Ni CARLOS Y. ROCA
Sinilim na llaw sa gitna ng landas,
Umandap na layon
Sa kalagitnaan ng aking magdamag:
Sindihan mang muli ng hiram na lakas
ng dating paghamon
pumipisik lamang at ayaw magsikiab.
Ang nilalakbay ko ay daang maliklik
na kinaligawan
ng batang adhikang inabot ng sibsib;
(Nasaan ang dulo niring pagtitiis
na makatitighaw
sa sugat ng aking pagal na daigdig?)
lbig nang ihimlay ang katawang hapo
kahit na sa labi
ng alin mang puntod niring pagkabigo;
(Kaysaklap malunod sa sariling dugo,
hirap malupagi
sa pagbabaunan ng sariling bungo!)
Malupit na tuwang di ko nasumpungan,
ngayong takipsilim
muling hahanapin sa taos na dasal:
Sa lupa, kung ikaw ay nagmailap man,
Kita’y hahanapin
Sa ibang daigdig na paglalakbayan!









