Ni Benigno R. Juan
MGA TAUHAN:
Myrna Madrid, 35 taong gulang na aktres
Ramon Ramoso, 40 taong gulang na negosyante
PANAHON:
Kasalukuyan
TAGPO:
SILID ng isang motel sa Metro Manila. Sa gitna, ay isang kamang kompleto sa head-board, night table; may tokador sa gawing kanan, na malapit sa pinto ng silid; isang silya, built-in cabinet sa gawing kaliway pintuang in cabinet, airconditioner; patungong banyo; nakapatong sa tokador ang isang pitsel ng tubig, at dalawang baso. Sa harap ng audience, ay malaking frame ng dingding na may salamin. Madilim na madilim ang silid. Maririnig ang klik ng switch ng ilaw na bumukas. Si Ramon Ramoso ang nagbukas, kasunod ang pumapasok na si Myrna Madrid. Sa kasuotan ng lalaki, tipong mayaman siya. Si Myrna Madrid naman ay tipong bold ang kasuotan, na pinatungan ng coat. Makapal ang make-up nito, waring pilit na tinatakpan ang edad o anumang kahirapan sa buhay, naka-sunglass siya. Sisipatin ni RR ang mukha pagtapat sa salamin saka pabagsak na uupo sa paanan ng kama, paharap sa audience.
MYRNA : (Aalisin ang sunglass, ipapatong sa ibabaw ng tokador; huhubarin ang coat at
ilalapag din na kasama ng kaniyang handbag.) Wheew! Nakilala kaya ako ng mga boy? Baka pinag-uusapan na ako ngayon ng mga lokong iyon!
RAMON : Pinag-uusapang papaano?
MYRNA : (Nakaharap pa rin sa salamin sa tokador, sinisipat ang sarili.) Kanina, hindi mo ba
napansing mula ulo hanggang paa ay tinitingnan ako ng mga boy sa labas? Sigurado’y nanonood ng pelikula ko ang mga iyan. Isipin mo, si Myrna Madrid ay nasa isang lugar na paris nito?
RAMON : (Naghubad ng sapatos) Pero si Myrna Madrid ay makasanlibong beses na yatang
pumasok sa lugar na ganito!
MYRNA : Ngunit ang Myrna Madrid na ito ngayon ay isa nang sikat na artista!
RAMON : Bakit ngayon lang? No, ang ibig kong sabihin. .. Ang tagal bago mo naabot ang
iyong pangarap.
MYRNA : (Hindi pansin ang parang panunuya ni Ramon, lalakad sa harap ng audience sa
imaginary na dingding na salamin) Salamat kay George! Lahat ay sa akin nakatuon ang pansin ngayon. Munting kibot ay paksa ako ngayon sa lahat ng write-ups.
RAMON : (Matitigilan sa paghuhubad ng medyas, babaling kay Myrna) Sinong George?
MYRA : Milyonaryong mestisong Intsik. Siya ang prodyuser ko. Exclusive contract ako sa
kaniya. Leading lady sa lahat ng kaniyang pelikula. Ha-ha-ha!
RAMON : (Yamot) At leading lady rin sa kaniyang kama!
(Maririnig nila ang tunog ng buzzer mula sa labas ng pinto.)
MYRNA : Ang boy! Labasin mo muna!
RAMON : (Tatayo, pagdating sa may pinto’y hahagilap ng isang pares ng tsinelas, babaling
kay Myrna) Hindi pa nga pala ako nakapirma sa logbook nila. Wala ka bang gustong orderin? Steak, mushroom soup?
MYRNA : Ayoko. Busog ako. Sige, labas na’t nang madespatsa na ang lokong iyan.
(Lalabas ng pinto si Ramon, kakabiging pasara, maiiwan si Myrna. Uupo siya sa kama, maghuhubad din ng sapatos at medyas, makikita ang pihitan ng radyo nakapaloob sa night table. Aabutin iyon at kakalikutin hanggang sa makapili ng estasyong nagpapatugtog ng malambing na musika. Magpapatuloy ang mahinang musikang ito sa kabuoan ng dula, na minsang sentimental, masaya, malungkot, depende sa mood ng dalawang karaker dito.)
RAMON : (Papasok na muli si Ramon at ila-lock ang pinto. Nakatawa) Ang lekat na boy,
ikaw ang hinahanap. Magpapapirma raw ng autograph sa iyo.
