ang mga matang mapanlaw. “Hindi ka nga dapat makapagpatawad hanggang ngayon.”

            Sumulyap ang binata sa paligid. “Alangan ang paksang pinag-uusapan natin sa ganitong pook. Halina, nakapagkape na rin lamang tayo.”

            “Saan tayo tutungo, Nilo?”

            “Nariyan lamang ang aking kotse. Sumagap tayo ng hangin sa tabi ng dagat, Mirla. Sabik na sabik akong makaharap ka… makausap ka… kahit ang ganitong paksa’y nagdudulot sa akin… ng hirap ng loob…” Ngunit sa pinto ng restauran ay saglit na natigilan ang hakbang ng binata. “Hindi kaya maging masama mister mo, Mirla? Kaya lamang malakas ang loob kong yayain ka’y… wala akong masamang hangarin…”

            “Hindi mamasamain ng mister ko, Nilo,” marahang tugon ng babae.

MARAHAN ang takbo ng kotse ni Nilo Lanting sa tabi ng dagat. Maharot ang hangin at ang look ay nakikipagngitian sa pulu-pulutong na ulap.

            “Kahapon lamang ay naaalaala kita at nasabi ko sa sarili na kung magkikita tayo’y tulad na lamang sa pagkikita ng dalawang magkaibigan.” Nagtawa siya nang marahan. “Ngunit kaninang makita kita’y biglang tumarak sa aking dibdib ang isang kung anong kirot.”

            “Mangyari’y hindi mo pa ako napatatawad…”

            “Biro ko lamang yaon, Mirla. Malaon na kitang napatawad. Noon pang ako’y nasa Amerika nang tanggapin ko ang liham ng nanay. Noon pa’y pinatawad na kita, Mirla…”

            Sinulyapan ng babaing nakaluksa ang kapiling. “Hindi mo ako mapaniniwala… Kanina sa restauran ay…”

            “Biro lamang yaon, Mirla. Ibig mo bang patunayan ko sa iyo?”

            Itinigil ng binata ang kotse at dinukot ang kanyang kartera. “O, tingnan mo… Hayan nakikita mo ba?”

            Napangatlabi ang babaing nakaluksa sa ipinakita ng binata. Yaon ay larawan ng isang dalagang nakatawa, may kislap ng kawalang-malay ang mga mata, may buhay ang mga pisngi. Malabo ang titik sa isang sulok: Mirla.

            Huminga nang malalim ang binata nang ibalik sa kanyang bulsa ang larter. “Nang tanggapin ko ang liham ng nanay ay maghapon at magdamag akong naglasing. Ngunit kinabukasan ay pumasok ako sa isang munting simbahan sa 16th Avenue. At dumalangin ako… dumalangin akong nawa’y lumigaya ka… Sapagkat kaligayahan ko na rin ang iyong kaligayahan kahit naging lubhang api-apihan ang aking pag-ibig. “Ipinilig ng binata ang kanyang ulo na tila iwinawaksi ang alaalang yaon. “Huwag ngang ito ang pag-usapan natin… Nagdaramdam ka… at ayokong magdamdam ka, Mirla.

            “Ibig ko nga’y parusahan mo ako, Nilo. Yaon man lamang ay makaawas sa aking kasalanan…”

            Ilang sandaling katahimikan ang namagitan sa dalawa. Nang muli na namang tatapakan ng binata ang starter ay hinawakan ng babaing nakaluksa ang kamay ni Nilo Lanting.

            “Huwag muna. Dito muna tayo. Balitaan mo ako, Nilo. Ako man… ay nasasabik sa mga nangyari sa iyo buhat noong magkahiwalay tayo ng landas.

            Muling nagtawa ang binata. Ngunit hindi rin niya nabalatkayuan ang kirot sa kanyang dibdib. “Noon ba? Walang anuman… Tinangka kong linlangin ang aking puso sa paniniwalang makalilimot ako sa ibang pag-ibig. Hindi rin nangyari. Talagang lokong-loko sa iyo ang relos sa aking dibdib.” Biglang hinarap ng binata ang kapiling sa likmuan. “Ikaw ang magbalita, Mirla. Mula noon hanggang ngayon ay may isang katanungang laging nasa ubod ng aking isip. Ngayon ay ibig kong paliwanagan mo…”

            “Ang alin yaon?” marahang tanong ng babaing nakaluksa.

            “Alam mo’y kararating lamang ng iyong liham nang dumating ang liham ng nanay ko… Isang linggo lamang yata ang pagitan. At mula noon ay lagi nang nasa isipan ko ang tanong: Ano kayang talaga ang nangyari? Bakit kaya bigla na lamang na nag-asawa si Mirla sa iba?”

