Ni NEMESIO E. CARAVANA
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Mayo 8, 1950)
(IKA-18 LABAS)
MATAGAL na sandali ring nginatngat ng matutulis na ngipin ng dalamhati ang maramdaming puso ni Rodora. Hinding-hindi niya mapapayagang “magtuus” si Nanding at ang kanyang bugtong na si Ricardo. Mangyari na ang mangyayari’y gagawan niya ng paraan upang huwag magkita ang dalawa. Nalimot ni Rodorang nakadamit pambahay lamang siya nang mga sandaling yaon. Mabilis na binilang ng kanyang mga paa ang mga baytang ng kanilang hagdanan at pasigaw na tinawag ang kanilang tsuper, upang ipahanda ang awto.
Makailang sandali pa’y mabilis nang humahagunot sa mga lansangan ang kanyang dibdib, nang dumating sa may harapan ng kolehiyo ang kotseng kanyang kinalululanan, lalo na nang mamalas niyang panatag na nakatayo sa lilim ng isang akasya ang binatang pakikipagtuusan ng kanyang anak.
“Nanding…” ang tawag ni Rodorang siyang nagpalingon sa binatang panatag na nakatayo sa lilim ng puno.
Tinapunan ng tanaw ni Nanding ang lulan ng awto. Madali niyang nakilala ang ina ni Ricardo, na nakasungaw ang ulo. Maingat na lumapit si Nandingg, at…
“Ano ang maipaglilingkod ko sa inyo?” ang magalang niyang usisa sa babaing labis na kinagagaanan ng kanyang loob, bagama’t ang anak nito’y lubos niyang kinasusuklaman.
“Lumulan ka… lumulan ka rito,” ang utos na ligalig ni Rodora sa hindi nakikilalang anak. “May mahalagang bagay tayong pag-uusapan.”
Madali namang tumalima si Nanding. Nang nakalulan na ang binata’y iniutos ni Rodora sa tsuper na dalhin sila sa Boulevard. Pagkaalis na pagkaalis ng mag-inang hindi nagkakakilala ay humahangos na dumating si Ricardong lulan ng taksi, na kasama ang ilang kaibigang dinaanan pa niya upang siyang maging saksi ng kanyang pakikipagtuus na gagawin.
Hinarap ni Ricardo ang kanyang kaibigang si Pedro Alcala nang hindi makita si Nanding.
“Akala ko ba’y maghihintay siyang maaga, wika mo?”
“Hindi man niya sinasabi sa akin,” ang tugon naman ni Alcala, “ay gayon ang pag-asa ko. Ipinahihiwatig ng kanyang nagbabantang mga mata kahapon sa pakikipag-usap sa akin na aabatan ka niya.”
Isang ngiting tila nangungutya ang naglaro sa sulok ng mga labi ni Ricardo, hanggang sa…
“Hindi ako papasok, hangga’t hindi ko nakikita ang kanyang anino,” ang wika ni Carding na sinasalat-salat ang bulsang kinalalagyan ng rebolber.” Walang sinumang maaaring makapagbanta sa mga Montez!
Samantala’y….
Naging sunud-sunuran lamang si Nanding sa makapangyarihang amuki ng kanyang inang hindi nakikilala. Malaki-laki ring halaga ang nakaltas sa salaping dala ni Rodora sa ginawang pamimili ng mga kailangan ni Nanding, mailayo lamang ang binatang kinamumuhian ng kanyang anak na si Ricardo.
Nakatigil ang berlina ng mag-inang hindi nagkakakilala sa may baybayin ng matulaing Look ng Maynila. May nangingingilid na luha sa mga mata si Rodorang hinihimok si Nanding na pumayag nang mapalayo sa walang katwiran niyang anak.
“Pinakamasakit ang hinihingi ninyo sa akin, Aling Rodora,” ang malumanay na paliwanag ni Nanding sa kahilingan ng hindi nakikilala niyang ina. “Kabilin-bilinan ng aking ama-amahang namatay na si Tandang Andres, na huwag akong titigil ng pag-aaral.”
“Dinaramdam ko rin ang kahilingang iniaamuki ko sa iyo,” ang paliwanag naman ng ina. “Ngunit iyan ang paraan lamang upang maiwasan ang inyong basag-ulo.”
“Basag-ulo?” ang pamanghang sunod ni Nanding, “walang basag-ulong mangyayari sa amin. Hihingi lamang ako ng paliwanag sa kanya. Marahil naman ay hindi hahangga sa masama ang pagpapaliwanagan namin, matangi na lamang kung sa kanya manggagaling ang pagpapautang ng masakit na pangungusap. Ang lilinawain ko sa kanya’y… kung may sama siya ng loob sa akin na siyang nag-uudyok sa kanyang damdaming apihin at hamakin ako.
“Nakikilala ko ang aking anak,” ang lumuluha nang salita ni Rodora, “walang nilalang sa ibabaw ng lupang nakakakilala ng kanyang pag-uugali kundi akong ina. Isa siyang nilikhang mapusok at walang katwiran. Walang salang sasagutin ka niya nang pahalang, na hindi malayong siyang magpakulo ng iyong kalamigan. Natatakot ako, Nanding, sa magiging wakas. Aywan ko kung bakit, ni siya at ni ikaw ay hindi ko ibig na masaktan.