MYRNA : Mon, naman. Huwag mo akong biruin nang ganyan. Alam mo bang palagay kó’y
may mga matang nakamasid sa atin ngayon sa likod ng salaming iyan. Ako’y isang public property na ngayon, sana’y maintindihan mo.
RAMON : Ha-ha! lyan ay tanda ng insecurities mo.
MYRNA : Wala akong anumang insecurity ngayon, puwede ba?
RAMON : (Uupo sa tabi ni Myrna sa gilid ng kama. Masuyong hahagkan ito sa noo.) Maliligo
tayo nang sabay o papatayin ko na ang switch ng ilaw?
MYRNA : (Hihilig kay Ramon, susubsob sa dibdio nito, bubuntong-hininga.) Yakapin mo ako, Mon. May ipagtatapat ako sa iyo. Kasi… Kasí y… kasi’y napatali ako sa iyo. Ngayon… hinintay ko ang pagkikita nating ito. Noong isang buwan ko pa inaasam na sana’y lumuwas ka ng Maynila. Gusto ko kasing matiyak mo na kung saan mo ako iniwan, doon mo pa rin ako daratnan. Ang sabi mo noon, hindi ka naman hahadlang kung ako’y mapapabuti, di ba, Mon?
RAMON : Sa madali’t salita, ano ang gusto mong sabihin?
MYRNA : (Mananatiling parang ikinukubli ang mukha sa kausap) Ang prodyuser ko. . . may pangako siyang lupa’t bahay sa Green Valley. Pag kumita ang huling pelikula ko’ y reregaluhan daw niya ako ng isang Mercedes Benz. At alam mo naman ang kapalit. …
RAMON : So, mistress ka na niya ngayon. Ibinabahay ka na niya?
MYRNA : Hindi pa. Pero sumasama na ako sa kaniya. Mahal kita, Mon. Ayokong lokohin
kita. Pakawalan mo na ako. Pagod na pagod na ako’t gusto ko namang makalaya sa pagkatali mo.
RAMON : Kailan ba kita tinalian, Myr. At lahat naman ng kalayaan ay nasa iyo. Hindi na
kailangang humingi ka pa ng permiso.
MYRNA : Ayokong magkaroon ng guilt sa iyo, Mon.
RAMON : So?
MYRNA : I will exit graciously as a lady. Bago ako sumama sa kaniya ay magpapaalam ako
nang maayos sa iyo. Alam kong may pamilya rin siya, tulad mo…
RAMON : And you will jump from fire to fire!
MYRNA : Mas secure ang future ko kay George. Sana’y huwag kang masaktan, Mon. Aaminin kong ngayon pa lang ako makokontento sa buong buhay ko. Imagine, laging bida na si Myrna Madrid. Mas malalaki ang mga letra ng aking pangalan na una pa sa titulo ng pelikula. (Kakalas sa pagkakasubsob sa dibdib ni Ramon. Tutungo sa harap ng tokador at pagmamasdan ang sarili na waring hinahangaan. Si Ramon naman ay yuyupyop sa dalawang palad.)
RAMON : Myrna Madrid sa mga neon lights… Myrna Madrid sa mga billboards. .. Pinag-
uusapan, hinahangaan!
MYRNA : Sa wakas, ginantimpalaan din ang mga paghihirap ko. Kay tagal kong nagtiis at
umasam. Talagang lahat ng mga pangarap sa ating pagkabata ay natutupad, di ba, Mon?
(Babaling kay Ramon, makikita ang ayos nito. Mapapatda siya, maiisip na labis niyang nasaktan ang damdamin ni Ramon kayat lalapitan ito at aaluin.)
MYRNA : Mon, I’m sorry, Mahal…
RAMON : (Hindi inalis ang pagkakasapo ng dalawang palad sa mukha) It’s alright.
MYRNA : (Nag-aalala) Mon, may sakit ka ba?
(Lalapit kay Ramon, uupo sa tabi nito, masuyong itataas ang mukha at pagmamasdan ang nakapikit nang mata ng lalaki)
MYRNA : Mon, nagagalit ka ba sa akin? I’m sorry, ha? Huwag ka nang magalit, ha? Sabi mo kasi, magtatapat ako. Kaya maski masakit para sa iyo, sinasabi ko. Maski tatlong buwan bago mo ako siputin, ako pa rin ang dáting ako. Ako pa rin ‘yung hangal mong kababata noon. Maski ano pang mangyari sa atin ‘yung kahangalan ay di na maaalis. Nagbabago ang panahon, nagbabago ang pananaw ng tao, pero hindi ito, (itinuturo ang tapat tapat ng puso). Hindi ito, Mon, naintindihan mo?
