SA PAGBUBUKAS NG KLASE

“Ikaw pala ang titser dito,” nasabi ni Darding.

Ni ERNESTO L. VINTA

(Unang nailathala: LIWAYWAY, Hulyo 22, 1963)

NANG pumasok silang mag-ama sa bakuran ng paaralan ay napansin ni Darding na walang gaanong ipinagbago ang paaralan. Iyon din ang mga dating lumang gusali, ang mga dating punongkahoy na ngayon ay higit na malalaki at mayayabong kaysa noong siya’y nag-aaral pa rito.

            Inakay niya ang anak na si Willie, na ipatatala niya sa unang baitang. Nang sila’y bumungad sa pintuan ng kuwarto para sa unang baitang ay napatingin sa kanila ang naroong guro. Nakilala niya agad iyon.

            Si Elena! Siya pala ang guro sa unang baitang. Saglit na natigilan si Darding. Napansin niyang lalong gumanda ngayon si Elena.

            “Tuloy kayo,” wika ng guro.

            “I-ikaw pala ang titser dito,” nasabi ni Darding.

            Tumango si Elena. “Magpapatala ba kayo?”

            “Sana nga, e.”

            “Maupo kayo.” At itinuro ni Elena ang dalawang silyang nasa harapan ng mesa nito.

            Naupo ang mag-ama. May pumasok na bata sa loob ng kuwarto. Inilapag sa mesa ang tinapay at isang basong halo-halo.

            “Magdala ka pa ng dalawang basong halo-halo,” ang wika ni Elena sa bata.

            Pagkatalikod ng bata, iginala ni Darding ang tingin sa paligid. Natatandaan niya: sa kuwarto ring ito sila nagsimula ni Elena ng pag-aaral. Sila ang laging magkasama, magkalaro. Siya ang laging nagtatanggol kay Elena tuwing ito’y tutuksuhin ng kapwa bata. Tumanaw si Darding sa harapan ng paaralan. Nakita niya ang isang puno ng nara, at nagunita niyang sila ni Elena ang magkatuwang na nagtanim niyon. Noon ay araw ng pagdiriwang ng kahalagahan ng mga punungkahoy, at ang isang bilang sa kanilang palatuntunan ay ang pagtatanim ng nara, na siyang pambansang punungkahoy. Sila ni Elena ang pinagtanim niyon pagka’t nagkataong siya ang pangulo ng samahan ng mga nag-aaral at si Elena naman ang musa ng paaralan. Noon ay nasa ikaanim na baitang na sila. Binatilyo na siya, dalagita si Elena.

            “Natatandaan mo ba kung sino ang nagtanim niyon?” hindi napigilang pagsariwa ni Darding sa nakaraan.

            “Ikaw,” tugon ni Elena.

            Nangiti si Darding. “Ako lang ba? Hindi mo na ba isasali ang naging musa ng paaralan?”

            “Sino ‘yon?” pagmamaang-maangan ni Elena.

            “Siya ang malimit maging Reyna Elena ng Santakrusann… at saka naging mutya ng nayon ng Kaingin.”

            “Mabuti’y itala na muna natin ‘yan,” parang pag-iwas ay sabi ni Elena na ang bata ang tinutukoy. “Ano ba ang pangalan?”

            “Wilfredo.”

            “Parang pinilas sa iyo ang batang ‘yan,” ang puna ni Elena. “Si Wilfredo ba ang panganay ninyo?”

            “Iyan ang panganay at bunso. Isa lamang iyang naging anak namin.”

            “Kumusta naman ang ina ni Wilfredo?”

            “P-patay na. Isang taon na ang nakararaan.”

            Nakita niyang napakagat-labi si Elena.

            “N-nakikiramay ako.”

            “Salamat,” mahina niyang tugon.

            Nang maitala ang pangalan ng kanyang anak ay naisip nang magtagal pa sila, bagama’t nasasabik siyang makaniig si Elena.

            “Magpapaalam na kami, Elena.”

            “Sandali lang. Nagpakuha ako ng halu-halo, e.”