            Maluwat na hindi nakatugon ang babaing nakaluksa. At nang tumugon ay sa isang tinig na halos bahagya nang narinig ng binata.

            “May tatlong buwan nang nangingibig sa akin si Ben nang sulatin ko ang huling liham na yaon. Hindi ko sinasabi sa iyo sapagkat talaga namang wala sa loob ko ang kanyang pangingibig. Ang lider niya’y si kuya Nardo.

            “Si Nardo? Galit nga siya sa akin, e.”

            “Oo, at lagi nang iniuukilkil sa akin na ayaw daw sa akin ang nanay mo. Kinabukasan ng araw na ako’y maghulog ng sulat sa iyo’y niyaya ako nina Susie at Ester sa isang sayawan sa Baliwag. Kasama namin si Ben sa kotse ni Kuya Nardo…”

            “At ano ang nangyari?” Halos natangay ng hangin ang mahinang tanong.

            “Nang pauwi kaming galing sa Baliwag ay sa ibang kotse nasakay… o sumakay… ang mga pinsan kong dalaga. At kami lamang ni Ben ang nagkasama sa kotse ni kuya Nardo…

            Hindi na isinakataga ng binata ang katanungang nasa kanyang mga mata.

            Sandaling natigilan si Mirla. “Lasing yata ako… o baliw! Wala akong matiyak sa nangyari. Natatandaan kong narinig ko na lamang ang sarili kong sumasagot kay Ben… Tumango akong pakakasal sa kanya…” Hilam sa luha ang mga mata ng babaing nakaluksa. “At itinuloy na kami ni kuya Nardo sa tahanan ng kaibigan niyang hukom…”

            Itinakip ng babaing nakaluksa ang kanyang panyolito sa kanyang mukha.

            “Gayon pala ang nangyari!” sa wakas ay nasabi ni Nilo.

            “Hindi ako gumagawa lamang ng dahilan, Nilo. Yaon ang tunay na nangyari. Nabiglaanan ako sa isang paraang hindi ko maliwanagan hanggang ngayon. At yaon yata ang dahilan kung bakit…”

            “Kung bakit ano?”

            “Kung bakit hindi kami nagkaroon ng supling…”

            Muling namagitan ang maluluwat na sandali sa dalawa.

            “Isa pang tanong, Mirla,” wika ng binata nang muling magsalita. “Ngunit natitiyak mo bang hindi pagmamalabis ang mga pagtatanong ko?”

            “Hindi, Nilo. Wala kang dapat alalahanin. Ano iyon? Saglit na naghagilap ng mga kataga ang binata.” Noong ako’y aalis na upang magtungo sa Amerika, Mirla. Natatandaan mo ba? Ang hiling ko’y ipabaon mo sa akin ang isang sanla… tanging sanla! Ibig kong baunin sa ibayo ng dagat. Ngunit nagpakatanggi-tanggi ka, Mirla. Sabi mo’y ayaw mong madungisan ang ating pag-ibig. Nang malaman kong nag-asawa ka na’y saka ko pinag-alinlanganan ang pangangatawiran mong yaon. Inisip kong talaga nga marahil na wala kang pagmamahal sa akin kung kaya ka tumanggi.

            Biglang hinawakan ng babaing nakaluksa ang kamay ng binata. “Hindi, Nilo. Talagang tapat na tapat sa puso ko ang pangangatuwiran kong yaon. Ibig kong manatiling malinis ang ating pag-ibig. At yaon pa nga ang naisip ko nang ako nga’y mapasubo na kay Ben. Naisip kong… mabuti pa’y…”

            Muling namagitan ang katahimikan sa dalawa. Bahaw nang bahagya ang tinig ni Nilo Lanting nang magsalita.

            “Mirla, hindi nagbabago ang tibok ng aking puso. Ikaw pa rin, Mirla. Pagkatapos ng dalawang taon ay ako pa rin ang Nilong nagpaalam sa iyo. At kung… kung hindi mo mamasamain… alang-alang man lamang sa nakalipas… ang isang hiling… isang huling hiling bago tayo magkalayo… ay inuulit ko ang isinamo ko sa iyo noong ako’y magtungo sa Amerika… Isang sanla… isang huling sanla ng pag-ibig nating sinawi ng kabiglaanan.

            Luhaan ang mga mata ng babaing nakaluksa ngunit may anino ng ngiting saglit na sumilay sa kanyang mga labi.

            “Halina, Mirla… sa aking apartment sa Ermita.”

WALANG imikan ang dalawa hanggang makapasok sila sa apartment ng binata. At nang maisusi nang muli ni Nilo Lanting ang pinto ay saka siya nagsalita.