RAMON : (Titingin kay Myrna, ngingiti’t kakabigin ang babae.) Mahal mo ako sa kabila ng
lahat?
MYRNA : Nagiging corny na naman po kami. (Marahang tatawa)
MYRNA : Teka’t papatayin ko lang ang switch ng ilaw. Masyadong maliwanag. Ang mga
taong nabubuhay sa dilim ay naiilang sa liwanag! (Tatayo sana si Myrna pero kinabig siya ni Ramon, masuyong niyakap at hinagkan sa pisngi.)
RAMON : Huwag muna. Pagod na pagod ako sa biyahe.
MYRNA : Kumusta nga pala ang flight mo?
RAMON : Ang daming air pockets. Nahuhumpak ang sikmura ko.
MYRNA : Kumusta ang plantasyon ninyo ni Kumare sa Davao at si Kumare…
RAMON : Okey rin. Kasama ko nga siya, e.
MYRNA : Sabi ko na nga ba, e. Kaya pala kanina ay parang ayaw mong mag-motel tayo.
Baka hinahanap ka na niya?
RAMON : Nagseselos ka sa dati nang kaaway?
MYRNA : Maiaalis mo ba?
(Hahagurin ng tingin si Ramon, parang sinusuri ang kabuoan ng lalaki.)
MYRNA : Honest, Mahal, ang laki ng itinanda mo ngayon kaysa noong huli tayong magkita.
Wala na ang dati mong sigla. May problema ka?
RAMON : Napapagod lang siguro ako.
MYRNA : Ngayon lang nangyari sa atin itong kanina pa tayo rito’y ni ayaw mong ipapatay ang switch ng ilaw. Noon, di pa halos nasasara ang pinto’y para kang marinong sampung taong di nakasasampa sa puwerto! Pero naintindihan ko. Pagod ka, e!
RAMON : (Kakaibigin uli at masuyong hahagkan sa noo si Myrna) Sorry! Sorry!
MYRNA : Huwag kang magpa-sorry. Halika, halina ang aking baby. (Sisimulang alisin sa
\ pagkakabutones ang damit ng lalaki. Ihiga sa kama.)
RAMON : Please, talagang wala ako sa kondisyon ngayon!
MYRNA : Dahil kay George? Come on. Asan bá’ng tuwalya. (Lilinga, makikita sa isang panig ng kama) A, hayun. Teka, huwag kang aalis diyan, ha. Babasain ko ng mainit na tubig at pupunasan kita, pagkatapos mamasahihin ko ang buo mong katawan.
RAMON : Huwag na, maliligo ako maya-maya nang kaunti. Isasabay kita. Sabay tayong
maliligo at maghihiluran. Ang tagal na nating hindi nakakapaligo nang magkasabay, a!
MYRNA : No, mahihiga ka riyan at ako ang bahala. (Tatayo, dadamputin ang isang tuwalya at tutunguhin ang banyo. Maiiwan sa kama si Ramon. Nakahiga at nakatitig sa salamin sa kisame ng motel. Patuloy ang musika mula sa radyo. Matatangay, parang kinakausap ang sarili.)
RAMON : (Sa sarili) Sayang! (Babalik si Myrna na dala ang binasâng tuwalya. Maririnig ang
katagang “Sayang!”)
MYRA : Ano ang sayang?
RAMON : Marami akong dapat panghinayangan sa buhay!
MYRNA : (Tuluyang aalisin ang damit ni Ramon, masuyong pupunasan ang mukha, braso at
katawan nito)
MYRNA : Malalambot na ang mga muscle mo ngayon. Hindi ko na masalat ang laman ng iyong dibdib. At ang mukha mo’y marami ng gatla. Para kang haggard. Ano’ng problema, Mon?