            “Nag-abala ka pa.”

            “Walang ano man ‘yon. Nagmamadali ba kayo?”

            “Hindi naman.”

            “Tayka, titingnan ko iyong ipinakukuha kong halu-halo.”

            Lumabas si Elena sa kuwarto. Si Darding ay tumindig, tila nangawit sa sandaling pagkakaupo.

            Magsisindi sana siya ng sigarilyo nang dumating si Elena, dala ang dalawang basong halu-halo. Ibinigay ni Elena ang isang baso kay Willie, at iniabot sa kanya ang isa.

            Hindi niya lubos na malirip ang nasa kalooban ngayon ni Elena. Ibig niyang matiyak. Matagal niyang pinangarap ang muli nilang pagkikita.

            “Kailan pa nga pala kayo dumating?” narinig niyang tanong ni Elena.

            “Kahapon lamang…” ang kanyang tugon. “Lumapag sa Maynila kahapon ang eruplanong sinakyan namin. At nagtuloy rin kami dito kinabukasan, nang umabot nga si Willie ng pagpapatala.”

SILA ni Elena’y magkababata. Sabay silang lumaki sa pook na iyon. Nang sila’y makatapos sa elementarya, siya’y iniluwas ng kanyang papa at sa Maynila pinapagpatuloy ng pag-aaral. Ginawa siyang interno sa isang kolehiyo.

            Nang siya’y bumalik sa kanilang pook ay dalaga na si Elena. Lalong tumamis ang pagtitinginan nila. At hindi nagtagal, ang matamis na pagtitinginang iyon ay nauwi sa pag-iibigan.

            Hindi niya malilimot ang huli nilang pagtatagpo ni Elena. Sila’y nakaupo sa buhanginan, sa lilim ng matatayog na punong niyog, nakaharap sa dagat. Pinanood nila ang paglubog ng araw.

            “Alam na ba sa inyo?” wika niya noon.

            “Alin?”

            “Alin pa… di ang tungkol sa ‘tin.”

            “Oo,” nakangiting tugon ni Elena. “Wala naman akong ipinaglilihim sa kanila.”

            “Wala ba namang pintas sa ‘kin?”

            “Mabait ka raw naman, e.” Ngunit biglang lumungkot ang tinig ni Elena.

            “Sa inyo nga lang ako nag-aalaala, e.”

            “Bakit?”

            “N-natatakot akong baka di pumayag ang ‘yong papa.”

            “Mahal ako ng aking papa, Elena. Wala pa ‘kong kahilingang nabigo sa kanya.”

            “E, kung sakaling di siya pumayag, ano’ng gagawin mo?”

            “Tiyak na papayag ‘yon.”

            “Pero… hanggang ngayo’y di mo pa naipagtatapat sa kanila ang tungkol sa atin?”

            “Bayaan mo’t mamayang gabi’y sasabihin ko na. Tiyak na papayag ‘yon.”

            Nang gabing iyon, nang ipagtapat niya sa kanyang papa ang tungkol sa kanila ni Elena ay biglang nanlaki ang mata niyon.

            “Si… si Elena? Leandro, kailangan ko pa bang sabihin sa ‘yo ‘to? Bakit di ka humanap ng ‘yong kauri? Nasa ‘yong lahat ang pagkakataon.”

            “U-unawain naman sana ninyo ‘ko, Papa. Iniibig ko si Elena!” ang kanyang pagtatanggol.

            “Pag-ibig…” anang kanyang papa. “Ang pag-ibig ay iniisip. Hindi basta nadama mong gusto mo ang babae, pakakasal ka na agad.”

            “Dinaramdam kong suwayin kayo, Papa. Pero sa bagay na ito’y inaakala kong kailangang ako ang magpasiya.

            “Huwag kang tonto, Leandro. Pag ipinilit mo ang kalokohan mo ay mawawalan ka ng ama. Isipin mong mabuti. Kung pakikinggan mo ako’y ibibigay ko sa ‘yo ang lahat ng iyong maibigan. Kung gusto mo’y maglibot ka sa buong daigdig upang maglibang… gagastusan kita.”

