Ni Armando T. Javier
NANG pumasok sa kanyang opisina si Bambi kasama ang magiging reliever nito, namukhaan ni Lucas ang babaeng minsan niyang nakilala.
Pahupa na ang pandemya, at si Lucas promoted sa kanyang trabaho. Naging casualty ng COVID-19 ang kanilang chief auditor at siya bilang junior auditor ang ipinalit. Nakantiyawan siya, siyempre pa, ng kanyang mga kaopisina; napilitang mag-blow-out. Sa Samyupsalang malimit nilang kainan, nagpaalam din si Bambi, ang auditing assistant niya.
“Despedida na rin ‘to para sa ‘kin, sir,” sabi ni Bambi na ang lumolobong tiyan ay parang puputok anumang oras, “next month na’ng due date ko.”
“Muk’ang hindi na aabutin ‘yan ng next month,” sabi ni Lucas. “Ihanap mo ‘ko ng reliever. May two weeks pa naman bago ka mag-maternity leave.“
Napaisip si Bambi. “‘Yung pamangkin sana ni Rod, pero kaha-hire lang ‘ata. Bayaan mo, tatanungin ko kung me maire-recommend s’ya.”
Si Rod ang mister ni Bambi. Dalawa na ang anak nila; pangatlo ang ipinagbubuntis nito.
Kinabukasan, may balita na si Bambi.
“‘Yun pala mismong roommate ni Sheena, ‘yung niece ni Rod, naghahanap ng work. Business grad daw.”
“Sige, papuntahin mo. Nang masubok at maturuan mo tuloy.”
Lunes nang magsadya sa opisina ang aplikante nila.
“Sir Lucas, ang magiging reliever ko,” sabi ni Bambi.
Pero wala sa kanya ang pansin ni Lucas. Naroon sa babaeng nakapalda at blazer, na sa reaksiyon ng mukha ay halatang nabigla rin pagkakita sa kanya.
MAKALAWANG beses nang dumaraan sa harap ng pizzeria, napansin ni Lucas, ang babaeng iyon. Morena. Mga limang talampakan at apat na pulgada ang taas, nakaitim na kamiseta, pantalong maong at sandals. At sa tuwing daraan, malayo pa’y nakatingin na sa kanya, nakikipag-eye contact at ngingiti; mandi’y nagpapapansin. Bahagya pa ang nababawas sa malaking mug ng beer niya at may tatlo pang slice ng kanyang pizza. Nasa labas siya ng pizzeria. Doon na nagtuloy pagkahatid niya ng sustento kay Vince, ang anak niyang maglilimang taong gulang na. Mahigit isang taon na silang hiwalay ng ina nito, si Irma. Meryenda-hapunan na ang kinakain niya.
Hinintay niyang makalampas ang babae saka nilingon. Proporsiyonado ang katawan; bagay sa sukat. Nababalitaan na ni Lucas, noon pa, na ang mall na iyon ay tambayan ng mga babaeng pa-pick-up. Baka isa roon ang babae, pero mukha rin naman itong kolehiyala. Baka namamali siya. Kung daraan muli sa harap ng kanyang mesa ang babae, makukumpirma ang hinala niya. Umayos siya ng upo, inunti-unti ang paglagok sa kanyang mug at naghintay.
Heto na nga uli ang babae, naglalakad uli palapit sa kanyang mesa’y malagkit ang pagkakatitig sa kanya; nang-aakit din ang ngiti.
“Miss,” habol ni Lucas bago ito makalayo.
Lumingon. “Sir?”
“Meryenda tayo. Join me.“
Pumihit, wala nang kiyeme. Inialok niya ang natitirang slice ng pizza at inalok din ng beer.
Umiling. “P-P’wede, root beer na lang?”
Kinawayan ni Lucas ang weyter at umorder.
“Sige lang,” sabi ni Lucas. Inisod palapit dito ang plato ng pizza. “Busog na ‘ko. Sa ‘yo na ‘yan.”
“Thank you.”
Napagmasdan ni Lucas ang mahaba nitong pilikmata. Bumagay sa malalaking mga mata. Makinis ang mukha nito, makinis din ang mga leeg at braso.
Dumampot ito ng pizza at kumagat. Nakabalik ang weyter at idinulot dito ang root beer.
“Kanina ka pa padaan-daan dito, m-me hinahanap ka ba?”
Nag-angat ng tingin ang babae, nilunok ang nginunguya.
“M-Me problema kasi ‘ko…”
“Ano naman?”
“K-Kailangan ko’ng pangmatrikula…”
Nagbaba uli ng tingin at tahimik na kumain ng pizza.