RAMON : (Bubuntong-hininga) Madalas kong maitanong sa sarili, ano bang talaga ang gusto
ko? Ano ba talaga ang buhay? Ginawa ko ang lahat para makarating sa itaas. Inalis ko ang emosyon, ang puso, ang konsensiya! Sabi ko sa aking sarili: “Ganyan nga, Ramon, para ka makarating sa itaas! Tapakan mo lahat ng maaaring matapakan, kung kinakailangan. At mistula akong robot. Pikitmata. Ang kumare mo, ikaw at iba pa’y mga hagdan. Ginamit ko ang yaman ng kumare mo… nakarating ako sa itaas. Malungkot doon. Sasabog ang utak ko sa kalungkutan. Nalulula na ako sa sariling bigat. Gusto ko nang bumulusok na pababa at nang matapos na ang lahat!
MYRA : Ano bang pinagsasabi mo?
RAMON : (Babalikwas sa pagkakahiga si Ramon at mauupo sa kama. Hahawakan sa baba
si Myrna at ibabaling ang mukha sa kaniya) Maligaya ka, Myrna?
MYRNA : Bakit?
RAMON : Sagutin mo ang tanong ko.
MYRA : (liwas ng tingin kay Ramon) Oo, oo, okey naman si George.
RAMON : (Malungkot na iiling, tatawa nang walang buhay) Sana. Sana nga. Para maalis
ang matinding guilt ko. Kung hindi dahil sa akin ay may disenteng buhay ka. Mga anak. Isang normal na babae.
MYRNA : Nakatali sa bahay at sa pamilya? Mon, kilala mo naman ako sa pagkabata pa. Ito
ang buhay na type ko. Dito ako maligaya. Wala akong pakialam maski ano ang sabihin nila!
RAMON : Buti ka pa. Ako’ y nagsisi, pero sa gunita na lang napagbabalikan ang lahat. Tinatanong ko ang aking sarili: Saan ako nagkamali? At ito’y magtitining sa isa–sa sobrang ambisyon. Kung minsan pala, ang sobrang ambisyon ay sumisira rin sa tao.
MYRNA : Binabalikan ko rin ang nakaraan. Napapangiti lamang ako sa sarili. Kasi, ang
ginugunita ko’y iyong lahat ng masasaya lamang.
RAMON : Halimbawa’y ano?
MYRNA : Natatandaan mo pa ba ang paghahabulan natin sa kabukiran ng Bagabag kung mga buwan ng Hulyo’t Agostong kabubungkal ng mga pinitak! Ang pamumulot natin ng kuhol… Ang pandurukot ng mga talangkang-bukid sa lungga sa pilapil. Ha, at ang pang-uumit mo ng mga duhat sa tarundon nina Ka Menang kung gabing kabilugan ang buwan…Ang paliligo natin sa ilog ng Pasong-usa….
RAMON : (Makakagunita, mapapatawa) Ha-ha! Kasama ko ang Kuya Narding mo. Nang-
uumit nga kami pero ikaw ang tagakain….
MYRNA : Maski kabilugan ang buwan, kung bakit mas maraming hilaw ang mga duhat na
napipitas mo.
RAMON : At maski mapakla ay kinakain mo!
MYRNA : Ang saya natin noon.
RAMON : Ang Kuya Narding mo?
MYRNA : Nasaan pa, di sa Bagabag! Wala siyang ambisyon sa buhay. Ang dami na raw
anak… A, sa Bagabag na rin siya namatay!
RAMON : Nakaiinggit siya.
MYRNA : Ano?
RAMON : Nakakainggit ang mga taong simple lamang ang hangarin sa buhay dahil simple rin ang kanilang problema. (Bubuntong-hininga) Sayang at minsan lamang dumadaan ang kamusmusan sa buhay ng tao. At hindi parang shooting ng pelikula na may take 1, take 2, take 3 hanggang sa maperpekto ang eksena.
MYRNA : Ang kamusmusan daw ay parang isang awit — may simula at may wakas. Kailan
ba natapos ang masaya nating kamusmusang iyon?
RAMON : (Mag-iisip) Siguro’y noong dumating na ang isang talent scout sa Bagabag at
sinabing, “May tipong artista ka!”
MYRNA : (Pauyam) Baka naman mag-umpisa kang mangarap na hindi ugit ng araro ang
hahawakan mo, kundi ikaw ang magmamay-ari ng malalawak na lupaing bubungkalin ng iba para sa iyo?
RAMON : Pero mahal mo ako noon, di ba?
MYRNA : Iyon lang ang di nabura ng panahon sa akin. Mahal kita noon at hanggang ngayon! (Ihahagis sa tokador ang hawak na tuwalyang ipinamunas kay Ramon) Ikaw?
