Ni NEMESIO E. CARAVANA
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Pebrero 20, 1950)
(IKA-7 LABAS)
BUUNG-BUONG nagtining sa isipan ni Dr. Fernando Octubre ang kanyang masamang balak na patayin ang bata at kunin ang “glandula” nito at ihalili sa kanyang matanda nang “glandula”. Ngunit nagunita niyang wala naman siyang instrumentong magagamit sa maselang pagtistis. Nangislap ang mga mata ni Dr. Octubre, habang sinasalat-salat ang kanyang kulubot na pisngi. Walang anu-ano’y sumilay sa kanyang mga labi ang isang ngiting tigib ng kasiyahan. Isang magandang balak ang nangyari sa kanyang malikot na isipan, dalawin ang kanyang tahanan sa Aviles at hakutin ang mga kagamitan sa kanyang laboratoryo.
Tinawag ni Dr. Octubre ang kanyang matandang utusan at nang nasa harap na niya’y inabutan ng isang dadalawampung pisong papel, saka nangusap;
“Ibili mo ng mga kailangan ang sanggol na ito. Beberon at gatas na mamahalin upang lumakas ang katawan. Sa palagay ko’y kulang sa pagkain ang magandang sanggol.”
Uukod-ukod na tumalikod ang matandang utusan, habang nakabakas sa mukha ng dalubhasang manggagamot ang kanyang nadaramang kasiyahan. Tumayo mula sa kanyang kinauupuang mesedora si Dr. Octubre at hinay-hinay na lumapit sa luma, ngunit malaking salaming nakakabit sa dinding ng silid.
“Dr. Octubre,” ang tawag sa kanyang sarili, “hindi na malalaon at magbabalik sa iyo ang sigla ng lumipas mong kabataan. Sa iyo ko unang susubukin ang aking tuklas na pormula sa sa pagpapabata.”
At huminga nang maluwag si Dr. Octubre. Walang anu-ano’y narinig niya ang uha ng sanggol. Kumibut-kibot ang nguso ng matandang manggagamot at nilingon ang sanggol na umiiyak at gagalaw-galaw sa kama.
“Ha-ha-ha-ha-ha!” ang malutong na halakhak ng manggagamot. “Ikaw ang pagkakautangan ko ng siglang magbabalik sa aking katauhan.”
Nilapitan ni Dr. Octubre ang sanggol. Hinawakan ng dalawang kamay saka itinaas.
“Ikaw ang unang sanggol ng mga Montez,” ang wika sa mahinang tinig, ngunit maliwanag, “na nagkakautang sa akin ng buhay. Lahat nang magiging lakas mo sa haharapin ay isasalin ko sa akin. Mamamatay ka, subalit mabubuhay ka sa aking dugo, sa aking lakas at sa aking pagkatao.
Makaraan ang mahabang sandaling pagdidili-dili ni Dr. Octubre ay dumating ang matandang utusan na dala ang lahat ng mga ipinabili ng manggagamot. Noon di’y nagtimpla ng gatas na “Lactogen” si Dr. Octubre.
“Ganito,” ang wikang parang nagtuturo sa matandang utusan, “ganito ang iyong gagawin. Huwag mong palalabisin ang asukal. Kailangang lusawin mong mabuti ang pulbos na gatas sa kaunting tubig muna.”
Matapos matimpla ay inilagay sa boteng susuhan at inilagay ang tapon, saka inilagay sa bibig ng bata. Gayon na lamang ang galak ni Dr. Octubre nang mamalas niyang malakas ang pagsuso ng sanggol.
“Aalis na ako,” ang paalam ng manggagamot sa matandang utusan, “pasusuhin mo ang bata tuwing dalawang oras. Gawin mo sana ang pagtingin sa kanya, kagaya nang pagtingin mo sa akin nang musmos pa ako.
Nakangiting tumangu-tango ang matandang utusan, samantalang naririnig ang papanaog na mga yabag ng mapaghimalang manggagamot. Buung-buo sa sarili ni Dr. Octubre ang pagsasadya sa kanyang laboratoryo sa Aviles. Iniisip-isip niya kung anu-anong mga kagamitan ang kanyang kukunin sa laboratoryo.