Ang mga pangungusap ni Rodora ay nakabagbag sa matigas na damdamin ni Nanding, kaya’t…
“O… e ano ang gusto ninyong mangyari?” ang maliwanag na salita ni Nanding.
“Ang ibig ko’y…” nalunod ang sasabihin ni Rodora.
“Ang ibig ninyo’y ano?”
“Baka lamang ako mapahiya,” ang saad ni Rodora.
“Magsalita kayo…”
“Ibig kong ipadala ka sa Bagyo,” ang wala nang alinlangang pahayag ng ina.
“Ang ibig ninyon sabihi’y pagbabakasyunin ako?” ang pamanghang wika ni Nanding.
“Maaaring ganoon na nga,” ang pakli ni Rodora, “bakasyong kasabay ng paghahanapbuhay. Ang asawa ko’y siyang may-ari ng “Montez Gold Mining” sa lalawigang Bulubundukin.”
Ang mapangaraping guniguni ni Nanding ay unti-unting inilipad ng luwalhati habang nangungusap ang inang hindi niya nakikilala. Aywan ba’t nalimot niya ang lahat: ang pag-aaral, ang sama ng loob, ang batong itim at kung anu-ano pang bagay na nakalimbag sa kanyang gunita. Talaga…. Talagang nahibang si Nanding sa sinabi ni Rodorang “bakasyong kasabay ng paghahanap-buhay. Ang totoo’y kalabisan na sa kanya ang mag-aral pa. Wala na siyang salaping magugugol; wala nang lamang kasangkapang may-hala-halaga ang lumang tahanang minana niya sa San Francisco; wala nang laman ang kanyang aparador, maliban sa mga lumang damit: at pati na mesang narang laman ng kanilang komedor ay kasama na ring naipagbili niya dahil lamang sa pagbabayad ng utang sa anak ng babaing kanyang kaharap nang mga sandaling yaon.
“Ano…. sang-ayon ka na bang magbakasyon at maghanap-buhay sa Bagyo?” ang naulinigan na namang maliwanag ni Nanding.
“Sa paanong paraan ako makararating doon?” ang nag-alinlangan pa niyang usisa.
“Madali…” ang pakli ni Rodora at binuksan ang kanyang bag at kumuha ng isang daang piso sa salansan ng mga salaping papel na dala “narito ang isang daang piso. Gagawa ako ng sulat para sa aking asawa.”
At noon di’y gumawa ng sulat si Rodora, pagkatapos na kunin ang kanyang pluma de tinta at kaputol na puting papel na hindi nakakaligtaang dalhin ng ina ni Ricardo sa “bag”.
“Ngayon di’y ihahatid kita sa paliparan,” ang wika ni Rodora, matapos gawin ang liham. “Daraan muna tayo sa Eskolta upang mamili ka ng mga kagamitang yari na angkop sa klima roon.”
Naging sunud-sunuran lamang si Nanding sa makapangyarihang amuki ng kanyang inang hindi nakikilala. Malaki-laki ring halaga ang nakaltas sa salaping dala ni Rodora sa ginawang pamimili ng mga kailangan ni Nanding, mailayo lamang ang binatang kinamumuhian ng kanyang anak na si Ricardo.
Daig pa ni Nanding ang sapupo ng mahiwagang pangarap, nang lumilipad na ang aeroplanong siyang maghahatid sa kanya sa lunsod ng mga pino. Hindi makatkat sa kanyang guniguni ang mukhang maamo ni Rodora, na hindi miminsang nagkawanggawa sa kanya. Minsang timbangin sa isip ng binata ang buti ni Rodora at ang sama ni Ricardo: mag-inang tuwas na tuwas ang pag-uugali, hanggang sa maibulong tuloy sa sarili ni Nanding ang ganito: “Sinasabi ni Tandang Andres, na ang santol ay hindi namumunga ng mabulo. Bakit iba ang bunga kaysa puno?” Isang maluwag na paghinga ang pinawalan ni Nanding sa kanyang dibdib at dinukot ang bukas na liham para kay don Ricardo Montez at tinunghan:
“Ricardo:
“Gawin mo ang iyong magagawa sa binatang maydala nito. Kailangan niya ng ating tulong. Bigyan mo siya ng gawain sa minahan, isang gawang huwag sanang mabigat. Ipinagtatapat ko sa iyong giliw na giliw ako sa kanya.”
Rodora.”
Takang-taka si Nanding nang lumunsad ang kinalulanang eroplano sa Bagyo, at salubungin siya ng isang tsuper sa paliparan.
“Kayo ba si Nanding?” ang usisa ng tsuper.
Tumango lamang ang binata.
“Ipinasusundo kayo sa akin ni Don Ricardo Montez,” ang magalang na ulit ng tsuper. “Hayan ang kanilang kotse.”
At lumulan sa pangingislap na “Cadillac” si Nanding na daig pa ang namamalikmata. Ang totoo’y umaalis pa lamang sa paliparan si Nanding ay tumawag na sa teleponong pangmalayuan si Rodora sa kanyang asawa at ibinalita ang pagdating ng binatang kanyang ipinadala.
Kinusut-kusot ng binata ang kanyang mga mata nang tumatakbo na ang awtong kinalululanan. Hindi siya nangangarap: totoong lahat ang kanyang nakikita; nasa lunsod siya ng mga pino, ng maluwalhating lunsod na nakikipaghalikan sa langit.
(Itutuloy)