RAMON : Maaalis ba naman ang kahangalan na parang halamang sabay na nagsupling,
patuloy na lumalalim ang mga ugat sa pagdaraan ng panahon?
MYRA : Wow, heavy! Nagbabalik na ang init. Hindi init. Hindi ka na pagod, ano? Teka
sandali at papatayin ko ang ilaw! (Anyong titindig si Myrna)
RAMON : Hep! (Pipigilin sa kamay si Myrna, upong muli sa tabi ni Ramon) Gusto kong
magkuwentuhan muna tayo. Maaga pa naman. Mga ten thirty pa ako babalik sa hotel.
MYRNA : Ha, babalik kay Kumare, ang martir na esposong patuloy na kinukulapulan ng
kataksilan ang kaniyang asawa.
RAMON : Alam mo bang mas may guilt ako sa iyo kaysa kaniya? Anak-mayaman siya. Kung
magpapalit kayo ng lagay. Di niya magagawa ang mga pagsasakripisyo mo sa akin.
MYRNA : Iba ang upbringing ni Kumare.
RAMON : At pagtanda mo, saan ang tungo mo, Myrna Madrid?
MYRNA : May George na ako ngayon, ano ka ba? Milyonaryo si George. Green Valley…
kompleto sa appliances. Mercedes Benz… Ha-ha-ha! Nakakatawa ka, Mon. Paghihiwalay natin ngayon, mas secured siguro’ng buhay ko kaysa iyo.
RAMON : Ipinagbibili mo’ng iyong sarili?
MYRNA : Anong sama niyon? Kung naibibigay ko nang libre sa iyo, bakit di ko maipagbibili
sa iba?
RAMON : Ganoon ka na ba ngayon?
MYRNA : Kailangang maging ganoon. Maging praktikal… na paris mo!
RAMON : (Mapapahumindig) Diyos!
MYRNA : (Tatayo, lalakad sa harap ng audience) Ang buhay ay isang makitid na arena ng mga gladiator at mga leon. . . Ang buhay ay laruang bolang plastik ng isang musmos… isang parisukat na lona at lahat tayo’y kailangang marunong na lumaban!
RAMON : Tama na! Ano bang pinagsasabi mo. Wala ka sa harap ng kamera!
MYRNA : (Waring hindi pansin si Ramon) Hindi bale, pag namatay ako’t humarap sa
Dakilang Liwanag, isusulit ko sa Kaniya ang lahat. (Hihinto sa harap ng salamin sa tokador, parang nagsusulit. Sa background, isang malungkot na tugtugin sa radyo ang maririnig.)
Diyos, narito po ang isa Mong makasalanang anak. Nakiapid po sa di niya asawa, sa kaniyang kababata na katuwang sa lahat ng pangarap ng kanilang kamusmusan. Nangangarap silang sila lamang… haharap sa buhay… mga musmos pa sila noon.
Diyos, nang magkaisip kami, nakita namin kung ano ang kahirapan. At kapuwa kami natakot. Ang takot ay nagtulak upang magkaambisyon. Para matupad ang ambisyon, kailangang patayin ang anumang emosyon. Ngunit hindi ganap na nasupil pagkat kami’y laging pinag-uugnay ng pook na ito. Kailanma’t nakaluluwas siya sa Maynila mula sa kaniyang malawak na asyenda sa Davao na minana ng milyonarya niyang asawa.
RAMON : Please, tama na, Myr. (Tatayo’t pipigilin si Myrna) Nasasaktan ako…
MYRNA : (Patuya, magwawala sa pagkakapigil ni Ramon) Bakit, marunong ka na bang masaktan ngayon? Huwag mong sabihing nagbalik na sa iyo ang emosyon? Sapul nang patayin mo si Vincent, ilang walang malay na sanggol na ba ang naipapatay mo? Ilang babae na ba ang nabuntis mo at pagkaraan ay itinatatwang ikaw ang ama ng dinadala nila? (Haharap uli sa salamin, sasapuhin ang mukha) Diyos! Si Vincent, ang kawawa kong anak. Pinatay siya ng karuwagan at ng kumbensiyon ng sosyedad!
RAMON : (Timping-timpi) Please, huwag mo akong pilitin na pagbuhatan kita ng kamay.