            Matagal bago siya nakapagpasiya. Isang liham ang ipinadala niya kay Elena. Ang isang bahagi niyon:

            Ang hirap pala ng pag-ibig na di magkamit-unawa ng magulang. Ngayon ko naisip na may katwiran ka ngang matakot na mabigo ang ating mga pangarap. Ngunit pilitin mong tatagan ang iyong loob. Ibinabalik ko sa iyo ang kalayaan. Sikapin mo sanang pumili ng higit na karapat-dapat kaysa akin. Sikapin mong lumigaya. Bukas  ako’y aalis. Hindi upang limutin ka, kundi upang limutin ka, kundi upang sundin ang aking papa. Ano mang kapalaran ang naghihintay sa akin ay tandaan mong lagi kitang iibigin. Paalam na, Elena… paalam.

NANG maubos ni Willie ang kinakaing haluhalo ay nagpaalam sa kanya na lalabas muna. Pinayagan naman niya. Minabuti niya iyon upang magkausap sila nang sarilinan ni Elena. Marami siyang ibig na sabihin dito, marami siyang ibig ibalita. Ibig niyang magpaliwanag. Subali’t hindi nagtagal si Willie. Iyo’y muling pumasok sa kuwarto.

            Wala siyang nagawa kundi pagmasdan si Elena. Ngunit waring wala na sa mukha niyon ang hinampo, ang sama ng loob. Hindi naman niya masabi ang ibig niyang ipaliwanag. Ayaw niyang marinig ni Willie.

            Elena, salamat at muli tayong nagkita. Kaytagal kong pinangarap ang pagkakataong ito. Unawain mo sana ako, Elena. Minamahal kita! Kung batid mo lamang na sa bawa’t sandali mula nang tayo’y magkalayo ay ikaw ang laging nas aking isip… ikaw ang laging laman ng aking gunita! A-ako’y nag-asawa sa paniwalang malilimot kita… akala ko’y kaya kong sikilin ang isang tunay na pag-ibig… Ngunit ako’y nagkamali… Lalo ka lamang napamahal sa akin… lalo lamang akong nakadama ng kirot sa aking puso.

            Ngunit hindi niya hindi niya iyang nabigkas. Ang nasabi niya: “Hindi ka na nagagalit sa ‘kin, Elena?”

            Umiling si Elena. Nakangiti ito. “Noong araw ay talagang nagalit ako sa ‘yo. Naisip kong wala kang tatag ng loob. Pero nang malaunan ay nakilala kong ano mang sugat ay napaghihilom ng panahon. Ngayon… maaaring may naiwang bakas ang sugat na iyon… pero wala na ang kirot.”

            Isang matandang babae ang dumating, may akay na isang batang babae na marahil ay tatlong taong gulang. Namukhaan ni Darding ang matanda, ang ale ni Elena. Pinagmasdan niya ang bata: kamukhang-kamukha ni Elena.

            “Ito ang babaye ko,” ang wika sa kanya ni Elena.

            May kirot na nadama sa puso si Darding. Samakatwid, may asawa na si Elena, huli na ang kanyang pagbabalik. Hindi siya nagpahalata. Kinumusta niya ang ale ni Elena. Sandali silang nag-usap.

            “Maganda ang batang ‘to,” wika niya kay Elena. “Ano ang pangalan?”

            “Lenie.”

            “Nasa’n ang daddy ni Lenie?” di niya naiwasang itanong.

            Sumulyap muna si Elena sa bata bago nagsalita.

            “P-patay na. May… mahigit nang ‘sang taon.”

            Napansin ni  Darding na waring wala na ang dalamhati sa tinig ni Elena. Nakaibis-luksa na rin ito. Pinagmasdan niya si Elena. Nakangiti at maayang kinakausap ang anak. Unti-unti, naramdamann niyang nagbalik ang naglahong kasiglahan sa kanyang puso.