Tama pala ang hinala niya, sabi ni Lucas sa sarili. Muling hinagod ng tingin ang babae: proporsiyonado talaga ang katawan. Mukhang malinis. Mukha ring mabango.
“Magkano naman ang kailangan mo?”
Nag-angat uli ito ng tingin, tumunghay sa kanyang mukha at sinabi kung magkano.
Nakapa ni Lucas ang kanyang wallet sa panlikod na bulsa ng kanyang pantalon. May sumobra pang pera sa ibinigay niyang sustento kay Vince. Katatapos din lamang niyang makatanggap ng signing bonus sa bago nilang CBA sa pinapasukang kompanya.
Kapwa sila walang nasabi; nagpapakiramdaman.
“Ubusin mo na ‘yan,” pagkuwa’y sabi ni Lucas, patungkol sa natitirang pizza, “para makaalis na tayo.”
Hindi nila kailangang lumayo. Sa kanto lamang ng kalsadang kinaroroonan ng mall ay mayroon nang mga paupahang kuwarto. Magkasabay silang lumabas ng mall, at kahit puwede na nilang lakarin ang lodge, nagpapara pa rin ng taksi si Lucas.
Wala nang preliminaryo. Pagkatapos nilang salitang sumaglit sa banyo, sa date na nila sa kama. Tama ang hinala ni Lucas, proporsiyonado ang katawan ng kapareha. Sakto lang sa bilog at umbok. Malinis. Mabango. At bagito pa sa larong ito. Nasiyahan si Lucas.
Bago sila umalis, hiningi ni Lucas ang contact number ng kapareha. Tumanggi ito.
“Ngayon ko lang gagawin ‘to,” sabi. “Gipit lang talaga ‘ko. Huling sem ko na kasi sa college.”
Nanghinayang si Lucas.
“Kahit pangalan mo na lang…”
“Joyce,” sabi nito.
“–At ako naman si Lucas.”
May nag-aabang nang taksi sa garahe. Sumakay sila. Nagpahatid si Lucas sa EDSA. Binabaybay ng taksi ang kahabaan ng Taft Avenue nang magpapara ang babae sa LRT station sa Libertad.
“Dito na ‘ko.”
Pinisil niya ang kamay ng babae. “Okey. Ingat, Joyce.”
Sinundan niya ito ng tingin habang papanhik sa hagdan ng LRT station, napapailing sa panghihinayang. Inaasahan pa naman niyang makakaulit siya, na makaka-date niya uli ang babae. Sayang. Sayang na sayang talaga.
Nang pumasok sa kanyang opisina si Bambi kasama ang magiging reliever nito, namukhaan ni Lucas ang babaeng minsan niyang nakilala…

JOYCE nga pala ang pangalan at hindi alias lamang ang pakilala sa kanya. Pinaupo niya ito sa visitor’s chair matapos silang iwan ni Bambi. Nakatungo si Joyce, naiilang na tumingin sa kanya, habang binabasa niya ang resume. Pasulyap-sulyap si Lucas sa dibdib nito, sa naaalala niyang bilog noong makilala niya bago magpandemya. Parang ganoon pa rin; parang lumaki pa nga.
“Okey naman pala,” sabi ni Lucas. “Gusto mo na bang mag-start para ma-guide ka na ni Bambi habang ‘andito pa s’ya?”
“T-Talaga ho, sir?”
Tumango siya.
“Sobrang thank you, sir. Namomroblema nga ako sa pagbabayad ko ng rent.“
Sa katuwaan, dinampot nito ang kanyang kanang kamay at inipit nang magkabilang palad.
“Sige na. Pakitawag si Bambi paglabas mo.”
“Yes, sir. Thank you ho uli.”
Tumindig na, yumukod at lumabas ng kuwarto. Sinundan ng tingin ni Lucas: bilog na bilog pa rin ang balakang. Napangiti siya.
“Tinanggap ko na,” sabi niya nang pumasok si Bambi. “Pinagre-report ko bukas. Pakialalayan mo na lang.”
“Okey, sir.”
Nakaupo sa kanyang swivel chair, nakaunan ang ulo sa kanyang magkabilang palad, naiisip ni Lucas: ang napurnadang plano niyang makaulit kay Joyce, baka mangyari na ngayon. Lalo’t nasa iisang opisina sila at ito’y magiging tauhan niya.
Hindi pala ganoong kadali.
Isang linggo na itong nag-oopisina roon ay mailap pa rin kay Lucas. Bago mag-lunch, pasimpleng sasabihin niya rito, “Joyce, sumabay ka na sa ‘kin para me kasalo ‘ko sa pagkain.”