Nag-abang ng masasakyan si Dr. Octubre sa pangulong lansangan ng San Francisco del Monte. Isang taksi ang kanyang nalulanan at napahatid siya sa daang Aviles. Habang tumatakbo ang sasakyan ay sari-saring guniguni ang naglalaro sa kanyang hinagap. Minsang mapalakas ang kanyang bulong kung nagugunita ang puting daga na kanyang unang sinubok, na gayong matanda na at gugula-gulapay ay nagawa niyang mapabata at mapalakas. Napakislot si Dr. Octubre, pagdating sa bahaging ito ng kanyang pagmuni-muni. Para bang lumakas siya at nagbalik na ang lumipas na kabataan.
“Tinamaan natin! Napatay natin!” ang wika ng nagpaputok “taluntunin natin ang guhit ng kanyang dugo at bakas.”
Nang mga sandaling natatanaw na niya ang lumang tahanang kinalalagyan ng kanyang laboratoryo ay natambad sa kanyang pangmalas ang nagtatanod na mga alagad ng batas. Sandaling nagpigil ng paghina si Dr. Octubre. Mabilis na nag-isip ng paraang dapat gawin sa pagbababa ng kanyang mga kagamitang kukunin sa laboratoryo.
“Itigil mo na,” ang utos niya sa tsuper at nagbayad.
Madaling umibis si Dr. Octubre. Pagtakbo ng taksi ay mabilis na isinubo ang talisman. Maingat na inihakbang ang kanyang mga paang papasok sa lagusang patungo sa kanyang tahanang malayo nang humigit-kumulang sa limampung metro sa pangulong lansangan. Bagama’t nabatid niyang hindi siya nakikita ng mga alagad ng batas ay kakaba-kaba pa rin ang kanyang dibdib. Nakapalapit siya hanggang sa malaking pinto nang walang sinumang nakakapuna sa kanya. Sinubok ni Dr. Octubreng itulak ang nakapinid na dahon. Matibay ang pagkakatarangka. Nakita niya ang malalaking pakuros na sagka sa labas at nakapakong mabuti. Napailing ang manggagamot. Nakalimot sa kanyang sarili si Dr. Octubre, kaya’t ang kanyang paghakbang ay lumikha ng kaluskos nang kanyang balaking patungo sa likod ng bahay at sa hagdang bakal magdaan. Gulilat na napalingon sa kanya ang dalawang alagad ng batas na nagtatanod.
“Narinig mo ba ang narinig kong kaluskos?” ang tanong ng isa sa kanyang kasama.
“Oo” ang tugon ng tinanong, “baka dumadalaw sa kanyang tahanan ang maysatagabulag na manggagamot.”
Nag-ingat sa kanyang paghakbang si Dr. Octubre. Hindi napupuna ng mga tiktik ang kanyang pagligid sa likuran ng tahanan. Ilang sandaling minasid-masid ng mahiwagang matanda ang puno ng hagdanang bakal, ng hindi kayang maabot ng kanyang kamay kahit na luksuhin. Ilang saglit na nangunot ang noo ni Dr. Octubre, ngunit pangungunot na biglang napawi nang matapunang-tanaw ang mga rehas na bakal ng bintana sa ibaba. Maliksing kumilos ang manggagamot. Umaklap siya sa mga rehas na bakal, hanggang sa maabot ang unang baytang ng hagdanang bakal. Umindayog at umalatiit ang hagdanan nang makapaglambitin na ang hindi nakikitang manggagamot. Hindi nalingid sa matalas na pandinig ng mga alagad ng batas ang malakas na alatiit ng hagdanan, kung kaya’t mabilis silang napatungo sa likod-bahay. Inabot pa nila ang pag-indayog ng hangdanan. Nagbunot ng rebolber ang mga tiktik at pinaputukan ang hagdanan. Lalong lumakas ang indayog. Patuloy naman sa pagpapaputok ang mga tiktik, ngunit ang kanilang mga punlo ay nasayang lamang, pagkat hindi nila nakikita ang patatamaan.
Di-kaginsa-ginsa ay nakita ay nakita nila at narinig ang malakas na pagkabasag ng bintanang kristal sa itaas. Napaurong nang bahagya ang mga alagad ng batas sa ibaba, nang makarinig sila ng tinig na nagsasalita:
“Huwag kayong hangal! Isang kaimbihang makilaban kayo sa akin. Pag di kayo nagtigil nang pagpapaputok ay gaganti ako at bubutasin ko ng punlo ang inyong mga bungo.