            “Dito kita dinala sapagkat ibig kong patunayan ko sa iyo na ang aking pag-ibig ay talagang hindi nagbabago. Magmasid ka, Mirla…”

            Ngunit nagmasid na nga ang babaing nakaluksa sa silid ni Lilo Lanting. At bawat bagay na nakikita niya roon ay patunay na hindi pa nga nagbabago ang tibok ng puso ng binata. Mga alaala: isang tuyong rosas na nakakuwadro pa, isang panyolitong may titik ng kanyang pangalan, isang larawang nakasilid sa isang kuwadrong pilak…

            “Hindi ko akalain, Nilo,” marahang wika ng babaing nakaluksa.

            “Hindi mo nga akalain, Mirla.” Ito ang patunay… na mahal ko pa rin ang kasintahang tumalikod nang walang paalam…

            “O Nilo, huwag mo akong pasakitan… Pinagdusahan ko na nang higit sa mahihinagap mo ang aking pagkakasala. At higit kong pagdurusahan ngayon sapagkat alam kong ako pala’y hindi nagmamaliw sa iyong puso…”

            “Hindi ka magmamaliw sa aking pag-ibig, Mirla,” bulong ng binata. “Hinding-hindi, Mirla. At lalo na ngayong itutulot mong malasap ko rin…

            Kinawit ni Nilo Lanting ang babaing nakaluksa sa malantik na baywang at inilapit sa dinding na kinasasabitan ng kuwadrong pilak.

            “Araw-araw ay pinagmamasdan kita riyan… Nakikita mo ba ang mga mata mong hindi nagbabago hanggang ngayon? May sinag ng katapatan at kawalang-malay na wari’y…”

            Biglang natigilan ang binatang tila nabulunan ng kanyang sinabi. Ilang saglit niyang pinakatitigan ang mukha ng babaing nakaluksa.

            “Bakit, Nilo?” nagtatakang tanong.

            Umiling nang marahan si Nilo Lanting. “Mirla, umalis na tayo rito! Hindi natin dapat gawin! Ang kaligayahan ng ilang sandali’y hindi ko maipagpapalit sa pangarap at salamisim ng kawalang-malay at katapatang nasa iyong mga mata. Ibig kong mahalin kita sa aking buong buhay nang walang sumbat ng pupukaw sa aking pangangarap. Tayo nang umalis, Mirla. Sa pagbalik ng mister mo mula sa Zamboangga’y ibig kong masalubong mo siya nang walang kutob na magbubulong sa iyong puso… na ang kislap ng katapatan sa iyong mga mata’y isang kasinungalingan lamang…

            “Mahal mo nga ako, Nilo. O Nilo, maaari nga pala tayong magtagpo sa dulo ng landas…” luhaang buntunghininga ng babaing nakaluksa.

            “Ano ang ibig mong sabihin, Mirla?”

            Biglang kumapit ang mapuputing kamay sa mga balikat ng binata.

            “Nilo, hindi nagtungo sa Zamboangga ang mister ko!”

            “At saan siya nagtungo? Nakangiti ang babaing nakaluksa at noon lamang tunay na nagliliwanag ang kanyang magandang mukha.” Hindi mo na naisipang itanong sa akin kung bakit ako nakaluksa, Nilo!”

            Napamulagat sa pagkatitig sa kasintahan si Nilo.

            Pinaraanan ng kumikinig na mga dalire ng babae ang mga pisngi ni Nilo Lanting na tila natatakot siyang baka kung salatin nga niya’y mapawi ang malikmata.

            “Isang taon nang yumaon si Ben, Nilo!

            Biglang nag-umugong ang tinig ng binata. “Balo ka na? Isang taon ka nang balo? Tunay ba, Mirla? Hindi mo sinabi agad…

            Tunay ngang larawan ng katapatan ang silahis sa magagandang mata ng babaing nakaluksa. “Hindi ko si sinabi sapagkat… hindi ko matiyak kung ikagagalak mo… at kung ikararangal mo akong maging maybahay, Nilo…

            Biglang kinabig ng binata ang lumuluhang babae sa kanyang dibdib…

            “O Mirla! Tayo ngang dalawa sa dulo ng landas!” Nagliliwanag ang kanyang mukha. “Tayo na. Makababalik tayo bago gumabi…”

            “Saan tayo tutungo, Nilo?”

            “Sa Bigaa. Kaibigan ng tatay ko ang kura roon. Pakakasal tayo ngayon din, Mirla. Sapagkat atin na ang daigdig ay tatahak tayo sa bagong buhay sa wastong pasimula. Sasama ka ba, irog?

            “Hanggang langit, Nilo.”

(Wakas)