MYRNA : (Pauyam, aalisin ang pagkakasapo ng mga palad sa mukha at ihahantad iyon kay
Ramon.) Sige, sampalin mo ako. Pagbutihin mo hanggang sa madurog ang mukha ko. Iyan ang pangahas ninyong mga lalaki, ang ipakilalang mas malakas kayo at makapangyarihan. Ang mga babae’y pampatighaw lamang sa tawag ng inyong kamunduhan. Isang laruan na maaaring mabili ng salapi.
RAMON : (Timping-timpi pa rin) Tama na sabi, e. Hindi tayo nagpunta rito para mag-away….
MYRNA : (Haharapin si Ramon, pamamaywaangan) Alam ko. Nagpunta tayo rito para kunin mo sa akin ang kasiyahang seksuwal na hindi naibibigay sa iyo ng asawa mong baog. Na ayon sa iyo’y frigid, inutil sa sex… malamig na parang yelo. Ano pa nga ba ang lengguwahe mo? Kung gamitin mo’y para kang gumamit sa tiniban! Ha-ha-ha!
MYRNA : Samantalang ako, labinlimang taon mo nang ginamit-gamit ay hindi pa
pinagsasawaan!
(Tutunguhin ni Myrna ang kaniyang handbag na nakapatong sa tokador, kukunin ang kaha ng sigarilyo at layter niya. Magsisindi at hihitit nang malalim)
MYRNA : Labinlimang tag-araw… April 17 nang unang buksan mo ang aking pagkababae.
Ibinigay ko in good faith… birheng-birhen sa palanas na kabatuhan ng Pasong-usa. Isang gabing walang buwan ngunit inggit na inggit ang mga keruwé at bituin! Naulit iyon. Paulit-ulit hanggang ako’ y nasa Maynila na at ikaw naman ay nasa Davao. Hanggang sa sumibol si Vincent… na ipinapatay mo.
RAMON : (Malapit nang humulagpos ang pagtitimpi. Hahawakan sa magkabilang balikat si
Myrna ay paulit-uli na yuyugyugin) Ano ka ba? Para kang hindi pinapatigil, a!
MYRNA : Titigil ako. Hayaan mo lamang na liwanagin ko sa iyo ang ilang bagay-bagay.
Itinatanong mo sa kanina kung saan ang tungo ko pagtanda. May concern ka rin kahit papaano sa kinabukasan ko. Kung buhay sana si Vincent ko, sana’ y may dahilan na ako para mabuhay. May gabay na ako.
Pero pinatay mo si Vincent, Mon. Natatakot kang maging hadlang sa ambisyon mo ang ating anak. Baka nga naman si Vincent ay maging batik sa karangalan at dignidad ng isang iginagalang na negosyante sa Davao na ang asawa ay mula sa isang prominenting angkan!
RAMON : (Kuyom ang palad, kumikinig sa pagtitimpi) Si Vincent ay hindi pa tao. Tatlong buwan pa lamang ang kabuntisan mo. Butiki pa lamang iyon, naiintindihan mo? Ang hirap sa iyo ay ang sobrang sentimentalidad mo. Pati butiki ay may pangalan na sa iyo. At kasalanan ko ba kung bakit di natuloy si Vincent? Hindi ba’t nakunan ka?
MYRNA : (Liligisin nang mariin ang hawak na sigarilyo sa isang ash tray sa ibabaw ng
tokador, patuloy ang tugtugin sa radyo) May ipagtatapat ako sa iyo, Mon. Hindi totoong nakunan ako. Bumayad ako ng sanlibong piso sa pagpapalaglag kay Vincent noon.
RAMON : (Mapapatda si Ramon, bubuka ang bibig ngunit walang mamumutawing kataga)
MYRNA : Nagpa-abort ako dahil sa labis na hinanakit sa iyo. Ikaw ang ama ni Vincent, ngunit ayaw mong tanggaping siya’y iyong anak. Hindi ko naman ipinapapasan sa iyo. Pero ang ibintang mong baka iyon ay anak ng direktor ko sa pelikula, nakapagngingitngit. Nasaan ka nang panahong iyon na magulo ang aking isip at lito ako?
Kay tagal ko nang nagdurusa sa pagkakasala kong iyon. Hanggang ngayon, may mga gabing nagigising ako na para bang may umuuhang bata. Bumabangon ako, parang baliw na hinahanap sa lahat ng sulok ang umiiyak kong anak.