Nahintakutan ang mga tiktik. Ilang saglit na nagtigil sa pagkalabit sa gatilyo ng kanilang mga rebolber. Nasamantala naman ni Dr. Octubre ang pagpasok sa bintanang kristal sa kanyang binasag. Walang sagabal na nakarating siya sa kanyang laboratoryo. Hindi nakikilos ang kanyang mahal na mga kagamitan. Una niyang dinampot ang panistis, saka isinunod ang panturok. Habang binabalot ang mga kailangang dapat dalhin ay narinig niya ang pagdumpi sa malaking pinto sa silong. Napantaha niyang walang salang humingi ng saklolo ang dalawang tiktik na unang nakaramdam sa pagdalaw niya sa lumang bahay sa Aviles. Nagpakaingat si Dr. Octubre. Inilagay niya sa isang tataguan ang mga nabalot na kagamitan. Niyari niya sa sariling pag payapa na ang lahat ay saka tumakas.
Naghalughog sa buong tahanan ang mga tiktik. Hindi nila natagpuan si Dr. Octubre, bagama’t may nakita silang mga bakas sa tabla. Bantulot ang mga tiktik sa kanilang paghahalughog sa tahanan at paghahanap sa kalabang hindi nakikita. Nangingiti lamang ang mahiwagang manggagamot sa litong mga alagad ng batas na nag-uusig sa kanya. Madalas na kung minsa’y magkasangiang-balikat sila, ngunit parang mga bulag kung kanyang wariin.
Sumilip si Dr. Octubre sa ibaba. Natanaw niyang nakabukas ang dahon ng makapal na pinto. Tiniyak niya kung tiktik ang nagtanod sa pintuan: dalawa lamang. Nakahinga nang maluwag ang manggagamot. Maingat na dinampot ang balutan ng mga kagamitan sa pagtistis. Patiyad siya nanaog sa nangingislap na baytang ng hagdanan.
Dahil sa malabis na pananabik at kagalakan ay nalimot ni Dr. Octubre na ang kanyang dalang balutan at hindi nasasaklaw ng bisa ng kanyang may-agimat na TALISMAN. Nakarating siya hanggang sa pintuan sa ibaba nang walang sinumang nakapuna sa kanya, ngunit nang lumabas na siya sa pintuan at makalayo ng mga ilang hakbang ay narinig niya ang sigaw ng isa sa dalawang alagad ng batas.
“Tigil, kundi mo ibig na mamatay!”
Nagulumihanan si Dr. Fernando Octubre. Ipinalagay niyang nawalan na ng bisa ang kanyang Talisman. Nalimot niyang ang nakikita lamang ng mga alagad ng batas ay ang kanyang dalang balutan. Napatakbo si Dr. Octubre. Isang putok ang sumunod sa kanyang pagtakas. Narinig ng mga alagad ng batas ang daing ng mahiwagang lalaki. Nabitiwan ng manggagamot ang kanyang balutang dala. Sinugod ng mga tiktik ang balutang nahulog at muling nagpaputok. Nanlaki ang mga mata ng mga alagad ng batas, nang makita nila ang sariwang dugo sa malapit sa balutan. Hindi nakaila sa matatalas nilang pangmasid ang guhit ng mga patak ng dugo sa lupa, bukod sa dugo ay nakita rin nila ang mga bakas ng inuusig na manggagamot.
“Tinamaan natin! Napatay natin!” ang wika ng nagpaputok “taluntunin natin ang guhit ng kanyang dugo at bakas.”
Matulin ang kanilang pagtalunton, hanggang sa makarating sila sa pangulong lansangan. Nawala sa bangketa ang bakas ng kanilang inuusig. May ilang mga patak ng dugo na lamang silang nakita, ngunit mga patak ng malalayo na ang agwat.
Hindi rin nagpahinga ang mga alagad ng batas na umuusig. Ang malalayong agwat ng mga patak ng dugo’y tinalunton nila hanggang sa makarating sa Rotonda. Ang pagsusumikap ng mga alagad ng batas ay nasayang. Gayunma’y naiwan sa kanilang isipan ang katanungang: “Mabuhay pa kaya siya?”
(Itutuloy)