“‘W-Wag na, sir, me baon ako. Dito na lang ako sa office kakain.”
Ganoon din kapag uwian na.
“Sa’n ang way mo, Joyce, sabay ka na sa ‘kin?”
Nakabili ng segunda-manong sedan si Lucas na ginagamit niyang service pang-opisina.
“Sa Bagong Barrio, sir, sa Caloocan. Mas mapapadali’ng b’yahe ko kung mag-LRT ako. Thank you na lang, sir.”
Purnada na naman. Mandi’y sadyang nilalagyan ni Joyce ng distansiya ang pagitan nila. May katwiran naman: foreman siya nito; tauhan niya ito. At malamang din na bistado ang diskarte niya–na may binabalak siya rito. Nahayag na siguro noong pilit niyang hinihingi ang contact number ni Joyce mahigit dalawang taon na ang nakakaraan. Baka nga, hindi totoong pa-pick-up si Joyce. Baka totoo ang sabing gipit lamang noon at kailangan ng pangmatrikula.
O, baka naman gusto nito na ligawan niya: suyuin, paibiging dapat lang sa isang disenteng babae.
Ibahin kaya niya ang taktika.
Linggo ng gabi, sinorpresa niya si Joyce nang bigla siyang dumating sa boarding house. Inalam niya sa resume ang address nito sa Caloocan. Payat na babae ang nagbukas ng pinto. Ito siguro si Sheena, ang roommate.
“‘And’yan si Joyce?”
Na siya’y may dalang kahon ng rosas at imported na tsokolate, natukoy ang kanyang pakay. Ngumiti.
“Pasok ka. Upo ka muna. Tatawagin ko.”
Pumanhik ito sa mababang hagdan. “Joyce, me bisita ka!”
Maya-maya nga’y heto na si Joyce, nananaog. Napakunot-noo nang makitang siya ang naghihintay sa salas.
“Sir Lucas?”
“Hi. Good evening.“
Saka tila biglang na-conscious sa suot. Nakaabuhing sando si Joyce, na ang dunggot ng mga nipol sa manipis na tela’y palatandaang wala itong suot na bra; nakamaong na shorts.
Agad nitong pinagkrus ang magkabilang braso sa tapat ng dibdib.
“Ay! Saglit lang, sir.”
At nagmamadali uling pumanhik ng hagdan at pumasok sa kuwarto.
Ibig matawa ni Lucas.
Binalikan siya. Nakakamiseta na ngayon, may bra na; at tinabihan siya sa pagkakaupo.
Iniabot niya rito ang kahon ng rosas at tsokolate.
“O, ano ‘to? Ba’t me ganito?”
“Itinatanong pa ba ‘yan? Hindi pa ba obvious na matagal na kitang type? Noon pa. Nang una pa lang tayong magkita.”
Pinamulahan ng mukha si Joyce. Inilabas sa kahon ang rosas at sinamyo.
“‘Di ba, married ka na, sir?”
“Lucas na lang, wala naman tayo sa office. At correction, legally single ako. Oo, me naging partner ako dati at may isa kaming anak, lalaki, pero hindi kami kasal. Nagsama lang kami at hiwalay na ngayon. Kaya eligible ako.”
“E…b-ba’t naman ako…?”
Na nakasiping na niya, ibig siguro nitong sabihin.
“Sabi mo nga, gipit ka noon. Desperate times, desperate measures. Understandable naman ‘yon.”
Patuloy sa pagsamyo ng rosas si Joyce; hindi tumitingin sa kanya.
Ginagap ni Lucas ang kamay nito.
“Kung gusto mo ng ganito…tradisyunal na ligawan, ‘di ganito’ng gagawin ko. ‘Wag mo lang akong masyadong pahirapan.”
Bumaling sa kanya. “N-Nahihirapan ka ba?”
“Oo. Panay ang iwas mo sa ‘kin.”
“Hindi ko alam. Umiiwas lang kasi ‘ko sa ano…tsismis. Nasa office tayo, maraming mata. Maraming magma-Marites kung sakali.”
“‘Yun lang ba? E, kung wala tayo sa office, p’wede?”
“Hmmm. Siguro. Oo.”
“Tulad ngayon?”
“Hmmm. O-Oo.”
“Magiging regular ang pagbisita ko sa ‘yo dito…”
“Okey lang. Karapatan mo naman ‘yon.”
“Walang magagalit?”
“Wala.”
Magandang balita iyon para kay Lucas.
Nang buksan ni Joyce ang imported na tsokolate at alukin siya, nakasilip ng pag-asa si Lucas na muling magkakulay ang mapusyaw niyang buhay.