(Mapapahinto sa pagsasalita, makikitang kumakatal si Ramon sa pagtitimping damdamin)
MYRNA : Mon, Mon, napapaano ka? (Maliksing tutunguhin ang pitsel ng tubig sa tokador,
magsasalin sa baso at ibibigay kay Ramon).
Uminom ka, Mon. I’m sorry. Halika, maupo tayo.
(Aabutin ni Ramon ang baso ng tubig. linom at parang batang paaakay kay Myrna hanggang sa paanan ng kama. Kapuwa sila mauupo. linom uli si Ramon hanggang sa masaid ang laman ng baso. laabot iyon kay Myrna, ipapatong ni Myrna sa tokador at alalang babalik ng upo sa tabi ni Ramon.
Pagmamasdan si Ramon at mapapansing tahimik na umiiyak ito)
MYRNA : I’m sorry, Mahal. Sinasaktan kita! (Masuyong hahagurin ni Myrna ang dibdib ni
Ramon. Hihimasin naman ni Ramon ang buhok ni Myrna.)
MYRNA : (Umiiyak na rin) Natatandaan mo pa ba si Icarus sa Greek Mythology? Hindi ba para tayong modernong Icarus na dahil sa taas ng lipad, napalapit sa araw at nalusaw ang pakpak na yari sa kandila?
RAMON : (Patuloy ang paghaplos sa buhok ni Myrna) Bagsak na tayo sa dagat…unti-unti na
ngayong nalulunod!
MYRNA : Di pa tayo ganap na lunod. May pag-asa pang malangoy ang pampang.
RAMON : Kay layo yata ng pampang. Pagod na pagod na ako.
MYRNA : Hindi ba’t malakas ka, matapang at matatag? At may asawang laging nakalawit
ang mga kamay upang sagipin ka!
RAMON : Hindi mo lang alam. Malungkot din sa itaas. Mas mataas ka, mas malalaki ang problema mo. May gusot sa mga lupaing namana ng “kumare” mo sa Davao. Mismong magkakamag-anak, nag-aaway. May sigalot sa asyenda, inaakusahan kaming mangangamkam. Hindi nasisiyahan ang mga obrero namin doon. Kahit saan ka sumuling ay problema. Ewan ko, baka sa isa sa mga araw na darating ay sumabog na lang sa tingga ang bao ng ulo ko. (Bubuntong-hininga)
MYRNA : Malungkot sa itaas, pero mas lalong malungkot sa ibaba.
Ramon : (Hahawakan sa baba si Myrna at tititigan) Magsabi ka ng totoo, Myr, hindi ka
kuntento sa buhay at di rin totoong maligaya ka?
MYRNA : (Titingin kay Ramon na parang nasukol at mapapailing) Hindi, Mon.
RAMON : Puno rin ng insecurities ang buhay mo?
MYRNA : Magmula sa taghiyawat sa mukha, hanggang sa pagtanda ay pinangangambahan
ko.
RAMON : Hindi rin totoo si George. Walang milyonaryong negosyanteng mestisong Intsik na prodyuser ng mga pelikula mo. Diyos, wala rin ang lupa’t bahay sa Green Valley at ang bagong modelong Mercedes Benz.
MYRNA : (Mapapaiyak) Kung pati ang mga fantasy ko’y inaagaw mo, ano pa ang
akin ngayon?
RAMON : (Yuyugyugin si Myrna) Alisin mo ang iyong maskara at magtinginan tayo nang
mata sa mata. Bakit mo ginagawa ito, Myrna?
MYRNA : Mahal kita, Mon. Gusto kong masuklam ka sa akin para wala kang guilt na iiwan
mo ako.
RAMON : (Yayakapin nang mahigpit si Myrna at hihimasin sa likod) Mahal, tahan na, Mahal!
MYRNA : (Patuloy na umiiyak nang buong kapaitan.) Ayoko na. Nagsasawa na rin ako sa
buhay….
RAMON : (Patuloy ring hinihimas ang likod ni Myrna, masuyong inaalo) Mahal! Mahal!
MYRNA : (Medyo kakalma nang kaunti, pinipigil ang paghikbi, hahagilap ng isang tuwalya at
sisinga nang malakas) Ayoko na!
RAMON : O, tahan na! Narito pa naman ako, a. Hindi pa naman ako mamamatay. Teka, ikukuha kita ng tubig at nang magluwag-luwag ang paghinga mo. (Titindig, magsasalin ng tubig sa isang baso sa ibabaw ng tokador, lalapit uli kay Myrna at parang batang aalalayan sa pag-inom ang babae) Hayan, o, di luluwag-luwag na ang pakiramdam.
MYRNA : (Tatango kay Ramon. laabot dito ang hawak na baso at ibabalik ni Ramon sa
ibabaw ng tokador saka muling tatabi ng upo kay Myrna sa dakong paanan ng kama) Salamat!
RAMON : (Buong pagsuyo, halos pabulong sa tainga ni Myrna habang maririnig sa
background ang awiting “Still”) Ilang ulit kong sasabihin sa iyo, S’agapo!
MYRNA : (Mapapangiti na, babaling kay Ramon at malambing na sasandig sa dibdib nito at
yayapos nang mahigpit) I love you too, mahal!
RAMON : Alam mo, Myr, may magandang sorpresa ako sa iyo.
MYRNA : Ano iyon, Mahal?
RAMON : Hindi na ako duwag ngayon. Naisip ko, panahon na nga para magkaroon na ako
ng tagapagmana.
MYRNA : (Pataka) Tagapagmana?
RAMON : Oo, mahal. .. Ramon Ramoso II. At ikaw ang ina ng aking magiging anak!
MYRNA : (Pagitla, bubuka ang bibig sa pagkagulat, parang balisang di mawari) На!
RAMON : O, nabigla ka, ano? Ha-ha-ha! Sabi ko na nga ba’t mabibigla ang mahal ko. Kung namatay man si Vincent noon, siya’y muli nating bubuhayin ngayong lalong tumibay ang tanikalang nagbubuklod sa ating dalawa. …
(Tatayo, parang nasa trance)
Isisigaw ko sa daigdig. Siya ang aking anak. Siya ang anak ko sa babaeng martir na mahal na mahal ko’y kung bakit sinamang-palad na matabunan ng dalawang ga-higanteng ambisyon na lumaki nang lumaki hanggang sa ang sariling buhay niya’y masakal!
RAMON : (Mahihinto sa pagsasalita, mapapansing parang tigagal at iba ang reaksiyon ni Myrna kaysa kaniyang inaasahan kayat lalapitan ito at hahawakan sa baba). Hindi ka ba natutuwa sa magandang balita ko?Shhh! Sandali lang at papatayin ko na ang switch ng ilaw, ha? (pabiro) para sa bagong Vincent…
MYRNA : (Pormal na pormal) Mon, mahal, sandali lamang… may sasabihin sana ako sa iyo.
RAMON : (Mahahalata ang kabigatan ng ipagtatapat ni Myrna. Sabik na mag-uusisa) Ano
iyon?
MYRNA : (Malungkot, marahang aalisin sa kaniyang baba ang kamay ni Ramon) Hindi na
kailanman mabubuhay sa akin si Vincent, Mon!
RAMON : Ano? Ano ba ang pinagsasabi mo?
MYRNA : Tulad ng narinig mo na. I’m sorry. Hindi ko ito naibalita agad sa iyo kanina. Ang
tagal kasi nating hindi nagkita at wala tayong ano mang komunikasyon… (Mapapahinto ng pagsasalita)
RAMON : Ituloy mo, please!
MYRNA : Three months ago, nagpaopera ako, Mon. Tumor sa obaryo. Nilapa ng mga doktor
at tinanggal ang dalawang obaryo ko. Wala na akong bahay-bata ngayon.
RAMON : (Parang mabibingi sa narinig, manlalatang mapapaupo sa gilid ng kama.
Sasapuhin ng dalawang palad ang mukha) Diyos, bakit?
MYRA : (Pabulong sa tainga ni Ramon) Mahal, sorry! S’agapo!
(Hindi pa rin titinag sa kaniyang ayos si Ramon, aalu-aluin siya ni Myrna, masuyong hahagurin sa likod, susuklayin ng mga daliri ang gusot na buhok ng lalaki).
MYRNA : (Tatayô, tutunguhin ang switch ng ilaw) Sandali lang, mahal. Papatayin ko ang
ilaw nang makapagpahinga na tayo.
(Papatayin ni Myrna ang switch ng ilaw sa dingding sa tabi ng pinto. Magdidilim ang tanghalan. At mangingibabaw ang malungkot na tugtugin mula sa radyo habang unti-unting sumásará ang tabing.)


